Alas-tres

9.4K 178 16
                                    

Napabalikwas bangon ka sa lalim ng gabi.  Tagaktak ang pawis sa buong katawan mo kahit malamig naman ang hanging bumabalot sa iyong silid.  Tumingin ka sa orasan na nasa maliit na mesa na pinagpapatungan ng malabong ilaw ng lampara.

"Alas tres na naman."  Napabuntong hininga ka sa yamot na nararamdaman.  Nagsimula ang mga ganitong pangyayari sa buhay mo nang sumakabilang buhay ang abuelo mo.  Simula noon gabi-gabi ka nang binabagabag ng kakaibang panaginip.  Sunod-sunod na gabi, walang patid, walang tigil. Inisip mo na baka sinumpa ka na ng Lolo mo matapos mong tumangging sumama sa Japan upang makibahagi sa lamay at libing niya

Gaya ng ilang gabi, nagsisimula ang panaginip mo sa isang malawak na lugar, walang iba roon, ikaw lamang at ang lupang kinatatayuan mo.  Magsisimula kang maglakad, hindi alam ang patutunguhan.  Awtomatiko nang humahakbang ang paa mo sa direksyon na tila nakaprograma sa kanya.  Para kang isang makinang walang utak, walang kontrol sa sariling katawan.

Ramdam na ramdam mo ang takot sa bawat hakbang na ginagawa mo.  Kinukumbinse mo ang sarili na isa na naman itong panaginip at kailangan mong magising ngunit walang silbi ang kahit anong pagpupumilit mo.  Kung hindi pa iyon sapat, magsisimulang lumaki at bumilis ang hakbang ng mga paa mo hanggang sa mapansin mong tumatakbo ka na pala.

Unti-unting nagbago ang lugar, mula sa isang lugar na bakante ay dinala ka noon sa isang lugar na puro kamatayan lamang.  Isang pamilyar na lugar mula sa baul ng iyong alala noong ikaw ay bata pa lamang.  Tinawid mo ang tulay na ilog na nilalakaran mo noong murang edad mo patungo sa iisang destinasyon.  Malayo ka pa sa bukana ng rumaragasang ilog pero tanaw mo na ang kumpulan ng tao habang hinahantay ang isang partikular na bisita, wala ng iba kung hindi ikaw.

Sinalubong ka ng mga mukhang hindi na naiiba sa iyo.  Naroon ang kalaro mo noong bata ka pa na aksidenteng natangay nang malakas na agos ng ilog matapos nitong sagipin ka, ang matandang kapitbahay niyo na nangingitim ang mangilan-ngilan na ngipin sa kanyang harapan at mahilig pang dumila at higit sa lahat ang lolo mo na matamang naghihintay sa iyo.  Animoy isang pagtitipon ng lahat ng namayapa ang araw na iyon.

Walang palitan ng salitang naganap.  Nakabuka lamang ang bibig nila sanhi ng ngiting hindi nila maikubli sa pagdating mo.  Ang mga mata mo ay puno ng pagtanggi ngunit ang katawan mo ay kusang nagpapaubaya.    Hihiga ka sa isang balsa na nilalatagan ng isang banig.  Matapos iyon ay itatali ng mga naroon ang katawan mo gamit ang isang lubig na gawa sa isang uri ng baging.  Tulong tulong nilang bubuhatin ang balsa patungo sa may ilog, ilalapag sa ibabaw ng tubig, bibitawan.  Bago ka pa umabot sa malalim na parte ay tatama ang balsa sa mga batuhan kayat noong oras na sumapit ka sa mas malalim na parte ay tumatagilid ang sinasakyan mo at unti-unting lumubog.

Gusto mong sumigaw at magpapasag ngunit wala kang magagawa.  Ang isipan mo lamang ang humihiyaw sa totoong takot na dulot ng walanghiyang panaginip.  Dahan-dahan ang paglubog hanggang sa matabunan na ang buong pagkatao mo ng tubig.  Pero hindi doon napuputol ang panaginip, bumababa pa ang balsa patungo sa malalim na bahagi hanggang sa wala ng sulyap ng liwanag na matatanaw.  Kinakapos ka na ng hininga, pakiramdam mo ay sasabog na ang baga mo sa oras na hindi ka makalanghap ng hanging ikabubuhay mo.

Isang malalim na hinga pa at bigla ka na lamang nagising. Ganoon palagi, pagod ka na at medyo natatakot na sa tuwing mahihimbing ka ay mararansan mo ang mamatay.

Bumangon ka at iniwanan ang iyong kama na basa na rin ng pawis.  Humarap ka sa salamin at tiningnan mo ang iyong mga mata na malalim na at namumula.  Bakas na rin ang itim na guhit sa ilalim nito at hindi na maganda ang iyong balat.

Binuksan mo ang pintuan ng kwarto, umaasa na sana ay makakapunta ka ng kusina para madampian ng malamig na tubig ang nanunuyo mong lalamunan.  Pero isang bakanteng lugar ang tumambad muli sa iyo.  Nagsimula na namang maglakad ang iyong mga paa na hindi mo makontrol.  Hindi ka makapaniwalang nagsisimula na naman ang kinasusuklaman mong eksena.  Iniisip mo tuloy ngayon kung tulog ka ba o gising pa.  Maya-maya pa ay tumatakbo ka na papunta muli sa lugar kung saan sisimulan ka na naman nilang lunurin at patayin.

Wala kang magawa, muli ay nauwi ka sa isang balsa habang unti-unting lumulubog papunta sa ilalim ng tubig.  Kung hindi ka tatakasan ng buhay mo ay tatakasan ka naman ng katinuan mo.  Gusto mong magpumiglas pero ang tangi mong nagawa ay suminghap-singhap hanggang sa huling malalim na hinga mo ay muli ka na namang nagising.

Tagaktak ang pawis mo sa mukha na tumutulo pa sa basang dibdib mo.  Sinabunutan mo ang buhok mo dahil sa pagkainis sa hindi maipaliwanag na nangyayari sa buhay mo.   Muli mong sinilip ang orasan na nakapatong sa maliit na mesa.

"Alas tres na naman"

Bumangon ka at iniwan ang basang kama na dulot ng iyong pawis.  Tinungo mo ang salamin at napaisip ka.  Naalala mong ganito rin ang ginawa mo kanina.  Dahan-dahan mong tinungo ang pintuan.  Alanganin ka pang buksan iyon, takot na kamatayan na naman ang nasa kabilang bahagi nito.  Unti-unti mong inikot ang hawakan ng pintuan at nang matagumpay mong buksan ay nauwi ka na naman sa isang malawak at bakanteng lugar.  Nagsimula ka muling maglakad nang walang tigil.  Tumutulo ang luha mo pero wala kang magawa. Panaginip pa rin pala ito. Gustong-gusto mo nang gumising pero mukhang hindi na mangyayari iyon.

###

Lingid sa iyong kaalaman ay nagtitipon sa iyong harapan ang mga mahal mo sa buhay habang pinagmamasdan ang walang buhay mong katawan na nakahiga sa may kama.  Umiiyak ang iyong Mama, hindi makapaniwala na matapos yumao ng iyong lolo kamakailan lamang ay ikaw naman ang sumunod.

"Iuuwi rin ba natin siya sa Japan at papaanurin ang katawan sa ilog gaya ng hiling ni Lolo bago mamatay?" tanong ng kapatid mong babae sa Papa mo.

"Oo.  Iyon ang huling hiling ng Lolo mo.  Ang magkasama sila ng paborito niyang apo kapag namatay ito." Sagot ng Papa mo dito.

Pinoy Horror Stories II (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon