Work Text:
Fidel de los Reyes y Maglipol's POV
" Disculpa , maari ba akong magpadala ng pagkain sa aking empleyado? Sumasakit na ang aking tiyan sa kamote," himutok ni Fidel nang abutan na naman sila ng kamote bilang hapunan. Hanggang kailan ba sila matitigil sa lugar na iyon?
"Nais kong ipahiwatig sayo na hindi ka na Don dito sa lugar namin kaya kung ano ang kinakain nila, yun din ang kakainin mo, prisoner ."
Nagpanting ang tenga niya nang marinig ang mga sinabi ng guardia sa kanya. Anong pinagsasasabi nito na tila nawala na ito sa katinuan at hindi na nito kilala ang kaharap?
Mabilis na tumayo ang ginoo at lumapit sa rehas at pinakatitigan ang guardia na nasa kabilang panig ng selda. "Mawalang galang lang, ginoo. Ngunit itong hinahamak ninyo ay nakapagtapos ng abogasya. Batid kong nasa batas na kailangang isaalang-alang ang kalusugan at karapatan ng bawat prisonero."
Tumawa nang nanunuya ang lalaki. "Sige nga, palayain mo ang iyong sarili ngayon hmm?"
"Wag kang mainip ginoo. Sapagkat bukas na bukas ay darating ang aking magaling na abogado galing sa Maynila. Al estante, makakalaya agad kami ng aking kaibigan."
" Al estante hmm? Masasanay ka ring matulog dito hanggang maging kawangis mo ang mga indio ," may diin at pang-iinsulto nitong sabi bago ito tumawa nang nang-aasar.
Kung hindi lamang niya gustong makalaya sa maayos na paraan ay makakatikim ang guardia na iyon ng suntok sa mukha. Ngunit nagtitimpi siya kaya wala siyang ibang nagawa kundi ang bumalik sa tabi ni Don Filipo at ng maestro.
"Pakapal nang pakapal ang mga apog, pahaba nang pahaba ang mga sungay pano'y parang linta sa alcalde ang kanilang alferez . Ang sabi ko sa sarili ko, hinding-hindi ako magiging anino at kasangkapan ng ganong pinuno," simula ni Don Filipo.
"Kaya ka ba bumitaw bilang teniente mayor ng San Diego?" tanong niya.
Tumango ang don, "Kaya ko rin sinuportahan ang escuela ni Crisostomo. At ngayon, heto ako. Isa ng filibustero at prisonero ."
Alam niyang hindi sila masamang tao, lalo na ang mga kasama niya sa loob ng piitan na iyon - lalung-lalo na ang kanyang matalik na kaibigan. Hindi magagawa ni Crisostomo na makipagsabwatan sa mga tulisan para saktan ang sinuman.
Sa lahat ng taong kilala niya, ang matalik na kaibigan niya ang kaisa-isang taong alam niyang mahaba ang pasencia ㅡ hindi nito magagawang isangkalan ang ibang tao para sa pansariling kagustuhan.
"Kung sino pa ang gumagawa ng maganda para sa bayan ay siya pang tinatawag na kriminal. Habang ang mga makasalanan sa simbahan at sa gobyerno ay kailangang tawaging kagalang-galang. Aba'y animal!"
"Totoo," sagot ng maestro. "Isang masalimuot na hakbangin ang turuan pa ng mga makabagong kaalaman ang isang matanda nang aso kaya ang mga kabataan ang esperanza ng bayan na ito. Senyor de los Reyes, isinakripisyo mo ang iyong kalayaan para sa iyong mga kaibigan ㅡ si Senyor Crisostomo at Binibining Klay. At para sa escuela na may napakagandang hangarin sana para sa bayan…"
Nilingon niya si Don Filipo. "Ngunit Don Fidel, hanggang saan mo kayang ipaglaban ang ating bayan na hindi lamang umaasa sa dasal, conecciones , at sa iyong yaman?"
Natigilan siya. Hanggang kailan nga ba siya mananatiling walang kibo sa pagiging mapagsamantala ng mga nakakasakop sa kanila?
Hanggang kailan nga ba siya magiging sunud-sunuran sa gusto ng ibang tao para sa lupang sinilangan niya?
Muli niyang naalala ang mga sinabi ni Klay sa kanilang dalawa ni Ibarra noong nasa lawa sila.
