Chapter 32: I'm The One Who Suprised
Landon
Simple at kakaiba mula sa mga karaniwang sorpresa ang inihanda namin para kay Zara. Sinadya ko talagang gumising nang maaga dahil nagpumilit akong sumama kay Tito Ferdy para bumili ng cake at tatlong dilaw na lobo na nasa stick. Gusto ko kasi na ako 'yong mismong pipili kung ano 'yong hitsura ng cake.
Isa sa napagpalunuhan din namin ay magsulat sa kalsada ng 'Happy Birthday' sa tapat ng bahay niya ngunit hindi itim na panulat ang gagamitin namin para gawin iyon, kun'di, tubig. Tubig na mula sa malaking bote at may maliit na butas sa takip nito para kapag pinisil ang katawan no'n, doon na lalabas ang tubig. Sina Tito Ferdy at Kuya Cody ang naka-toka para magsulat sa kalsada gamit iyon. At, ako naman 'yong sasalubong kay Zara habang hawak ko 'yong mga binili namin kanina. Sa totoo niyan, ako ang nakaisip no'ng ideya tungkol sa tubig, para sa gano'ng paraan ay medyo makatipid kami dahil tanda ko pa rin na pinoproblema ng pamilya ko 'yong gastusin sa mga pampagamot ko.
7 AM palang pero nandito na agad kami nina Tito Ferdy at Kuya Cody sa kalsada, sa bandang tapat ng bahay niya. Paulit-ulit akong humuhugot nang malalim na hininga at sunod-sunod din ako sa paglunok ng laway, dala ng kaba. Kasalakuyan na kasing sinusundo ni Mama si Zara sa loob ng bahay nito para dalhin siya rito. Sinadya naming agahan 'yong sorpresa namin para sa kanya. Nakasuot ako ng sky blue na polo at puting short, tila nakaporma kahit hindi pa ligo.
Lumingon ako kina Tito Ferdy at Kuya Cody para panoorin muna sila kung paano sila magsulat ng 'Happy Birthday' sa kalsada habang hinihintay kong makalabas 'yong dalawa.
"Halata sa mukha mong kinakabahan ka. Huwag kang kabahan," natatawang puna sa akin ni Kuya Cody.
Napanguso ako "Kasi naman, natatakot akong baka hindi siya matuwa dito sa sorpresa natin kasi nga, 'di ba, galit pa siya sa akin."
"Matutuwa iyon. Huwag mong isipin iyon. Huwag kang kaba-Saglit." Biglang nag-iba ang ekspresyon ng mukha ni Tito Ferdy. "Ayan na yata sila." Nanglaki ang mga mata ko at agad lumingon sa pintuan ng bahay ni Zara.
Mas lalong bumilis ang kabog ng dibdib ko nang sa wakas makita ko na siyang lumabas ng bahay niya, kasunod si Mama. Diretso lamang ang mga mata ko kay Zara habang suot ang ngiti sa aking labi kahit kinakabahan talaga ako. Ngunit siya, napatigil sa hindi kalayuan sa akin habang sinusuri ang mga nakasulat sa may kalsada at napaawang ang bibig niya. Hindi ko pa nahuhuli ang tingin niya.
"Happy Birthday, Zara!" sigaw nina Tito at Kuya sa may likuran ko.
"Ha?" tanong ni Zara. Naalarma ako nang tumingin na siya sa akin. Gulat ang nababasa ko sa mukha niya. "Ano 'to, Landon?"
Mas lalong lumawak ang ngiti ko sa kanya at humakbang palapit sa kanya. "Surprise! Happy Birthday!"
Napaawang ang bibig niya at bumagsak ang balikat niya. "Landon... Sorry pero hindi ko birthday ngayon."
Sa isang iglap, napaawang din ang bibig ko. "Seryoso?" Napatingin ako kay Tito Ferdy. "Tito, akala ko po ba, birthday ni Zara ngayon?"
"Akala ko rin," sagot niya sa akin. "Sorry."
"Sa isang araw pa po 'yong birthday ko, hindi pa po ngayon." Napatingin ulit kami kay Zara.
"Luh. Paano iyan?" sambit ko. Palihim akong huminga nang malalim. "Ganito na lang. Pumikit ka, pagkatapos, bumalik ka ulit sa loob ng bahay mo at kalimutan mo na lang itong nangyari. Para hindi masayang itong surprise namin, uulitin na lang namin ito sa isang araw. At least, totoong kaarawan mo na iyon. O 'di kaya, bumalik ka na lang sa kama mo at isiping panaginip lang itong nangyayari," natatawa kong sambit sa kanya.
Kumunot ang noo niya. "Tang* ka?"
Nag-iba ang ekspresyon ng mukha ko. "Aray ko naman. Ang sakit no'n, ah." Tumingin ako kay Mama na nasa likuran lang niya. "'Ma, oh, minumura ako."
Tinawanan lang ako ni Mama.
"Biro lang, Landon. Pero sorry talaga, hindi ko pa birthday."
