Mataas na ang araw pagmulat ng mga mata ko kinabukasan. Nagtaka pa ako kung bakit hindi ako ginising ng pangungulit ni Imaran. Naalala ko iyong nangyari kahapon kaya muling sinakop ng matinding lungkot ang damdamin ko.
Lumingon ako sa katabing papag. Wala na roon si Diego. Kahit mabigat ang katawan ay pinilit kong bumangon. Umupo muna ako sa gilid ng papag at noon ko napansin ang ilang gamit sa mesa. Inayos niya pa talaga iyon bago siya umalis.
Sinimulan kong linisin ang sugat bago ko nilagyan ng gamot. Binalot ko na rin ang paa ko gamit ang gasang inihanda ni Diego. Buong ingat na pumunta ako sa kabinet. Kumuha ako ng pantalon at kamiseta. Dinampot ko na rin iyong bota na inilagay ni Diego sa sulok ng silid. Lumabas ako pagkatapos magbihis at dumiretso sa kusina. May lutong pagkain na rin doon.
Bakit kaya siya marunong ng gawaing bahay? Mayaman siya at kabi-kabila ang katulong nila. Dahil kaya iyon sa pagtira niya sa ibang bansa?
Habang kumakain ay nag-iisip ako kung paano ako makakabawi sa mga kabutihang ginawa niya. Bitbit ang isang tasa ng kape, tumayo ako sa nakabukas na bintana. Muntik ko nang maibuga ang kapeng iniinom nang makita ko si Diego sa labas. Nagdidilig siya ng mga pananim!
Hubad ang itaas na bahagi ng katawan niya. Suot-suot niya sa ulo ang kaniyang sombrero. Lumingon siya sa direksyon nitong bahay, parang naramdaman niya na may nakatingin sa kaniya. Makaraan ang ilang sandali, nakita ko siyang pabalik na rito sa bahay. Animo'y tuod ako na hindi makakilos kaya nadatnan niya akong nakatayo pa rin sa tabi ng bintana.
Lumiit ang mga mata niya pagkakita sa akin. "P'wede na bang ilakad 'yang mga paa mo?"
"Marami akong dapat gawin," depensa ko.
"Mas kailangan mong ipahinga 'yan. Kaya nga ginawa ko na 'yong ibang trabaho mo." Isinabit niya iyong sombrero at saka siya lumapit sa akin.
Napalunok ako. Ilang dipa lang ang layo niya kaya kitang-kita ko ang maskulado niyang dibdib. Kumikinang pa iyon dahil sa pawis. Ibinaling ko ang mata sa mukha niya at nahuli kong nakatitig din siya sa dibdib ko!
Nagtama ang mga mata namin. Uminit bigla ang pakiramdam ko. Sa tingin ko, ganoon din siya. Napansin ko na nagbago ang kulay ng mukha niya, parang namula.
Doon ko lang napagtanto ang maaaring nakita niya. Wala akong suot na bra. Nasira na lahat kaya itinapon ko. Ito namang manilaw-nilaw na kamiseta ko, katulad ng suot kong pantalon, ay hapit pa. Dati ay maluwag ito pero tumangkad ako, lumaki ang dibdib at medyo lumapad ang balakang ko.
Gusto kong takpan ng kamay ang dibdib ko ngunit mas lalong matatawag niyon ang atensyon niya. Umakto na lang ako nang normal. "Hindi mo kailangang gawin 'yon, pero salamat."
"Maliit na bagay lang 'yon."
"Akala ko, nakaalis ka na."
"Nang hindi nagpapaalam?"
"Bakit hindi?"
"Well, mali ka. Hindi ako gano'ng klaseng tao." Dumiretso siya sa banyo pagkasabi niyon. Kinuha ang nilabhang kamiseta at isinuot iyon habang naglalakad. "Aalis na ako. Baka nagkakagulo na sa bahay."
Mabilis na tiningnan ko ang dibdib ko habang nagbibihis siya. Halos tumirik ang mata ko sa nakita. Bakat na bakat ang pinakatuktok ng dibdib ko!
"Tiyak na mapapagalitan ka dahil 'di ka umuwi nang walang pasabi," kunyari ay balewalang saad ko.
