Part 6 - Magkapamilyang Turing

4 0 0
                                    

Natapos na kaming maghapunan. Sa totoo lang, busog na busog ako. Pakiramdam ko nga'y mukha na akong busog na surot.

Lumabas naman galing kusina si Ate Cristy at may dalang dalawang supot.

"O ayan, hijo, dalahin mo kay Lina yang ulam.. ihingi mo na din ako ng paumanhin kasi dito na kita pinaghapunan.", nakangiting sambit ni Mama.

"Ma.. madami naman po yata ito."

"Naku anak, konti pa yan.. kumpara sa mga meryendang pinadadala ni Nanay mo. Kung may matira nama'y pwede pa bukas initin yan. Ipasok mo lang sa ref. Jordan, anak, huwag ka na mahiya. Hindi naman na tayo iba sa isa't-isa. Magkakapamilya na rin tayo.", nakangiting sambit ni Mama. Nakangiti din naman si Papa na sumasang-ayon.

Totoo yan. Malalim na nga ang relasyon ng aming mga pamilya. Halos magkakarugtong na ang buhay namin. Magkababata at magkaibigang matalik din kasi sila Papa Naldy at Tatay Arman. Sabay din silang lumaki. Parang kami ni Roger. At pareho din kaming mga solong anak. Magkakaramay kami sa halos lahat ng panahon - sa kasayahan, kasaganahan, o maging sa kalungkutan man. Lagi kaming nagdadamayan at nagtutulungan.

"Sige po Ma.. Pa.. salamat po. Iuwi ko po muna ito baka sakaling maihabol ko sa paghahapunan ni Nanay."

Tumindig na ako't bumaling kay Roger...

"Iuwi ko muna ito ha. Magpahinga ka na din maya-maya.", may pa-cute pang ngiti kay Roger habang may marahang tapik pa sa kanyang balikat.

"Tara, ihatid na kita sa gate.. kahit hanggang sa gate lang."

Tumayo si Roger mula sa pagkakaupo sa mesa at muling umakbay habang nagpapaalam ako kila Mama at Papa. Nanatili naman sa mesa sila Mama at Papa at nagpatimpla ng kape kay Ate Cristy.

"Paki timplahan mo na din ng gatas itong si Roger, Cristy ha.. thanks!", sambit ni Mama.

Iniwan na namin sila at lumabas na ng bahay. Sa may gate... nakaakbay pa rin si Roger.

"Balik ka bukas ha? Malungkot kasi kapag ako lang mag-isa.. walang kausap.. walang kasama. Malungkot ako kapag wala ka.", nakangiting sambit ni Roger na bahagyang kumalas pa sa pagkakaakbay, pero tinanganan naman nya ang aking kamay at kumindat.

"Nakakarami ka na ng kindat ha.."

"Bakit naman? Masama bang kindatan kita?", tugon naman ni Roger na may matamis na ngiti at isa pang kindat.

May ilang saglit pa kaming nagkatitigan, nagkangitian, at magkahawak-kamay sa gate. Hindi ko alam ang nararamdaman ko, pero ang alam ko lang ay masaya kami pareho at masarap sa pakiramdam.

Lumabas na nga ako ng tarangkahan nila Roger. Makailang-hakbang pa'y muli akong lumingon at natanaw kong andun pa rin si Roger, nakatanaw sa akin, nakangiti, at kumaway pa. Sinuklian ko naman din  ng ngiti at kaway si Roger.

Habang naglalakad ako'y nagtatalo-talo ang aking isip.. "Hay Jordan! Ano ba ito ha? Kumakabog ang dibdib mo! Namumula ka na naman? Ngumingiti kang mag-isa! Nakikipagtitigan ka pa! Nahuhulog ba ang loob mo kay Roger? Hay naku! Hindi. Masaya lang kayo. Na-miss nyo lang ang isa't-isa. Ewan ko ba!", ang ingay ng isip ko. Hahahaha.

Ilang saglit pa'y narating ko na din ang tarangakahan namin..

"Nay!!! Nay!!! May dala po akong sinampalukang manok.. padala po ni Mama Marlyn para sa iyo.. at may fruit salad pa!", excited ako.

Lumabas naman si Nanay mula sa kusina na may dalang isang malaking mangkok ng ulam. Nakapaghain na din sya at magsisimula pa lamang maghapunan.

"Aba naku! Ikaw talaga.. inabot ka na naman ng dilim ha! Halina dito at makapaghapunan. Ano nga kamo yang dala mo?", bungharit ni Nanay.

"Sinampalukang manok po, padala ni Mama Marlyn.. may fruit salad pa! Nakapaghapunan na din po ako, Nay, dun na po ako pinakain nila Mama at Papa.. pero sasamahan ko na lang po kayo habang kumakain.", tugon ko.

"Naku, si Marlyn, nag-abala pa.. nakakahiya naman. Hmmmm.. mukhang masarap ito ah! Para tuloy fiesta, dala-dalawa pa ang ulam."

"O, kumusta naman pala si Roger? Ano ba ang nangyari sa kanya? Nagkasakit ba sya kaya hindi kamo nakalabas ng ilang araw? Magaling na ba sya?", usisa ni Nanay.

"Hindi po Nay, katatapos lang po nyang tuliin.. kaya hindi po sya nakakalabas ng ilang araw."

"Ah ganun ba? Hayaan mo't ilang araw lang eh aayos din ang sugat nya."

"Eh ako po kaya, Nay.. kailan po kaya ako magpapatuli? Kayanin ko din po kaya?", tanong ko kay Nanay.

"Aba, gusto mo bukas? Hahahahahaha!"

"Di po ba mahal ang bayad dun?"

"Hindi naman siguro. May konti naman tayong ipon para dyan."

"Sabi po ni Papa Naldy, sya na daw po bahala. Sagot na daw po nya. Dun na lang daw po ako magpapatuli sa clinic ng doctor na gumawa kay Roger."

"Aba! Nakakahiya naman! Anung sinagot mo? Ah, di bale.. kakausapin ko na lang sila Marlyn at Naldy bukas kapag mapadaan.", tugon ni Nanay na namumula pa ang pisngi.

Ngayon alam ko na kung kanino ko nakuha ang pamumula ng pisngi kapag nagugulat o tinatablan ng hiya.

Patuloy ang kwentuhan at tawanan namin ni Nanay hanggang sa matapos syang maghapunan.

"Nay, ako na po ang magliligpit nyan. Iaayos ko na rin po ang tira.. pwede pa po bukas yan, ref lang ang katapat nyan.", turan ko kay Nanay na may pa-cute pang ngiti.

"Hay, sige nga anak.. medyo napagod din kasi si Nanay kanina eh."

"Sige po Nay, rest ka na po muna. Ako na po bahala dito, kayang-kaya ko na po ito.", tugon ko.

Tumindig na si Nanay at hinalikan pa ako sa noo bago umakyat sa itaas.. yung halik na may kasabay na pasinghot. Ewan ko ba bakit ganyan ang halik ng mga nanay at mga lola. Para bang sarap na sarap silang singhutin ang anit na amoy-araw. Pero ok lang! Kasi damang-dama ko naman na mahal na mahal ako ni Nanay.

Kami na lang ni Nanay ang magkasama makaraan ang tatlong taong sikad nang pumanaw si Tatay Arman. Hindi naging madali sa alaala at damdamin namin ang pagkawala ni Tatay. Pero sa awa naman ng Diyos, nakakaraos naman kami ni Nanay.

Best BudWhere stories live. Discover now