"Paano na 'to? Sayang 'tong surprise namin sa 'yo."
"Anong sayang? Landon, huwag kang mag-alala, na-appreciate ko naman 'yong effort niyong lahat para ihanda sa akin itong simpleng sorpresang ganito. Sa totoo niyan, kahit hindi ko talaga birthday ngayong araw, ipinaparamdam niyo talagang parte ako ng pamilya niyo. Kahit nawala kayo ng halos isang buwan, hindi niyo pa rin ako kinakalimutan. Sobra akong nagpapasalamat kasi nakilala ko kayong lahat. Isa kayo sa pinakamagandang nangyari sa buhay ko. Nagbigay ng maliwanag na kulay." Lahat kami ay natigilan sa mga sinabi ni Zara. Akala ko pagkatapos niyang magsalita, ngingiti na siya ngunit bigo pa rin kaming masilayan iyon.
Ganoon pa man, sobra kaming na-overwhelmed sa mga sinabi niya.
"Walang anuman," nakangiting sabi ni Mama at lumapit kay Zara para hawakan ang balikat nito. "Iha, parati kaming nandito sa tabihan mo, huwag kang matakot takbuhan kami sa lahat ng problema mo kapag kinakailangan."
"Salamat po," tugon naman ni Zara.
"Ehem," pasimple akong tumikhim para makuha ang atensiyon ni Zara. "Ibig sabihin ba no'n, bati na tayo?"
"Para kang sira. Bati naman talaga tayo, ah. Sadyang OA lang akong magtampo at mag-react."
Lumawak ang ngiti ko. "Hays. 'Buti naman. Akala ko, galit ka sa akin, eh. Makakatulog na rin ako nang maayos mamayang gabi," natatawa kong sabi. "O s'ya, tara na sa loob ng bahay mo, nangangalay na akong buhatin itong cake at mga lobo."
"Tara."
-
"Talaga bang hindi mo bibitawan 'yang mga lobo?" natatawa kong tanong sa kanya.
Pagkatapos naming gawing almusal 'yong cake ay dumaretso na agad kami sa Hanging Bridge. Kaya ngayon, kasalukuyan na kaming naglalakad patungo doon.
"Ayaw ko nga. Ang cute kasi, eh. Kulay dilaw. Alam na alam mo talaga kung paano kuhanin 'yong loob ko, 'no? Sa totoo niyan, galit talaga ako sa iyo kasi ang tagal mong itinago sa akin 'yong sikreto mo kaso nakakahiya namang magtaray sa harapan ng pamilya mo kanina."
Napatigil ako sa paglalakad. Malayo pa kami sa Hanging Bridge dahil kalsada pa lang ang nilalakaran namin. Hindi pa kami nakakalayo-layo sa mga bahay namin. "Seryoso? Galit ka nga?" gulat kong tanong.
Marahan siyang tumango. "Oo. Pero ayos lang, ang ganda naman nitong mga lobo, eh. Saka, naiintindihan ko rin naman kung bakit itinago mo. At oo nga pala, puwedeng huwag muna nating pag-usapan 'yong tungkol sa sakit mo? Kahit marami pa akong gustong itanong sa 'yo tungkol doon pero ayaw ko munang pag-usapan iyon muna ngayon."
"Oo naman," nakangiting tugon ko at nagpatuloy na muli sa paglalakad. Tumango lang siya sa akin.
Binalot kami ng katahimikan.
Hindi ko maiwasang magnakaw ng simpleng tingin sa kanya habang naglalakad kami, ang cute niya kasing tingnan habang hawak 'yong mga lobo. At, maliban diyan, na-miss ko ring masilayan siya. Hindi rin kasi biro 'yong halos isang buwan na hindi ko siya nakita. Na-miss ko nang sobra ang napakagandang mukha niya.
Nang bumaba ang mga paningin ko sa pulso niya, bigla akong napakunot ng noo. "Ano iyan?" gulat na tanong ko sa kanya at agad kinuha 'yong mga lobo na hawak niya para hawakan ang braso niya at tingnan nang maiigi 'yong pulso niya. Napapitlag siya sa nagawa ko. "Naglaslas ka na naman?!"
Hindi na sariwa ang mga marka ng sugat niya at malapit na ring mabahaw subalit, napansin ko pa rin iyon.
"Huy, totoo nga?" tanong ko pa sa kanya nang hindi siya tumugon.
"Sorry na." Pansin ko ang biglang pag-iwas ng tingin niya sa akin. "Pangako, hindi na mauulit."
"Talagang hindi na mauulit, babantayan na talaga kita! Sisiguraduhin ko na talaga iyon ngayon."
"Sorry talaga. Nawala ka kasi no'n, eh. Hindi ko alam kung anong gagawin ko no'ng pagkatapos akong bugbugin ni Mama. Hindi ko rin kasi na-control 'yong sarili kong gawin iyon. Natukso ako."
Sinubukan kong intindihin na lang 'yong mga sinabi niya. "Iniinom mo pa rin ba 'yong mga gamot mo?"
