Magkasamang naghahanap kay Cindy sina Jane at Mikael. Pilit nilang iniinda ang pagod at sakit ng paa dahil sa kanina pang paglalakad. Wala pa rin kasi silang makitang bakas na makapagsasabi kung nasaan ang kanilang kaibigan.
“Cindy!” sigaw ni Mikael sa kawalan. Ngunit tila huni ng mga ibon at hampas lang ng hangin sa mga sanga ng puno ang maririnig.
“Nasaan na ba kasi ‘yon? Nakakapaagod na, ah,” iritableng sabi ni Jane dahil sa halos magmura na niyang mga paa.
“Konting-tiis na lang, Jane. Mahahanap rin natin siya,” wika ni Mikael. Bumuntong-hininga na lang si Jane at nagpatuloy sa paghahanap.
Sa ‘di kalayuan, natanaw ng dalawa ang isang lumang bahay. Agad silang lumapit roon upang makapagtanong. Marahil ay doon nila makikita ang kasagutan sa pagkawala ng kanilang kaibigan.
Mababakas sa bahay ang katandaan nito. Halatang napapabayaan na ang bahay na ito dahil sa marupok at lumang kahoy na dingding nito at nangangalawang nang mga bubong.
“Tao po?” wika ni Mikael kasabay ang pagkatok. “Tao po?” pag-uulit niya ng wala pa ring nasagot. Kahit walang pahintulot ay binuksan ni Mikael ang pinto. Umalingawngaw ang pag-ingit ng marupok na pinto sa buong lugar.
“Tao po?” saad muli ni Mikael. Napansin niya ang biglang paninigas ni Jane. Tulala itong nakatingin sa loob ng bahay. “Bakit? Anong mayroon?” Nanlalaki rin ang mga mata niya nang matanaw ang isang lalaking duguan na nakahiga sa isang mesa. Naliligo ito sa sariling dugo at puno rin ng sugat ang buong katawan.
“Aaaaahhhh!” malakas na tili ni Jane. “A-aa-ano y-yaan?” nangangatog nitong sabi habang tinuturo ang lalaking duguan na nakasalmpak sa mesa. Bigla namang nagtago si Jane sa likuran ni Mikael nang makita niyang kumikilos pa ang lalaki.
“S-sino ka?” pilit na sabi ni Mikael dahil sa takot na nararamdaman.
Iniangat ng lalaki ang kanyang kamay kasabay ng pagsambit ng, “Tulong…”
Nakaramdam naman ng awa si Mikael sa kalunos-lunos na sitwasyon ng lalaki. “Malubha siya,” saad ni Mikael. Akma niyang lalapitan sana ang lalaki ngunit pinigilan siya ni Jane.
“Paano kung kriminal ‘yan? Baka madamay tayo,” wika ni Jane.
“Puro sugat siya. Hindi niya tayo magagawang saktan,” paliwanag naman ni Mikael.
Narinig muli nilang nagsalita ang lalaki. “Tulungan niyo ako…” pagmamakaawa nito. Agad nang lumapit si Mikael sa kaawa-awang lalaki. Tinulungan niya itong makatayo.
“Ano ba, Jane? Tutunganga ka na lang ba d’yan? Tulungan mo ‘ko!” utos ni Mikael.
“Sabi ko nga.” Magkasabay na inakay nina Jane at Mikael ang lalaki palabas ng bahay. Balak nilang dalhin muna ito sa resort upang doon ay makahingi ng tulong at maremedyohan ang mga sugat sa katawan.
“Aahhh!” sigaw ng lalaki nang mahawakan ni Jane ang sugat nito sa tiyan.
Mariing tinitigan ni Jane ang dumamping kamay sa sugat ng lalaki kasabay ang pandidiri. Ipinahid na lamang niya iyon sa damit at nagpatuloy na lang sa paglalakad pabalik ng resort.
