Kabanata 34- Pagbabalik
Marcus' POV
"Kuya kuya, gising na po" nakarinig ako ng isang boses ng isang bata habang nararamdaman kong may umaalog sa akin.
Unti unti akong dumilat at nakita si Thalia na biglang ngumiti nang makita niyang dumilat na ako.
"Magandang umaga po, kuya! Kakain na raw po ng umagahan" masiglang sabi ni Thalia. Ngumiti naman ako bago sumagot.
"Sige susunod nalang ako" sagot ko. Tumango naman siya at nagtatatalon pang umalis.
Nakakahawa tuloy yung kasiyahan ni Thalia, bakit ba ang saya saya nung batang iyon ngayon? Bumangon na ako at naghikab pa. Ngunit napatigil ako nang may naalala.
SI ELLA! NAIWANAN KO NA NAMAN SIYA!
Napahilamos ako ng aking kamay at napatulala ng ilang minuto. Pano na 'to? Paano ba ko nakabalik ulit dito sa panahon ng mga amerikano? Hindi ko naman panahon ito! Pero pangalawang beses ko na ito ngayong nakabalik dito. Paano ba ko nakabalik noon sa kasalukuyan? Wala akong matandaan!
Napalingon ako sa labas nang may narinig akong hiyawan. Tumayo na ako at sinundan kung saan nanggagaling ang ingay. Pagkarating ko sa likod ng bahay, naroon sila Thalia at ang kaniyang ama na nagsisiyahan kasama ang ibang mga tao. Sa pagkakatanda ko ay Ernesto ang pangalan ng ama ni Thalia. Hindi ko kilala yung ibang mga kasama nila sapagkat hindi naman ako tagarito.
"Kuya Marcus!" Sigaw ni Thalia nang makita ako. Dali dali siyang tumakbo papalapit sakin at hinila ako papunta sa hapagkainan.
"Anong meron? Bakit nagkakasiyahan kayo?" Tanong ko.
"Kaarawan po kasi ni Lola Pilar kaya nagkaroon kami ng maliit na pagdiriwang" sagot ni Thalia. Napatango tango naman ako.
"Nasaan si Lola Pilar?" Tanong ko habang nakuha ng pagkain.
"Nasa simbahan pa po" magalang nitong sagot.
"Ahh. Nakakain ka na ba?" Tanong ko pagkatapos ko kumuha ng pagkain.
"Opo, ako po pala nagluto ng mga iyan" sagot niya. Nabigla naman ako at napangiti. 'Kay sipag na bata!
"Ang galing galing mo naman! Siguradong masarap itong mga pagkain" puri ko. Mas lalo namang lumawak yung ngiti niya.
"Maraming salamat po!" Sagot nito. Napangiti naman ako at ginulo ang buhok niya. Naaalala ko tuloy sa kanya si Mark, nakakamiss ang batang iyon.
"Sige na, iniintay ka na roon ng mga kalaro mo" sabi ko at tinuro yung mga batang naglalaro sa hindi kalayuan.
"Sige po, mamaya nalang po ulit!" Masigla nitong sabi at tumakbo na pabalik sa mga kalaro niya kanina.
Umupo naman ako roon sa may silong sa ilalim ng puno. Pinapanood ko yung mga lalaki at babae na nagkakasiyahan. Naggigitara yung isang lalaki samantalang yung iba naman ay naghahampas ng kung ano para makadagdag sa indayog ng tunog. Yung mga babae naman ay masayang nagsasayaw at sinusundan ang indayog ng musika.
Nagtagal yung tingin ko sa isang babae na kasama sa mga nagsasayaw, kamukha ni Ate Rosa!
Oo nga pala, nasaan na kaya ang pamilya ko? Buhay pa ba sila sa panahong ito? Nawala sila sa isip ko sapagkat ilang buwan din akong tumira sa kasalukuyan nang wala sila. Ang huling tanda ko noong nasa tamang panahon pa ako, babalik si Ate Rosa sa Maynila upang makipagayos sa aking ama at ina. Pasko iyon, hiniling ko iyon kay Ate Rosa dahil gusto kong makumpleto ulit kami. Sasamahan ko sana siya sa Maynila ngunit bigla akong napunta sa kasalukuyang panahon.
