Pumunta sa nilalaman

Panitikang pambata

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Isang batang nagbabasa ng kaniyang tinatangkilik na panitikang pambata.

Ang panitikang pambata o mga babasahin para sa mga bata ay isang akdang pampanitikan na ang mga pangunahing tagapagtangkilik ay mga bata, bagaman marami ring mga aklat na nasusulat sa ganitong anyo na kinawiwilihan din naman ng ibang mga kabataang mas nakatatanda at mga taong nasa wastong gulang na.[1] Sa makabagong panahon, ang isang halimbawa nito ay ang mga sunud-sunod na aklat tungkol kay Harry Potter ni J. K. Rowling.

Naging pangunahing layunin ng mga panitikang isinulat para sa mga bata ang pukawin ang isipan at antigin ang mga damdamin ng mga bata sa pamamagitan ng mga paksang nagtuturo ng mga bagay-bagay hinggil sa pananampalataya, araling-pangwika, pakikipagsapalaran ng mga bayaning mula sa mga kuwentong-bayan, alamat, mitolohiya. Karaniwang nagtataglay ang mga aklat-pambata ng mga larawan at guhit-larawan. Nang lumaon, pagkalipas ng maraming taon, naging paksa rin ang mga araling makatotohanan o batay sa totoong buhay, katulad ng mga akdang pang-kasaysayan, heograpiya, buhay sa paaralan, kabayanihan, at katatawanan. Nasusulat ang mga panitikang pambata sa pamamaraang tuwiran at maging sa patula.[1]

Kasaysayan ng mga babasahing pambata

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Noong isinaunang mga kapanahunan, nakikinig lamang ang mga bata sa mga kuwentong sinasali't saling sabi ng mga matatanda. Subalit, noong ika-7 at ika-8 dantaon, nagsimulang magsulat at lumimbag ng mga araling pang-kalikasan para sa mga bata ang ilang mga monghe at iba pang mga marurunong na manunulat. Kabilang sa mga nangunang manunulat pambata sina Aldhelm, Bede, Egbert, at Anselm. Si Anselm ang unang gumawa ng isang ensiklopedyang pambata.[1]

Noong ika-1400 dantaon, naging adhikain ni William Caxton ng Inglatera na malinang ang kaisipang pang-moralidad at mga pag-uugaling wagas ng mga bata habang lumalaki ang mga ito, kung kaya't nilimbag niya ang mga aklat na katulad ng Ang mga Pabula ni Aesop.[1]

Larawan ng isang hornbook na tangan ng isang batang babae.

Noong ika-1500 siglo, nalikha ang mga hornbook, o isang payat at parihabang piraso ng kahoy na dinikitan ng nalimbagang piraso ng papel. Bilang pananggalang mula sa pagkasira, nababarnisan ang papel na may limbag ng nanganganinag na sustansiyang na nanggaling mula sa mga balat ng mga hayop katulad ng mga usa at mga baka. Ang mga usa at baka ay mga hayop na may sungay, kung kaya't ang salitang hornbook ay masasabing nangangahulugang "aklat na gawa mula sa mga balat ng mga hayop na may sungay". Karaniwang nagsisimula ang mga aralin ng hornbook sa pag-aantanda ng krus na sinundan ng mga abakada, palabaybayan, at mga dasaling katulad ng Ama Namin. Pangkaraniwan din na naikakabit ng isang bata ang aklat pang-pangunahing pag-aaral na ito sa kaniyang suot na sinturon, sa pamamagitan ng isang tali.[1]

Noong ika-1600 dantaon, humantong naman sa mga kamay ng mga bata ang iba pang mga araling pampananampalataya ang salin sa Ingles (mula sa Latin ng aklat-pampananalanging Orbis Sensualium Pictus (The World in Pictures o Ang Daigdig sa Pamamagitan ng mga Larawan). Isinulat ito ni John Amos Comenius noong 1654 at isinalin sa Ingles ni Charles Hoole noong 1658. Pagkaraan, lumitaw naman ang Pilgrim's Progress (Pagsulong ng Peregrino o Pagsulong ng Manlalakbay) ni John Bunyan noong 1678, isang akdang nasalin sa maraming mga wika at diyalekto upang mabasa ng maraming salin-lahi ng mga kabataang mahilig magbasa o nahihilig pa lamang sa pagbabasa.[1]