"Sanay na akong mapagalitan," may langkap na pait na sabi niya. "Kaya mo na bang mag-isa lang dito?"
"Oo naman." May pagpipilian pa ba ako?
"Ba't 'di ka sumama sa akin? Do'n ka sa hacienda tumira."
"Ano, bigla na lang akong susulpot do'n? 'Di ba magtataka ang mga kasama mo?"
"Madali nang gawan ng paraan 'yon. Palabasin natin na kamag-anak ka ni Nana Rosa. S'ya 'yong nag-alaga sa akin no'ng bata pa ako."
Sunod-sunod na umiling ako. "Nasa panggagamot ang buhay ko. 'Di ko kayang talikuran 'yon!"
"I'm afraid you'll say that." Inilagay niya ang mga kamay sa baywang niya. Buti na lang, pinanatili niyang nakatutok ang mata sa mukha ko. "Ibibigay ko sa 'yo 'yong isang baril na nakuha ko kahapon. Kailangan mo 'yon, lalo't nag-iisa ka."
"Walang k'wenta 'yon dahil 'di ako marunong gumamit n'yon."
"Tuturuan kita," giit niya.
Pumasok siya sa kuwarto. Doon niya itinago ang mga baril, sa ilalim ng kama. Sinamantala ko na rin ang pagkakataon, sumunod ako sa kaniya at kumuha ng itim na kamisetang minana ko pa kay Lola. Walang manggas iyon at dahil sa ilang beses nalabhan, lumuwag iyon at numipis. Puwede na sigurong panakip iyon.
Napansin niya iyong ipinatong kong kamiseta noong humarap siya sa akin. Pasimpleng dumaan sa dibdib ko iyong tingin niya bago siya sumenyas na umupo ako. Itinuro niya kung paano maglagay at magtanggal ng bala, paanong buksan at sarhan ang aksyon nito, at pati na rin ang tamang pagkalabit ng gatilyo.
"Ikaw naman." Iniabot niya sa akin iyong baril. "Iba 'yong tinitingnan mo lang at iba rin kung ikaw na ang gagawa."
Ngumiwi ako. Ayaw kong hawakan iyon, baka iyon ang nakapatay kay Imaran. Naunawaan ni Diego ang gumuhit na disgusto sa mukha ko.
"Wala tayong ibang pagpipilian. Hindi p'wede 'yong sa akin. Malaki 'yon, baka mahirapan ka!" Sandali siyang natigilan na para bang may mali sa sinabi niya. "Isipin mo na lang na para 'to sa kaligtasan mo."
Alanganing kinuha ko iyon. Madali kong natutunan iyong mga itinuro ni Diego. Tumayo siya at tinanong ako kung kaya kong mag-ensayo ng paggamit ng baril sa labas. Kumuha siya ng bote at sinabing iyon daw ang susubukan kong tamaan.
Pumunta kami sa likod-bahay. Pinatayo niya iyong tatlong bote sa 'di kalayuan. Saka siya bumalik sa tabi ko. May kaniya-kaniya kaming hawak na mahabang baril at pinakita niya iyong tamang tindig sa pagpapaputok niyon.
"Dalawa ang karaniwang tindig. Ito 'yong isa." Nakaharap sa direksyon ng tatamaang bote iyong kaliwang balikat niya, nasa unahan din ang kaliwang paa. "Mas maasinta mo 'yong target mo 'pag ganito."
"Mukhang pareho lang pala 'pag pana ang gamit mo. Marunong akong gumamit n'yon."
Tumingin siya sa akin. "Pero mas mabilis ang baril." Umiba siya ng tindig. Tumayo siya na magkahiwalay ang paa. Mga anim na pulgadang nasa likod ng kaliwa ang kanang paa. "Mas balanse ang ganitong tindig at mas maganda 'to kapag gumagalaw ang target mo."
Pinagmasdan ko siyang mabuti. Hindi dahil sa gusto kong matuto kung 'di masarap lang talaga siyang panoorin. Ang ganda kasi ng katawan niya, malaki na, mukhang matigas pa.
