Chapter 1

910K 21K 5.6K
                                    

"CRUSH MO SI X?"


Nahinto ako sa pagbibilang ng barya na galing sa benta namin ng sampaguita. Si 'X'?


Ah, si X. Iyong matangkad na batang lalaki sa Raon. Iyong minsan tindero ng sigarilyo, minsan naman snatcher. X ang pangalan niya siguro kasi may peklat siya sa pisngi. Parang Samurai X ang peg.


Guwapo, tahimik at hindi mukhang palaboy si X. Paano ba naman, iba ang kulay ng mga mata nito. Kulay green! Anak yata ng Kano na iniwan sa bangketa. San ka ba kasi nakakita ng pulubing berde ang mga mata? Saka ang kinis non kahit marungis.


"Pag niligawan ka, pabuntis ka agad! Magkakaron ka na ng baby na green eyes!" Sabi sa akin ni Purita.


"Baka nakakalimutan mo na onse pa lang ako? Kilabutan ka sa pinagsasabi mo diyan, Purita! Saka ni hindi pa nga ako nagkaka-regla!"


"So?!" Maarteng inarko ni Purita ang kilay. "Si Ibyang nga nabuntis trese anyos, e!"


"Igagaya mo pa ako? At san ko ititira ang anak ko? Sa bangketa rin? At ano? Matutulad sa anak ni Ibyang ang anak ko na mamamatay sa gutom?" Mapait kong sabi.


Ayoko. Ayokong matulad sa ibang katulad namin. Ayokong matulad din sa akin ang magiging anak ko. Ayokong maging laman kami ng kalye habang-buhay.


(restored raw/unedited copy)


Ipinangako ko sa kapatid kong si Bonbon na makakaalis din ako sa ganitong pamumuhay.


Napa-singhot ako nang magbalik sa isip ko ang itsura ni Bonbon bago siya namatay sa ilalim ng tulay. Yakap-yakap ko siya habang kinukumbulsyon siya non. Wala akong nagawa, wala kong magawa dahil ano ba ang kaya kong gawin? Wala.


Maski nga almusal, tanghalian at hapunan namin ng araw na iyon ay hindi ko nagawan ng paraan. Pareho kaming inaapoy ng lagnat matapos ang bagyo. Nasa silong kami ng tulay at nanginginig sa gutom, sakit at pagod. Namatay si Bonbon sa bisig ko.


Namatay ang kapatid ko na wala akong nagawa kundi umiyak!


"Wag mong pilitin iyang si Osang," ani Maricel kay Purita. "Ang gusto niyan ay iyong may datung."


"Kapag may dede ka na, pwede ka na kay Mamshie!" Ani Purita sa akin. "Doon kikita ka ng malaki! Baka magka-two-hundred ka sa isang gabi!"


"Wow balato!" Si Maricel. "Libre mo ako ng icecream!"


Kilala ng lahat si Mamshie. Bugaw ang bading ng mga babaeng lansangan. Matagal na akong inaabangan non, re-recruit-in niya raw ako kapag nagka-dede na ako. Pero ayoko.


Hindi ako mapag-aaral ng two-hundred pesos lang. At isa pa, ayokong ibenta ang katawan ko sa kung kani-kanino. Ayokong magkasakit.


Dito sa kalye, kahit walang sex education, sapat na ang mapanood namin ang mga karanasan ng mga nakakasalamuha namin. Sa totoo lang, mas malupit pa na magturo ang karanasan kesa sa eskwelahan.


"Sige alis na muna ako." Paalam ko kina Maricel at Purita.


Mauuna na ako. Alam ko kasi na hindi pa sila matutulog, gagala pa sila, tatambay sa Plaza Miranda habang sinisilayan si X. Obvious naman kasi na crush din ng dalawa ang lalaking iyon. Lalo na si Purita. Obvious naman na may gusto siya kay X, nakapagtataka lang na sa akin niya ipinagtutulakan ang lalaking iyon.


Lumakad na ako pauwi sa bahay-bahayan ko. Mag-a-alas siete na ng gabi. Magde-December kaya malamig ang simoy ng hangin. Ang pinaka-bahay ko ay may kalayuan sa kanila. Sinadya ko talaga na malayo para mapag-isa ako. Kahit naman pulubi ay gusto ko rin namang mag-senti.  


Binaklas ko ang harang sa aking bahay-bahayan para lamang magulat sa makikita ko. May nakahiga sa bahay-bahayan ko!


"Sino ka?!"


Kumilos ang nakabaluktot na bata sa higaan ko. Marahan itong nagkusot ng mga mata saka bumangon at tumingin sa akin.


"Sino ka?" ulit ko. Pulubi rin marahil siya. Pero anong karapatan niya para agawin ang teritoryo ko?


Sa kaunting liwanag ay naaninag ko ang takot na reaksyon ng batang lalaki.


Ngunit hindi ang pagpasok niya sa teritoryo ko ang nagpagulat sa akin. Kundi ang kaalamang halos ka-edad niya ang namatay kong bunsong kapatid! Tantya ko sa itsura niya ay hindi siya nalalayo sa lima o anim na taong gulang.


Hindi nagsasalita ang bata ngunit papaiyak na ang magaganda nitong mata. Para akong sinikmuraan ng humikbi ang mamula-mula nitong mga labi.


Tumungo ako at lumapit sa kanya. "Ssshhh... Sorry. Wag kang matakot... ako si Osang. Ate Osang..."


Nawala ang mga luha niya at lumukso ang puso ko ng ngitian niya ako. Sa hindi ko maipaliwanag na dahilan ay biglang lumiwanag ang mundo ko.


"Wala ka na bang magulang? Palaboy ka rin ba? Gusto mo ba na dito ka na lang sa akin?" Sunod-sunod na tanong ko. Hindi ko rin maintindihan ang sarili ko kung bakit ko nasasabi ang mga ito.


Hinila ko siya at at hindi nag-iisip na niyakap. Pinawi ng init ng katawan niya ang panlalamig ko.


"Ate Osang ang itatawag mo sa akin, ah?"


Hinaplos ko siya sa ulo. Hindi man siya ang kapatid ko, pakiramdam ko ay ipinagkaloob siya ng langit bilang kapalit nito.


"Akin ka na..."


Tumango siya at yumakap sa akin. Lalong napuno ng tuwa ang puso ko.


JAMILLEFUMAH

@JFstories

Trapped With HimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon