At inubos na nga namin ni Roger ang meryenda. Pero tuloy pa din ang kwentuhan at tawanan. Ewan ko ba, parang hindi kami maubusan ng kwento na ibabahagi sa isa't-isa.
Medyo nagsisimula na ding bumaba ang araw at ilang minuto na lang ay lulubog na ito. Maya-maya pa'y narinig na namin ang busina ng sasakyan nila Roger. Dumating na sina Mama Marlyn at Papa Naldy galing trabaho.
"O andyan na sila Papa. Baba na tayo, gusto mo?", tanong ni Roger.
"Sige, ibaba na din natin ang pinagmeryendahan natin."
"Iwan mo na lang dyan, si Ate Cristy na ang bahala dyan. At saka paano mo ako aalalayan maglakad? Eh hagdanan pa naman ang bubunuin ko, extra challenge kaya yun!", tugon ko.
"Naku!! Umaarte ka na naman eh... Gusto mo lang yata akong akbayan eh.."
"Bakit, ayaw mo ba? Hahahahaha", biro ni Roger.
"Loko ka talaga! Sige na! Akbay na! Hahahaha..."
Lumakad na kami patungo sa hagdan. Paika-ika pa rin. Paminsan-minsang humihinto. Siguro gusto lang talagang tagalan ni Roger ang nakaakbay sya sa akin at ako naman ay halos nakayakap na sa kanya. Pagdating sa puno ng hagdanan, pinauna ako ng bahagya ni Roger sa pagbaba, paisa-isang beytang.
"Mauna ka Jordan. Hahawak ako sa balikat mo. Dahan-dahan lang ah.", pakisuyo ni Roger.
Bago pa man kami makalapag sa ibaba ay natawa sa amin ang Papa at Mama ni Roger.
"Aba naku! Bakit paika-ika ka pa din? Hay, umaarte na naman itong bunsoy ko... hahahahaha", bungharit ni Mama Marlyn.
"Si Mama talaga o! Nahihirapan na nga ako eh, tatawanan pa.." lambing ni Roger.
"Good evening po, Ma... Pa", bati ko.
"O, hi Jordan. Naku! Spoiled talaga sa iyo yang kambal mo eh, 'noh?! Hahaha... Nakakatawa kayong panoorin.", tugon ni Mama Marlyn.
"Masakit pa ba, 'nak? Siguro ipacheck up natin yan bukas, baka nangamatis na at namaga. Para mabigyan ka ng pampahilom.", sambit ni Papa Naldy.
"Hindi na po Pa. Gagastos pa tayo. Pagaling na naman ito eh... At saka andito naman si Jordan para umalalay... Diba Jordan?", baling sa akin ni Roger.
"Ah.. opo Pa, Ma... aalalayan ko na lang si Roger.", tugon ko.
"Hay naku, spoiled talaga sa iyo yang kambal mo... Teka, mabuti pa siguro, dito ka na muna kumain Jordan. Nagluto naman si Cristy ng may sabaw, requested yan ni Roger.", paanyaya ni Mama.
"Ah hindi na po siguro, salamat po Ma. Halos kakatapos lang naman din namin ni Roger magmeryenda sa terrace.", sagot ko.
"Sigurado ka ba? Sinampalukang manok yun... paborito nyo ni Roger... Sige, ikaw din...", nakangiting paanyaya ni Mama.
"Oo nga naman, Jordan. Dito ka na kumain. Para tabi tayo.", tudyo ni Roger na may kasama pang kindat.
"Ah eh... sige po."
"Ayan!.. Punta muna tayo dun sa sala habang inihahanda ang hapunan.", sambit ni Roger.
At nagsimula na naman kaming magpaika-ika patungong sala. Sa gilid ng aking pananaw, nakita kong nagtatawanan sina Mama at Papa dahil sa arte nitong mokong na yapus-yapos ko... sa isip ko, "Hay naku.. ang arte talaga! Buti na lang mahal kita...", nahintuan ako... "... mahal na nga ba kita, Roger?"
Naupo kami sa sofa at binuksan ni Roger ang tv. Nanood kami ng balita. Pero inilipat din kaagad ni Roger sa ibang channel dahil siguro ayaw nya ng mga balitang pinapakita. Sina Mama at Papa naman ay umakyat upang magbihis, habang si Ate Cristy ay naghahain. Hinawakan muli ni Roger ang kamay ko. Napatingin ako sa kanya dahil inakala kong may hihilingin sya. Pero nginitian lang nya ako, sabay kindat. Busog na busog ako sa mga ngiti nya ng hapon na yun... at nakailang kindat din ang mokong na 'to. Aamin ko, ang sarap sa pakiramdam. Alam ko, masaya din si Roger dahil nakangiti syang nanonood habang hawak ang kamay ko.
Ilang sandali pa'y tumawag na si Ate Cristy. Handa na ang hapunan. Nagsimula na naman ang paika-ikang drama namin. Maging si Ate Cristy ay natatawa na lamang.
"Ang arte mo talaga, Roger.. Hahahahahaha! Naku Jordan, huwag mong pinamimihasa yan. Baka sa susunod ay magpakarga na yan sa iyo. Hahahahahah! Ang sarap ninyong kuhanan ng video..."
"Ate naman eh.. nahihirapan na nga o... Hahahahaha!", sagot ni Roger habang ako naman ay tumatawa na rin.
"O baka naman magsubuan pa kayo nyan ha..", biro ni Ate. Sa isip-isip ko, "... nagsubuan na kami kanina Ate." At natawa ako ng palihim.
Maya-maya pa'y bumaba na sina Mama at Papa at sumalo na din sa amin.
"Cristy, maupo ka na rin dyan at sumalo na para isang hugasan na lang.", paanyaya ni Papa.
"O, kayong dalawa, kumusta ang hapon nyo?", tanong ni Papa.
"Ayos naman po Pa. Minsan na lang kumirot ito. Mukhang ok na naman sya. Di lang ako sanay siguro na walang briefs kasi kumakaskas sa shorts eh... kaya ako paika-ika.", tugon ni Roger.
"Ikaw ba Jordan, natuli ka na ba?", tanong sa akin ni Papa.
"Baka po sa susunod na taon, Pa. Nag-iipon pa po si Nanay ng pambayad. Di po ba mahal yun?", tanong ko.
"Naku, wag mo na isipin ang pambayad. Dun ka na sa clinic na gumawa nung kay Roger, kaibigan ko yun! Sagot ko na, ako na bahala.", sambit ni Papa.
"Hay naku, kumain na muna tayo. Puro tuli ang pinag-uusapan nyo ha... nasa harap tayo ng pagkain... kayo talaga!", tudyo naman ni Mama...
Masaya kaming naghapunan. Madaming palitan ng kwento, tawanan, at biruan. Nang matapos kami ay...
"Ah Cristy, ipagbalot mo pala ng ulam si Lina, para pag-uwi ni Jordan ay may pasalubong sya. Tapos paki labas mo nga pala yung dessert natin, gumawa ako ng fruit salad kahapon diba?", sambit naman ni Mama.
"Salamat po Ma, pero baka kumain na din si Nanay sa bahay.", tugon ko.
"Hindi bale, basta't dalahan mo sya nitong sinampalukang manok. Pwede nyo naman ilagay sa ref at ipainit bukas. Hindi naman yan mapapanis. Para naman masuklian ko ang mga meryendang pinapadala nya dito sa atin. Nakakahiya naman eh..", turan ni Mama.
"Sige po. Salamat, Ma."
YOU ARE READING
Best Bud
Short StoryA Story of A Special Kind of Friendship That Grew Into A Special Kind of Love