Chapter 29: More Cries, Less Smiles

17.3K 624 311
                                    

Bigla akong nainis kung bakit 'yon pa ang pinili kong pang-recital. Di ko naman akalain na magiging gano'n. Parang napahiya ako sa lahat. Bakit ba ang iyakin ko na lang bigla?

Nang natapos ako, hindi ko na mapigilan yung mga luha ko. Lahat sila nagbubulungan kung ano bang nangyari sa 'kin. Ako naman, napapunas na lang ako ng mga mata. Wala naman akong magagawa kundi ang bumalik sa dati.

"Uy," sabi ni Marj nang nakasalubong niya ako. "Okey ka lang?"

"Na-carried away lang," dahil ko sa kanya pati sa lahat ng taong nagtanong sa 'kin. Nakakahiya. Hindi dapat ako nagpadala sa agos ng kanta.

Kahit pagbalik sa classroom, hindi na ako tinigilan ng tanong. Tinatanong ng lahat ng tao kung may love life na raw ba ako. "Wala" ang lagi kong sagot. Ang kukulit. Ilang beses ko na rin inulit yung "na-carried away lang" na phrase sa class.

Sumisikip ang dibdib ko. Para akong di makahinga—literal.

Tumakbo ako papuntang banyo dahil ayokong makita nila akong ganito. Baka isipin nila, nag-iinarte lang ako. Hindi ko rin alam kung anong nangyayari, pero parang may kuryenteng naiipon sa palad ko. Di ako mapakali. Di ako makahinga.

Tulong.

Nasa loob ako sa isang cubicle, Hawak-hawak yung dibdib ko. Ano ba 'to? Bakit ang bilis ng paghinga ko? Bakit nanlalamig yung pawis ko at sumasakit yung tiyan ko?

Lumabas ako sa CR na parang normal lang, pero hawak-hawak ko pa rin yung dibdib ko kahit alam ko namang di 'yon nakakatulong. Di ko na yata kaya.

May nakita akong taong papalapit. Lalaki. Dumodoble na yung paningin ko at para na 'kong mamamatay.

Hanggang doon na lang ang naalala ko. May pakiramdam ako na may mga taong pumaligid sa 'kin. Nakaramdam ako ng karga at parang isinasakay ako sa sasakyan. Nakarinig din ako na parang tinatawagan yung mga magulang ko. Napadilat ako nang kaunti, at do'n ko naramdaman na nakaupo ako sa hita ng isang teacher at na may isa pang tao sa front seat na parang estudyante rin. Hindi ko lang mamukhaan dahil nakatalikod.

Medyo namumulat ako, pero hinang-hina pa rin. Nang nagising ako, yung tipong may katinuan na talaga, nasa ospital na 'ko at ando'n sina Mama at Papa na nakikipagusap sa isang doktor. Naka-uniform pa rin ako, pero wala na yung ribbon ko at half open na yung blouse ko.

Pagtingin ko sa orasan, alas otso na ng gabi. Kung maaalala ko, alas kuwatro yung recital. Ibig sabihin, kanina pa 'ko sa ospital.

Naghanap ako ng signs kung nasaang ospital ba ko. Nakita ko sa paglibot ng mga mata ko ang Manila East Medical Center, Taytay. Medyo malayo sa school ko, pero 'yon na yung pinakamalapit na ospital sa school at sa bahay.

May nakita akong bulak sa braso ko. Ibig sabihin, inindyeksiyunan ako. Nang nakita na ako nina Mama at Papa na gising, umuwi na kami.

Feeling ko, sobrang haba ng tulog ko kaya pagdating ko sa bahay, umupo agad ako at nanood ng TV. Tinatanong ako nina Mama at Papa kung ano bang nangyari, at ang sabi ko "Parang inatake ako ng asthma pero sumakit yung tiyan ko kaya . . . ewan ko. Baka sa stress."

Napagod siguro sila sa kakatanong kaya mga eleven ng gabi, wala ng gising sa bahay kundi ako. Nang may narinig na akong mga ungol ng pusa na parang nagbabagsakan sa bubong, pinili ko na lang humiga sa kama. Doon, narinig kong nagring yung telepono.

Kumalabog ang puso ko dahil sa gulat. Sino bang sira-ulo ang tatawag nang ganitong oras? Eleven na ng gabi. Siguro mga tita ko 'yon sa states. E, dahil ako na lang ang gising, sino pa nga ba ang sasagot sa telepono?

Sa ikatlong ring, nasa tapat na 'ko ng telephone. Kinakabahan ako. Pa'no kung si Sadako 'yon at bigla na lang sabihin na "seven days" gamit yung paos niyang bulong?

548 Heartbeats (Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon