Alimos
Ang Alimos (Ellinika: Άλιμος), Latin at mas matandang anyo: Alimus, ay isang arabal sa timog timog-kanlurang bahagi ng Athina, Ellada, na tinatawag ding Kalamaki (Καλαμάκι, mas matandang anyo: Kalamakio at Kalamakion). Ang Avenida Poseidonos ay nasa kanlurang bahagi ng Alimos, at ang bundok ng (Hymettus) ay nasa silangan na umaabot sa mga damuhan, habang ang mga pook sa hilaga ng Argyroupoli ay gubat. Ang pinakamalapit na estasyon ng subway (tren sa ilalim ng lupa) ay ang estasyon ng Alexandros Panagoulis at napupuntahan din sa pamamagitan ng trambiya na itinayo noong mga 2000 at binuksan noong 2004. Nagsisilbi ang huli na daanan kasama ang Attiki Odos (bilang 63) sa silangan. Ang Vouliagmenis ay nasa kanluran, at ang pook ay nasa Timog ng Athina, Timog-silangan ng Peiraiás, Hilagang-kanluran ng Sounio, at halos tumbok na hilaga ng dating Pang-internasyunal na Paliparan ng Ellinikon, na nagsilbi ng dalawang pasukan at ilang tanghalan ng palarong Olympics, kabilang ang isang laruan ng basketbol. Ang Look ng Saronikós ay nasa kanluran.
Noong simula ng ika-20 dantaon ang pook ay pawang bukirin, mga pastulan at taniman ng prutas. Noong dekada 1940 at muli noong dekada 1970, pinalitan ng mga pagpapaunlad na pang-urban at mga negosyo ang mga bukirin, kaya ngayon ay malaking bahagi ng pook ang urban na. Ang negosyo ay nakakulumpol sa timog at sa mga pangunahing avenida. Sa kanluran ay may marina na nagsisilbi sa sampu-sampung piyer na may hanggang 1,100 bangka. Ang lalim ng mga ito ay mula 2 hanggang 7 metro.
Kasaysayan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang unang tirahan na nahukay ng mga arkeyologo sa Alimos ay noon pang panahong Neolitiko. Ang pinaghukayan ay matatagpuan sa rehiyon ng Ano Kalamaki, sa tabi ng hayway na Vouliagmenis.
Noong unang panahon, ang Alimos ay isang bayan ng mangingisda sa labas ng lungsod-estado ng Athina. Isang ebidensiya ng kaunlaran nito noong panahong ito ay ang guho ng isang maliit na ampiteyatro, na naiiba sa sinaunang kabihasnan dahil sa disenyo nitong parihaba. Ang guho ay matatagpuan sa kalyeng Ancient Theater sa Ano (itaas) Kalamaki (ilang bloke lamang ang layo sa pinaghukayang Neolitiko). Mapapansin din na bagama’t ang bayan ay mas malapit sa dagat, dahil ang salitang “alimos” sa sinaunang Ellinika ay nangangahulugan na “pag-aari ng dagat”, ang mga pangunahing hukay pang-arkeyolohiya ay matatagpuan sa pook ng munisipalidad na pinakamalayo sa baybayin.
Ang pinakamahalagang kaugnayan ng Alimos sa kasaysyan ay may kinalaman kay Thoukydidis. Ipinanganak si Thoukydidis sa Alimos, at kadalasang tinatawag na “Thoukydidis o Alimousios (Si Thoukydidis na taga Alimos, Ellinika: Θουκυδίδης ο Αλιμούσιος)”. Ang ulo ni Thoukydidis ay ginagamit na sagisag ng Alimos, na karaniwang ginagamit ng mga paaralan sa pook. Dagdag pa, tinatawag na Thoukydidio (Ellinika: Θουκυδίδιο) ang Unang Hayskul ng Alimos (Ellinika :Πρώτο ΓΕ.Λ. Αλίμου).