Kaya paanong wala na siya?

Wala na siya... nang gano'n lang?

Wala na si tatay ko?

At gaya ng eroplano na sinakyan ko ng gabing iyon ay lumilipad din ang isip ko sa nangyari. Siguro ay sa sobrang gulat sa masamang balitang nakarating sa 'kin ay tulala na lang ako habang yakap ang backpack na tanging dala ko pabalik ng Iloilo. Hindi ko na magawang umiyak o baka dahil ubos na yata ang mga luha ko at gusto na lang pabilisin ang oras para makauwi na agad sa 'min at para makita na hindi totoo iyong sinabi ni nanay.

Na hindi totoong wala na si tatay. Na maaabutan ko pa siya sa bahay namin na nakangiti. Na masaya. Na sasalubungin ako at sasabihin sa 'kin na siya palagi ang kakampi ko sa lahat.

Hindi pwedeng wala na si tatay. Hindi ako papayag! Kausap ko lang siya ng araw na iyon! Imposibleng wala na siya!

Pero halos madurog ang puso ko nang maabutan si nanay na malakas na umiiyak sa gitna ng mga nakapalibot naming kamag-anak. Pilit siyang pinapatahan ng ate ko na umiiyak din habang si kuya naman ay nakatayo sa gilid nila at tahimik na humihikbi.

Natigilan ako. Nandito ang mga kapatid ko? Umuwi sila ng Pilipinas... kasi pareho rin kami ng nabalitaan?

Totoo nga na wala na si tatay?

"Nanay..." tawag ko.

Nilingon nila akong lahat.

"S-Seb, a-anak!" Malakas na tawag ni nanay habang wala pa ring tigil sa pagbagsak ang mga luha.

"Nanay!" Tawag ko rin sa kaniya at mabilis akong lumapit sa kanila para yumakap.

Kasi kung hindi ko gagawin iyon, kung hindi ako kakapit sa kanila ay baka bumagsak na lang ako. Baka hindi na ako makabangon. Kasi umaasa pa rin ako hanggang ng mga oras na iyon na baka hindi totoo iyong nangyari. Na binibiro lang nila ako. Pero nang makita nang harap-harapan ang nanghihina at nasasaktan na mukha ng nanay at ng mga kapatid ko ay kompirmasyon iyon na... wala na nga ang isa sa pinakamamahal namin.

Agad na lumabo ang mga mata ko dahil sa mga luha kong akala ko ay naiiyak ko na kanina.

Ang makita sila na ganito ay sobrang nakakapanghina.

"Seb! Wala na si tatay mo! Wala na!" Si nanay na mahigpit din ang kapit sa 'kin.

Hindi ko na magawang magsalita. At kung kaya ko mang maglabas ng mga salita sa bibig ko ng mga oras na iyon ay wala rin naman akong maisip na sasabihin na makakagaan ng loob ni nanay. Kasi maski ako ay nangangailangan din ng magsasabi sa 'kin na magiging maayos din ang lahat.

Hinayaan ko ang sarili ko na umiyak lang nang umiyak habang pinapatahan si nanay.

Wala na talaga si tatay?

Wala na iyong... wala na iyong isa sa mga kakampi ko?

Kinuha na siya sa 'min? Sa 'kin?

Hindi ako makapaniwala. Ayokong maniwala. Ayokong tanggapin. Kasi kausap ko lang siya kaninang umaga! Magkasama pa kami! Iyon na pala iyon? Ni hindi man lang ako nakapagpaalam nang maayos sa kaniya! Ang dami ko pang gustong sabihin! Hindi pa ako nakakabawi sa lahat ng sakripisyo at ginawa niya para sa 'min!

Ipapasyal ko pa siya sa ibang bansa! Magbabakasyon pa kami! Bibilhan ko pa sila ni nanay ng mas malaking bahay! Aalagaan ko pa sila, e... bibigyan ko pa sila ng mas magandang buhay...

Ang sakit. Sobrang sakit. Walang salitang makakapaglarawan kung gaano kasakit ang mawalan ng magulang. At alam kong hinding-hindi na ako makakausad mula rito.

Halos hindi ko na namalayan ang mga sumunod na nangyari. Nakayakap lang kami ni nanay sa isa't isa. Alam kong nag-uusap sina kuya at ang mga tito ko tungkol sa nangyari kay tatay pero wala na akong naririnig o mas pinili kong hindi pakinggan ang detalye ng pagkamatay niya. Nakatulala na lang ako ro'n habang mahigpit na hawak ang mga kamay ni nanay na wala pa ring tigil sa pag-iyak.

Jersey Number NineTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon