Tama na

2.9K 14 0
                                    

"Tama Na"

Heto na naman ako,
Nagsusulat na naman ng isang tulang nagbabalat artikulo
At susubuking ilagay ang sarili
Sa sitwasyon ng isang babaeng
Tao lang din at nagkakamali,
Ngunit pinapasikat na naman ng madla
Gamit ang kanilang mga isipang mapanghusga.

Pakiusap, tama na,
Tama na ang pagbabato sa akin ng masasakit na salita,
Tama na ang paggawa ng walang katotohanang mga istorya,
Tama na ang pagkakalat ng mga pira-piraso kong pagkakamali,
Tama na ang panghuhusga,
Tama na, pakiusap, hindi ko na kaya.

Alam kong mali ang aking ginawa,
Alam kong hindi iyon tama,
Alam ko lahat, dahil ako 'to,
Sariling buhay ko 'to.

Buhay ko, papakialaman ko,
Buhay mo, pakialaman mo,
Karapatan ko, igalang mo,
Karapatan mo, irerespeto ko.

Ganyan na ba talaga kayo?
Sa isang click lang, nadudumihan na agad ang mga utak nyo?
Sa ginagawa nyong panghuhusga't paninirang puri sa akin,
Sino sa tingin nyo sa atin ang mas sunog ang kaluluwa
At walang delikadisa't respeto sa sarili't sa kapwa?
Nasasaktan ako sa mga masasakit na salitang binabato nyo,
Pero mas nasasaktan ako kapag naiisip kong,
"Ganito na ba talaga ang mga mamamayang Pilipino?
Sariling kababayan, hinuhusgahan,
Na para bang gusto nang alisan ng karapatang mabuhay
At ang buhay ay tuluyan nang wakasan?"
Nasaan ang hustisya!?
Iisa ko, sobrang dami nyo.
Anong laban ng nag-iisang nilalang
Sa milyon-milyong tao na may mga utak nga, kasinliit naman ng langgam?

Biktima lang din ako rito,
Biktima ako ng paninirang-puri na labag sa sampung utos ng nasa sa itaas.
Ako ang gumawa ng video,
Pero hindi tama na ipagkalat pa ito nang walang pahintulot ko.
Sa ginagawa nyong pagkakalat nito,
Pwede ko kayong kasuhan, dahil inaapakan nyo ang pagkababae't pagkatao ko!
Hindi lang kayo sa batas ng ating lipunan nagkakasala,
Pati sa Kaniya, mas malala.
Bago nyo ako pag-isipan at pagsabihan ng masama,
Siguraduhin nyo muna na wala pa kayong pagkakasala
At kung ang gagawin nyo ay hindi magdudulot sa inyo ng masama
At hindi masisira ang Kaniyang tiwala.

Pakiusap, tama na.
Tama na.

-Rara

Living PoetryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon