Pumunta sa nilalaman

Lipunan

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Iba't-ibang anyo ng lipunan ng mga tao.

Lipúnan o sósyedád ang pangkat ng mga indibidwal na may kaugnayan sa isa't-isa, madalas base sa kultura, kaugalian, at saloobin, at naninirahan sa isang tiyak na teritoryo pinamumunuan ng isang pinuno o grupo ng mga pinuno. Sa mga tao, isa itong komplikadong istraktura na kooperatibo sa pamamagitan ng paghahati sa trabaho base sa mga inaasahang gampanin ng bawat isa sa naturang pangkat. Nakaayon ang mga gampanin na ito sa mga konsepto ng lipunan na kinokonsiderang tama o mali, kilala rin sa tawag na mga norm. Dahil sa kolaborasyong kaakibat nito, nagagawa ng mga lipunan ang mga bagay na hindi magagawa nang mag-isa.

Magkakaiba-iba ang mga lipunan base sa kanilang natamong antas ng teknolohiya at ekonomiya. Madalas, mas dominante at hiyarkikal ang mga lipunan may sobra-sobrang pagkain. Magkakaiba rin ang anyo ng pamamahala sa mga lipunan, gayundin sa mga pagpapamilya at gampanin ng kasarian. Nakaangkla ang kaugalian ng tao sa lipunan; bagamat tao ang humuhulma sa mga lipunan, hinuhulma ng lipunan ang ugali ng mga tao.

Isang pangngalang kolektibo ang lipunan, na may literal na kahulugan na "pagtitipon" o "sambayanan".[1] Makikita ito sa salitang-ugat nito na lipon, na tumutukoy naman sa isang koleksyon o grupo, hindi lamang ng tao.[2][3] Isa rin itong pang-uri, na may kahulugan na "sama-sama".[1] Kaugnay sa salitang ito ang pandiwang likom, gayundin ang pangngalang lupon, na tumutukoy naman sa isang grupo ng mga taong namamahala ukol sa isang bagay kagaya ng pagsesensor ng pelikula,[4][5] at kalipunan, na may kahulugan naman na "antolohiya" o "pulutong".[6]

Samantala, nagmula naman sa wikang Espanyol na sociedad ang salitang sosyedad.[7] Bagamat madalang gamitin kumpara sa lipunan, makikita pa rin ito sa ilang mga salita sa wikang Tagalog tulad ng alta sosyedad, isang lumang tawag sa mataas na lipunan.[8] Nagmula ito sa wikang Pranses na societe ("kumpanya"), na nagmula naman sa wikang Latin societas ("alyansa", "kapatiran") mula sa pangngalang socius ("kaibigan").[9]

Multiple black ants surrounding and crawling on a dead mantis
Tulad ng mga tao, mga eusosyal na hayop ang mga langgam, na nakakagawa ng mga gawain na imposible nang mag-isa, kagaya ng pagbubuhat ng mga pagkain na mabibigat para sa kanilang timbang.

Likas sa mga tao, gayundin sa mga kamag-anak nitong mga bonobo at chimpanzee, ang pakikisalamuha sa iba.[10] Ito ang pinaniniwalaang nagdulot upang umusbong ang mga lipunan. Mataas ang antas ng kooperasyon ng mga tao, na iba sa mga grupo ng mga kamag-anak nito, tulad halimbawa ng pagiging magulang ng lalaki, ang paggamit ng wika, ang paghahati sa trabaho, at ang pagsasagawa ng mga "pugad" katulad ng mga bahay, bayan, o lungsod.[10][11][12]

Inihahanay ng ilang mga biologo tulad ni E.O. Wilson bilang mga eusosyal na hayop, ang pinakamataas na antas ng sosyalidad o pakikisalamuha sa mga hayop, kahanay ng mga langgam, bagamat hindi lahat ay sumasang-ayon sa pananaw na ito.[12] Ipinagpapalagay na natural na umusbong ang pamumuhay sa grupo sa mga tao dahil sa pagpili sa grupo na hatid ng mga pisikal na kapaligiran na maaaring mahirap tirhan.[13]