"Mukhang may lihim kang pagtingin kay Mariposa ah" napabalik ako sa realidad nang may nagsalita sa tabi ko, si Mang Ernesto pala.
Umiling naman ako at napabalik yung tingin sa tinawag niyang Mariposa, nakangiti na pala siya sa akin.
"Normal lamang ang humanga kaya wag mo nang ipagkaila. Maganda at mabait naman iyan si Mariposa, inaanak ko iyan" sabi ni Mang Ernesto at umupo sa tabihan ko.
"Hindi po talaga, may ibang tinitibok ang aking puso" sagot ko at malungkot na ngumiti.
"Oh? Nasaan siya?" Tanong niya. Nagalinlangan naman agad akong sumagot.
"Nasa malayong lugar po" sagot ko at napakamot sa batok.
"Aba'y mahirap din pala ang sitwasyon niyo. Mahirap pa naman malayo sa iyong minamahal. Maraming tukso sa paligid" biro ni Mang Ernesto at tumawa kaya napatawa nalang din ako.
"Pero kahit anong pong mangyari, hindi siya mawawala sa puso ko. Siya lamang po talaga ang tinitibok nito at wala ng iba" seryoso kong sagot kaya napatango tango siya.
"Naaalala ko sayo ang aking kabataan noon. Ganyan na ganyan din ako noong umiibig ako sa ina ni Thalia. Isa kasi siyang kastila samantalang isa akong Indio lamang kaya pinagbabawalan ang pagiibigan namin. Hindi pabor sa akin ang pamilya ni Thalia, ngunit hindi iyon naging hadlang para matigil ang pagmamahalan naming dalawa. Kahit mali, nagtanan kaming dalawa at nagpakalayo layo rito sa Maynila kaya napunta kami roon sa probinsya" kwento ni Mang Ernesto.
"Paano po ang pamilya niyo?" Tanong ko.
"Bata pa lamang ako ay ulila na ako. Tinatanggap ko kahit anong trabaho para lamang mabuhay ko yung sarili ko" sagot ni Mang Ernesto kaya napatango tango naman ako. Isa palang huwaran si Mang Ernesto.
"Nagawa ko namang buhayin ang magina ko. Mahirap pero namuhay kaming tahimik at puno ng pagmamahal. Hanggang sa dumating ang mga Amerikano at naglaho na siya ng parang bula" malungkot pa nitong saad.
"Hanggang ngayon po ba ay wala parin kayong balita?" Tanong ko. Umiling naman agad siya.
"Ang totoo niyan, sumali ako sa kilusan kontra mga Amerikano upang mapaghiganti ang aking asawa. Isa ako sa mga tauhan ni Heneral Luna" pagamin niya na ikinagulat ko.
Noong nasa kasalukuyan pa lamang ako, nakita ko na ang palabas na iyon ngunit hindi ko pinanood.
"Kung ganoon, bakit niyo po sinasabi sa akin ang bagay na ito?" Tanong ko.
"Dahil alam kong mapagkakatiwalaan kita. Kahit kahapon lamang kita nakilala, alam kong isa ka sa amin na naghahangad din ng kalayaan ng bansa. Nakikita kong may busilak kang puso, iho" sagot nito at ngumiti. Hindi ko naman alam ang isasagot. Hindi ko alam na iyon ang nakikita niya sa akin.
"Maraming salamat po" sagot ko nalang at ngumiti. Tinapik niya naman ako sa balikat.
"Ang totoo niyan, gusto ko rin humingi sa iyo ng pabor" sabi niya kaya napakunot yung noo ko.
"Ano ho iyon?" Tanong ko.
"Maaari sanang bantayan mo muna ang anak kong si Thalia dahil pupunta ako ngayon kina Heneral Luna upang magbigay balita. Baka makabalik ako mamayang gabi" sabi nito.
