Sabado.
Nagmamadali akong bumaba ng hagdan."Oh, Jeke, saan ka pupunta?" tanong ni Papang. Nakaupo na sila sa hapag-kainan kasama sina Ericka at JM, na nasa magkabilang gilid niya, habang si Tita ay naghahain ng pagkain.
Hindi ako agad nakasagot, lalo na't nakatingin din sa akin si Ericka.
Lumabas si Tita mula sa kusina. "May pupuntahan ka ba? Kumain ka muna, ija," sabi niya sabay lapag ng hawak niyang mangkok sa mesa.
Hindi pa rin ako sanay kumain kasama nila. Para bang nasa isang masayang pamilya, pero ako ang parang saling-pusa na nakikibelong lang.
"Hindi na po. Wala po akong ganang kumain. Tsaka hinihintay na po ako ng kaibigan ko sa plaza," magalang kong sabi. "Aalis na po ako."
Hindi ko na hinintay ang sagot nila at agad na akong nagmamadaling umalis.
Tumakbo ako nang mabilis dahil malapit lang naman ang plaza at, sa totoo lang, excited na rin akong makita siya.
Pagdating ko sa plaza, sakto-walang tao sa paborito naming pwesto. Mabuti na lang at wala pa siya. Hinihingal kong inilapag ang bag ko sa mesa at tumingin sa oras sa phone ko.
12:38 PM.
Isang oras pa akong maghihintay. Sobra ba akong na-excite na makita siya? Mariin kong pinilig ang ulo ko at winaksi ang pag-e-excite. Tama, hindi ako nae-excite.
Habang naghihintay, panay ang tingin ko sa suot ko. Mukha ba akong maayos? Presentable ba ako? Nakasuot ako ng blue dress na may floral design at sleeves. Hindi ito ang karaniwang suot ko. Hindi ko nga alam kung bakit ko ito sinuot. Pakiramdam ko hindi bagay sa akin. Pwede pa kayang umuwi at magpalit? May oras pa naman.
Tumayo na ako, pero sakto namang dumating si Jal, hingal na hingal, parang galing sa pagtakbo.
Agad kong hinatak ang bag ko para itago ang suot ko, pero hindi sapat ang bag para matakpan ito ng buo.
"Pasensya na, nalate ako," sabi niya habang humihingal pa rin. "Nasiraan ako ng motor sa daan kaya kinailangan ko pang maghanap ng pagawaan..."
Natigilan siya nang tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa, tapos balik ulit ang tingin niya sa mukha ko.
"A-ang aga mo ah," nauutal kong sabi.
Nilapag niya ang backpack niya sa mesa, pero hindi pa rin niya inaalis ang tingin sa akin. "Ang aga mo rin. Excited ka bang makita ako?" pabiro niyang tanong.
Namula ako. "H-hindi ah! Pareho lang tayong maaga," palusot ko. "Ako kasi yung may kailangan kaya ako dapat yung naghihintay."
Tumango siya habang natatawa. "Ba-bakit?" tanong ko.
Umiling siya. "Wala. Pero bakit nakatayo ka pa? Umupo ka na."
"Gusto ko sanang bumalik sa bahay para magpalit ng damit."
Muli siyang tumingin sa damit ko, kaya lalo kong niyakap ang bag ko. "Bakit? Hindi ka ba komportable?"
Kinagat ko ang likod ng pisngi ko at yumuko. "Hindi naman sa ganun. Para kasing...," napahinto ako. "Hindi bagay sa akin yung suot ko."
Nang tumingala ako, nakatitig lang siya sa akin na parang nagtatanong ang mga mata. "Anong ibig mong sabihin? Hindi sa binobola kita, pero bagay sa'yo yang suot mo. Maganda ka na, pero mas maganda ka ngayon."
Bahagya akong ngumiti sa sinabi niya. Bigla siyang lumapit at marahang kinuha ang bag ko. Para akong nanghina at kusa akong bumitaw, kaya nakuha niya ang bag at inilagay ito sa mesa.
"Simulan na natin," sabi niya.
Dahan-dahan akong tumango at umupo na. Akala ko, sa harap ako niya uupo, pero umikot siya at umupo sa tabi ko.
BINABASA MO ANG
Bestow Your Affections On (Highschool Series #1)
Teen FictionBallpen believes that her feelings for her long-time crush, Jamie Loyd del Reyes, are just admiration. She thinks that a crush is merely idolizing a famous artist or K-pop idol, and that these feelings can fade away, allowing you to find someone new...