Napalundag ako sa nakabibinging ingay nang biglang pumutok iyong baril. Tinamaan niya iyong isang bote!
Lumingon siya sa akin. "Nakuha mo ba 'yong turo ko?"
"Ha? Ah... e... O-oo. Nakuha ko!" Tumango pa ako kahit hindi ko alam kung ano iyon.
"Good! Sige, ikaw naman." Tumayo siya sa bandang likod ko.
Inasinta ko iyong isang bote at kinalabit ang gatilyo.
"Tek - " babala ni Diego.
Pero huli na dahil pumutok na iyong baril at hindi ko napaghandaan ang pagsalpok niyon sa balikat ko. Nabitawan ko iyon at napaatras ako. Tumama ang likod ko sa dibdib ni Diego. Pumulupot iyong braso niya sa akin at huminto iyong kamay niya sa ibabaw ng dibdib ko.
Kakaiba iyong naramdaman ko. May dumaloy sa katawan ko na mahirap ipaliwanag. Akala ko nga huminto ang pag-inog ng mundo dahil pareho kaming nanigas. Narinig ko ang mahinang ungol niya na para bang may masakit sa kaniya. Halos sabay kaming kumalas sa isa't isa.
"Nasaktan ka ba?" tanong niya. Hindi siya makatingin sa akin.
Umiling ako. "Nagulat lang talaga ako."
"Alam mong mali sa ginawa mo?"
"H-hindi."
"Hindi ka ga'nong bumukaka." Pumikit at humugot siya ng malalim na hininga. "I mean - "
"May masakit ba sa 'yo? Baka may maitulong ako?" May narinig uli akong mahinang ungol mula sa lalamunan niya.
"Wala! Walang masakit sa akin!" Medyo lumakas ang boses niya.
Nagtatakang tinitigan ko siya. May kakatwa talaga sa ikinikilos niya. Dinampot niya iyong nabitiwan kong baril at iniabot sa akin.
"Subukan uli natin," utos niya.
"Sige, pero 'yong unang tinuro mo na lang ang susundin ko. Mas sanay ako ro'n."
"Mabuti pa nga," sang-ayon niya. "Pero h'wag mo munang kalabitin 'yong gatilyo, okay?"
"Sinabi mo, eh."
Ginaya ko iyong tindig niya kanina. Sinuri niyang mabuti ang bawat anggulo ng porma ko. Kamay. Braso. Balikat. Paa. Binti. Hita. Lahat na! Kaya naman, gitli-gitling pawis ang namuo sa noo ko. Hindi ko maunawaan, pero para akong kinikiliti habang pinagmamasdan niya!
Inayos niya iyong kamay ko na nakahawak sa kalagitnaan ng baril. Tiningnan niya rin iyong kabilang kamay, ibinaba nang kaunti iyong siko ko at kung ano-ano pa, hanggang sa sumenyas siya na puwede ko nang kalabitin iyong gatilyo.
Mas handa na ako ngayon. Hindi ko tinamaan iyong bote, pero nanatiling hawak ko pa rin iyong baril. Masayang humarap ako kay Diego.
"P'wede na ba?"
Ngumiti siya. "Kahit 'di mo tinamaan, p'wede na."
Nakailang subok pa ako. Lahat pumalya. Pero iyong pinakahuling tira ko, malapit-lapit sa pinupuntirya ko.
Hinagod ng hintuturo ni Diego ang baba niya. "Not bad. Kung malaki 'yong target mo siguradong tatamaan mo na 'yon."
Ang simpleng papuri niya ay nagpasaya sa akin. Bumalik kami sa bahay pero hindi na pumasok si Diego. Nag-aalangang nagpaalam siya at inalok uli ako na sumama sa kaniya pero tinanggihan ko. Susubaybayan ko pa sana hanggang sa mawala siya sa paningin ko. Ang kaso, baka naman magmukha ako nitong kawawa.
Nakabibingi ang katahimikang sumalubong sa akin sa loob ng bahay. Talagang nag-iisa na lang ako. Pinatatag ko na lang ang aking kalooban. Walang mabuting idudulot kung hahayaan kong igupo ako ng mga pagsubok sa buhay.