Actions

Work Header

Haviel

Summary:

Kilala mo ba si Haviel?

Notes:

Hi! Please visit my Twitter (@sunwonheart) to find the original thread if you only saw this on AO3! Please take the time to read the notes and watch the prologue po huehueheu. Thank you so matz! Muah muah <3

Characters:
KSN = Haviel
LHS = Owen

(See the end of the work for more notes.)

Work Text:

Haviel,

Naaalala mo pa ba?

Naalala mo pa ba nung unang beses tayong magkita? Ako kasi natatandaan ko pa, nag-iihaw ako ng mga binebenta kong ihaw-ihaw, sobrang tindi nga ng sikat ng araw noon, tapos lahat yata ng usok ay dumikit na sa balat ko, kaya’t paniguradong amoy araw at usok ako ng mga oras na ‘yon. Nakakahiya nga kasi bumaba ka ng tricycle noon, tapos lahat ng tambay na bumibili sa ihaw-ihaw ko napalingon agad sa’yo. Paano ba naman kasi sobrang puti at sobrang kinis mo, ang layo ko sa’yo pero naaamoy ko na agad ‘yung scent mo, tapos ako, nakatulala lang sa’yo habang patuloy pa rin sa pag paypay ng iniihaw ko habang lumalapit ka sa akin, kaya kahit kinausap mo ako para itanong kung tama ba ang lugar na binabaan mo ay hindi agad ako nakasagot dahil hindi ko maalis ‘yung tingin ko sa mukha mo.

Tang ina, simula noon hanggang ngayon, ang ganda mo.

Madami namang magandang omega sa baryo namin, hindi ko maitatanggi ‘yon, pero hindi ko alam, Viel. Hindi ko alam kung bakit parang may kakaiba sa ganda mo. Lahat ng tao, matanda, bata, alpha, beta, at kahit omega man ay ikaw ang usap-usapan simula nung lumipat ka sa baryo para sumama sa pack namin.

May ilang usap-usapan na galing ka daw sa mayamang pamilya, na anak ka daw ng isang pack leader pero napalayas ka dahil ayaw daw nila magka-anak ng isang omega, may ilan pang nagsasabi na baka asawa ka ng isang mayamang alpha, tapos tumakas ka daw kasi inaabuso ka, may narinig pa nga akong kabit ka daw ng isang sikat na alpha kaya itinatago ka sa probinsya namin para hindi malaman ng tunay nitong asawa, lahat ng ‘yon ay nabuo nila dahil lang mayaman ka kahit wala kang trabaho. Sobrang daming gawa-gawang kwento na wala namang basehan.

Sobrang misteryoso mo daw kasi, mailap ka sa mga tao, kahit noong fiesta ay hindi ka lumabas ng bahay, eh may ‘pag ka-chismoso talaga mga tao dito sa pack natin, alam mo naman ‘yan.

Kumalat din kasi ang balita na may kumuha daw ng litrato mo noong bagong dating ka pa lang dito, mukhang may gusto yata sa’yo ‘yung lalaki kaya’t kinuhanan ka ng larawan nito, pero pinuntahan mo daw ang alpha na gumawa noon at ipinabura mo ang larawan mo. Hindi ka na ulit nakita ng mga tao sa labas ng bahay mo pagkatapos ng araw na ‘yon.

Kaya noong nabalitaan ko kay Mutya na lumabas ka raw ng mating season ay nailabas ko rin bigla ‘yung polo na sinuot ko noong graduation ko sa high school. Ewan ko nga ba’t bigla kong nakita ‘yon, eh tatlong taon nang nawawala ‘yon. Kitang kita ko nga rin ‘yung gulat sa mukha nila Nanay at Tatay noong nakita nila akong nagbibihis para umattend ng moon festival, ilang beses na rin kasi nila akong kinukulit na um-attend sa mga ganyang ganap para makahanap na rin ako ng mate ko, ayaw ko lang talaga kasi parang ang bata ko pa.

Hindi na pala ako bata.

Alam mo kung sino ang bata ng mga panahon na ‘yon? Si Mutya, bwisit na bata ‘yon, nanghihingi lang ako ng polbo ayaw pa akong bigyan, edi namamawis na tuloy ako bago ako nakapaglagay ng polbo sa mukha. Namuo sa noo ko ‘yung polbo, hindi ko alam kung papaano ko aalisin, pero mag-aalas sais na ng gabi, nagsisimula na ‘yung kasiyahan noon, kaya kahit hindi pantay nagmamadali akong lumabas ng bahay.

Late na kasi ako, tapos dadaan pa ako sa bahay nila Aling Myrna para bumili ng bulaklak. Iyong tatlong buwan kong ipon ay nagastos ko sa isang iglap, pero wala akong halong panghihinayang noong binili ko ‘yon kasi alam ko naman kung kanino mapupunta, alam kong sulit ‘yung pagod ko sa pagbebenta ng ihaw-ihaw dahil sa’yo naman mapupunta ‘yung bulaklak na binili ko.

Hindi ko nga alam kung inuuto lang ako ni Aling Myrna nung araw na ‘yon, pero sabi niya ang gwapo ko daw noon, hehe. Tumaas tuloy ng apat na pursyento ‘yung kumpyansa ko na baka pagbigyan mo ako. Binibiro pa nga nila ako na kapag daw na-reject ako ng taong gusto ko, ‘yung anak na lang nilang si Mary Joy ‘yung ligawan ko, kaso desidido na talaga ako na ikaw ‘yung gusto ko.

Ikaw lang, Viel. Ikaw lang talaga ‘yung gusto ko.

Kaso putang ina, bakit hindi pumasok sa isip ko na malamang hindi lang ako ang nagkakagusto sa’yo?

Kakarating ko pa lang sa bayan pinanghinaan na agad ako ng loob. Paano ba naman kasi, mahigit apatnapu yatang alpha ang nakapila sa’yo ng mga oras na ‘yon, wala pa sa bilang ang ilang mga beta at omega na sa’yo rin nakapila. Lahat ikaw ang gustong kausapin, babae man o lalaki, matanda man o bata. Hindi na nga nakapaghanap ng possible mate ang ibang omega dahil lahat ng alpha ay ikaw ang gusto.

Hindi ko alam kung nag-ha-hallucinate lang ba ako pero parang mukhang napilitan ka lang na lumabas, parang hindi mo nga gusto na nandoon ka, katabi mo si Omega Sol, paniguradong pinilit ka lang nila Mrs. Solidad na sumama, tradisyon na kasi ‘yan ng pack, pero sana hindi ka napilitan lang kasi parang nakakapagod mag-entertain ng halos apatnapung alpha lalo na kung labag sa loob mo.

Para nga akong napako sa kinatatayuan ko nung mga oras na ‘yon, hindi ko alam ang gagawin ko, kasi naman pati ang anak ng pack leader natin na si Carlos nakapila sa’yo, doon pa lang ano ng laban ko? Valedictorian ‘yon nung high school sa batch namin, tapos ako nasa pang-huling section na, hindi ko pa maipasa ‘yung science kasi ang hirap talaga intindihin kung bakit pwedeng mag-mate ang alpha at omega tapos ‘yung beta hindi.

