A/N
Ito na ang last story sa collection na ito. Sa mga bumasa at nag-support ng story. Maraming salamat po. This story is different from the previous stories. A fresh approach on the nursery rhyme that we all love. Hoping that it will be successful in showing you that reality is scarier than fiction.
"Humpty Dumpty sat on a wall,
Humpty Dumpty had a great fall.
All the king's horses and all the king's men
Couldn't put Humpty together again"Alam nating lahat ang nursery rhyme na ito pero alam niyo kung anong nakakakilabot? Wala naman talagang bahagi sa rhyme na binanggit na isang itlog si Humpty Dumpty. Marahil ay isa siyang tao na nagkahiwahiwalay ang katawan at hindi na maibalik muli. Taong 1877, nang ipakita na si Humpty Dumpty ay isang batang lalaki.
Narito ang modernong pagkwento ko sa nursery rhyme na Humpty Dumpty.
***
Abala ang sentro ng kalakaran ng siyudad. Naroon sa mga gilid ng bangketa ang mga nagtitinda ng mga kakaibang bagay kasama na ang iba't ibang uri ng halamang gamot. May ilang pamilihan din na nagbebenta ng mga illegal na bagay tulad ng mga piniratang dvds at mga sexual-related na material.
Sa gitna ng maingay na kapaligiran ay naroon ang isang bata na patuloy ang pag-iikot sa bawat paninda at nagtatanong kung may maari ba siyang maitulong sa mga ito. Araw-araw na niyang ginagawa na maghinulungan sa mga may tindahan kapalit ang ilang piraso ng barya. Nakaraos ng pang-araw-araw niya si Humpty sa ganoong paraan. Ang kinikita niya ay ibibili niya ng isang kilong bigas na sapat na sa buo nilang mag-anak. Kung may kikitain ang Ama niya ay may ulam sila ngunit kung wala ay magtitiyaga sila sa kanin na sinabawan ng tubig.
Una siyang tumapat sa isang tindahan na nagbebenta ng mga piniratang DVD. Kinausap niya ang babaeng tindera na madalas na niyang pakiusapan.
"Ate Naty, baka naman kailangan niyo ng extrang tao ngayon? Pwede po ako." Prisinta ni Humpty sa sarili niya.
"Naku Humpty, mahina ang benta. Nahuli pa kami kahapon kaya ito. Paluwal pa kami sa puhunan namin. Inutang na nga lang huhulihin pa." himutok ni aling Naty sa bagay na iyon.
Pinagkibit balikat na lamang ni Humpty ang bagay na iyon. Kung makikinig pa siya sa madramang kwento ni Aling Naty ay baka hindi na niya kayanin. Sapat na na ang buhay niya na lamang ang madrama. Lumipat siya sa kabilang tindahan na nagtitinda ng mga tinapay. Madalas siyang pinapayagan na maging katulong ng panadero dito kapag kulang sila sa tao.
"Manong Jeorge, baka naman pwede po ulit akong umextra." Pakiusap niya sa lalaking nakapangalumbaba sa salamin na eskaparate na pinaglalagyan ng mga tinapay. Nakasimbakol ang mukha nito na animoy nalugi ng isang milyon.
"Bata, wala pang benta ngayong araw. Noong huli kang maghinulungan dito eh nawalan kami ng benta."
"Pero matagal na po akong nagkakatulong sa inyo at hindi ko po magagawang magnakaw." Paliwanag ni Humpty.
"Hindi ko rin alam. Hindi rin naman kita lubos na kilala." Sabay tumalikod na ang lalaki at pumasok sa loob ng panaderya.
Iiling –iling na lumayo si Humpty sa tindahan na iyon. Mahirap talaga ang kalagayan ng isang kagaya niyang mahirap. Madalas kapag may nangyaring masama ay siya ang pagbibintangan kahit na sabihin na ngang wala siyang kinalaman doon. Ganoon na ang batas ng buhay, kapag maliit ka sa paningin nila palaging sa iyo mauuwi ang sisi.
Ilang tindahan pa ang nilapitan niya ngunit sadyang wala talagang pwedeng pasukan ng extra ngayong araw. Hindi naman siya pwedeng makiusap sa tindahan ng electronic supplies at wala siyang alam doon, lalo namang imposibleng makiusap sa mga matatandang nagbebenta ng pampaagas at kung anu-anong gamot.
"Manghula na lang kaya ako?" mahinang sabi niya nang madako ang mata niya sa matandang nakaupo sa gilid ng mataas na pader ng simbahan. Kilala niya ang matandang iyon at alam naman niya na wala naman talagang alam iyon sa panghuhula. Nagbibigay lamang ito ng mga matatalinhagang sagot sa mga tanong ng mga nagpapahula dito.
