Saan Kami Pupunta?

By ruerukun

253K 4.7K 1.7K

Alas syete ng umaga, sa may Avenida, Maynila... Pakapal nang pakapal ang di-pangkaraniwang hamog na bumalo... More

Preface
Season 1: El Vacío
Kabanata I : Kami
Kabanata II : Unang Araw (2/2)
Kabanata III : Avenida (1/3)
Kabanata III : Avenida (2/3)
Kabanata III : Avenida (3/3)
Kabanata IV : Hintay (1/3)
Kabanata IV : Hintay (2/3)
Kabanata IV : Hintay (3/3)
Kabanata V : Ang Unang Patak ng Ulan (1/2)
Kabanata V : Ang Unang Patak ng Ulan (2/2)
Kabanata VI : Liwanag at Dilim
Author's Message
Kabanata VII : Saklolo (1/2)
Kabanata VII : Saklolo (2/2)
Liwanag ng Buwan
Season 2: Rigor Mortis

Kabanata II : Unang Araw (1/2)

17K 297 59
By ruerukun

Muli kong nasabi sa sarili ko na wala nang mas liliwanag pa sa ilaw ng isang 24/7 na tindahan gaya nitong 7-eleven. Lahat ng flourescent lamp sa kisame ay bukas maliban sa isang nasa dulo na kumukurap-kurap. Nasira siguro kanina nung biglang balik ng kuryente. Wala nang mas liliwanag pa, lalo't itong mga ilaw na lamang na 'to ang nagsasabing kaming walo ay buhay pa....

May kalakihan din itong convenience store. Tantya ko ay may 150 sq. meters. Mas malaki kesa sa karaniwan. Parte ito ng lumang 3 storey building pero sadyang hiniwalay sa iba pang bahagi ng gusali. Maayos ang tindahan. Kumpleto sa tinda. Puno ang lahat ng istante. Nangaanyaya ang mga sitsiryang damputin at kainin. Bago rin ang mga nakabalot na tinapay -ensaymada, puto monay etc. may mg sabon, sipilyo, mga de lata at kung anu ano pa. Kaaya-aya maliban lang sa nakakalat na mga magazine sa sahig at ang stand nito. Bumagsak dahil nasagi panigurado ng mga nagsitakbuhan kanina. May pitong bilog na mabababang upuan ang isang pahabang lamesang nakaharap sa salamin. May tatlong pang maliliit na lamesang parisukat sa gitna na kayang umokupa ng labindalawa. Malamig ang buga ng aircon. Ideal ang ganitong setup ng tindahang nasa isang commercial area.

Pinagmasdan kong muli ang paligid. Sinipat ko ang lahat ng kasama kong naiwan dito sa loob. Nakaupo pa rin sa sulok at iyak ng iyak ang isa sa dalawang babaeng naiwan. Humahagulgol at yakap yakap ang sliced bread na binibili nya kanina. Nakasandal sa isa sa mga round chair sa ilalim ng lamesang kainan. Nakatalukbong ang buhok nya sa kanyang mukha. Yung isang lalaking long-haired naman ay nakaupo sa sahig at nakasandal sa isa sa mga istante. Nasulyapan kong binubuksan nito ang kaha ng marlborong di nya mabitaw bitawan. Kumuha ng isang stick at sinindihan. Isang mahabang higop ng usok ang nagpatigil sa panginginig ng kanyang mga kamay. Sa kabilang dako naman ay nakita kong magkayakap ang mag-ina, karga sa kanyang mga hita ang anak na tantya ko ay nasa sampung taon. Nakataas pa rin ang cellphone sa kanyang tenga at malamang ay nagbabakasakaling makatawag sa pamilya.

Sa bandang cashier ay naroon naman yung gwardya at yung Rudy.

"Kung ano man..." Hinihingal na bungad ng matandang gwardya "Kung ano man yang nasa labas na yan eh hindi normal yan. Nakita mo naman, wala na kong marining na tao." Pagpapatuloy nito. Napansin ko rin na hawak pa rin nya ang rebolber sa kanang kamay. "Baka... Baka kinain na ng kung ano mga yun"

Yung Rudy ay hawak ang telepono ng payphone, ibinaba at iiniangat uli. Halatang wala pa ring dial tone. Hindi sya sumagot sa kasama. Dama pa rin nya ang takot. Pawis na pawis pa rin ang noo kahit malamig dito sa tindahan. Luminga-linga sya sa paligid at nagsalita. "Asan si Jeric?"