"Oo naman. Sa katunayan niyan, nakabili na ulit ako ng bagong gamot kasi naubos na 'yong mga binili natin noon."
"Mabuti naman. Hindi na ako papayag na maulit pa iyan sa iyo. Nakakahiya man sabihin pero ayaw kong nasasaktan ka," sabi ko. "Oh." Iniabot ko na ulit sa kanya 'yong mga lobong hinablot ko sa kanya kanina.
"Sorry talaga."
"Wala na naman ako magagawa, naglaslas ka na, eh. Ang mahalaga, malapit nang mabahaw 'yang mga sugat mo at nangako kang hindi mo na uulitin. Tara na." Nagulat siya nang bigla kong kinuha 'yong isa niyang kamay pero hinayaan niya na lang din naman ako. Ngunit, namula ko nang maramdaman kong hinigpitan niya ang hawak niya sa kamay ko.
-
Hindi ko maitago 'yong saya ko habang inililibot ko 'yong paningin ko sa buong Haging Bridge. Isa rin ito sa mga na-miss ko. Na-miss kong puntahan ito tuwing umaga at silayan 'yong buong paligid. Lalong-lalo na 'yong sariwang hangin na nalalanghap ko. Hindi katulad sa Hospital na hindi sa mismong ganitong paligid nanggagaling.
Tulad ng nakagawain, umupo kami sa paborito naming puwesto sa Hanging Bridge. Natutuwa pa rin ako sa kanya dahil hanggang ngayon, hawak-hawak pa rin niya 'yong mga lobo at walang balak bitawan.
"Na-miss ko rito!" sambit ko at itinaas ko pa 'yong mga kamay ko. "Zara, may request sana ako sa iyo bukas."
"Ano iyon?"
"Uhmm.. Kung ayos lang naman sa iyo, puwede bang mag-camping tayo rito bukas? Dito tayo magpalipas ng gabi? Puwede ba iyon?"
"Bukas na talaga? Agad?" gulat niyang tanong.
"Oo. Bukas ng gabi. Salubungin natin 'yong birthday mo. Ayaw mo no'n?"
"Gabi?!"
"Siyempre. May camping bang tanghalian?" pilosopo kong sagot.
"Uhmm.. Nakakagulat ka kasi, bigla kang nagyaya at bukas na agad. Pero... oo naman. Sige, camping tayo. Never ko pang nararanasan iyo, eh. Gusto kong subukan."
Lumawak 'yong ngiti ko. "Sabi na nga ba, hindi mo rin ako matatanggihan."
"Bakit ba gustong mong mag-camping tayo rito?" interesado niyang tanong.
"Sasabihin ko ba talaga kung bakit?"
"Oo. Nagtatanong ako, eh." Mariing ako napatawa, mukhang bumabawi siya sa pagpilosopo ko sa kanya kanina.
"Uhmm.. Ganito iyan, gusto ko lang gawin 'yong isa sa mga bucket list ko."
Bumilog ang bibig nito. "Ow."
Nagpatuloy ako sa pagsasalita. "Kaya dahil pumayag ka, bigla akong na-excite at gusto ko nang magbukas. Solo kita buong magdamag."
Sandali ulit kaming natahimik dal'wa.
"May request din sana ako sa iyo," sambit nito habang diretso ang tingin sa akin.
"Ano iyon?"
"Puwede ko bang makita 'yong ulo mo nang wala kang suot na beanie? Puwedeng paalis niyan?"
Sandaling napaawang ang bibig ko pero bahagya rin akong natawa. "A-ayaw ko nga. Hindi ko gagawin iyon."
"Kapag hindi ka pumayag, hindi natin gagawin 'yong request mo sa akin bukas."
"Seryoso ka ba talaga? Nakakahiya, eh."
"Landon, ako lang 'to. Si Zara. Ngayon ka pa nahiya?"
"Zara... Huwag na lang. Please?"
"Dali na!"
"Zara naman, eh."
Sumimangot siya. "Gusto ko lang naman makita. Kahit ngayon lang, makita ko lang iyan, hindi na ako mangungulit sa iyo kahit kailan na ipakita ulit iyan sa akin."
Huminga ako nang malalim. Nag-aalinglangan pa 'kong dinahan-dahan tanggalin 'yong suot kong beanie. Mariin akong napapikit para hindi ko makita kung ano man ang magiging reaksyon niya. Aaminin ko, handa na naman akong ipakita ito sa kanya kasi nasabi ko na rin naman 'yong tungkol sa sakit ko sa kanya kaso ang problema nga lang, hindi ko pa rin maiwasang mahiya.
Siguro, hindi naman ito tatawa dahil ngiti nga, hindi niya magawa. Tawa pa kaya?
"Ayan na. Buwiset ka, Zara. Nahihiya ako."
"Gano'n pa rin," komento nito. Napakunot ang noo ko at imunulat ang mga mata ko.
"Anong gano'n pa rin?"
Nakatitig siya sa akin.
"Guwapo ka pa rin."
-------