Gusto ko man laitin siya na hindi naman siya gwapo, na halata namang mas gwapo pa ako sa kanya, mayaman lang talaga siya, tsaka matalino… kaso nakakapogi talaga ‘yung yaman at talino. Tang ina, tangkad lang yata talaga lamang ko d’yan, tsaka siguro pati ‘yung ano ko, ewan. Basta tangina niya. Naiinis ako sa kanya. Naiinis ako sa lahat ng mga alpha na nakapila sa’yo nung mga oras na ‘yon, nararamdaman ko ngang nagwawala ‘yung alpha sa loob ko kasi gusto niyang ipagdamot ka.

Gustong gusto kong ipagdamot ka, Viel.

Kaso anong magagawa ko? Hindi naman bulag ‘yung mga tao. Kung nagagandahan ako sa’yo, edi syempre sila rin, at kung nababaliw ako sa’yo, malamang sila rin.

Ang daming nagbigay sa’yo ng regalo noon, late na nga ako tapos bulaklak lang ‘yung ibibigay ko sa’yo. Samantalang sila, kung anu-anong mamahaling gamit ang binibigay sa’yo, may nakita pa nga ako sa isang nakapila na buhay na kalabaw ang ibibigay niya. Napaisip na nga rin ako papaano niya nadala ‘yung kalabaw sa bayan.

Kaya naman kahit hindi pa ko pumipila ay alam kong talo na ako, ni hindi ko nga kayang bumili ng kalabaw, lalo pa siguro ‘yung anak ng pack leader na titulo ng lupa pa yata ang gustong ibigay sa’yo. Hindi ko alam kung naka-ilang buntong hininga ako habang naglalakad ako pauwi ng bahay, nakakahiya man aminin at kahit kumukontra ang alpha ko, alam kong mas deserving sila kaysa sa akin.

Nang makauwi ako sa bahay noon, binigay ko na lang kay Mutya ‘yung bulaklak na binili ko, worth it pa rin naman dahil sobrang saya ng kapatid ko, first time daw kasi niyang nakatanggap ng bulaklak. Biniro pa siya ni Nanay na maghanap siya ng mayaman na alpha na mapapang-asawa para araw-araw siyang makatanggap ng mamahaling bulaklak.

Sumang-ayon ako.

Kung ganoon ang gusto ko para kay Mutya, ganoon din ang gusto ko para sa’yo, kaya naman lumipas ang ilang buwan, hindi na ako nagpakilala sa’yo. Kinalimutan ko na lang kung ano man ang nararamdaman ko, baka kabag lang ‘to, mawawala rin ‘to. Baka nagagandaha n lang talaga ako sa’yo. Kaya naman kahit para akong mababaliw kapag nakikita kita, pumipikit na lang ako, kahit para akong tanga na nakapikit sa gitna ng kalsada, wala akong pakialam, makalimutan ko lang ‘yung nararamdaman ko sa’yo.

Kaso ewan ko ba, parang gago naman kasi ‘yung tadhana. Trippings ampota.

Bigla ka na lang kumatok sa pinto ng bahay namin, tinatanong mo kung sa amin ba nakatira si Owen Magdayao.

Ilang segundo akong nakatitig lang sa’yo, hindi ako kumikibo, para akong gago na nakatulala lang sa mukha mo. Alam kong nawi-weirdo-han ka na sa akin kasi nakailang tanong ka na kung okay lang ba ako pero hindi ako makasagot, parang umurong bigla ‘yung dila ko.

Nakalimutan ko na ako nga pala si Owen.

Buti nakita ako ni Tatay na nakatulala lang sa’yo kaya siya na ang nakipag-usap muna, para akong tanga sa gilid na nakatitig pa rin sa’yo habang nakikinig sa usapan niyo ni Tatay. Sabi ko pa sa sarili ko na kakalimutan na kita, pero noong malapit ka na sa akin, nakalimutan ko na rin pati ‘yung sinabi ko sa sarili ko. Hinayaan ko na lang ulit na mahulog ako sa’yo kahit alam kong wala akong babagsakan.

Hindi ko nga alam kung papaano ako napunta sa bahay mo, basta ang natatandaan ko na lang ay sinabi sa akin ni Tatay na nabalitaan mo daw na marunong akong mag-ayos ng tubo, sinabi lang sa’yo ng kapitbahay niyong omega, kaya naman pinasama na ako sa’yo ni Tatay.

Para akong mababaliw pagpasok ko pa lang sa loob ng bahay mo, bawat sulok yata ng bahay mo ay naaamoy ko ang scent mo, hindi ko lang pinapahalata pero pigil na pigil ako kasi baka maamoy mong interesado ako sa’yo. Kahit nagwawala na ‘yung alpha ko, dahil ikaw na yata ang kinikilala niyang mate, ay nanatili akong kalmado habang inaayos ko ‘yung nasirang tubo sa kusina mo.

Naalala mo ba? Iyon ang pinaka-unang pag-uusap natin, inaaya mo pa akong kumain muna sa bahay mo pagkatapos kong ayusin ‘yung tubo, at dahil ayoko pa talagang umalis sa bahay mo noon ay pumayag ako. Natatandaan ko pa kung paano nagbago ‘yung mukha mo nung pumayag ako, doon ko lang napagtanto na inaaya mo lang ako bilang formality pero wala ka talagang balak pakainin ako sa bahay mo.

Wala, ang cute mo lang noong nag-panic ka, kaya nagmaang-maangan na lang ako na hindi ko napansin ‘yung kaba sa mga mata mo habang sinusubukan mong magluto, para akong batang lalaki na nag-de-daydream sa crush niya habang pinapanuod kitang magluto. Ang dami nang pumasok sa isip ko nung mga oras na ‘yon, kagaya na lang na ganoon kaya ang makikita ko sa araw-araw kapag napang-asawa kita? Gusto kong gumising sa umaga na ganoong eksena ang maabutan ko sa araw-araw.

Kaso naputol ang pangarap ko nang makita kong biglang umapoy ang niluluto mo, agad akong napatayo noon para kumuha ng basahan na basa para maipangtaklob sa apoy. Sigaw ka lang nang sigaw sa gilid ko habang pinapatay ko ang apoy. Sa huli ay ako na ang nagluto ng pagkain para sa ating dalawa.

Naalala ko pa kung papaano kumislap ‘yung mga mata mo nang matikman mo ‘yung luto ko, pero agad mo rin inalis ang ngiti sa labi mo para lang umarte na wala kang reaksyon, tumatango-tango ka lang kunwari habang kumakain pero nararamdaman ko sa ilalim ng lamesa na kanina pa galaw nang galaw ang paa mo. Hindi na nga ako halos kumain noon dahil nakatingin lang ako sa’yo habang nakangiti, hindi kasi mawala ‘yung tingin mo sa pagkain kaya hindi mo na namamalayan na sa’yo lang ako nakatingin.

Ilang araw akong hindi makatulog simula noong araw na ‘yon. Ayaw mawala sa isip ko ‘yung ngiti mo, para na nga akong tanga kasi iniisip ko na kung kumakain ka kaya sa tamang oras? O baka naman nagpapalipas ka ng gutom dahil hindi ka marunong magluto? Masustansya rin kaya mga kinakain mo? Hindi ko alam kung saan nanggagaling ‘yung pag-aalala ko sa’yo.

Hindi ko na rin tuloy alam kung saan ko nahugot ang kapal ng mukha ko na magluto at dalhin sa bahay mo. Iniisip-isip ko lang ‘yun dati, basta isang araw hindi ko na namalayan na ginawa ko na nga, pumunta na ako sa bahay mo dala-dala ‘yung ulam na niluto ko. Nakita ko ‘yung gulat sa mata mo noong makita mo ko sa harap ng pintuan ng bahay mo, pero mas nagulat ako noong tinanggap mo ‘yung ulam na binibigay ko. Bali-balita kasi na tinatanggihan mo lahat ng binibigay sa’yo. Nabalitaan ko rin nga na tinanggihan mo pati ‘yung buhay na kalabaw at titulo ng lupa, kaya para akong nananaginip noong tinanggap mo ‘yung ulam.

Pumunta lang talaga ako sa bahay mo pero hindi ako umaasa na tatanggapin mo ‘yun, alin ko na nga lang ay tanggihan mo na rin ako para makapag-move on na ako katulad ng ibang mga alpha na ni-reject mo.

Pero kabaligtaran ang nangyari, dahil inaya mo pa akong pumasok sa loob ng bahay mo habang hawak-hawak mo ang ulam na niluto ko para sa’yo. Kitang kita ko sa gilid ng mga mata ko ang mga kapitbahay mong nakasilip sa mga bintana nila, pati ang ilang mga alpha na dati mong manliligaw na naninigarilyo sa tindahan malapit sa bahay mo.

Hindi ko alam, pero siguro katulad din ako ng ibang alpha, gahaman din ako at mayabang, dahil hindi ko mapigilan ang nakakalokong ngiti ko habang unti-unti kong isinasarado ang pinto ng bahay mo, sinisigurado kong bawat segundo ay nakita nilang mabuti ang mukha ko.

Inaya mo ulit ako na kumain at syempre hindi ako tumanggi, sino ba naman ako para tumanggi? Ako pa lang yata ang nag-iisang alpha na hinayaan mong kumain kasama ka. Balita ko kasi kay Mutya ay kumakain ka naman daw sa karinderya, nakasabay ka na daw niya dati, pero mga babaeng omega at beta lang ang hinahayaan mong tumabi sa’yo, kaya’t nagawa nilang umupo ng kaibigan niyang beta sa lamesa kasama mo, pero noong may tumabi raw sa inyong lalaki ay tumayo ka na raw agad. Hindi mo man lang daw na-enjoy ang pagkain mo sa karinderya kasi halos lahat ng alpha ay nakatingin lang sa’yo.

Napagtanto ko nga na pareho lang din pala nila ako kasi nakatitig lang din ako sa’yo habang kumakain ka, pero na-enjoy mo naman siguro ‘yung ulam na niluto ko ‘no? Wala ka kasi masyadong reaksyon pero alam kong nagustuhan mo dahil naubos mo agad ‘yung niluto ko.

Nasabi ko lang naman ‘yun kasi palagi na akong nagdadala ng lutong ulam sa bahay mo, palagi mo rin naman tinatanggap, palagi mo rin akong iniimbitahan na kumain kasama ka, kung hindi ka komportable sa akin, hindi mo naman gagawin ‘yon, ‘di ba? Hanggang ngayon, naiisip ko pa rin, hindi ka naman siguro napilitan lang sa akin dahil tinutulungan kita sa mga nasisirang gamit sa bahay mo, ‘di ba?

Sana hindi, kasi hindi ko na talaga alam, Viel.

Kasi paulit-ulit ko ‘yung ginagawa noon, paulit-ulit akong nagbabalik-balik sa bahay mo, paulit-ulit mo rin akong tinatanggap. Alam na nga ng buong pack na nililigawan kita, ikaw na lang yata ang may hindi alam noong mga panahon na ‘yon. Laman tayo palagi ng kwentuhan ng mga matatandang omega na nag-bi-bingo, tayo na rin nga ang ginagawang pulutan ng mga nag-iinumang alpha sa kanto, pati mga estudyanteng naglalakad pauwi galing school na may mga hawak na buko juice ay tayo ang pinag-uusapan, dahil kung hindi, bakit naka-abot kay Mutya hanggang sa mga magulang ko ang chismis?

Pag-uwi ko pa lang sa bahay ay nakatingin na agad sa akin ang buong pamilya ko, hindi ko alam kung bakit pero alam ko na agad kung anong dahilan ng kakaibang tingin nila sa akin. Tinanong ako ni Tatay kung bakit ikaw, hindi ako nakasagot, sabi naman ni Nanay tumigil na raw ako, wala raw akong mapapala sa’yo, sasaktan ko lang daw ‘yung sarili ko dahil sa ginagawa ko. Hindi ka rin naman daw magkakagusto sa akin, halata naman daw na anak mayaman ka, halata naman daw na hindi mo ipagpapalit ‘yung yaman mo para sumama sa katulad ko. Hindi ako kumibo noon, kasi alam ko na kahit anong sabihin nila ay hindi na ako titigil sa ginagawa ko.

Hulog na hulog na ako sa’yo noon, Viel.

Baka nga katulad lang din ako ng ibang alpha, sobrang taas din ng pride ko, kaya kahit anong sabihin sa akin ng lahat ng tao ay hindi ako tumigil sa panliligaw ko sa’yo, kahit noong naglakas na ako ng loob na sabihin sa’yo ng diretsahan na nililigawan kita, na hindi lang kaibigan ang tingin ko sa’yo, kahit noong nakita ko sa mga mata mo na nagulat ka, at kahit noong harap-harapan mong sinabi sa akin na hindi mo ako gusto, hindi ako tumigil.

Hindi ako tumigil, alam mo ‘yan.

Hindi ako tumigil kahit noong paulit-ulit mo akong ni-re-reject, hindi ako tumigil kahit nararamdaman ko sa tuwing umuuwi ako ‘yung awa sa akin ng mga magulang ko, hindi ako tumigil kahit alam kong pinagtatawanan na ako ng mga tao, hindi ako tumigil kahit noong sinabi mong katulad lang din nila ako.

Kasi totoo, totoo namang katulad lang din ako ng daan-daang alpha na nagkakagusto sa’yo, dahil katulad nila, baliw na baliw din ako sa’yo.