Jeric pala ang pangalan ng isa pa nyang kasama crew. Ibinaba nung Rudy ang hawak nyang telepono at nagtungo sa kitchen area nila. Maya maya lang ay lumabas na rin ito at akay akay na ang kasama. Nakatulala. Wala sa huwisyo. Mababatid mong nasa state of shock itong Jeric. Sa aming lahat na nandito, itong Jeric ang pinakamalaki. Malaking mama. Malaki ang tyan at matangkad. Hindi ko alam kung tumatanggap ng mga kwarenta anyos ang 7-eleven pero mukhang ganun nga ang edad nya. Sya ang pinakamalaking bulas pero kung susumahin, sya pa itong pinakatakot sa aming lahat.

Isang mahabang katahimikan ang nananatili sa lahat. Unti-unting kumakalma ang bawat isa pero naroon pa rin ang malalim na pagiisip at makahulugang pagmamasid sa paligid. Magkaganun pa man, ni isa sa amin ay ayaw magsalita. Maliban sa gwardya na manaka-nakang nagtatanong kay Rudy na paminsan minsan lamang din kung sagutin nitong huli. Sa dami ng sinabi ng mamang gwardya, ni isa ay wala akong naintindihan - o mas maiging sabihin, na ayaw kong nang pakinggan.

Umupo ako at sumandal malapit sa pintuang salamin. Inilatag ko ang dalawa kong binti sa sahig. Ngayon ko lang naramdaman ang pagka-hapo. Yung pagod na dulot ng matinding pagaalala. Hindi mawala sa sistema ko itong mga nagaganap. Kanina ko pang iniisip ang anak ko at ang ate ko na nagbabantay sa kanya. Sana naman ay walang nangyari sa kanila. Sa loob loob ko, baka naman panaginip lang tong nangyayari ngayon. Nakapanood na ko minsan ng ganitong klaseng palabas. Lahat ng tao sa mundo ay nawala maliban sa iilan. Parang katapusan ng mundo. Pero gaya kako ng lahat ng panaginip, magbabalik din sa normal ang lahat pagkagising.

Sa sobrang layo ng naisip ko ay natawa ako bigla ng mahina. Panaginip nga lang talaga itong nangyayari at maya maya lang ay magigising na rin ako. Kailangan ko nang gumising para pumasok sa trabaho.

"Kumalas na ba?" Isang tinig mula sa kanan ko. Yung mamang long-haired. Pinutol nun ang malalim kong pagiisip.

"Ha?" Reaksyon ko. Hindi ko naintindihan kung anong sinabi nya.

"Kako, kumalas na ba utak mo sayo?" Lumapit sa akin nang paupong gumapang "Iniisip ko rin kanina panaginip lang. Yang tawa mo.." Sabay buga ng usok ng sigarilyo. Itinuro ang ulo ko sa kakaibang paraan - nakaturo ang hintuturo at hinliliit na parang hand sign ng isang rakista. "Yang tawang yan eh tawang baliw. Di ka naman nakagamit?" Batid ko na ang ang sinabi nyang nakagamit ay nakadroga.

Sa halip na sagutin ko ang tanong, mas minabuti kong tumahimik na lang."mukhang hindi nga panaginip ito", sabi ko sa sarili ko.

_____

Alas nuebe... Dalawang oras na ang nakalipas... wala pa ring senyales ng tao sa labas. Tahimik pa rin. Wala talagang marinig kahit kahol ng aso o ihip ng hangin. Tahimik din kaming walo sa loob. Pero kumpara kanina, alam kong nasa huwisyo na ang lahat at bumalik na sa tamang pagiisip. Yung kaninang humahagulgol na babae ay nakaupo na ngayon at kausap ang mag-ina at silang tatlo ay naguusap nang mahina. Yung gwardya at yung Rudy ay naguusap pa rin. Nakaupo sila sa mga upuang nakahilera sa kwadradong lamesa sa gitna ng tindahan habang yung Jeric naman ay nakikinig sa kanilang paguusap.

