"Ah, nakakapagod naman talaga ang mag-aral. Katawan at utak kasi ang gamit diyan." Pinagpatong-patong niya ang mga plato.


"Ate Minda, hindi ko yata nakikita si Mrs. Cruz?"


"Ay, naku, mabuti nga at wala. Umuwi raw sa probinsiya, pero bukas nandito na ulit para pahirapan ang mga buhay namin."


Tipid akong ngumiti. Mabuti rin. Kasi kung makakasalubong ko ito ngayon at susungitan ako ay baka lalo na akong ma-depress. Ngayon lang ako nakaramdam nang ganitong pakiramdam, iyong lungkot na para akong may masamang nagawa kahit wala naman.


"Umalis si Calder ngayon, ah?"


"May pinasundo si Uncle Jackson sa airport." Natigilan ako ng maalala ko. Babae ang susunduin ni Kuya Calder. Sino kaya ito?


"Talaga? Sino?"


"Valentina raw, Ate Minda."


"Ay, anak ng ahas naman!" Nagkalansingan ang mga kubyertos ng basta niya iyon ipatong sa mga plato. "Si Valentina Zosia Hynarez!"


"Kilala mo?" Nilingon ko siya habang pinupunasan ko ang mesa.


"Naman!" Umikot ang bilog sa mga mata niya. "Business partners nila ang pulitikong ama non. Pero ngayon, sila na ang magpartner dahil magf-focus na raw sa business ang babaita. Ewan ko kung totoo."


Hindi naman siguro siya importante. Kasi kung importante siya, dapat si Uncle Jackson mismo ang susundo sa kanya.


"Ay, mabait naman yon si Valentina." Bumuntong-hininga si Ate Minda. "Hindi ko lang talaga type ang pagdikit-dikit niya kay Calder."


Nabitawan ko ang basahan.


"Palagi niyang nire-request na si Calder ang maghatid sa kanya, sumundo sa kanya et cetera! Kung pwede niya nga lang irequest kay Sir Jackson na si Calder na rin ang magpaligo at magpakain sa kanya ay baka matagal niya na ng ini-request."


Nanahimik ako at napaisip. "M-maganda ba si Valentina?" mahinang tanong ko.


"Maganda. Kung ikaw manika, siya naman mannequin!" Namewang siya at tumitig sa akin. "Bakit ganyan ang reaksyon mo? Para kang nalugi?"


"Ha? Hindi, ah." Lumabi ako. "Pagod lang talaga ako." Kinuha ko na ang mga plato sa isang tray at nagpatiuna na sa kusina.


"Ganyan talaga tayong magaganda, ayaw na may mas gaganda pa sa atin."


Pagkahatid namin ng mga plato sa kusina ay nagpaalam na ako kay Ate Minda na magpapahinga. Hindi na siya nagtanong dahil napansin naman niyang wala na ako sa mood magsalita.


Sobrang bagal ng mga lakad ko papunta sa hagdan. Dalawang lalaki ang laman ng isip ko at ginugulo nila ako. Si Uncle Jackson at ang cold and silent treatment niya sa akin at si Kuya Calder na bigla na lang nag-evaporate at hindi na nagparamdam. Nadaganan na yata ng eroplano.

Obey HimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon