32. I'm The One Who Surprised

498 31 6
                                    

Chapter 32: I'm The One Who Suprised

Landon

Simple at kakaiba mula sa mga karaniwang sorpresa ang inihanda namin para kay Zara. Sinadya ko talagang gumising nang maaga dahil nagpumilit akong sumama kay Tito Ferdy para bumili ng cake at tatlong dilaw na lobo na nasa stick. Gusto ko kasi na ako 'yong mismong pipili kung ano 'yong hitsura ng cake.

Isa sa napagpalunuhan din namin ay magsulat sa kalsada ng 'Happy Birthday' sa tapat ng bahay niya ngunit hindi itim na panulat ang gagamitin namin para gawin iyon, kun'di, tubig. Tubig na mula sa malaking bote at may maliit na butas sa takip nito para kapag pinisil ang katawan no'n, doon na lalabas ang tubig. Sina Tito Ferdy at Kuya Cody ang naka-toka para magsulat sa kalsada gamit iyon. At, ako naman 'yong sasalubong kay Zara habang hawak ko 'yong mga binili namin kanina. Sa totoo niyan, ako ang nakaisip no'ng ideya tungkol sa tubig, para sa gano'ng paraan ay medyo makatipid kami dahil tanda ko pa rin na pinoproblema ng pamilya ko 'yong gastusin sa mga pampagamot ko.

7 AM palang pero nandito na agad kami nina Tito Ferdy at Kuya Cody sa kalsada, sa bandang tapat ng bahay niya. Paulit-ulit akong humuhugot nang malalim na hininga at sunod-sunod din ako sa paglunok ng laway, dala ng kaba. Kasalakuyan na kasing sinusundo ni Mama si Zara sa loob ng bahay nito para dalhin siya rito. Sinadya naming agahan 'yong sorpresa namin para sa kanya. Nakasuot ako ng sky blue na polo at puting short, tila nakaporma kahit hindi pa ligo.

Lumingon ako kina Tito Ferdy at Kuya Cody para panoorin muna sila kung paano sila magsulat ng 'Happy Birthday' sa kalsada habang hinihintay kong makalabas 'yong dalawa.

"Halata sa mukha mong kinakabahan ka. Huwag kang kabahan," natatawang puna sa akin ni Kuya Cody.

Napanguso ako "Kasi naman, natatakot akong baka hindi siya matuwa dito sa sorpresa natin kasi nga, 'di ba, galit pa siya sa akin."

"Matutuwa iyon. Huwag mong isipin iyon. Huwag kang kaba-Saglit." Biglang nag-iba ang ekspresyon ng mukha ni Tito Ferdy. "Ayan na yata sila." Nanglaki ang mga mata ko at agad lumingon sa pintuan ng bahay ni Zara.

Mas lalong bumilis ang kabog ng dibdib ko nang sa wakas makita ko na siyang lumabas ng bahay niya, kasunod si Mama. Diretso lamang ang mga mata ko kay Zara habang suot ang ngiti sa aking labi kahit kinakabahan talaga ako. Ngunit siya, napatigil sa hindi kalayuan sa akin habang sinusuri ang mga nakasulat sa may kalsada at napaawang ang bibig niya. Hindi ko pa nahuhuli ang tingin niya.

"Happy Birthday, Zara!" sigaw nina Tito at Kuya sa may likuran ko.

"Ha?" tanong ni Zara. Naalarma ako nang tumingin na siya sa akin. Gulat ang nababasa ko sa mukha niya. "Ano 'to, Landon?"

Mas lalong lumawak ang ngiti ko sa kanya at humakbang palapit sa kanya. "Surprise! Happy Birthday!"

Napaawang ang bibig niya at bumagsak ang balikat niya. "Landon... Sorry pero hindi ko birthday ngayon."

Sa isang iglap, napaawang din ang bibig ko. "Seryoso?" Napatingin ako kay Tito Ferdy. "Tito, akala ko po ba, birthday ni Zara ngayon?"

"Akala ko rin," sagot niya sa akin. "Sorry."

"Sa isang araw pa po 'yong birthday ko, hindi pa po ngayon." Napatingin ulit kami kay Zara.

"Luh. Paano iyan?" sambit ko. Palihim akong huminga nang malalim. "Ganito na lang. Pumikit ka, pagkatapos, bumalik ka ulit sa loob ng bahay mo at kalimutan mo na lang itong nangyari. Para hindi masayang itong surprise namin, uulitin na lang namin ito sa isang araw. At least, totoong kaarawan mo na iyon. O 'di kaya, bumalik ka na lang sa kama mo at isiping panaginip lang itong nangyayari," natatawa kong sambit sa kanya.

wish i could see your smileTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon