Mataas na ang araw pagmulat ng mga mata ko kinabukasan. Nagtaka pa ako kung bakit hindi ako ginising ng pangungulit ni Imaran. Naalala ko iyong nangyari kahapon kaya muling sinakop ng matinding lungkot ang damdamin ko.
Lumingon ako sa katabing papag. Wala na roon si Diego. Kahit mabigat ang katawan ay pinilit kong bumangon. Umupo muna ako sa gilid ng papag at noon ko napansin ang ilang gamit sa mesa. Inayos niya pa talaga iyon bago siya umalis.
Sinimulan kong linisin ang sugat bago ko nilagyan ng gamot. Binalot ko na rin ang paa ko gamit ang gasang inihanda ni Diego. Buong ingat na pumunta ako sa kabinet. Kumuha ako ng pantalon at kamiseta. Dinampot ko na rin iyong bota na inilagay ni Diego sa sulok ng silid. Lumabas ako pagkatapos magbihis at dumiretso sa kusina. May lutong pagkain na rin doon.
Bakit kaya siya marunong ng gawaing bahay? Mayaman siya at kabi-kabila ang katulong nila. Dahil kaya iyon sa pagtira niya sa ibang bansa?
Habang kumakain ay nag-iisip ako kung paano ako makakabawi sa mga kabutihang ginawa niya. Bitbit ang isang tasa ng kape, tumayo ako sa nakabukas na bintana. Muntik ko nang maibuga ang kapeng iniinom nang makita ko si Diego sa labas. Nagdidilig siya ng mga pananim!
Hubad ang itaas na bahagi ng katawan niya. Suot-suot niya sa ulo ang kaniyang sombrero. Lumingon siya sa direksyon nitong bahay, parang naramdaman niya na may nakatingin sa kaniya. Makaraan ang ilang sandali, nakita ko siyang pabalik na rito sa bahay. Animo'y tuod ako na hindi makakilos kaya nadatnan niya akong nakatayo pa rin sa tabi ng bintana.
Lumiit ang mga mata niya pagkakita sa akin. "P'wede na bang ilakad 'yang mga paa mo?"
"Marami akong dapat gawin," depensa ko.
"Mas kailangan mong ipahinga 'yan. Kaya nga ginawa ko na 'yong ibang trabaho mo." Isinabit niya iyong sombrero at saka siya lumapit sa akin.
Napalunok ako. Ilang dipa lang ang layo niya kaya kitang-kita ko ang maskulado niyang dibdib. Kumikinang pa iyon dahil sa pawis. Ibinaling ko ang mata sa mukha niya at nahuli kong nakatitig din siya sa dibdib ko!
Nagtama ang mga mata namin. Uminit bigla ang pakiramdam ko. Sa tingin ko, ganoon din siya. Napansin ko na nagbago ang kulay ng mukha niya, parang namula.
Doon ko lang napagtanto ang maaaring nakita niya. Wala akong suot na bra. Nasira na lahat kaya itinapon ko. Ito namang manilaw-nilaw na kamiseta ko, katulad ng suot kong pantalon, ay hapit pa. Dati ay maluwag ito pero tumangkad ako, lumaki ang dibdib at medyo lumapad ang balakang ko.
Gusto kong takpan ng kamay ang dibdib ko ngunit mas lalong matatawag niyon ang atensyon niya. Umakto na lang ako nang normal. "Hindi mo kailangang gawin 'yon, pero salamat."
"Maliit na bagay lang 'yon."
"Akala ko, nakaalis ka na."
"Nang hindi nagpapaalam?"
"Bakit hindi?"
"Well, mali ka. Hindi ako gano'ng klaseng tao." Dumiretso siya sa banyo pagkasabi niyon. Kinuha ang nilabhang kamiseta at isinuot iyon habang naglalakad. "Aalis na ako. Baka nagkakagulo na sa bahay."
Mabilis na tiningnan ko ang dibdib ko habang nagbibihis siya. Halos tumirik ang mata ko sa nakita. Bakat na bakat ang pinakatuktok ng dibdib ko!
"Tiyak na mapapagalitan ka dahil 'di ka umuwi nang walang pasabi," kunyari ay balewalang saad ko.
"Sanay na akong mapagalitan," may langkap na pait na sabi niya. "Kaya mo na bang mag-isa lang dito?"
"Oo naman." May pagpipilian pa ba ako?
"Ba't 'di ka sumama sa akin? Do'n ka sa hacienda tumira."
"Ano, bigla na lang akong susulpot do'n? 'Di ba magtataka ang mga kasama mo?"
BINABASA MO ANG
Silakbo
General Fiction*Highest ranking received, number 1 in historical fiction.* Historical Romance Sabi nila, walang lihim na di-nabubunyag. Lumaki si Miranda sa gubat kasama ang kaniyang lola. Walang nakakaalam ng tungkol sa kaniya maliban kay Diego, ang binatilyong s...