Sa sosyolohiya

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ayon sa Kanluraning sosyolohiya, may tatlong pangunahing konsepto sa lipunan: punsiyonalismo, teorya ng tunggalian, at simbolikong interaksyonalismo.[14]

Ayon sa punsiyonalismo, sama-samang nagtatrabaho ang bawat indibidwal sa isang lipunan upang umusbong, kilala rin sa tawag na kolektibong kamalayan.[15] Naniniwala ang mga sosyologong tulad ni Auguste Comte at Émile Durkheim na nasa hiwalay na antas ng realidad ang lipunan mula sa biolohiya o mga inorganikong bagay. Dahil dito, maipapaliwanag ang mga penomenang panlipunan bilang ang pansamantalang pagdaan ng mga indibidwal sa antas na ito bilang resulta ng kani-kanilang pagganap sa mga tungkulin nila.[14]

Kabaligtaran naman ang pananaw ng teorya ng tunggalian. Ayon dito, gumagana ang lipunan dahil sa tunggalian ng mga uring panlipunan. Isa ito sa mga pundasyon ng pananaw ni Karl Marx, na nakaisip sa ideya ng lipunan bilang isang ekonomikong base na may superestruktura ng pamahalaan, relihiyon, pamilya, at kultura. Ayon kay Marx, nakadepende sa base ang magiging superestruktura, at makikita sa kasaysayan ang pagbabago ng lipunan dahil sa tunggalian ng mga proletaryo at mga burgis na kumokontrol sa paraan ng produksiyon.[16]

Samantala, nakapokus ang teorya ng simbolikong interaksyonalismo sa mga indibidwal at ang relasyon nila sa lipunan. Tinitingnan nito ang paggamit ng mga tao ng wika upang makagawa ng mga simbolo at kahulugan,[15] na siyang ginagamit bilang sanggunian sa kung papaano naisasagawa ang interkasyon sa pagitan ng mga indibidwal upang makagawa ng mga simbolikong mundo at kung paano naimpluwensyahan ng mga mundong ito ang pag-uugali ng mga tao.[17]

Pagsapit ng ika-20 siglo, sinimulang tingnan ng mga sosyologo ang lipunan bilang isang ideyang ginawa.[18] Ayon kay Peter L. Berger, isang "dialektika" ang lipunan: tao ang gumawa sa mga lipunan, pero ito rin ang humuhulma sa kanila.[16]

Ibang pananaw

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Sina Jose Rizal at Ibn-Khaldun, mga akademikong nagbigay ng kanilang teorya sa lipunan.

Itinuturing na maka-Kanluran ng ilang mga akademiko ang pagtingin sa lipunan sa tatlong pananaw. Ayon sa sosyologong si Syed Farid al-Attas ng Malasya, partikular na interesado ang mga Kanluraning akademiko sa ideya ng modernidad kaya limitado ang kanilang pananaw. Nagbigay siya ng mga halimbawa ng mga akademikong hindi Kanluranin, kagaya nina Ibn Khaldun at Jose Rizal.[19] Si Ibn-Khaldun ay isang Arabong nabuhay noong ika-14 na siglo, na nagsabi na ang lipunan at ang sansinukob ay may "makabuluhang kaugnayan", kung saan may mga nakatagong sanhi sa mga pangyayari. Tiningnan niya ang mga panlipunang estraktura bilang mga bagay na may dalawang anyo: nomadiko at sedentaryo. Ayon sa kanya, mataas ang pagsasama ng mga taong nomadiko dahil sa kanilang kultura at pangangailangan ng depensa. Ang pamumuhay naman na sedentaryo, ayon kay Ibn-Khaldun, ay sekular, maluho, at mapag-isa.[20] Samantala, si Jose Rizal naman ay isang nasyonalistang Pilipino na nabuhay sa dulo ng panahon ng mga Espanyol sa Pilipinas. Bukod sa pagiging manunulat at siyentipiko, gumawa rin siya ng teorya ukol sa mga lipunang kolonyal. Ayon sa kanya, ang pagiging tamad, na ginagamit na dahilan ng mga Espanyol sa kanilang pananakop, ay dala mismo ng kolonyalismo. Kinumpara niya ang panahon bago ang kolonyalismo sa Pilipinas, kung saan mayabong ang ekonomiya at kalakalan, sa panahon ng kolonyalismo kung saan ang pagbagsak ng ekonomiya, pananamantala, at mga polisiyang nagpapahina sa pagsasaka ang siyang mga dahilan sa pagbaba ng interes sa pagtatrabaho.[21]

Madalas na ginugrupo ng mga sosyologo ang mga lipunan batay sa kanilang antas ng teknolohiya: preindustriyal, industriyal, at pos-industriyal. Gayunpaman, walang tiyak na paghahati sa bawat isa. Isang halimbawa ng minungkahing paggugrupo ay mula sa sosyologong si Gerhard Lenski, na naghahati sa mga lipunan sa limang grupo: mangangaso, hortikultural, agrikultural, industriyal, at mga lipunang nakatuon sa isang gawain (kagaya ng pangingisda o pagpapastol).

Sa paglipas ng panahon, naging mas komplikado ang mga lipunan sa organisasyon at kontrol nito. May epekto ang ebolusyong kultural na ito sa mga pattern ng pamayanan. Minsan, nagtatabi ng mga pagkain ang mga mangangaso na humantong sa pagiging isang nayong agraryo nila. Lumaki rin ang mga malilit na nayon upang maging mga malalaking bayan at lungsod. Kalaunan, naging mga lungsod-estado at bansa ang mga ito. Gayunpaman, hindi masasabing ganito ang kahihinatnan o magiging proseso para sa lahat ng mga lipunan.

Preindustriyal

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa isang lipunang preindustriyal, ang produksiyon ng pagkain ang pinakamahalagang trabaho. Nahahati ang mga lipunang ito depende sa kanilang antas ng teknolohiya at ang paraan ng paggawa nila ng pagkain: pangangaso, pagpapastol, hortikultura, at agrikultura.

Pangongolekta ng pagkain ang palaging ginawa ng mga mangangaso. Nangangaso rin sila ng mga makakaing hayop sa kalikasan. Dahil sa sitwasyong ito, hindi nakakagawa ng mga nayon ang mga mangangaso, at madalas na maliit lamang ang kanilang populasyon kagaya ng mga tribo o grupo, na di tataas sa 50 katao. Madalas rin silang mga egalitaryo at nagsasagawa sila ng mga desisyon batay sa konsenso. Limitado lang ang politika sa mga lipunang ito—walang mga opisina ng pamahalaan kung saan madalas na impluwensiya ang batayan ng pagpili sa pinuno. Magkakadugo rin madalas ang mga ito.

Hortikultural

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Pos-industriyal

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1.0 1.1 "KWF Diksiyonaryong Filipino". kwfdiksiyonaryo.ph. Nakuha noong 23 Setyembre 2024.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. "lipunan - Diksiyonaryo". diksiyonaryo.ph. Nakuha noong 23 Setyembre 2024.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. "lipon - Diksiyonaryo". diksiyonaryo.ph. Nakuha noong 23 Setyembre 2024.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. "likom - Diksiyonaryo". diksiyonaryo.ph. Nakuha noong 23 Setyembre 2024.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. "lupon - Diksiyonaryo". diksiyonaryo.ph. Nakuha noong 23 Setyembre 2024.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. "kalipunan - Diksiyonaryo". diksiyonaryo.ph. Nakuha noong 23 Setyembre 2024.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  7. "sosyedad - Diksiyonaryo". diksiyonaryo.ph. Nakuha noong 23 Setyembre 2024.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  8. "alta sosyedad - Diksiyonaryo". diksiyonaryo.ph. Nakuha noong 23 Setyembre 2024.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  9. "society". Merriam-Webster (sa wikang Ingles). 20 Setyembre 2024. Nakuha noong 23 Setyembre 2024.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  10. 10.0 10.1 Fukuyama, Francis (2011). "The State of Nature" [Ang Estado ng Kalikasan]. The Origins of Political Order: From Prehuman Times to the French Revolution [Ang Pinagmulan ng Kaayusang Pampolitika: Mula Sinaunang Panahon hanggang sa Himagsikang Pranses] (sa wikang Ingles) (ika-1 (na) edisyon). New York: Farrar, Straus and Giroux. pp. 26–48. ISBN 978-0-374-22734-0. LCCN 2010038534. OCLC 650212556.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  11. Goody, Jack (2005). "The Labyrinth of Kinship" [Ang Labirinto ng Angkan]. New Left Review. II (sa wikang Ingles). London (36): 127–139. ISSN 0028-6060. LCCN 63028333. OCLC 1605213. Inarkibo mula sa orihinal noong 6 Nobyembre 2018.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  12. 12.0 12.1 Angier, Natalie (Abril 2012). "Edward O. Wilson's New Take on Human Nature" [Bagong Pagtingin ni Edward O. Wilson sa Kalikasan ng Tao]. Smithsonian Magazine (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 21 Disyembre 2023.{{cite magazine}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  13. Wilson, David Sloan (2007). Evolution for Everyone: How Darwin's Theory Can Change the Way We Think About Our Lives [Ebolusyon para sa Lahat: Paano Binago ng Teorya ni Darwin ang Ating Pagtingin sa mga Buhay Natin] (sa wikang Ingles). New York: Delacorte. ISBN 978-0-385-34092-2. LCCN 2006023685. OCLC 70775599.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  14. 14.0 14.1 Macionis, John J.; Gerber, Linda Marie (2011). Sociology [Sosyolohiya] (sa wikang Ingles) (ika-7 (na) edisyon). Toronto: Pearson Prentice Hall. ISBN 978-0-13-700161-3. OCLC 434559397.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  15. 15.0 15.1 Hall, Peter M. (2007). "Symbolic Interaction" [Simbolikong Interaksyon]. Sa Ritzer, George (pat.). Blackwell Encyclopedia of Sociology (sa wikang Ingles). Bol. 10. doi:10.1002/9781405165518.wbeoss310. ISBN 978-1-4051-2433-1. LCCN 2006004167. OCLC 63692691.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  16. 16.0 16.1 Berger, Peter L. (1967). The Sacred Canopy: Elements of a Sociological Theory of Religion [Ang Banal na Tirahan: Mga Elemento ng Teoryang Sosyolohikal ng Relihiyon] (sa wikang Ingles). New York: Doubleday & Company, Inc. p. 3. ISBN 978-0-385-07305-9. LCCN 90034844. OCLC 22736039.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  17. West, Richard L.; Turner, Lynn H. (2018). Introducing Communication Theory: Analysis and Application [Panimula sa Teorya ng Komunikasyon: Pagsusuri at Paglapat] (sa wikang Ingles) (ika-6 (na) edisyon). McGraw-Hill Education. ISBN 978-1-259-87032-3. LCCN 2016059715. OCLC 967775008.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  18. Conerly, Holmes & Tamang 2021, pp. 109–110.
  19. al-Attas, Syed Farid (Marso 2021). "Deparochialising the Canon: The Case of Sociological Theory" [Paglisan sa Kanon: Ang Kaso ng Teoryang Sosyolohikal]. Journal of Historical Sociology (sa wikang Ingles). 34 (1): 13–27. doi:10.1111/johs.12314. ISSN 0952-1909. LCCN 89656316. OCLC 18102209. S2CID 235548680. Inarkibo mula sa orihinal noong 31 Enero 2024.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  20. Becker, Howard; Barnes, Harry Elmer (1961). "The Meeting of East and West and the Advance of Secularism" [Ang Pagkikita ng Silangan at Kanluran at ang Pag-abante ng Sekularismo]. Social Thought from Lore to Science [Kaisipang Panlipunan mula Kuwento patungong Agham] (sa wikang Ingles). Bol. 1 (ika-3 (na) edisyon). New York: Dover Publications. pp. 266–277. LCCN 61004323. OCLC 423043.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  21. Alatas, Syed Farid; Sinha, Vineeta (2017). "Jose Rizal (1861-1896)". Sociological Theory Beyond the Canon [Teoryang Sosyolohikal: Lagpas sa Kanon] (sa wikang Ingles). London: Palgrave Macmillan. ISBN 978-1-137-41133-4. LCCN 2017934880. OCLC 966921499.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)