Sa pagdating ng ika-1700 dantaon, nagsimulang maging pambatang mga babasahin ang ilan sa mga panitikang unang nasulat para sa matatandang mambabasa. Subalit naging kaakit-akit para sa mga bata ang Robin Crusoe (1719) ni Daniel Defoe at ang Gulliver's Travels (Mga Paglalakbay ni Gulliver) (1726) ni Jonathan Swift. Sa kalagitnaan ng ika-1700 siglo, lumitaw ang isang uri ng pocket-book: ang A Little Pretty Pocket-Book (Isang Maliit at Kaakit-akit na Aklat-Pambulsa) ni John Newberry. Inilalako sa tarangkahan ang mga aklat-pambulsa ng mga nagtitinda nito na kasama sa mga laruang pambata. Isa sa pinakamahalaga at pinakatanyag na aklat na lumabas noong 1765 ang Mother Goose's Melody (Mga Awitin ni Inang Gansa), na naglalaman ng mga nursery rhyme o mga tulang pambata. Sumunod din dito ang tinatawag na battledore, isang aklat-pambatang yari sa natitiklop na kartulina at naglalaman lamang ng tatlong pahina tungkol sa alpabeto, mga payak at madaling-maintindihang aralin, at mga larawang nalimbag sa pamamagitan ng mga woodcut o inukitang mga tabla ng kahoy. Walang araling panrelihiyon ang battledore na ito ni Benjamin Collins. Noong 1762, ipinamahagi naman ni Jean Jacques Rousseau ang kaisipang pagkatuto mula sa mga gawa sa pagkakalimbag ng kaniyang akdang Emile. Ang aklat na ito ang naging batayan ng mga kathang nagtuturo na "ang mga batang masunurin ay nagwawagi, samantalang ang mga bata namang masama ay hindi nagtatagumpay". Sa pagtatapos ng ika-1700 dantaon, tuluyang humiwalay sa layuning magturo ng mga paksang pampananampalataya ang mga gawa ni William Blake, kung kaya't naibigan din ng mga taong may ganap na gulang ang kaniyang Songs of Innocence (Mga Awit Hinggil sa Kawalan Pa ng Malay Kung Paano Mamuhay) (1789) at Songs of Experience (Mga Awit Hinggil sa Pagkakaroon ng mga Karanasan sa Buhay) (1794).[1]

Guhit-larawan mula sa isang aklat pambatang Alice in Wonderland ni Louis Caroll.

Naganap noong ika-1800 dantaon ang lubos na pagbabago at pagpapalit ng mga paksa ng panitikang pambata. Sapagkat sa kapanahunang ito umusbong at lumago ang pagiging malikhain at pagiging bukod-tangi ng mga manunulat sa larangang ng mga aklat na pambata. Ginamit ng mga may-akdang taga-Estados Unidos, Inglatera, Denmark, Olanda, at Alemanya ang mga paksa tungkol sa pag-ibig na may mga tauhang bayani mula sa tunay na buhay, at nagpapakita ng kabayanihan at katapangan. Kabilang dito ang mga librong isinulat ni Hans Christian Andersen na batay sa mga kuwentong bayan, maging ang mga kathang-pampanitikan nina: Washington Irving (The Legend of Sleepy Hollow o Ang Alamat ng Nakaaantok na Libis, {1820}), Lewis Caroll (Alice's Adventures in Wonderland o Pakikipagsapalaran ni Alice sa Lupain mga Katakatakang Bagay, {1865}) at Through the Looking Glass o Paglagos sa Salaming-Tinginan, {1872}), Louisa May Alcott (Little Women, {1868-1869}), (The Merry Adventures of Robin Hood o Ang Mga Masasayang Pakikipagsapalaran ni Robin Hood, {1883}), Robert Lewis Stevenson (Treasure Island o Pulo ng Kayamanan, {1883}), at Christina Rosetti (Sing-Song o Kanta't Awit [mga tulang pambata], {1872}).[1]