"Hesus." Sabi sa akin ng mamang long-haired na nakaupo pa rin sa sahig malapit sa akin. "Tawagin mo kong Hesus. Hesus ang palayaw sa'ken ng mga kaibigan ko." Sabay hitit na naman ng sigarilyo." Hindi na ako nagtaka kung bakit Hesus nga ang tawag sa kanya. Bukod sa abot-likod nyang buhok na nakalugay eh balbas sarado rin ang mukha. Maayos naman syang manamit -nakaputing longsleeves at maong na pantalon. Kung tutuusin sya pa nga ata ang may pinaka maamong mukha sa aming lahat kahit mukhang durugista ang katawan.

Hindi ako nagsalita. Wala akong balak makihalubilo ngayon. Hindi ko maipaliwanag pero magulo pa rin talaga ang utak ko. Halo halo na ang pumapasok sa akin -pagaalala sa pamilya, na alam kong karamihan sa amin ay ganundin; pagkabigla, takot - takot na baka kung ano ang mangyayari sa amin dito sa loob o sa labas, kung lalalabas man kami. Di ko namalayan na nagpapawis na naman ako. Nanginignig ang mga kamay na ipinapataong sa ulo sabay baba at ikukrus.

"Relaks, relaks lang kapatid." Si Hesus, sabay tapik sa balikat ko.

Nasa ganoon kaming sitwasyon nang napansin naming tumayo sa gitna ang matikas na gwardya. Nakasukbit na ang baril. Ipinapalakpak ang kamay nang malakas at hiningi ang atensyon ng lahat. "Alam naman ho siguro natin kung ano ang nangyayari", bungad nito "Sa labas ng tindahan na 'to..." Itinuro ang pinto at nagpatuloy "nakita ho nating lahat na biglang dumilim sa labas. Hindi ko alam, pero parang makapal na hamog ang nasa labas. Hindi ko alam kung ano yun, pero alam ko na hindi normal yon. Wala ni isa sa atin ang may alam kung anong meron sa labas. Napansin nyo rin naman siguro na kanina... Kanina ang ingay ng mga tao dyan." Itinuro nya muli ang pinto "Dinig na dinig ko kung pano magkagulo... Pero biglang nawala. Ang tahimik bigla. Kaya ho isinarado na namin ni Rudy ang tindahan at baka pati tayo mapano"

"Kaya nakakulong kami ngayon dito?" Sarkastikong banat ng matabang babae na yakap pa rin ang batang anak na lalaki. Magkahalong galit at takot ang makikita sa kanyang mga mata. "Kung sana kanina.."

"..kung sana kanina patay ka na. Pati yang anak mo!" Putol ni Hesus. Tinitigan ni Hesus ang babae.

"Misis" nagsalita ulit ang gwardya. "Kaya ho ako nagpapaliwanag ngayon dahil sa tingin ko, bilang gwardya, mas maigi hong isara tong tindahan. Hindi ho natin alam kung anong nangyari kanina at biglang dumilim. Kung hindi ko ho sinarado ito eh hindi natin alam baka may nangyari na rin sa atin."

Huminto ang gwardya sa pagsasalita. Tinignan nya kaming lahat. Nagkamot ng ulo. "Wala hong signal ang mga cellphone namin." Itinaas nya ang mumurahing cellphone at itinuro din ang payphone. "Pati yun, walang dial-tone."

Nagsalita rin yung Rudy "Mukhang lahat po tayo walang signal. Pero maigi rin po na magcharge na rin tayo for emergency. May saksakan po dito sa loob." Sabay turo sa mga saksakan. "Kung wala po kayong charger, ioopen po namin itong Pay charger" ang tinutukoy nya ay yung charger na huhulugan mo ng coins para makapagcharge ka sa loob ng sampung minuto.

"Alam ko hong natatakot din kayo pero wala tayong magagawa kung hindi maghintay." Sabi pa ng gwardya, "tayo tayo lang ho ang nandito, kailangan ho nating makisama." tinapos nito ang pagpapaliwanag, tinignan kaming lahat at saka bumalik sa kanyang upuan.

"Tutal po, tayo tayo lang din ang ang nandito... hindi rin natin alam kung anong oras babalik sa normal yang labas, pwede po tayong kumuha ng makakain dito." Itinuro ang cashier kung saan nandun yung mga binebenta nilang bagong lutong manok, siomai at iba pa. "Kuya, " tawag sa akin ni Rudy, "... kuha ka lang" alam nito na kanina pa ako gutom. Mabait na bata iton si Rudy.

"Salamat" sabi ko.

