Work Text:
Neuvillette, aking Iudex—
May nais lamang akong itanong. Maaari mo akong ituring na hangal sa pagtanong nito, kung hindi mo pa ‘to ginagawa. Pagbigyan mo na lang ako. Sanay tayo roon, ‘di ba?
At ‘pag itatanong ko na, pagtataksilan ako ng aking hininga at humahantong ang lahat nito sa bantulot na bulong, pagtaas ng iyong kilay at hiling na ulitin ang aking sinabi, kaway ng aking kamay at instintong pagtawa, at tingnan mo, tinangay na ‘to ng agos ng panahon.
Isang simpleng tanong! Siguro kilala mo na ang pagkaduwag ko? Limang daantaong at pagkakataong sinayang sa ganitong pag-aatubili at pagmuni-muni. Aakyat at babagsak ang bawat araw at buwan. Aalis ang lahat sa paligid natin, liban na lang sa ‘yong mga anak, ngunit isang araw susunod din kayo sa kanila. Lahat ayon sa propesiya.
Siguro kilala ko na rin ang iyong pagka-maalalahanin, na hindi mo na itatanong. Kahit na sa totoo lang, usyoso ka rin, ano mang akala ng iba.
… gago. ‘Wag mo nang itanong! ‘Wag mo nang pag-isipan! Hayaan mo na siyang lumubog at maglaho sa pag-agos ng mga taon. Wala kang oras para sa mga hangal, at iyon lang naman ito—tanong maaari lamang manggaling sa isang hangal.
… siguro alam mo na rin na isa lamang akong hangal.
... Mahal kong kaibigan. Aking kaibigan. Puwede ba kitang tawagin nang gano’n? Hahayaan mo ba ako?
Hahayaan mo ba 'kong umigib nang kaunting saya sa ‘yong pambihirang ngiti? Tumawa nang totoo sa ‘yong madalas na pagkayamot? Maglakad nang masyadong malapit sa ‘yong tabi para sa isa nanamang walang-kuwentang pag-uusap? Manghimasok sa ‘yong opisina para umiwas sa trabaho at panoorin ang iyong mukha, pakinggan ang ‘yong boses? Magpakasawa sa araw-araw na sayaw ng ating nakagawian, kung saan magsisinungaling ako at maniniwala ka sa akin?
Hahayaan mo ba? Alam kong mapagbigay kang tao, pero kung ‘di tayo magkatrabaho at ninanais ko lang na dumalo sa ‘yo, hahayaan mo ba?
Kasi ‘di ko puwedeng hayaan. Kahit ang mga ideyang ito ay delikadong hawakan. Kalkulado ang bawat hakbang natin: Archon sa unahan, Iudex sa likod at tabi. Gano’n lang dapat ang mundo. Walang puwedeng magbago, o kaya'y lahat nito'y guguho.
Kaya ipagpatawad mo na ang patuloy kong kalokohan at walang-kuwentang katanungan—
Mahal mo ba ako, o sanay ka lang ba sa ‘kin? Alam mo ba ‘yung kaibahan, aking kaibigan? Alam ko ba?
‘Di ka pa ba nagsasawa sa ‘kin? Kapag tinanong ko, “Kamusta ka ngayon?” ang ibig-sabihin ko ay “Katulad ka pa rin ba ng kahapon, at ng kahapon noon, at ng isang daang taon nang nakalipas, at nang hanggang sa malunod tayong lahat sa darating na panahon? Nandiyan ka pa ba?" Sana laging “Oo” ang sagot.
‘Di naman ‘to masama, ‘di ba? At kung may galit ka sa puso mo na nakatuon sa akin, binabaon mo na lang kasama ng iba mong nakapiit na damdamin. Sanay ka na roon, ‘di ba? Sanay ka na sa 'kin?
At kung sakaling mawala ako, mas sasaya ka na wala nang mang-aabala sa ‘yo, ‘di ba? 'Di mo na 'ko hahanapin?
Ganito ‘yung mga walang-kwentang tanong na bumubulabog sa utak ko.
Ito na lang. Alalahanin mo ang isa sa mga ibig kong sabihin, hilig kong sabihin:
Maniwala ka naman sa iyong archon! Siyempre, isa akong diyos. Hindi mo mauunawaan ang aking mga hangarin. Ang iyong papel lamang ay ang maniwala!
At ang ibig kong sabihin ngayon na—
… masaya sana na maging kaibigan ka.
…‘Di bale na lang.
-
"… Malaki ang utang na loob ko kay Neuvillette, sa lahat ng ginawa niya para sa Fontaine sa mga nakalipas na taon. Mukhang ‘di niya balak imbestigahan ang krimen kong paglinlang sa mga tao. Kung sabagay, hindi na kami magkatrabaho, at ang tagal ko nang ‘di nakakapunta sa Palais Mermonia…
Siguro naman, mas mabuti ‘to para sa aming dalawa.
…‘Di ba?"
– Furina, "Tungkol kay Neuvillette", isinalin