Ang kaibahan ko lang sa kanila ay mas malala ako, dahil hindi ako marunong tumanggap ng pagkatalo, lalo na’t alam ko na ‘yung pakiramdam na makasama ka at makausap ka. Hindi ko sinugal ‘yung pagkakataon na maging kaibigan mo para lang mawala ka sa akin.

Kaya hindi, hindi ako pumayag.

Isip bata pa nga yata ako ng mga panahon na ‘yon, pinapairal ko masyado ‘yung pagiging alpha ko, kaya hindi ako pumayag na mawala ka sa akin ng ganun-ganun na lang. Alam kong napipikon ka na sa akin, pero nakikita ko naman na kahit papaano ay kinakausap mo pa rin ako, hindi katulad ng ibang alpha na sumusubok pa rin na lumapit sa’yo, humihingi ka lang ng tawad pagkatapos ay sinasarado mo na agad ang pinto.

Pero mahigit isang taon din akong ganoon, mahigit isang taon din akong paulit-ulit na nagbabalik-balik sa bahay mo, pero hindi mo na ulit ako tinanggap. Kahit si Mutya ay nakikiusap na sa akin na tumigil na ako, nahihiya na raw siya dahil palagi na lang daw ako pinagtatawanan ng mga kapitbahay namin. Nung mga panahon na ‘yon, napaisip na rin ako na tumigil na, hindi para sa akin kundi para sa pamilya ko na nakakasapo ng lahat ng kahihiyan na ginagawa ko.

Kaso hindi ko alam kung nanadya ka ba, Viel.

Bakit noong mga oras na naiisip ko na tumigil tsaka ka kumatok ulit sa bahay namin? Hinahanap mo raw ako kasi nasira ‘yung aircon sa kwarto mo, kaya naman pagkasabing pagkasabi ni Tatay na dumaan ka raw sa bahay nung umuwi ako galing sa pamamalengke ay agad akong nagtatakbo patungo sa bahay mo, kahit hindi pa ako naliligo, kahit amoy isda pa ako, nagmamadali akong tumakbo, kasi natatakot ako na baka makahanap ka ng iba.

Baka makahanap ka ng ibang gagawa ng aircon mo.

Kaya noong pinagbuksan mo ako ng pinto ay hingal na hingal ako, nakita ko na naman ‘yung gulat sa mga mata mo pero unti-unti kang ngumiti kaya biglang nawala ‘yung pagod ko sa layo ng tinakbo ko. Pinapasok mo ulit ako sa bahay mo, ginawa ko ‘yung aircon mo, at inaya mo ulit ako kumain, ‘yun nga lang ay ako pa rin ang pinagluto mo dahil hindi ka pa rin marunong magluto.

Hindi ko alam kung bakit sa mga oras na ‘yon, naging kuntento ako.

Kuntento na ako na kahit hindi mo ako gusto basta makasama lang kita, basta kinakausap mo pa rin ako, kahit ano papatulan ko, kahit maging taga-ayos lang ako ng mga nasisirang gamit mo, dahil mas okay na rin siguro na maging kaibigan mo kaysa naman sa wala, kaya naman buong pagkain natin ay hindi ko binanggit kahit isang beses ang panliligaw ko.

Simula noon, pinapapasok mo na ulit ako sa bahay mo.

Okay lang naman sa akin eh, wala naman talagang problema, sapat na sa akin na maging kaibigan mo lang, kaya nga kahit naririnig ko na naman sa bulong-bulungan ng mga kapitbahay namin na ginagamit mo lang daw ako at para bang ginagawa mo lang daw akong alagang aso na palaging nakasunod sa’yo, ay hinayaan ko lang sila.

Kasi alam ko naman na kahit papaano, sa lahat ng manliligaw mo, ako lang kaisa-isahang tinanggap mo.

‘Yun ang akala ko.

Kasi nabalitaan ko kay Mutya na tinanggap mo raw ‘yung bulaklak at strawberries na galing kay Carlos na kakauwi lang galing Baguio. Hindi ko nga alam na umalis pala ‘yon, wala naman akong pakialam kasi doon kahit anak pa siya ng pack leader natin. Isa lang siyang malaking pakshet sa paningin ko. Kaya noong kinukwento sa akin ni Mutya ‘yon, wala rin akong pakialam, syempre hindi rin ako naniwala. Mas madalas kitang kasama, hindi ka naman nakakasama ni Mutya, nakikichismis lang naman ‘yung isang ‘yon. Baka nga gawa-gawa lang ulit ‘yon ng kapatid ko para lang patigilin ako sa pag sunod-sunod sa’yo na para bang tutang nawawala sa tuwing hindi kita makita.

Kasi nga ginagawa mo nga lang daw akong aso mo, pinapaasa mo lang daw ako, pinaglalaruan mo lang daw lahat ng alpha dahil alam mong nagkakandarapa kaming lahat sa’yo.

Nakakainis lang na hindi maintindihan ng iba, pati ng pamilya ko na hindi ka naman ganoong klase ng tao, aminin mo man o hindi, alam kong mabuti kang tao, Viel. Kahit kailan hindi mo ako trinato nang hindi maganda, kahit nga napipikon ka na sa akin noong panahong pinagpipilitan ko ‘yung sarili ko sa’yo ay hindi mo ako pinagsalitaan ng kahit anong masama, kung ako sa’yo noon, malamang ay tumawag na ako ng pulis para ipakulong ako, kaso nga ang bait mo sa akin, lahat naman din ng alpha na nagkakagusto sa’yo ay maayos mong tinatanggihan, ‘yun nga lang pinagsasaraduhan mo agad ng pinto pagkatapos mong humingi ng tawad.

Kaya noong tinanong kita kung pupunta ka ba ulit sa moon festival at sinabi mong oo, inaya agad kita na magkita tayo doon, para wala nang pumila ulit sa’yo, alam ko namang tatanggihan mo lang ulit silang lahat, pero kapag kasama mo siguro ako, wala naman sigurong masyadong alpha na lalapit sa’yo, kahit sabihin na naman nilang mukha akong asong ulol na nakabantay palagi sa’yo, gusto ko pa ring samahan ka, kahit bilang magkaibigan lang, kahit saglit lang.

Kaya sobrang saya ko noong pumayag ka.

Alam ko naman na hindi tayo mag-di-date at magkikita lang tayo bilang magkaibigan, pero isang linggo akong hindi makatulog noon, iniisip ko gabi-gabi kung ano bang damit ang isusuot ko, inipon ko agad lahat ng pera na mayroon ako para lang kahit papaano ay mailibre kita, alam ko naman na kaya mong bumili ng sarili mong pagkain, kasi mayaman ka, halata naman kahit hindi mo sabihin, pero gusto ko pa ring ilibre ka.

