Chapter 9
Nagising ako sa tilaok ng mga manok sa labas. Inangat ko ang aking mukha mula sa pagkakasubsob sa unan at tumihaya ng higa. Wala na si Kessiah sa kama nang magising ako. Pumapasok sa maliit na butas ng sawaling dingding ang mumunting sinag ng araw. Medyo nanibago ako dahil ilang taon din akong hindi nagising sa ganitong lugar. Marami namang puno sa palibot ng mansion ni Tita Amanda pero walang manok na tumitilaok sa umaga.
Naupo ako at natulala lang sandali bago tumayo upang buksan ang bintana. Napanaginipan ko na naman. My past was really hunting me, huh. Dumungaw ako roon at natanaw ko sila Tatay at Nanay sa labas, kasama si Kessiah. Nakatayo si Tatay Isme na nagpapatuka ng manok. Si Nanay at Kessiah naman ay magkaharap sa lamesa at nagkakape. Mukhang maganda ang takbo ng kuwentuhan nila dahil tumatawa si Nanay Wena.
Dinampot ni Tatay Isme ang tasa at humigop ng mainit na kape, sakto namang napatingala siya sa gawi ko at nakita ako.
"Kye, hijo, baba na nang makapagkape ka na."
"Sunod po ako." Bumaba na ako at dumiretso sa lababo upang ayusin ang sarili.
"Magandang umaga po," bati ko pagkalapit.
Nakaupo lang si Kessiah at tahimik na sumisimsim ng kape. Kahit papaano naman ay natutuwa ako na nakikipag-usap siya kila Nanay. Sobrang tahimik niyang tao kaya na-curious tuloy ako bigla kung anong pinag-uusapan nila kanina. Masyado kasing masaya si Nanay.
"Kape ka na, hijo."
"Sige po."
"Heto ang thermous." Itinulak iyon ni Nanay palapit sa akin.
"Salamat po." Nagtimpla lang ako ng kape pagkatapos ay tumabi na kay Kessiah.
"Good morning," baling ko sa babaeng may kagat na tinapay.
"Morning," tipid nitong tugon at nginuya iyon.
Ang cute niya—hindi ah. Ipinilig ko ang ulo. Makapagkape na nga lang.
"Napakaganda mo, hija. May ibang lahi ka? Parang ka kasing mixed ng Asian at European genes."
"Sabi nga po nila."
"Ano bang ethnicity mo, Kess?"
"Filipino-German-Japanese."
Napangiti akong palihim dahil sinagot niya. Kahit anong pagpipigil alam kong nabibwisit siya sa tinanong ko. Kung kami nga lang dalawa ang magkasama at wala sila Nanay Wena, paniguradong hindi niya sasagutin iyon. I know Kessiah. She doesn't like sharing things about herself.
"Pero hindi pa naman po sigurado."
Kumunot ang noo ko sa sinabi niya. Paanong hindi siya sigurado? Itatanong ko pa sana pero tinapakan na ako ng babaeng katabi ko, kaya sa huli'y minabuti kong itikom na lang ang aking bibig.
"Parehas pala kayo nitong anak ko. Mixed breed din." Tumawa si Nanay Wena.
Mixed breed? Ano ako aso?
"Filipino-Chinese-Russian na nga ba, 'nak?"
"Opo." Nakayuko na lang akong tumango-tango habang pigil na pigil na matawa.
Mixed breed ang puta.
"Naku paniguradong napakaganda't gwapong bata niyan kapag nagkaanak kayo." Binalingan pa nito ang mister. "Hindi ba, Isme?"