"Sige ho, magpaalam muna po kayo kay Thalia bago kayo umalis" sabi ko. Napatango tango naman siya at muling tinapik yung balikat ko bago tumayo.
Lumapit na siya kay Thalia na naglalaro sa hindi kalayuan. Tumayo naman ako upang iligpit na ang pinagkainan ko, ngunit may humarang sa akin.
"A-Ako na" sabi nito at kinuha yung pinagkainan ko. Ngumiti naman muna siya at tumalikod na para pumasok na sa loob ng bahay.
Si Mariposa. Nagulat ako kaya hindi na ako nakatanggi na kunin niya yung pinagkainan ko, nakakahiya naman. Pero mas nakakahiya kung ngayon ko lamang siya hahabulin, hindi ba?
Napalingon na lamang ako kina Mang Ernesto at Thalia upang lapitan sila. Nakaluhod sa harapan ni Thalia si Mang Ernesto para magkasinglebel sila.
"Magiingat po kayo, itay. Hihintayin ko po kayo" malungkot na sabi ni Thalia.
"Huwag ka na malungkot, babalik ang itay. Anong gusto mong pasalubong?" Tanong ni Mang Ernesto.
"Makabalik lamang po kayo ng ligtas ayos na sa akin" sagot naman ni Thalia at ngumiti. Napakabait talaga nitong batang ito. Inosente at mabait.
"Oo naman, babalikan kita. Hindi pwedeng hindi ko babalikan ang nagiisang prinsesa ko" sabi naman ni Mang Ernesto at niyakap na si Thalia. Pagkatapos ay tumayo na siya mula sa pagkakaluhod.
"Ikaw na muna ang bahala sa anak ko, maraming salamat. Tatanawin ko itong isang napakalaking utang na loob" sabi ni Mang Ernesto sa akin. Ngumiti naman ako upang maging magaan ang paligid.
"Ayos lamang po. Magiingat po kayo" paalam ko sa kanya. Pagkatapos ay pumasok siya sa loob ng bahay upang magdala ng ilang gamit na gagamitin niya. Umalis din agad siya pagkatapos para raw maaga siya makauwi.
Umupo naman ulit ako sa ilalim ng puno para bantayan si Thalia na naglalaro at para na rin magpahangin. Ngunit napansin kong parang nawala yung sigla niya kanina. Bigla siyang lumingon sa akin kaya ngumiti ako sa kanya pero hindi siya ngumiti pabalik. Iniwan niya lamang yung mga kalaro niya at naglakad papunta sa akin.
"Ayos ka lamang ba?" Tanong ko. Umiling naman siya at tumabi sa akin.
"Simula po noong nawala si Inay, ayoko ng nagkakahiwalay kami ni Itay. Natatakot po ulit kasi akong maulit yung nangyari. Ngayon lamang po yung unang beses na pinayagan ko si Itay na umalis nang hindi ako kasama" kwento ni Thalia at naghalumbaba.
Ibig sabihin ba ay alam niyang kasapi ang kanyang ama sa grupo ni Heneral Luna?
"Naiintindihan ko. Pero huwag ka nang mangamba, hindi ba nangako ang tatay mo sa iyo na babalik siya? Mahal na mahal ka niya kaya hindi ka niya iiwan" sabi ko. Ngumiti naman siya ng malungkot.
"Halika, gusto mo ba sumama sa akin? Binabalak ko kasi na balikan yung tirahan namin noon. Dito lamang din iyon sa Maynila" yaya ko sa kanya, nagbabakasakaling maaliw siya kahit papaano.
"Sige po! Hindi pa po ako nakakapasyal dito sa Maynila" sagot ni Thalia na medyo sumigla na ulit. Ngumiti naman ako at tumango.
"Mukhang hihiram tayo ng kabayo" sabi ko at tumayo na.
"May kakilala po ako!" Sagot agad nito at hinila na ako papunta kung saan.