Naalala ko pa kung gaano ako ka-excited habang nagbibihis ako, kabaligtaran ng pamilya ko dahil wala silang magawa kundi hayaan na lang ako sa gusto ko. Hindi man nila sinasabi pero halata sa mga mukha nila na hindi sila sang-ayon na makipagkita ako sa’yo, pinaliwanag ko naman na sa kanila na hindi na kita pinopormahan, pero hindi sila naniniwala.

Hindi sila naniniwala na sapat na sa akin na magkaibigan lang tayo. Tinawanan ko lang sila nung hindi sila naniwala, pero hindi ko alam na pagdating ko sa bayan, sila pala ang dapat tumawa sa akin.

Humigpit ‘yung hawak ko sa isang pirasong sunflower na dala-dala ko noon, kinuha ko lang ‘yun sa tanim ni Nanay sa likod ng bahay namin, isang buwan ko ng binabantayan at dinidiligan ‘yon kasi plano ko naman na talagang ibigay ‘yon sa’yo dati pa lang, nagkataon lang na noong moon festival siya gumanda, kaya naisipan ko na ibigay sa’yo sa araw na ‘yon, pero mukhang hindi na kailangan dahil madami ka ng hawak na bulaklak nung nakita kita.

Nakita kasi kita kasama si Carlos, may hawak kang magandang bulaklak, mukhang mamahalin. Hindi ko alam kung paano ako lalapit sa inyo, nakatingin din kasi sa inyo lahat ng mga tao, agaw pansin kayo kasi pareho kayong mukhang mayaman, bihira kasi ang maputi dito sa baryo natin dahil halos lahat ng trabaho dito ay puro nakabilad sa araw, tsaka parehong mukhang mamahalin ang suot niyong mga damit at accessories, wala namang nagtitindang ganyan dito sa atin, tsaka paniguradong nagtataka rin sila na hindi na ako ‘yung nakasunod sa’yo, kahit ako. Nagtataka ako dahil bakit hindi ako?

Hindi na rin kita nailibre noon kasi parang busog ka na, hindi mo na nga makain ‘yung mga pagkain sa harapan mo sa sobrang dami ng binili niya. Kaya naman naupo na lang ako sa gilid noon, malayo sa inyo pero tanaw ko naman kayo. Naisip ko na baka maka-istorbo pa ako kapag bigla akong lumitaw sa harapan niyo, hindi ka naman mukhang hindi komportable dahil tumatawa ka naman sa mga biro niya. Kaya kahit gusto kong ipagdamot ka, wala naman akong karapatan.

Habang nakaupo ako noon, ang dami ko na agad narinig na bulong-bulungan, ibang iba sa mga bulong-bulungan kapag tungkol sa ating dalawa. Mukhang lahat ng tao sa pack natin ay gustong-gusto kayong magkatuluyan, nagulat nga ako na biglang nag-iba ang tingin nila sa iyo nung nalaman nilang si Carlos na ang nanliligaw. Nakakainis lang na nagbabago ang tingin nila sa halaga mo dipende sa kung sinong alpha ang kasama mo. Gago rin talaga mga tao sa pack natin eh ‘no?

Nagkukunwari pa silang nagbubulungan, naririnig ko naman ang buong usapan nila, hindi man lang itago ang pangalan ko, kesyo nakakaawa naman daw ako, buong taon akong nanliligaw sa’yo pero si Carlos naman daw pala ang makakatuluyan mo, sabi pa nila sobrang desperado at patay na patay daw ako sa’yo kaya hanggang ngayon dikit pa rin ako nang dikit sa’yo.

Akala yata nila hindi ko alam. Alam ko naman, alam kong desperado ako sa’yo, pero hindi ako nakakaawa kasi ginusto ko naman ‘yun at simula’t sapul, nilinaw mo naman na sa akin na hindi mo ako gusto, ako lang talaga ‘tong nagpupumilit, at kahit sinasabi kong tanggap kong hanggang kaibigan na lang talaga, umaasa pa rin ako kahit papaano.

Hindi ko na namalayan na halos isang oras ko na pala kayong hinihintay ni Carlos, lumapit na nga sa akin si Mutya kasama ang mga kaibigan niya para lang sabihin sa akin na nakakahiya na naman daw ang ginagawa ko.

Wala naman akong ginagawa, anong nakakahiya do'n? Nakaupo lang naman ako, ‘di ko naman kayo ginigulo? Baka dahil mukha na naman akong katawa-tawa, siguro dahil alam naman nilang lahat na nandoon lang ako para hintayin ka.

Mabuti na lang tumabi sa akin ‘yung anak ni Aling Myrna, si Mary Joy. Ang tagal kong kinikilala kung sino siya, buti naalala ko na siya si Joyjoy, ‘yung kalaro ko dati nung bata ako na iniwan ako pagkatapos akong ayaing maglaro ng taguan. Kinausap niya ako, wala naman kaming ibang pinag-usapan, nagtanong lang siya kung saan ko nabili ‘yung sunflower na hawak ko, sigurado daw kasi siyang hindi ko sa kanila binili ‘yon, binibiro niya kasi ako na hindi na ako bumibili sa kanila, kaya pinaliwanag ko na tanim ‘yun ng Nanay ko.

Mukhang nagandahan siya kaya binigay ko na lang sa kanya, nakakahiya na rin kasing ibigay sa’yo dahil ang gaganda ng mga bulaklak na hawak mo. Nung una ay ayaw tanggapin ni Mary Joy dahil baka may pagbibigyan daw ako noon, pero tinanggi ko na lang at sinabing naisipan ko lang talagang pitasin ‘yon, kaya’t pumayag na siya.

Buong pag-uusap namin, panay ang amoy niya sa sunflower na binigay ko, wala namang amoy ‘yun. Weird lang. Mabuti na lang at masarap naman siyang kausap kasi hindi siya nagbabanggit ng tungkol sa’yo, nabawasan na rin ang mga nagmamatyag sa akin dahil mukhang hindi na ako mukhang asong naghahantay sa amo niya nung may kasama na ako.

Pasimple akong tumitingin sa’yo para tingnan kung ano na bang ginagawa mo, mukhang nag-e-enjoy ka na kasama siya kaya naman tinitigilan ko na ang pagtingin-tingin pa sa inyo. Nilibang ko na lang ang sarili ko sa pakikipag-usap kay Mary Joy, hindi ko nga inaasahan na lalapit ka pa sa akin nang makita mo ako. Mukhang nagulat din sina Joyjoy at Carlos nung lumapit ka, tinanong mo ako kung kanina pa ako nandoon, sinabi ko na lang na kararating ko lang kahit halos dalawang oras na yata akong naghihintay sa’yo.

Tumango ka sa akin, at ngumiti na lang ako sa’yo kasi inaaya ka na ulit ni Carlos na pumunta sa harap dahil kakanta na ang banda na mukhang inarkila pa ng tatay niya mula sa kabilang pack. Bumalik na lang ako sa pakikipag-usap kay Joyjoy dahil hinila ka na ni Carlos patungo sa harapan, pero buong gabi kong inisip noon, na saglit pa lang kayong magkasama bakit siya nagawa ka na niyang hawakan? Samantalang ako palagi akong natatakot na hawakan ka dahil pakiramdam ko hindi ka dapat basta-basta hinahawakan, para kang mamahaling gamit na nakakatakot hawakan dahil baka kapag nabasag kita, hindi ko kayang palitan ka.

