Muli kong nasabi sa sarili ko na wala nang mas liliwanag pa sa ilaw ng isang 24/7 na tindahan gaya nitong 7-eleven. Lahat ng flourescent lamp sa kisame ay bukas maliban sa isang nasa dulo na kumukurap-kurap. Nasira siguro kanina nung biglang balik ng kuryente. Wala nang mas liliwanag pa, lalo't itong mga ilaw na lamang na 'to ang nagsasabing kaming walo ay buhay pa....
May kalakihan din itong convenience store. Tantya ko ay may 150 sq. meters. Mas malaki kesa sa karaniwan. Parte ito ng lumang 3 storey building pero sadyang hiniwalay sa iba pang bahagi ng gusali. Maayos ang tindahan. Kumpleto sa tinda. Puno ang lahat ng istante. Nangaanyaya ang mga sitsiryang damputin at kainin. Bago rin ang mga nakabalot na tinapay -ensaymada, puto monay etc. may mg sabon, sipilyo, mga de lata at kung anu ano pa. Kaaya-aya maliban lang sa nakakalat na mga magazine sa sahig at ang stand nito. Bumagsak dahil nasagi panigurado ng mga nagsitakbuhan kanina. May pitong bilog na mabababang upuan ang isang pahabang lamesang nakaharap sa salamin. May tatlong pang maliliit na lamesang parisukat sa gitna na kayang umokupa ng labindalawa. Malamig ang buga ng aircon. Ideal ang ganitong setup ng tindahang nasa isang commercial area.
Pinagmasdan kong muli ang paligid. Sinipat ko ang lahat ng kasama kong naiwan dito sa loob. Nakaupo pa rin sa sulok at iyak ng iyak ang isa sa dalawang babaeng naiwan. Humahagulgol at yakap yakap ang sliced bread na binibili nya kanina. Nakasandal sa isa sa mga round chair sa ilalim ng lamesang kainan. Nakatalukbong ang buhok nya sa kanyang mukha. Yung isang lalaking long-haired naman ay nakaupo sa sahig at nakasandal sa isa sa mga istante. Nasulyapan kong binubuksan nito ang kaha ng marlborong di nya mabitaw bitawan. Kumuha ng isang stick at sinindihan. Isang mahabang higop ng usok ang nagpatigil sa panginginig ng kanyang mga kamay. Sa kabilang dako naman ay nakita kong magkayakap ang mag-ina, karga sa kanyang mga hita ang anak na tantya ko ay nasa sampung taon. Nakataas pa rin ang cellphone sa kanyang tenga at malamang ay nagbabakasakaling makatawag sa pamilya.
Sa bandang cashier ay naroon naman yung gwardya at yung Rudy.
"Kung ano man..." Hinihingal na bungad ng matandang gwardya "Kung ano man yang nasa labas na yan eh hindi normal yan. Nakita mo naman, wala na kong marining na tao." Pagpapatuloy nito. Napansin ko rin na hawak pa rin nya ang rebolber sa kanang kamay. "Baka... Baka kinain na ng kung ano mga yun"
Yung Rudy ay hawak ang telepono ng payphone, ibinaba at iiniangat uli. Halatang wala pa ring dial tone. Hindi sya sumagot sa kasama. Dama pa rin nya ang takot. Pawis na pawis pa rin ang noo kahit malamig dito sa tindahan. Luminga-linga sya sa paligid at nagsalita. "Asan si Jeric?"
Jeric pala ang pangalan ng isa pa nyang kasama crew. Ibinaba nung Rudy ang hawak nyang telepono at nagtungo sa kitchen area nila. Maya maya lang ay lumabas na rin ito at akay akay na ang kasama. Nakatulala. Wala sa huwisyo. Mababatid mong nasa state of shock itong Jeric. Sa aming lahat na nandito, itong Jeric ang pinakamalaki. Malaking mama. Malaki ang tyan at matangkad. Hindi ko alam kung tumatanggap ng mga kwarenta anyos ang 7-eleven pero mukhang ganun nga ang edad nya. Sya ang pinakamalaking bulas pero kung susumahin, sya pa itong pinakatakot sa aming lahat.
Isang mahabang katahimikan ang nananatili sa lahat. Unti-unting kumakalma ang bawat isa pero naroon pa rin ang malalim na pagiisip at makahulugang pagmamasid sa paligid. Magkaganun pa man, ni isa sa amin ay ayaw magsalita. Maliban sa gwardya na manaka-nakang nagtatanong kay Rudy na paminsan minsan lamang din kung sagutin nitong huli. Sa dami ng sinabi ng mamang gwardya, ni isa ay wala akong naintindihan - o mas maiging sabihin, na ayaw kong nang pakinggan.
Umupo ako at sumandal malapit sa pintuang salamin. Inilatag ko ang dalawa kong binti sa sahig. Ngayon ko lang naramdaman ang pagka-hapo. Yung pagod na dulot ng matinding pagaalala. Hindi mawala sa sistema ko itong mga nagaganap. Kanina ko pang iniisip ang anak ko at ang ate ko na nagbabantay sa kanya. Sana naman ay walang nangyari sa kanila. Sa loob loob ko, baka naman panaginip lang tong nangyayari ngayon. Nakapanood na ko minsan ng ganitong klaseng palabas. Lahat ng tao sa mundo ay nawala maliban sa iilan. Parang katapusan ng mundo. Pero gaya kako ng lahat ng panaginip, magbabalik din sa normal ang lahat pagkagising.
BINABASA MO ANG
Saan Kami Pupunta?
Mystery / ThrillerAlas syete ng umaga, sa may Avenida, Maynila... Pakapal nang pakapal ang di-pangkaraniwang hamog na bumalot sa labas ng 7-eleven. Hamog na hindi namin alam kung paanong lumukob sa labas ng tindahan. Walo kaming naiwan. Walo kaming nagsisimula na...