Sa kasalukuyan at sa hinaharap

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Noong mga unang kapanahunan ng 1920, sumibol ang mga natatanging kagawaran para sa mga panitikang pambata sa Amerika. Nagbukod ang mga bahay-aklatang pampubliko ng mga silid-basahan para sa mga bata at nagkaroon ng mga tagapamahalang-pang-aklatan na bihasa sa pakikitungo sa mga kabataan. Nanguna sa gawaing ito ang Paaralang Pang-aklatan ni Carnegie ng Pittsburgh at Bahay-Aklatang Panlipunan ng New York. Noong 1919, nagsimula ang pagbibigay ng mga paligsahan at paggawad ng mga parangal at medalya sa mga tagapag-taguyod at manlilikha ng mga aklat na pambata. Nagkaroon ng bahaging pambata sa loob ng gusali ng mga tindahan ng mga libro, kasabay ng paglitaw ng mga aklat na may mga kaaya-ayang larawan na nalikha sa pamamagitan ng mga pamamaraang pang-sining. Lumabas din mula sa mga palimbagan ang mga aklat na madaling-basahing para sa mga bago pa lamang natututong bumasa, na ginagamitan lamang ng mga payak na salita at balarila. De-kalidad ang karamihan sa mga babasahing ito. Lumitaw din ang mga aklat pambatang kung saan ibinabahagi ng bawat manunulat ang kaniyang pananaw at paniniwala tungkol sa isang bagay o paksa. Naging layunin na ng mga patnugot ang paglilimbag ng mga aklat na bunga ng pagkamalikhain ng may-akda subalit tiyak na batay sa katotohanan - lalo na ang mga aklat na nagbibigay ng kaalaman - na sanhi ng pagdating ng mga kaisipang pang-agham, pang-kalawakan, teknolohiya, at mga kasangkapang elektroniko.[1]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 1.5 1.6 1.7 1.8 The New Book of Knowledge (Ang Bagong Aklat ng Kaalaman), nasa wikang Ingles, Grolier Incorporated, 1977, ISBN 0-7172-0508-8

Bibliograpiya

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Nasa wikang Ingles ang mga sumusunod:

  • Anderson, Nancy (2006). Elementary Children's Literature. Boston: Pearson Education. ISBN 0-205-45229-9.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  • Chapleau, Sebastien (2004). New Voices in Children's Literature Criticism. Lichfield: Pied Piper Publishing. ISBN 978-0-9546384-4-3.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  • Huck, Charlotte (2001). Children's Literature in the Elementary School, 7th ed. New York: McGraw-Hill. ISBN 0-07-232228-4.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  • Hunt, Peter (1991). Criticism, Theory, and Children's Literature. Oxford: Blackwell. ISBN 0-631-16231-3.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  • Hunt, Peter (1996). International Companion Encyclopedia of Children's Literature. London: Routledge. ISBN 0-415-08856-9.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  • Lesnik-Oberstein, Karin (1996). "Defining Children's Literature and Childhood". Sa Hunt, Peter (ed.) (pat.). International Companion Encyclopedia of Children's Literature. London: Routledge. pp. pp. 17–31. ISBN 0-415-08856-9. {{cite book}}: |editor= has generic name (tulong); |pages= has extra text (tulong)CS1 maint: date auto-translated (link)
  • Lesnik-Oberstein, Karin (1994). Children's Literature: Criticism and the Fictional Child. Oxford: Clarendon Press. ISBN 0-19-811998-4.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  • Lesnik-Oberstein, Karin (2004). Children's Literature: New Approaches. Basingstoke: Palgrave. ISBN 1-4039-1738-8.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  • Rose, Jacqueline (1993, orig. pub. 1984). The Case of Peter Pan or the Impossibility of Children's Fiction. Philadelphia: University of Pennsylvania Press. ISBN 0-8122-1435-8. {{cite book}}: Check date values in: |year= (tulong)