Teka, hindi yata tamang kinukumpara kita sa gamit, sorry, hindi ko lang kasi alam kung papaano ko ipapaliwanag sa’yo kung gaano kita kagustong makuha pero natatakot naman akong hawakan ka, dahil nga hindi ako sanay sa mga mahahalagang bagay, pero hindi ka bagay lang ah, basta sobrang halaga mo lang sa akin, ewan ko ba, ‘di ko alam kung paano ko ipapaliwanag.

Sabi ko sa sarili ko, hindi na ulit ako lilingon sa’yo, pero syempre kinain ko na naman ang mga sinabi ko dahil nakailang beses yata akong lumingon sa inyo pero kahit kailan hindi ka lumingon sa gawi ko. Kahit noong kumakain na kami ni Joyjoy ng mumurahing pagkain, na kaya lang bilhin ng perang naipon ko, ay hindi ka pa rin lumilingon sa akin.

Lumalalim na ang gabi noon at kailangan nang umuwi ni Joyjoy, hinanap namin si Mutya para sabay na sana silang umuwi pero nauna na palang umuwi ang kapatid ko, hindi ko naman kayang hayaan na umuwi mag-isa si Joyjoy dahil sobrang gabi na, kaso iniisip din kita, papaano ka uuwi? Baka wala kang masakyan? Gusto ko sanang ihatid ka rin kaso naalala ko, kasama mo nga pala si Carlos, may sasakyan nga pala ‘yan.

Hindi ka naman lumingon na ulit sa akin, mukhang nakalimutan mo nang nandoon ako. Kaya nauna na ako para maihatid ko na rin si Joyjoy sa bahay nila.

Habang naglalakad lang kami pauwi noon, doon ko napagtanto na masarap palang kasama si Mary Joy, siya na yata ‘yung pinaka maingay na omega na nakilala ko, hindi naman ako natatawa sa mga biro niya, sa tawa niya ako natatawa dahil sobrang lakas, hindi na nga pa-hampas ‘yung ginagawa niya kapag tumatawa siya kundi pa-sapak na, medyo nabugbog nga lang ako, tsaka nasisigawan na kami ng mga taong lumalabas sa bahay nila para patahimikin kami dahil natutulog na ang mga anak nila, pero napaka-ingay kasi talaga ni Joyjoy sa kalsada.

May isa ngang matanda na lumabas ng bahay para murahin kami kaya nagtatakbo agad kami bago pa kami makilala, baka isumbong pa kami sa baranggay.

Simula nung araw na ‘yun, naging magkaibigan kami ni Joyjoy, medyo na-distract naman ako sa nararamdaman ko sa’yo dahil may kaibigan na akong napapagkwentuhan ng nararamdaman ko sa’yo, tsaka may nagtatanggol na rin sa akin tuwing naririnig niyang pinagchichismisan ako ng mga Mosang namin na kapitbahay, muntik na nga siyang makipag-sabunutan sa isang babaeng beta dati, buti na lang napigilan ko kasi huling beses kong nabalitaan na nakipagsabunutan si Joyjoy, nagkaroon ng patchi sa ulo ‘yung nakasabunutan niya dahil natanggalan ng buhok. Hindi ko naman kailangan ng magtatanggol sa akin, pero masarap din pala sa pakiramdam na may kaibigan ka na nakikinig sa mga kwento mo.

Ako na naman kasi ang laman ng chismis ngayon, lalo na’t bali-balita ko na araw-araw pumupunta sa bahay mo si Carlos para manligaw, alam ko namang totoo ‘yun dahil nakikita ko araw-araw ‘yung sasakyan niya na dumadaan sa harap ng bahay namin tuwing nagbebenta ako ng ihaw-ihaw. Hindi na nga ako nakakabalik sa bahay mo kasi, nakakahiya baka maabutan pa niya ako doon.

Nangako ako sa’yo na hindi na ako manliligaw ulit, at alam ko na hanggang magkaibigan na lang tayo, kaya hindi naman din siguro magandang tingnan na nandoon ako sa bahay mo habang may ibang alpha na umaakyat ng ligaw sa’yo.

Buti na lang talaga ay medyo distracted ako nung mga panahon na ‘yun dahil nagkaroon din ako ng bagong trabaho, naikwento kasi ni Joyjoy kay Aling Myrna ‘yung tungkol sa sunflower na ibinigay ko sa kanya, hindi makapaniwala si Aling Myrna na napalago ko ‘yun ng maganda, hindi niya kasi magawang magbenta noon dahil nahihirapan siyang palaguin ‘yung mga sunflower sa garden niya, kaya kinuha niya ako para mag-alaga ng mga bulaklak nilang binebenta.

Kaya naman tuwing umaga ay nasa bahay nila ako, sa tanghali naman hanggang gabi ay nagbebenta ako ng ihaw-ihaw, wala na akong oras para pumunta pa sa bahay mo, mas okay na rin siguro ‘yon, baka sakaling makalimutan ko na talaga ‘yung nararamdaman ko sa’yo.

Kaso pakiramdam ko nananadya ka talaga, Viel.

Kasi noong nakakalimutan ko na ‘yung nararamdaman ko sa’yo, pumunta ka na naman sa bahay namin.

Nagbebenta ako ng ihaw-ihaw noon kasi alas dos yata ng tanghali noon, nakaupo si Joyjoy sa isang monoblock chair sa gilid ko habang kumakain ng isaw at umiinom ng buko juice na nakalagay sa plastic, kaya hindi ko alam kung paano siya nabulunan sa buko juice na naka-straw nang makita ka niya. Kahit ako, hindi ko alam kung bakit parang may nagbara sa lalamunan ko nung makita ulit kita.

Nakapambahay ka lang noon, suot mo ‘yung paborito mong shirt na malaki sa’yo, ngumiti ka sa akin tsaka mo tiningnan ‘yung mga binebenta ko, hindi mo pinapahalata pero alam kong nahihirapan kang pumili, sigurado naman akong hindi mo alam ‘yun, baka nga hindi ka kumakain ng ihaw-ihaw pero pinipilit mo lang.

Kaya hindi ko maiwasang ngumiti habang pinapanuod kitang naguguluhan, masyado na naman akong natulala sa’yo, si Joyjoy na tuloy ang nagsukli sa batang omega na bumili ng pwet ng manok. Kung ‘di pa niya ako hinampas ng pamaymay sa batok ko ay hindi pa ako babalik sa huwisyo ko. Siya na rin tuloy ang nagpaupo sa’yo sa kaninang monoblock chair na inuupuan niya para hindi ka mangawit sa paghihintay, dumami kasi bigla ‘yung bumibili, kaya tinulungan na ako na rin ako ni Joyjoy na magbenta.

Dumami yata ‘yung bumibili kasi nandoon ka, pati ang isang grupo ng high school student na alpha ay bigla na lang bumili sa akin, hindi naman bumibili ‘yung mga ‘yon dati. Panay pa ang tingin sa’yo habang naghihintay sila, hindi ko tuloy maiwasan na humarang sa tuwing tumitingin sila. Hindi ko na nga mapaypayan nang maayos ang iniihaw ko kasi mas focus ako sa pagtabing sa’yo. Napapailing na lang si Joyjoy dahil sa ginagawa ko, buti na lang pinapaalis niya agad ang mga bata pagkatapos bumili.

Alin ko na nga lang noon ay huwag na munang maluto ‘yung binili mo para d’yan ka na lang muna sa likod ko, kasi kahit ‘di ko man inaamin sa sarili ko pero miss na miss na kita noon, halos dalawang linggo ba naman tayong hindi nagkita, gustong gusto na kitang yakapin noon kaso syempre sa isip ko lang kayang gawin ‘yon.

Ramdam na ramdam ko sa gilid ng mata ko ‘yung titig mo, medyo nahihiya pa nga ako kasi amoy usok na naman ako, sobrang init pa, tapos pinagpapawisan pa akong lalo kasi alam kong nakatingin ka sa akin. Mabuti na lang inabutan ako ni Joyjoy ng bimpo kasi paniguradong mukha na naman akong tanga sa harapan mo, kaso nung nagpunas na ako ng pawis tsaka ka naman ng iwas ng tingin.

Baka naiinip ka na? Siguro nga naiinip ka na noon, mukha ka na kasing wala sa mood nung inabot ko sa’yo yung plastic ng mga binili mo.

Mas lalo tuloy akong pinagpawisan kakaisip kung ano bang ginawa kong mali, at bakit mukha kang galit? Habang naghahanap ako ng panukli sa limang daan na inabot mo sa akin ay hindi ko alam ang gagawin ko, magpupunas na sana ako ulit ng pawis gamit ‘yung bimpo na nakalagay sa balikat ko kaso bigla mong inabot sa akin ‘yung panyo mo, ilang segundo akong napatitig sa panyo dahil hindi ko alam kung anong gagawin ko do'n.

Hindi ako nakagalaw nang maramdaman kong bigla mo na lang pinunasan ‘yung pawis ko sa noo, pati ang mga lalaki na bumibili ay napanganga na lang sa nakita nila. Napakurap-kurap ako nang paulit-ulit nang tingnan ulit kita sa sobrang gulat ko. Hindi na tuloy ako nakatingin sa pera noong kinukuha ko ‘yon, sa mukha mo na lang ako nakatitig habang inaabot ko sa’yo ‘yung sukli mo.

Hindi rin ako makapaniwala noong iniwan mo sa akin ‘yung panyo mo, kitang-kita ko sa gilid ng mata ko ang inggit mula sa mga lalaki noong ngumiti ka ulit sa akin bago ka tuluyang umalis. Lahat tuloy kami ay sinundan ka na lang ng tingin habang naglalakad ka papalayo, naramdaman ko pang siniko ako ni Joyjoy sa tagiliran ko, hindi ko alam ang magiging reaksyon ko noon kaya siniko ko na lang din siya pabalik.

Kinagabihan noon ay hindi ako makatulog habang iniisip ko ‘yung nangyari, hawak-hawak ko ‘yung panyo mo habang nakahiga ako sa kama, hindi ko alam kung binigay mo na ba sa akin ‘yon o pinahiram mo lang, pero wala na akong balak isauli sa’yo ‘yon. Wala rin akong balak labhan ‘yon. Kahit mukhang mamahalin ‘yung maliit na piraso ng tela na ‘yon, baka nga mas mahal pa ‘yon sa lahat ng damit na mayroon ako, pero kasi, hindi ko alam, mukha siguro akong gago noong inamoy ko ‘yung panyo na binigay mo kasi amoy na amoy ang scent mo doon.

Para akong batang first time nagkaroon ng crush, napapadyak pa ako habang nakahiga ako sa papag, binuksan na nga ni Mutya ang pinto sa kwarto ko at binalibag ako ng unan, hindi rin siya makatulog dahil sa sobrang ingay ng langitngit ng papag na hinihigaan ko kasi kanina pa ako kislot nang kislot, hindi ko naman alam na rinig na rinig pala niya dahil manipis na tabla lang ang humaharang sa kwarto naming dalawa.

Tinanong ako ni Mutya kung nababaliw na daw ba ako, hindi niya alam matagal na.

Matagal na akong babaliw sa’yo, Viel.

Kaya kinabukasan noon, wala ako sa sarili noong pumunta ako sa bahay nila Joyjoy para magdala ng pagkain sa kanila. Bago ako umuwi ay pinagkwentuhan muna namin ang nangyari sa ihawan na para bang hindi kami magkasama noong nangyari ‘yon. Pinipilit pa niya na nagseselos ka raw sa kanya kaya mo binigay sa akin ‘yung panyo mo, tinatawanan ko na lang si Joyjoy dahil sobrang impossible naman na magselos ka.

Nagseselos lang naman kasi ‘yung isang tao kapag gusto ka nila, malabo namang magkagusto ka sa akin.

Pero noong umuwi ako galing kila Joyjoy ay para bang kahit papaano ay nagkaroon na naman ako ng maliit na pag-asa nang makita kitang nakatayo sa harap ng bahay namin, naka-short ka lang ulit na maiksi at t-shirt na puti habang nakapayong ka, tumigil ako sa paglalakad, pinanuod kitang sumilip-silip, para bang sinisilip mo kung nandoon ba ako sa loob ng bahay namin.

Hindi ko tuloy mapigilan ‘yung ngiti ko.

Aalis ka na sana nang mapagtanto mong wala ako sa loob ng bahay namin pero napalingon ka sa gawi ko. Kitang kita ko ‘yung gulat sa mga mata mo nang makita mo akong nakatayo malapit sa’yo. Mas lalo lang akong napapangiti dahil halatang halata sa mukha mo na nag-pa-panic ka, hindi mo alam ang gagawin mo kaya tumayo ka na lang ng diretso kahit hindi ka makatingin sa akin.

Tinanong kita kung anong ginagawa mo sa tapat ng bahay namin, sabi mo bibili ka lang sana ng binebenta ko, hindi mo man lang alam kung anong tawag do'n. Assuming nga yata ako, pero pakiramdam ko hindi naman talaga ‘yon ang pinunta mo, kaso ang kapal naman ng mukha ko kapag sinabi kong ako yata ang dahilan, sana ako ‘yung dahilan.