Tatayo sana ako para kumuha nang biglang may narinig kaming nagbanggan na sasakyan sa labas. Dinig na dinig namin ang lakas at parang may mga pirapirasong bagay pa nga na tumama sa bakal na pinto nitong tindahan. Napakalakas ng kalabog ng pinto. Nayupi ang malaking bahagi ng kanang ovearhead door. Kung wala itong pinto, siguradong basag basag na tong salamin. May tumunog din na sirena. Lahat kami ay napatayo at nakiramdam sa nangyari. Sumilip kaming lahat sa maliliit na awang ng pintog bakal pero wala kaming makita dahil sa kapal ng hamog.

"May tao sa labas!" Nagsalita na rin yung Jeric, kasamang crew ni Rudy. Napatingin sa akin nung bumaling ako sa kanya.

May tao nga sa labas. Tama sya. Nakapagpaandar pa nga ng sasakyan. Ang ipinagtaka ko lang ay kung bakit pa sya nagpaandar ng sasakyan eh hindi rin naman visible ang kalsada. Walang sense pero wala naman sigurong driver na magpapatakbo ng sasakyan kung alam nyang mababangga lang din sya.

Bukod kay Jeric ay wala nang nangahas pa na magsalita. Nagtinginan lang kaming lahat. Alam namin na hindi namin maaaring buksan ang pinto para tignan at malaman kung ano yung narinig namin sa labas. Alam din namin na kung bubuksan namin ang pinto ay baka may mangyari rin sa amin.

______

May labinlimang minuto rin kaming nagtyagang sumilip sa pinto pero wala talaga makita. Pagakatapos ng malakas na banggaan ay wala na kaming narinig na iba pa. Tumigil na ring sumigaw ang sirena ng sasakyan. Balik sa katahimikan... Umupo na rin sa kanya kanyang sulok ang bawat isa. Kumain na rin ako ng mainit na siopao. Nakadalawang special siopao din ako. Kung meron mang magandang bagay sa nangyari yun ay ang libreng pagkain.

Lumipas pa ang ilang oras. Tumingin ako sa orasan na nakasabit sa dingding sa may cashier - alas dose y medya na pala. Mahigit limang oras na mula nang makulong kami dito sa loob. Pero wala pa ring pinagbabago ang sitwasyon.

"Ano sa tingin mo tong nangayayari?" Tanong ko kay Hesus na isang metro lang ang layo sa akin. Sa tingin ko ay mababawasan ang pagaaalala ko kung magsisimula akong makipagusap sa mga taong naririto.

Napalingon sa akin si Hesus mula sa pagbabasa ng nakuhang FHM magazine malapit sa bumagsak na stand. "Pagbabalik ni Hesus?" Tumawa ito. Bumalik sa pagbabasa ng magazine at naglipat ng pahina. Kumbinsido na ko na talagang balik katinuan na nga itong taong ito. Hindi ako nagkamali ng impresyon. Madaling kausap. Mukhang hindi seryoso pero sumasagot. "Ano nga ulit pangalan mo?" Tanong nito sa akin."

"Elias", sagot ko.

"Elias, Elias, Elias. Ayos sa pangalan. Pogi." Nakatawa nyang mukha. Pero makalipas ang ilang sandali ay sumeryoso ang mukha at nagpatuloy. "Sa totoo lang wala akong maisip kung ano yang nasa labas. Sasabihin ko sayo, hindi ko alam kung matutuwa ba ko dahil dyan. Alam mo ba, wala pa kong tulog? Magdamag kaming nag away ng esmi ko." Yumuko si Hesus at lumamlam ang itsura. "Alam mo kung bakit? Ha...? Aba may lalake ang puta. Nahuli ko kahapon. Tanginang yan... Pinamukha pa saken na palamunin nya raw ako."

Hindi ko alam ang sasabihin. Sa totoo lang din wala akong pakialam sa buhay nitong si Hesus. Ang iniisip ko lang sa ngayon ay itong pagkakakulong namin sa loob nitong 7-eleven at kung anong mangyayari sa amin.

"Kesa mapatay ko ang puta, eto... Lumayas na ko. Tutal wala naman kaming anak." Itinaas nya ang mukha. Nangingilid ang luha. "Putangina talaga.. Putangina nya"

Hinayaan ko lang syang magmukok. Yung mga ganitong pagmumukmok ay dapat na hinahayaan lang. Walang pinagkaiba yan sa isang lasing na satsat lang ng satsat. Pag sumagot ka, kung hindi lalong magmukmok o magsimula pa ng away pag di nagustuhan ang lalabas sa bibig mo.

Kesa magsalita, naisip ko na lang na tumayo at kumuha ng beer sa malaking refrigerator. Tinapik ko si Hesus para senyasang kukuha ako ng beer. Maraming beer na pagpipilian. San Mig Light ang kinuha ko. Isang pack na animan. Syempre di na kailangang magbayad. Sabi ko nga, kung meron mang magandang nangyari, yun ay libre ang kumuha ng kahit ano at kahit ilan dito sa tindahan.

Lumakad ako pabalik at bitbit ang anim na San Mig. Nasa kalagitnaan na ako nang nang biglang namatay ang mga ilaw. Nawalan na naman ng kuryente. Pero kumpara sa naunang brownout kanina, ngayon ay gumana ang apat na emergency lights ng tindahan. Bigla na naman akong kinabahan. Hinanap ko ang iba.

"Mommy!" Narinig kong tawag ng batang lalaki sa nanay nya.

"Dont worry anak nandito lang si mommy" sagot ng nanay.

"Ok lang ba kayo dyan?" sigaw naman ng gwardya.

Narinig ko pa ang lahat na sumagot. Ok naman ang lahat. Naaninag ko rin sila sa kani-kanilang pwesto. Ang inaalala ko lang ngayon ay wala na kaming kuryente. Bukod sa ilaw, wala na rin kaming aircon. Ang kinakatakot ko pa, kung hindi babalik ang kuryente bago gumabi, wala na kaming ilaw dahil sigurado akong mga ilang oras lang ang kayang itagal ng emergency lights.

Lumakad ako pabalik kay Hesus. Iniabot ko sa kanya ang mga beer. Pagkaabot, naglakad ako papunta kina Rudy para alamin kung may mga tinda rin ba silang flashlight para makapaghanda kami. Malapit na ako sa kanila nang biglang may narinig na naman kami sa labas. Mga kalansing. Parang mga lata na parang pumupukpok sa mga sasakyan. Mangilan-ngilang tunog. Kalaunan ay dumarami at nagiging malinaw sa amin na kung ano man ang mga pukpok na yun ay dulot iyon ng hangin. May hangin na sa labas. At ito'y palakas nang palakas.

Ang kaninang mahinang hangin ay ngayo'y parang hangin na ng isang malakas na bagyo. Sumisipol. Bukod sa mga kalansing kanina, may mga naririnig na rin akong parang mga nadudurog na bato at mga salamin na nababasag. Palakas ang sipol ng hangin. Niyuyugyog na rin nito ang overhead door ng tindahan. Kinakalabog nang malakas. Masakit na sa tenga. Duon ko napansin na yung kaninang nayuping pinto ay lalong nasisira sa malakas na bayo ng hangin. Napansin naming lahat ito at kaming lahat ay nakatitig sa naturang pinto. Maya maya pa ay nangyari na nga ang kinatatakutan namin - Isang napakalakas na bugso ng hangin at pinunit nito ang bakal na pinto. Pinunit na parang papel sa sobrang lakas.

Lahat kami ay napaurong at naghanap ng makukublihan. Nagtago ang gwardya sa loob ng counter kasama si Rudy at Jeric. Ang mga babae at yung kasamang bata ay tumakbo sa likuran ng tindahan at nagtago sa isa sa mga istante. Kaming dalawa ni Hesus ay sumilong naman sa ilalim ng pahabang lamesa at kumapit nang mahigpit sa mga upuan.

Lalo pang lumakas ang hangin. Parang ipo-ipo na ata. Ramdam naming lahat ang nangyayari. Lahat ng emergency lights ay nayuyugyog. Lahat kami ay takot na takot. naririnig ko ang isa sa mga babae na nagdarasal nang malakas at iyak na nang iyak yung isang bata. Si Hesus, katulad ko, ay nakatutok pa rin ang sa nasirang pinto habang mahigpit na nakayakap sa upuan. Tanging ang dingding na salamin na lamang ang harang namin sa bandang kanan dahil sa napakalas na hangin. Ramdam namin ang lakas ng nun. Ako, pakiramdam ko ay ilang pulgada na lang ako kay kamatayan. Kapag bumigay ang salamin na dingding ay tiyak iyon.