Lulugo-lugo siyang tumayo at nagsimulang maglakad papauwi nang masalubong niya ang isang kumpulan ng mga tao na mukhang may pinagkakaguluhan. May isang matandang babae na nasa edad 40 pataas na kausap ang dalawang pulis. Sa pananamit pa lamang ng ale ay halata mong may kaya ito. May singsing ito na malaki ang bato at makapal din ang gintong kwintas na nakasuot dito.
"Hinila nga nang biglaan ang bag ko ng isang bata. Pagkatapos noon nakita ko na lang 'yung ibang bata na nagsimulang magsitakbo. Mukhang magkakakilala po sila." Naiiyak na kwento ng matanda.
"Huminahon po kayo, kung gusto po ninyo ay mag-file po tayo ng reklamo sa presinto."
"Ito na nga, sinasabi ko na sa inyo ngayon. Di ba dito kayo naka-assign? Siguro naman kilala niyo ang mga batang madalas na tumambay dito sa lugar na ito. Imposible namang hindi niyo sila nakikita sa araw-araw na pagronda niyo dito."mataas ang boses ng ale na parang sinesermunan ang dalawang pulis.
Sa kainitan ng kanilang pag-uusap ay napatingin ang isa sa mga pulis sa dako ni Humpty. Nakita ni Humpty na nagsalita ng mahina ang pulis sa kasama niya at sa ale. Matapos iyon ay tumingin ang tatlo sa kanyang direksyon. Nagulat na lamang si Humpty sa mga susunod na nangyari.
"Iyan! Kasama ang batang iyan." Sabay turo ng matandang ale sa kanya.
Hindi na niya alam ang gagawin. Nakatingin nang masama ang lahat sa kanya na para bang hinusgahan na siya bago pa man siya marinig. Papalapit na ang dalawang pulis sa kanya. Ayaw niyang makulong para sa salang hindi niya naman ginawa. Mahirap sila pero tinuruan sila ng kanilang magulang na maging patas sa lahat. Nagsimula siyang tumakbo papalayo sa lugar na iyon. Agad naman siyang hinabol ng dalawang pulis kasama na ang iba pang taong naroon.
"Pigilan niyo 'yan. Magnanakaw ang batang iyan." Sigaw ng isang pulis.
Naghalo na ang uhog at luha ni Humpty habang tumatakbo palayo sa mga taong dapat sana ay pumoprotekta sa tulad niya. Paulit-ulit niyang sinasabi na wala siyang kasalanan at h'wag siyang habulin ng mga ito ngunit walang makarinig sa kanya. Hanggang sa napagdesisyunan niyang tumakbo sa loob ng simbahan. Inisip niya sigurong tahanan iyon ng Diyos at ililigtas siya nito ngunit kahit na ang lugar na iyon ay nanatiling bingi sa kanyang mga pagsamo. Hinabol siya ng mga tao hanggan sa kaloob-looban ng simbahan. Tumakbo siya papataas ng hagdanan patungo sa taas ng kampanaryo. Nang maramdaman niyang papasunod na ang mga tao sa kanya ay lumabas siya sa bintana ng simbahan na pinagsasabitan ng kampana at naglakad sa bubong ng simbahan papalyo sa mga humahabol sa kanya.
"Wala po akong kasalanan." Sigaw niya sa mga pulis na nakasilip sa may kampanaryo.
"Bumaba ka na diyan bata."
Ngunit hindi nakinig si Humpty. Natatakot siya na sa oras na sundin niya ang mga pulis ay hulihin siya nito at parusahan. Pumunta pa siya sa dulo ng bubong at umupo sa mataas na pader ng simbahan. Nagsimula nang magkulumpon ang mga tao sa ibaba. Walang alam tungkol sa tunay na istorya kung bakit siya nasa taas ng pader at nakaupo.
Sinubukan ng isang pulis na pumunta sa may bubong ng simbahan ngunit unti-unting umatras si Humpty hanggang sa hindi na niya namalayan na nasa dulo na pala siya ng pader. Nahulog si Humpty mula sa mataas na pader. Animoy isang puno ang tumumba sa lakas ng pagbagsak na iyon. Humampas ang mukha niya sa konkretong lupa at nabasag ang kanyang bungo. Kumalat ang utak ng bata na natilamsikan pa ang sapatos ng ilan sa mga usyusero.
Dali-daling bumaba ang dalawang pulis na humahabol kay Humpty. Hinawi nila ang mga taong naroon upang makalapit sa katawan ng bata. Ni isang senyales ng buhay ay wala ka nang mababakas sa itsura ni Humpty.
"Paano ba ito, kailangan pa nating i-report ang bagay na ito."
"Ganoon na nga. Kahit anong gawin natin diyan wala na tayong magagawa diyan. Walang pandikit para sa basag na bungo." Nagbibiro pang sabi ng isa.
BINABASA MO ANG
Pinoy Horror Stories II (Completed)
HorrorCreepy tales from the underworld. Paalala: H'wag ninyong babasahin nang nag-iisa.