“The only thing necessary for the triumph of evil is for good men to do nothing.”
Kung mananahimik siya at mananatiling tuta ng mga masasamang kumokontrol sa Filipinas ay tila pinahintulutan na rin niyang wasakin ang bayan na sinilangan niya.
"Don Filipo, Maestro," bulong niya nang masiguro na malayo na ang dalawang guardia na bantay nila nang oras na iyon. "Tatakas tayo ngayong gabi. Ililigtas natin si Crisostomo. Sina Mang Adong. At ang iba pa na nadamay sa pamimintang ng mga dayuhan."
Nagkatinginan ang dalawang ginoo na kasama niya sa loob ng kwartel. Habang sina Mang Adong na nasa kabilang selda naman ay nakita niyang kumakain at marahil natatakot sapagkat hindi rin sigurado ng mga ito ang kanilang sasapitin.
Kailangan niyang gumawa ng paraan.
Kailangan niya ring masigurado na ligtas ang babaeng mahal niya.
☆ ☆ ☆ ☆ ☆ ☆ ☆ ☆ ☆ ☆ ☆ ☆ ☆ ☆ ☆ ☆ ☆ ☆ ☆ ☆
Lakad takbo ang ginawa ni Fidel nang ganap siyang makalayo sa mata ng mga guardia civil.
"Mariano! Mariano!" sigaw niya nang dumating siya sa tindahan niya. Nilingon pa niya ang paligid para matiyak na walang nakasunod sa kanya. Sana'y ligtas lamang din ang mga kasamahan niya kanina.
Pupungas-pungas na lumabas mula sa banggerahan si Mariano. "Senyorito? A-ano po ang nangyari sa inyo?" tanong nito.
Kasunod nitong lumabas ng pinto si During na napatakip pa ng bibig nang makita siya. Agad siya nitong inalalayan. "Dios ko po, tumakas ba kayo mula sa kwartel, senyorito?" tanong nito na kaagad tumungo sa tapayan ng tubig para ikuha siya ng maiinom.
"Heto, inumin niyo po ito. Ikukuha ko rin kayo ng pamalit na damit. Dios ko po may sugat pa kayo."
Hinawakan niya ang kamay ng matandang kasama at pinisil iyon saka umiling para iparating dito na ayos lamang siya.
"Hindi ho ba nagtungo rito si Binibining Klay?" agad niyang tanong sa dalawa.
"Hindi po namin nakita ang senyorita, senyor. Hinahanap din po namin siya ni During dahil nabalitaan namin ang nangyari sa bahay ni Senyor Ibarra," agad na tugon ni Mariano.
"Ngunit saan kaya siya nagpunta? Lagi na lamang niya akong pinag-aalala!" buntong-hininga ng binata. "Hindi bale, dumito lang kayo," agad siyang tumayo at tinungo ang oficina niya.
Nang makarating siya roon ay kinuha niya lahat ng mga natago niyang pera mula sa mga benta nang nakaraang buwan.
Inilagay niyang lahat ang mga iyon sa buslo na nakita niya sa kaha at madali siyang bumalik sa kusina para harapin ang dalawang matandang kasama.
"Ito," iniabot niya ang buslo kay Manang During. "Isasarado muna natin ang tindahan pansamantala. Sa ngayon ay hindi ko alam kung kailan ko kayo muling kakailanganin ngunit nais kong isama mo ang lahat ng mga trabahante at lumayo muna kayo rito. Magtungo kayo sa Tiani. O sa Bulacan. Doon ko kayo hahanapin kapag naayos na namin ang gulo rito."
"Ngunit paano kayo, Senyor?" nag-aalalang tanong ng dalawa.
"Huwag niyo akong alalahanin. Kailangan kong mahanap si Klay at hindi ko pwedeng iwanan ang aking amigo sa piitan. Kaya kailangan kong manatili rito."
Matapos niyang sabihin iyon ay tila may isang maliwanag na bagay na kumidlat sa harapan niya, hindi niya alam ang nangyayari kaya't napahawak siyang muli sa sentido niya.
Tila hinihiwa ang mga mata niya sa sakit at parang mabubulag siya sa sobrang liwanag noon. Pinilit niyang ibukas ang mga mata niya at may malalabong bagay na rumehistro sa alaala niya. May isang tao sa harapan niya. Ngunit hindi iyon si Manang During o si Mariano, isa itong matandang babae na may kaputian na ang buhok.
Nang tangkain niyang magsalita ay nakarinig siya ng kalabog at mga boses na humihingi ng tulong.
"Dios mio! Senyorito!" boses iyon ni Manang During at ang bumagsak sa semento ay ang katawan niya.
Agad siyang itinayo ng dalawang matanda. Nang magmulat siya nang mga mata ay alam niyang hindi siya papayagang makaalis ng dalawang matanda.
"Mabuti po siguro na sumama na lamang kayo sa amin, Senyorito," sabi ni Mariano.
"Ngunit si Klay, hindi ko sila maaaring iwan ni Crisostomo."
Kaya siya nagkaron ng mga sugat ay dahil hinanap pa nila ang selda ni Ibarra bago sila tumakas. May nakaengkwentro pa sila na dalawang guardia na pumukpok sa kanyang ulo. Mabuti na lamang at naroon ang ilang kasama nina Mang Adong at nagawa nila itong labanan bago ito makapagpaputok ng baril.
Nagpasya silang tatakas na muna sila at hihingi ng saklolo kina Elias para mailabas si Ibarra. Ngunit kung mayroon lang sana siyang armas na hawak ay hindi niya magagawang iwan ang kanyang amigo.
"Alam kong nag-aalala kayo sa akin. Ngunit kailangan kong manatili rito. Pangako, mag-iingat ako at ako mismo ang susundo sa inyo sa Tiani o sa Bulacan. Ang nais ko lamang ay makalayo kayo rito at maging ligtas. Intiendes?"
Walang nagawa ang dalawang matanda kundi ang tumango at lumayo sa binata. Sa isang huling sulyap ay yumuko ang mga ito bilang pagbibigay galang sa kanya.
Bagaman nanghihina siya ay sinikap niyang makatayo. Tinungo niya ang hardin at iginala ang mga mata para hanapin si Luna.
Narinig niyang papalayo na ang karwahe na ginamit ng dalawang matanda at ng iba pang trabajador. Bitbit ang ilang salapi na kinuha niya at alahas na nakatago sa tokador ay muli niyang nilingon ang Maglipol Empresa Comercial ㅡ hindi niya alam na darating ang araw na lilisanin niya ang ginhawa ng buhay na mayroon siya sa kompanya na iyon.
Ngunit kailangan niyang pansamantalang lumayo sa tahimik na buhay niya bilang ilustrado sapagkat kailangan niyang iligtas ang mga taong mahalaga sa kanya. Kahit na ang kahihinatnan ng pagliligtas niya sa mga kaibigan ay ang pagkawala ng kalayaan niya.
Nang makasakay siya sa kabayo ay agad niya itong pinakaripas ng takbo. Kung wala si Klay sa tindahan niya, ay alam na niya kung saan ito naroroon.
'Hintayin mo ako, mahal ko…'
Nang makarating siya sa tarangkahan ng bahay ng kanyang amigo ay nanlambot ang mga tuhod niya.
Wala na ang dating masayang mansion ng mga Ibarra. Wala na ang lugar kung saan sila madalas magkasama ng kaibigan. Ang natitira na lamang ay mga alaala.
Dahan-dahan siyang humakbang papasok sa loob at iginala ang mga mata sa natupok na kabuuan ng bahay ni Crisostomo. Umaasang may palatandaan pa ng buhay sa paligid niya.
Papasok pa lamang siya sa hardin nang matigilan siya sa paglalakad. Naaninag niya ang isang pamilyar na pigura sa di-kalayuan.
Magulo ang buhok nito at tumatangis. Kahit na sa malayo ay bakas ang takot sa mga mata nito.
Ang babaeng pinakamamahal niya.
Ang babaeng naging dahilan kung bakit nais niyang maging mabuting tao.
Ang babaeng nagturo sa kanya nang napakaraming bagay ㅡ at dahilan nang bawat paghinga niya sa oras na iyon.
Tila napako siya sa kinatatayuan nang magsimulang tumakbo papalapit sa kanya ang binibini.
Bahagya itong tumalon at niyapos siya nang mahigpit habang humahagulgol ito. Dama niya ang pinaghalo-halong takot at pag-aalala sa yakap na iyon.
Kagyat niyang ibinalik ang yakap nito ㅡ mahigpit, di nais bumitaw. Napawi ang lahat ng agam-agam niya na baka napahamak na ito dahil alam niyang hindi papayag ang babae na maapi ng kung sinuman. Ngayong nasa bisig na niya ang dalaga ay tila nabunutan siya ng tinik. Nakahinga siya nang maluwag na magkasama na sila sa oras na iyon.
“Fidel… Fidel…” palakas nang palakas na pagtawag nito habang nakahilig sa leeg niya.
Lalo lamang niyang hinigpitan ang yakap sa babae, “Nandito na ako, mahal ko,” haplos niya sa buhok nito.
Kumalas nang dahan-dahan si Klay at tinitigan siya na para bang sinasaulo ang mukha niya. "Salamat at ligtas ka, akala ko hindi na kita makikita."
"Klay…"
"Naisip ko, baka sinasaktan ka na nila dun… naisip ko, baka hindi ka nakakakain nang maayos. Baka nahihirapan ka…" tuluy-tuloy nitong sabi sa pagitan ng mga hikbi.
Kahit na tumatangis ito ngayon ay napakaganda pa rin ng babae.
"Shh, andito na ako. Huwag ka nang tumangis. Walang nangyaring masama sa akin."
Pinagmasdan siya ng dalaga bago hinaplos ang pisngi niya kung saan may galos siya. "Anong wala? May sugat ka!"
"Galos lamang iyan na madali namang gagaling. Ang mahalaga ay narito na ako at nakita na kitang muli."
"Fidel, huwag mo nang uulitin yun. Huwag ka na ulit magpapahuli sa kahit sino."
"Pangako, aking pinakamamahal. Hindi na ako mawawala sa piling mo."
Iniabot niya ang kanang kamay niya kay Klay na kinuha naman kaagad ng babae. Inalalayan niya itong makapunta sa mahabang upuan na nasa hardin. Nang makaupo ang babae ay pumitas ng mga rosas ang ginoo bago muling naupo sa tabi nito.
Alam niyang anumang oras ay maiisip ng mga guardia sibil na hanapin sila sa lugar na iyon, ngunit hindi iyon ang prayoridad niya nang oras na iyon.
Nais niyang kahit sa huling pagkakataon ay maging saksi ang hardin na iyon sa pagmamahal niya sa kakaibang babae na nasa harap niya.
Nais niyang sa makailang ulit na pagkakataon ay iparamdam dito na hindi ito nag-iisa. Na kasama siya nito.
At hindi siya magtutungo sa kahit saan, hindi masasaktan ng sinuman - sapagkat lalaban silang magkasama. Ililigtas nila si Crisostomo at ang mga pangarap nito para sa bayan. Papatunayan nilang wala itong kasalanan.
"Klay…" Iniabot nito sa nakatungong dalaga ang mga rosas.
Nang magtaas ito nang paningin sa kanya ay kasabay niyong pumatak ang mga luha ng binibini.
Tila pinipiga ang puso ni Fidel nang mga oras na iyon. Gusto niya itong yakaping muli at aluin habang nakakulong sa mga bisig niya ngunit alam niyang hindi pwede.
"Maraming salamat sa'yo, Fidel." Naglandas ang mga luha sa pisngi ng dalaga. "Maraming salamat dahil bumalik ka."
"Sabi ko naman sa'yo, 'di ba? Ikaw ang unang-una kong hahanapin? Yun nga lang, hindi ko pa nareresolba ang gulong ito. Nasa kwartel pa rin ang aking amigo…"
Nakatitig lamang ito sa kanya habang lumuluha. Inabot ng nanginginig nitong mga kamay ang kumpol ng rosas na inaabot niya.
"Shh, tahan na. Kahit anong mangyari, hindi tayo mawawalay sa isa't-isa. Gagawa tayo ng paraan para mailabas si Ibarra mula sa piitan. Kaya huwag ka nang tumangis pa."
Walang anu-ano'y lumapit ang babae sa kanya at niyakap siya nitong muli.
"I'm sorry, Fidel. I made everything worse… sinira ko ang buhay niyong lahat dahil lang gusto kong mabago ang kwento. Ako ang dahilan kung bakit magulo ang mundong ginagalawan niyo. Ako ang dahilan kung bakit nasaktan kayo, lalo na ikaw."
Bahagya siyang lumayo mula sa pagkakayakap ng dalaga at sinapo niya ang maliit na mukha nito.
"Klay, anong sinasabi mo?"