Tumigil kami sa tapat ng isang maliit na bahay sa hindi kalayuan. Sa likod ng bahay nila ay nakita ko na agad ang itim na kabayo na mukhang alagang alaga nila.
"Si Mang Narding po ang mayari niyan. Sa kanya na lamang po kayo magpaalam, mabait naman po siya" sabi ni Thalia at tinuro na ako papasok ng bahay.
"Oh? Hindi ka susunod?" Tanong ko dahil umupo lamang siya sa upuan sa labas pagkatapos niya ko ipasok sa loob ng bahay.
"Dito na lamang po ako" sagot ni Thalia.
Thalia's POV
Tumuloy na si kuya Marcus sa loob ng bahay nila Mang Narding habang naririto ako naghihintay at nakaupo. Ayokong pumasok sa loob dahil baka naroon si Ate Mariposa. Ayoko kasi sa kanya, akala mo kung sinong mabait. Pero ang totoo, may tinatago siyang kalandian at katarayan. Simula noon pa, hindi na maganda yung trato niya sakin. Lagi niya akong inuutos utusan tapos kapag hindi ko siya sinunod, sinasaktan niya ako.
"Bakit ka naririto sa aming pamamahay?" Napalingon ako sa kaliwa ko nang may nagsalita. Sinasabi ko na nga ba, si Ate Mariposa!
"May sinamahan lamang po na kaibigan" sagot ko at tumayo sabay tingin sa loob ng bahay nila. Nakita ko kaninang palihim niyang nilalandi si Kuya Marcus! Hindi ako makakapayag na mapupunta lamang sa isang babaeng kagaya niya si Kuya Marcus.
"At sino namang kaibigan iyon ha? May lakas ng loob ka pa talagang magsama ng kaibigan dito sa pamamahay namin!" Sabi nito at tinulak ako sa kanang braso ko. Muntikan na akong mahulog kung hindi lamang ako nakahawak sa upuan!
Tumingin na lamang ako sa lupa at hindi na nagsalita kahit gustong gusto kong sumbatan siya. Hindi tama ang ginagawa niya sa akin pero sabi ni Itay, huwag na lamang daw akong pumatol sa mga taong katulad niya dahil ako ang mas nasa tamang pagiisip kaya ako na lamang daw ang umintindi.
"Wala ka talagang kwenta! Umalis ka na nga rito, ayokong makita yung pagmumukha mo! Nasisira ang araw ako" sabi pa nito at tinuro yung palabas ng bahay nila.
Susunod na sana ako sa sinabi niya kaso biglang lumabas si Kuya Marcus at si Mang Narding sa pintuan.
"Oh, mariposa. Inaaaway mo na naman si Thalia. Nakakahiya sa bisita" sabi ni Mang Narding. Naestatwa naman agad si Ate Mariposa nang makita niya si Kuya Marcus na masama ang tingin sa kanya.
"Thalia, halika na" tawag sakin ni Kuya Marcus. Nakangiti naman akong lumapit sa kanya.
Ayokong maging pilyo ngunit masaya akong napahiya si Ate Mariposa. Dapat lamang iyon sa kanya! Hindi na siya makakalandi pa kay Kuya Marcus dahil panigurado, sira na yung pagkatao niya kay Kuya Marcus.
Nakalayo na kami ni Kuya Marcus dahil pumunta na kami sa may bakuran ng bahay nila para kuhanin ang kabayo. Buti na lamang ay hindi na nagtangka pa si Ate Mariposa na habulin kami. Nakita ko na lamang siyang sinamaan ako ng tingin noong papalayo na kami sa kanya.
Hinanda na ni Kuya Marcus ang kabayo. Pagkatapos ay inalalayan niya muna akong makasakay bago siya sumakay. Nasa likuran ko siya habang ako naman ang nasa harapan. Hindi lamang maginoo si Kuya Marcus, gwapo at napakabait pa! Paglaki ko, gusto ko maging katulad niya ang aking magiging kasintahan.