Wala na si tatay, Seb.

"Hindi pa ito sigurado pero malaki ang hinala namin na may kinalaman dito ang pagkakadiskubre ng tatay n'yo sa mga ilegal na gawain ng mayor..."

Hindi ko na nasundan ang pag-uusap nina kuya dahil mas nakapokus na ang atensyon ko kay nanay. Sobrang nag-aalala ako para sa kaniya. At kahit gusto kong sabayan siya sa pag-iyak ay pinilit kong tatagan ang sarili at pigilan ang mga sariling luha para ipakita sa kaniya na nandito lang kami, ako, sa tabi niya.

Kasi alam kong sa lahat ng tao rito, siya ang pinakanasasaktan sa biglaang pagkawala ni tatay. Kung masakit 'to bilang anak ay sigurado akong doble ang sakit na nararamdaman ni nanay ngayon bilang siya ang kabiyak.

Wala na iyong pinakamamahal niya.

Wala na iyong taong pinangakuan niya sa harap ng Diyos na mamahalin niya habang buhay.

Kinuha sa kaniya nang gano'n lang.

Kaya dapat tatagan ko ang sarili ko para sa kaniya.

Pero hindi ko rin maiwasan na mag-isip ng maraming sana. Sana pala ay mas naglambing pa ako kay tatay ng araw na iyon. Sana pala ay mas maraming beses ko pa siyang sinabihan na mahal na mahal ko sila ni nanay. Sana pala mas naging mabuting anak ako sa kanila. Sana pala sinulit ko lahat ng oras na kasama ko siya.

Hindi ko naman inakalang... huli na pala iyon.

Iyon na pala iyong huling beses na mayayakap ko ang tatay ko. Iyon na pala iyong huling beses na makikita ko iyong ngiti niya. Iyon na pala iyong huling beses na makakausap ko siya.

Ang sakit.

Ang sikip sa dibdib.

Gusto ko na lang no'n magtago sa isang madilim na lugar para do'n ko ibuhos ang lahat ng sakit na nararamdaman ko.

Halos hindi ako nakatulog ng sumunod na dalawang araw. Wala rin akong lakas at gana para kumilos at makipag-usap maliban na lang kung nakikita kong umiiyak si nanay. Siya lang talaga ang nasa isip ko ng mga oras na iyon.

At kung makakaidlip man ay magigising din agad dahil sa mga panaginip tungkol kay tatay at sa kung paano siya walang kalaban-laban na kinuha sa 'min... kung paano siya walang habas na pinagbabaril ng mga taong iyon.

At sa bawat pagdilat ko ng mga mata ay hindi ko na mapigilang mapahagulhol dahil sa nararamdamang awa para sa kaniya. Ang tatay ko... para lang siyang... hayop na basta na lang pinatay.

Paano nila nagawa iyon? Paanong ang dali lang para sa ibang tao na pumatay ng kapwa nila na akala mo ay galing sa kanila ang hininga ng iba?

Dahil nadiskubre ni tatay ang mga ilegal nilang ginagawa ay gano'n na ang gagawin? Iyon agad ang naisip nilang solusyon para mapatahimik si tatay? Ang patayin siya? Sila na nga itong may ginagawang mali, sila pa ang malakas ang loob na dagdagan iyon ng isa pang pagkakamali?

Bakit?

Bakit si tatay ko pa?

Bakit kailangang humantong sa gano'n ang lahat?

Sino ba sila para alisan ang buhay ng isang tao? Hindi ba nila naisip iyong mararamdaman ng mga maiiwan sa gagawin nila? Paano kung... paano kung sa kanila gawin iyon?

Paano kung sila ang pinatay nang walang kalaban-laban?

Paano kung sila ang namatayan ng mahal sa buhay?

"Hindi ako aalis dito, Santi! Nandito lahat ng alaala ng tatay n'yo!" Si nanay ng umagang iyon, galit at umiiyak.

"Nanay..." tawag ko para pakalmahin siya.

Jersey Number NineTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon