Hindi ramdam ang init sa loob ng tren. Hindi ramdam ang pagsisiksikan ng mga tao sa loob.
Hinayaan niya lang tumulo ang luha niya habang tinitignan ang lalaking ilang araw na niyang sinusundan.
"Ah Brad, ok ka lang?" tanong ng lalaki.
Patuloy niya lang tinititigan ang lalaki at hindi na nag-abalang sagutin ito.
"Brad ayos ka lang ba?" tanong ulit ng lalaki
"Nakikita mo namang putok na putok ang blush on ko, pulang pula ang labi ko at ang haba ng buhok tapos brad ka ng brad ", pinilit niyang magmukhang mataray sa harap nito kahit na nagbabadya na naman ang mga luha niyang tumulo.
Natigilan ang lalaki at napahawak sa batok
"Pasensya na hindi ko kasi alam kung ano bang dapat kong itawag sayo." nahihiyang sabi nito
"Ate? Miss? Ano bang dapat?" napangiti siya sa inasta nito parehas na parehas sa lalaking mahal niya.
"Babe. Tawagin mo na lang akong Babe." pabirong saad niya. Nginitian lang siya nito at sa ikalawang pagkakataon may luha na namang dumaloy mula sa kaniyang mata.
Naguguluhan ang lalaki sa biglaan niyang pagluha pero hindi niya rin naman gustong itanong kung bakit umiiyak ito sa harap niya.
"Miss umusog ka na lang dito sa akin." iniusog siya ng lalaki sa tabi niya. Sa sobrang lapit nila, amoy na amoy na niya ito.
Nadismaya siya, iba ang amoy na inaasahan niya. Yung pabango ng mahal niya, yung amoy na hinahanap-hanap niya.
Kunot-noo siyang tinignan nito kaya napalayo siya ng kaonti.
"Nakaharang ka kasi sa pinto ng tren baka mahulog ka pag nagbukas yan." sabi ng lalaki.
Hindi na muli sila nag-usap. Wala ng ibang sinabi ang lalaki sa kanya. Nakatingin ito sa labas habang siya ay bumalik lang sa pagtitig dito.
Ilang sandali lang ay huminto ang tren at bumukas ang pinto. Maraming tao ang sumakay, sa dami ay hindi na niya namalayang nakababa na pala ng tren ang lalaking katabi niya lang kani-kanina.
***
"Iba talaga yung pakiramdam ko, sa tingin ko siya talaga yun." ikwenento niya sa mga kaibigan niya ang nangyari kanina. Walang paglagyan ang saya niya, halos mapunit na ang labi niya kakangiti dahil lang sa pag-uusap nila ng lalaking yun kanina."Sis tama na. Hindi na maganda yung ginagawa mo." nawala ang ngiti niya sa sinabi ni Anne. Isa sa mga kaibigan niya, ang taong lagi siyang dinadamayan na ngayon ay kontra na sa ginagawa niya.
"Vicey naman you should stop following that guy, nagmumukha ka nang stalker niya." hindi niya inaasahan na pati si Karylle na lagi siyang naiintindihan ay hindi na rin sang-ayon sa kanya
Inakbayan siya ni Billy, ang best friend niya. Pakiramdam niya meron nang sasang-ayon sa kanya sa katauhan ni Billy
"Bestie hindi naman tayo sigurado kung siya nga talaga yun. Hindi natin alam kung si kuys Vhong talaga yung lalaking yun." nagkamali siya, pati pala si Billy ay hindi naiintindihan ang pinagdadaanan niya.
Hindi niya alam kung bakit mas bumigat ang nararamdaman niya ng muling nabanggit ang pangalan ni Vhong ang lalaking minahal at patuloy niyang minamahal.
"Sabi mo nga Ate hindi ka niya kilala. Tinawag ka pa ngang "Brad" diba?" bumalik na naman sa kanya ang nangyari kanina dahil sa sinabi ni Jugs. Aminado siyang iba talaga ang paraan ng pagtingin nito sa kanya sa paraan kung paano siya tignan ni Vhong pero parehas na parehas ang dalawa sa reaksyon, paggalaw at idagdag pa na talagang magkamukhang-magkamukha sila.