At di nga ako nagkamali... kasabay ng malakas na hangin ay unti-unting binabasag ng mga kung ano anong bagay na lumilipad ang salamin. Nagsimula nang magkaroon ng maliliit na crack ang maraming bahagi ng nito. Parang mga crack sa nabasag na salamin ng isang kotse. Maliliit pero parami nang parami. Ilang sandali pa, isang napakalakas na hampas ang aming narinig. Ang kaliwang bakal na pinto naman ang nayupi. Napuruhan ng isang malaking bagay. Hindi man tinangay ng hangin katulad ng nasa kanan, sa lakas ng pagkakatama ay binasag nito ang salamin sa loob. May kalakihan ang pinsala at pinasok ng malakas na hangin ang loob ng 7-eleven. Isa isang nahulog ang mga nakalagay na paninda sa istante sa lakas. Para kaming hinihigop. Nanlumo na ko. Ito na marahil ang katapusan.. Sa loob-loob ko. Pumikit na lamang ako. Ganito pala ang pakiramdam ng mamamatay na...

Nawalan na ako ng lakas sa pagkakataong iyon. Iba ang pakiramdam kapag alam mong malaki ang posibilidad na mamatay ka. Tama pala sila, pag mamatay ka na, magfa-flashback daw sa iyo ang lahat ng mga ginawa mo sa mundo. maaalala mo lahat ng magagandang nangyari sa buhay mo mula nung bata ka hanggang sa pagtanda. Dumaan sa isip ko kung gaano kasaya ang buhay nung bata pa ako, nung nagsimulang maghighschool, kolehiyo... manligaw at mag-asawa. Sumagi sa isip ko ang aking asawa. Ang namayapa kong asawa... ang pinakamamahal ko. At ang aming anak...

"Elias!" narinig kong tinig. pakiwari ko'y tinatawag na ako ng aking asawa. "Elias..."

Tila ginising ako ng isang malutong na sigaw. Sigaw ng lalaki. "Elias!" Nagmulat ako ng mga mata. Si Hesus... tinatawag ako. Nakatayo sya sa nabasag na salamin at may hawak na duct tape. Natauhan ako. Kaya naming makaligtas. "Tulungan mo ko dito!" Sigaw pa nito.

Mula sa pagkakayuko sa ilalim ng lamesa, tumayo ako't tinungo si Hesus. Hinagis nya sa akin ang isa pang duct tape na malamang ay nakuha nya sa isa sa mga istante. Tinapalan namin ang nabasag na salamin kanina. Mabilis ang kilos namin. Ginamit nyang pangtakip sa butas ang mga magazine na nakuha nya sa sahig sabay sinelyuhan ng duct tape. Ako naman ang nagtapal sa mga crack sa ibang pang bahagi salamin.

Habang kami ay abala sa pagseselyo ng kaliwang salamin, si Rudy at ang kasamang gwardya naman ang nagayos sa kanan. Tumulong na rin ang dalawa sa pagseselyo sa mga maliliit na crack. Sinikap nilang patatagin ang kapit ng salamin at pati ang buong paligid nito ay nilagyan na rin ng duct tape pakapit sa mismong frame na bakal. Nang masiguro naming matatag na uli ang mga salamin, bumalik na kami sa mas ligtas na sulok ng tindahan.

Umabot ng mahigit isang oras bago namin napansin na unti unting nang humihina ang hangin. Pahina na rin nang pahina ang pagsipol nito. Tumigil na sa pagyugyog ang mga gamit sa loob ng tindahan at manaka naka na lamang kung humihip ang hangin mula sa labas. Ilang minuto pa at tuluyan nang itong huminto.

Nang makasigurado kaming wala na ngang dapat katakutan ay tumayo kami ni Hesus at sinilip ang labas mula sa salamin sa bandang kanan. Wala pa rin kaming makita kahit wala na ang kabuuan ng bakal na pinto. Napaka kapal pa rin ng hamog. Sa likod namin ay napansin kong tumayo na rin ang gwardya at ang dalawang crew. Sa likod naman nila, magkakasama ang dalawang babae at ang batang lalaki.

"Buti na lang, naiwan kami dito sa loob ng anak ko" sabi ng matabang babae. Nakaharap sa gwardya na kanina ay kinamumuhian nya. Hindi naman nagsalita ang gwardya at bumaling muli sa basag basag na salamin.

Continue Reading

You'll Also Like

13.5M 305K 63
LIMITED TIME: Read now for a chance to win Coins! See full details in the newest chapter. Limited Time: 40% off paranormal stories 🐺🖤 October Sale...