"Para rin po ito-" si kuya na agad ding pinutol ni nanay.
"Wala akong pakialam kung patayin din nila ako! Mas mabuti na nga iyon para magkasama na kami ng tatay n'yo!"
"Nay, naririnig n'yo po ba iyang sarili n'yo? Ayaw lang po namin na pati kayo ay madamay! Malaking pamilya itong kalaban natin! Wala na nga si tatay, pati ba naman ikaw?" Si ate na umiiyak na rin.
"N-Nanay, tama po si kuya. Umalis po muna tayo rito..." sabi ko.
"Hindi! Hindi n'yo ako mapapaalis dito! Dito namatay si Samuel kaya dito rin ako mamamatay!"
"Nanay! 'Wag na pong matigas ang ulo n'yo!" Sigaw ko dahil kinakabahan na naman ako sa mga sinasabi niya. Ngayon pa nga lang na si tatay ang wala, halos hindi ko na kayanin. Ano na lang kung pati siya ay kunin din sa 'min?
Hindi ko na alam.
"Nay, makinig po kayo sa 'min. Umalis po muna tayo rito para rin sa kaligtasan n'yo. Habang gumugulong pa po ang imbestigasyon," si kuya na lumuhod na sa harapan ng natitira naming magulang.
Natigilan si nanay sandali pagkatapos ay umiling lang saka nagkulong na sa kwarto nila ni tatay. Habang kaming tatlong magkakapatid ay tahimik na naiwan do'n.
Si kuya na problemado dahil siya ang nag-aasikaso ng lahat mula sa pagpapa-cremate ng mga labi ni tatay dahil kahit gustuhin man niya at ng mga tito at tita ko na magsagawa ng maikling burol para sa haligi namin ay masyadong delikado iyon para sa seguridad naming lahat. Dahil malakas ang kutob nila na ang mayor ang nagpapatay kay tatay, hindi namin sigurado kung baka isa ulit sa 'min ang isunod nila. Kaya nagdesisyon si kuya na umalis kami rito sa Iloilo at doon muna pansamantalang tumira sa Cebu.
Si ate na pilit nagpapakatatag kahit pakiramdam ko ay gusto na lang niyang umiyak nang umiyak dahil hindi man lang nila nakita ni kuya kahit sa huling sandali si tatay. Na ngayon na nga lang ulit sila nakauwing dalawa tapos sa ganitong sitwasyon pa.
At ako... ako na hindi na rin alam ang gagawin.
Hindi ko na rin alam kung anong dapat maramdaman.
Bakit gano'n? Bakit ang bilis ng mga pangyayari? Bakit sa isang iglap lang ay nagbago ang lahat? Maayos pa naman no'ng mga nakaraang araw, a? Masaya pa ako no'ng isang linggo tapos... ganito?
Anong nangyari?
Bakit ganito?
May nagawa ba kaming masama kaya kailangan naming pagdaanan ang lahat ng 'to?
May... nagawa ba akong masama?
"Bok, wala na si tatay," bulong ko sa anak ko.
Nandito na kami sa Cebu. Sa huli ay wala ring nagawa si nanay kundi sundin ang sinabi ng mga kapatid ko. Naiintindihan ko siya na ayaw niyang umalis kami sa bahay namin dahil nando'n ang lahat ng alaala namin kasama si tatay. Pero ayokong i-risk ang kaligtasan naming lahat.
Isa pa, pansamantala lang naman ang pagtira namin sa Cebu. Habang hindi pa nahuhuli ang suspek at gumugulong pa ang kaso ay sisiguraduhin muna naming wala nang ibang madadamay. Pero naniniwala akong sandali lang 'to.
Palagi kong naririnig na bulok ang justice system dito sa Pilipinas pero ng mga oras na iyon ay wala akong ibang pagkakapitan kundi maniwala na makakamit namin ang hustisya para kay tatay.
Hindi kami papayag na hindi mananagot ang mga gumawa no'n sa kaniya. Hindi niya deserved iyon. Walang biktima ang may deserved na hindi makuha ang hustisya na dapat ay para sa kanila.
Walang ibang nakakaalam kung nasaan kami maliban sa mga tito at tita ko. Kumuha lang si kuya ng isang apartment na may tatlong kwarto na pansamantala naming titirhan. Sa totoo lang, ang kapatid ko na talaga ang nag-aasikaso ng lahat. Wala na akong lakas para tanungin pa sila kung ano na bang susunod naming gagawin.
Pero hindi ko rin matanggap na bakit kami pa iyong parang kriminal na nagtatago at lumalayo kahit kami naman ang kinuhanan nila ng buhay?
Bakit parang kami pa iyong may kasalanan?
Pero hindi ko na iyon inisip. Ang mahalaga ang ligtas kami. Basta wala nang masasaktan. Mas nilaan ko na lang din ang lahat ng enerhiya ko sa pag-aalaga at pagtingin kay nanay na nagkukulong na lang sa kwarto at halos hindi na kumakain. Palagi na lang siyang umiiyak at nakatulala. At kapag nakikita ko siyang gano'n ay hindi ko na rin mapigilang umiyak para sa kaniya kasi sobrang nadudurog ang puso ko na ganito ang epekto sa kaniya ng pagkawala ni tatay.
Pero mabilis ko ring pinapalis ang luha ko kasi gusto kong makita ni nanay na nandito lang kami para sa kaniya. Na kung mahina siya ngayon ay meron siyang mga anak na palaging susuporta sa kaniya lalo na sa mga nangyari. Masakit na masakit sa 'min 'to pero kailangan naming magpakatatag para sa kaniya. Hindi na ako pwedeng umiyak lalo na sa harap ni nanay.
Iyon nga lang, siguro ay sinusubok nga talaga kami ngayon.
Dalawang araw pagkatapos naming lumipat sa Cebu ay nabalitaan na lang namin na pinagbabaril ang bahay ng isa kong tito, kapatid ni tatay na nagtatrabaho rin sa munisipyo, ng hindi pa nakikilalang lalaki. Iyon ang naging dahilan kung bakit dinala kami ni kuya sa Taiwan kung saan siya nakadestino ngayon dahil sa takot niya na baka pinaghahanap kami ng mga taong pumatay kay tatay.
Pero sa kalagitnaan ng gulat at kaba dahil sa nangyaring iyon ay hindi namin inakalang may panibago na namang pagsubok na darating.
Isang malakas na tili ang narinig namin mula kay ate. Galing iyon sa kwarto ni nanay. Mabilis kaming umakyat ni kuya at pakiramdam ko ay tumigil ang mundo ko sa naabutan.
Si nanay... na walang malay na nakahiga sa kama niya...
... at dumudugo ang palapulsuhan.
BINABASA MO ANG
Jersey Number Nine
RomanceIt all started when rookie setter Seb Angeles misset the ball causing injury to their team's opposite hitter, Nico Almojer.