Hindi magkandaugaga si Allison pabalik sa resort. Balot pa rin siya ng takot dahil sa mga nakita kanina at sa sitwasyon ngayon ni Luke. Tagaktak ang kanyang pawis dahil sa pagod. Halos umagos na rin ang kanyang luha dahil sa sobrang takot.
Napansin niya sa dalampasigan ang dalawang lalaking nakauniporme ng pulis. Nabuhayan siya bigla ng loob dahil may maaari ng makatulong sa kanya.
“Tulong!” sigaw niya sa dalawa. Agad namang napalingon ang mga pulis nang marinig ang kanyang pagsigaw. “Tulungan niyo ako!” pagmamakaawa niya nang makalapit sa dalawang pulis.
“Anong nangyari? At bakit may dugo ang mga kamay mo?” pagtataka ng isang pulis na nagngangalang Simon.
“Inatake kami ng isang lalaki. Nakakatakot ang itsura niya! Nasa panganib ang kaibigan ko! Tulungan niyo kami!” naluluhang sabi ni Allison sa pulis.
“Hindi kaya ito ‘yung dahilan ng pagkawala ng ilang mga tao sa probinsya?” tanong ni Carlo sa kaibigan.
“Bilisan niyo na! Kailangan ko ng tulong niyo!” pagpupumilit ni Allison. Tumango naman ang dalawa saka dumiretso na sa kagubatan kasama si Allison.
Tahimik pa rin ang buong kagubatan. Hindi mo mababakasan na may kung anong nangyari. Alistong pinagmamasdan nina Carlo at Simon ang paligid sa posibilidad na may biglang umatake.
“Saan mo siya huling iniwan?” tanong ni Simon habang hindi inaalis ang mata sa masukal na gubat.
“Dito lang ‘yon, e. Nasaan na siya?!” pagtataka ni Allison nang makita ang lugar kung saan niya huling iniwan si Luke.
“May mga dugo sa paligid,” saad ni Carlo.
Marahil ito na ang kasagutan sa kanilang matagal ng iniimbestigahan. Ito na siguro ang makapagtuturo sa salarin sa sunod-sunod na pagkawala ng mga tao sa Quezon.
“Sundan natin ang bakas ng dugo,” utos ni Simon. Dahan-dahan nilang binabagtas ang bakas ng dugo na sa tingin nila ay galing kay Luke. Iniiwasan nilang makalikha ng malaking ingay dahil maaaring maalerto ang kalaban.
Sa hindi inaasahang pagkakataon, isang palaso ang papunta sa kanila. Agad namang tinamaan sa tagiliran si Carlo. Umagos ang napakaraming sariwang dugo mula roon. Dali-dali namang nagpaputok ng baril si Simon sa pinanggalingan ng palaso.
“Alalayan mo muna siya. Pupuntahan ko lang ‘yung namana,” utos ni Simon. Tumango lang bilang tugon si Allison.
Agad na tumakbo si Simon papunta sa lalaking kanina’y namana. Nagpaulan pa ulit siya ng bala ng baril habang hinahabol ang lalaki. Tila bull’s eye nang tamaan ni Simon ang lalaki sa likod at bumulagta sa kakahuyan. Lumapit siya kaagad sa lalaki at pinagmasdan ang itsura nito.
Halos mangilabot siya nang makita ang mukha nito. Kakaiba ang porma at hugis ng mukha nito kung ikukumpara sa normal na tao.
“Anong ginawa mo sa mga tao?” tanong niya sa lalaki.
Hindi sumagot ang lalaki bagkus ay kinuha nito ang isang balisong na nakasukbit sa baywang at akmang ihahampas ito kay Simon. Hindi na nag-alinlangan pa si Simon na paputukan sa ulo ang lalaki.
Tumama ang bala ng baril sa noo nito at sumirit mula roon ang napakaraming dugo. Tuluyan na itong nawalan ng buhay at napahiga sa lupa.
“Saan kaya sila nanggaling?” pagtataka ni Simon na pilit bumabagabag sa kanya.