Last Chapter
"Lola, ba't dito niyo po naisipang maglaba?" tanong ng isang kinse anyos na babae sa kaniyang kasamang matanda nang pagkarating na pagkarating nilang dalawa sa ilog.
Napangiti ang kaniyang Lola.
Tipid muna siyang napasinghap. "Apo, tingnan mo ang paligid, ang aliwalas, ang sarap sa mga mata, ang presko ng simoy ng hangin na galing sa matatayod na mga puno, at ang lamig din ng sariwang tubig na galing naman sa bundok. Saka, puwede rin tayong magtampisaw rito pagkatapos nating maglaba. Apo, hindi mo mararamdaman ang pagod kapag naglalaba ka rito. Kaysa sa bahay, parang sinusunog ka dahil sa sobrang banas."
"Pero mukhang nakakatakot po rito, tayo lang po ang tao, eh."
"Ayos lang iyan. Masaya nga iyon kasi parang solo natin ang buong lugar. Parang bonding na rin natin 'to. Ayaw mo ba no'n?" tanong niya. "Kung gusto mo, umuwi ka na lang."
Nag-iba bigla ang ekspresyon na namutawi sa mukha ng dalagita. "Ay, hindi na po. Ayaw ko pong iwan kayong mag-isa. Tutulungan ko po kayo, eh. Saka, nandito na nga po tayo."
Bahagyang hinimas ng matanda ang buhok ng kasama. "Sige, tayo na't magsimula na para maaga tayo makatapos at makapagluto na akong tanghalian mamaya."
Pagkaraan ng ilang minuto, payapa at masaya silang dalawa sa kanilang ginagawa. Nagkukuwentuhan sila ng iba't ibang bagay upang mas ma-enjoy pa ang ginagawa o para walang nakakailang na katahimikan ang mamagitan sa kanila. Ang dalagita ang nagkukusot ng mga decolor na damit, samantalang ang kaniyang lola naman ay ang nagkukusot ng mga puting damit at pati na rin ang mga shorts.
Maya-maya, patapos na sana sila ngunit sa hindi malaman na dahilan, aksidenteng nabitawan ng dalagita ang hawak niyang isang damit habang isinasampay ito sa lubid na sila mismo ang nagkonekta sa dalawang puno. Kung kaya't inanod ito ng agos ng ilog. Nabahala siya agad. Nagtangka pa siyang abutin iyon pero dumulas naman ito sa kaniyang kamay. At sa kamalas-malasan, ang damit na itinangay pa ng tubig ay sa kaniya pang Ina. Kung kaya't obligadong makuha niya ito at hindi puwedeng pabayaan na lamang dahil siguradong pagbubuhatan siya ng sama ng loob nito.
BINABASA MO ANG
wish i could see your smile
Teen Fiction"Aayusin ko muna ang sandata ko. Aayusin ko muna ang ngiti mo dahil 'yon ang magiging sandata ko sa laban ko." - Landon Date Started: April 14, 2020 Date Finished: September 14, 2020 [Tagalog] -- A Novel written by Nick_Black02 Book Cover: Credits t...