Pergamo
Ang Pergamo or Pergamon (Sinaunang Griyego: τὸ Πέργαμον o ἡ Πέργαμος) ay isang dating mayaman at makapangyarihang sinaunang Griyegong lungsod sa Aeolis. Ito ay matatagpuan 26 na kilometro (16 na mi) mula sa modernong baybayin ng Dagat Egeo sa promontoryo sa hilagang bahagi ng Ilog Caicus (ngayon ay Bakırçay) at hilagang-kanluran ng modernong lungsod ng Bergama, Turkiya.
Noong panahong Helenistiko, ito ang naging kabesera ng Kaharian ng Pergamo sa ilalim ng dinastiyang Attalid noong 281 – 133 BK, na ginagawa ang lungsod bilang isa sa mga pangunahing sentrong pangkultura ng kabihasang Griyego. Marami sa mga labi ng mga kaakit-akit na pook nito ang nariyan pa rin, lalo na sa natatanging obra maestra na Altar ng Pergamo.[1] Ang Pergamo ang nasa pinakahilaga sa pitong simbahan ng Asya na nasa Aklat ng Pahayag ng Bagong Tipan.
Ang lungsod ay nakasentro sa isang 335-metrong kataas (1,099 talampakan) na mesa ng andesita na kinatitirikan ng akropolis ng lungsod. Ang mesa ay bumabangin sa dakong hilaga, kanluran, at silangan, ngunit tatlong natural na batalan sa bahaging timog ang ginagamit na ruta paakyat. Sa kanluran ng akropolis, ang Ilog Selinus (ngayon ay Bergamaçay) ay umaagos sa lungsod, habang ang Ilog Ketios (ngayon ay Kestelçay) ay dumadaan sa silangan.
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ The Pergamon Altar, P. v Zaubern, Staatliche Museen zu Berlin, 1991