Nakita kong bumaba ang tingin mo sa hawak kong tupperware, tinanong mo ako kung saan ako galing, hindi ko alam kung bakit curious ka, pero sinabi kong galing ako kila Joyjoy. Nakita ko kung papaano unti-unting sumimangot ang mukha mo. Nakakainis, naiinis ako sarili ko kasi nahihirapan akong pigilan ang sarili ko na mag-isip na baka nagseselos ka nga.

Aalis ka na sana pero pinigilan kita, inaya kitang pumasok sa loob ng bahay namin, birthday kasi ni Mutya kaya madaming pagkain sa bahay, kaya nga nakapag dala rin ako ng pagkain sa bahay nila Joyjoy. Dadalhan din sana kita noon kaso nauna ka nang pumunta sa bahay, kaya mas okay na siguro na ayain na lang kita sa loob. Hindi ko alam kung papaano kita napapayag na sumama sa akin, hindi ko nga rin alam ba’t kita pinasama sa loob kahit nahihiya ako sa’yo, siguro ay dahil gusto lang talaga kitang makasama ulit, miss na miss na kasi talaga kita noon.

Pagpasok natin ay nakita ko ‘yung gulat sa mata nila Nanay nang makita ka nila, kahit si Mutya ay unti-unting bumagsak ang panga nang lumabas siya sa kwarto at nakita ka niya, hindi man lang niya tinago ang gulat niya. Ang lakas pa ng pagtatanong niya kay Nanay kung bakit ka nandoon. Ramdam ko kahit hindi ka kumikibo ‘yung hiya mo. Kaya naman inaya na lang kita agad na kumain, hindi ko alam kung papaano rin kita napapayag na kumain kasabay ng pamilya ko, nahihiya nga rin ako sa’yo kasi ang tahimik ng buong pamilya ko habang kumakain, hindi naman sila ganoon palagi, baka naninibago lang na may iba kaming kasama.

Medyo matalas din tumingin si Nanay sa tuwing nilalagyan ko ng pagkain ang pinggan mo at sa tuwing inaabutan kita agad ng mga kailangan mo, hindi ko alam kung bakit naiinis si Nanay, baka dahil halos hindi na ako makakain dahil sa’yo lang nakatuon ang atensyon ko, baka kasi biglang gusto mo ng tubig, kukuha agad ako, o ‘di naman kaya ay nadumihan ang kamay mo, hahanap agad ako ng pamunas.

Hindi ko na nga pinapansin ‘yung matalim na tingin ni Nanay kaso bigla siyang nagtanong sa akin kung kamusta si Mary Joy. Hindi ko alam kung bakit tinatanong pa niya eh halos araw-araw naman sila nagkikita noon. Bigla na nga lang niyang pinuri si Joyjoy, kesyo magaling daw sa gawaing bahay at madiskarte sa buhay, akala mo talaga eh napaka-sipag ng isang ‘yon, lagi lang din naman nakahiga sa bahay nila ‘yon kung hindi nakatambay dito sa amin. Sabagay, wala naman din kasing ibang mapapaglibangan sa pack natin dahil bata pa lang kami ay pinatanggal ng dating pack leader ang mga TV at Dyaryo para ma-preserve ang tradisyon nila. Kaya hindi naman siguro tamad si Joyjoy, baka bored lang talaga, pero ewan! Basta, wala naman connect ‘yung babaeng omega na ‘yon dito, bakit panay ang puri ni Nanay sa kanya?

Napapailing na nga lang din si Tatay habang nakikinig, mabuti na lang at kahit papaano ay kinakausap ka ni Tatay, sinabi niya na masarap din ‘yung halaya na ginawa ko para mas lalo ka pang kumain.

Nakatahimik ka lang tuloy buong pagkain, hindi ko tuloy alam ang gagawin ko kung papaano ka kakausapin noong pinaupo muna kita habang naghuhugas ako ng pinggan. Naramdaman kong gusto mong tumulong pero bisita kita at ayoko namang paggawain ka pa ng gawaing bahay namin, ayoko naman din na mapilitan ka dahil sa mga pinagsasabi ng nanay ko noong kumakain tayo.

Kung alam ko lang na puro ganoon ang sasabihin ng nanay ko, sana nagdala na lang talaga ako ng pagkain sa bahay mo, hindi ka tuloy naging komportable sa pagkain dito sa bahay namin, tapos ang ingay-ingay pa ni Mutya kasi hindi niya makita ‘yung nag-iisang kwintas niya. Aalis kasi ‘yung batang ‘yon noon para gumala kasama mga kaibigan niya dahil birthday niya, ang alam ko rin kasama nila ‘yung crush niyang alpha kaya gigil na gigil na magpaganda.

Halos magsigawan na sina Nanay at Mutya dahil ginigiit ni Mutya na baka nalabhan ‘yung kwintas niya, si Nanay naman ay pinagpipilitan na nasa kabinet niya lang ‘yon. Hindi tuloy makapaglagay nang maayos na make-up si Mutya sa sobrang pagka-frustrated niya, pati ako ay napu-frustrate na kasi kung kailan naman bisita kita tsaka sila nagkakaganoon.

Mabuti na lang noong pumasok si Nanay noon sa kwarto ni Mutya para hanapin ‘yung kwintas ay lumapit ka sa kanya para tulungan siyang mag-make up, nakita kong nagulat din si Mutya dahil sa ginawa mo pero pumayag naman agad siya, alam ko naman kasing gusto ka rin niya kasi gandang ganda siya sa’yo, naaasar lang talaga siya sa paghahabol ko sa’yo. Kaya noong natapos na akong maghugas ng pinggan, habang pinupunasan ko ang kamay ko ay pinapanuod ko na lang kayong dalawa ng kapatid ko.

Kahit kailan ay hindi ko na-imagine na makikita kita nasa loob ng bahay namin at kausap mo ‘yung kapatid ko tungkol sa crush niya habang inaayusan mo siya. Masyadong impossible, para bang galing lang sa pangarap ko, para bang hindi totoo, parang panaginip lang.

Kitang kita ko ang saya sa mukha ni Mutya nang makita niyang sobrang ganda ng pagkaka-make up mo sa kanya, nakailang lapit pa siya sa salamin para siguraduhing siya ba talaga ang nakikita niya sa salamin, sobrang saya ng kapatid ko noon, halos yakapin ka na nga niya sa sobrang saya.

Kahit nahihiya ka ay nakita kong napapangiti ka rin habang pinagmamasdan mo ‘yung kapatid ko. Noong nakaharap si Mutya sa salamin ay nakita kong tinanggal mo ang suot mong kwintas para i-suot kay Mutya ‘yon, nagulat din si Mutya dahil sa ginawa mo pero pinanuod ka lang niya habang nilalagay mo ang kwintas sa leeg niya, para akong napako sa kinatatayuan ko dahil mukhang sobrang mahal ng kwintas na sinuot mo sa kanya.

Tinanong ka niya kung bakit mo sinuot sa kanya ‘yon, sabi mo sa kanya na lang, kaya’t sabay na nanlaki ang mata namin ng kapatid ko, agad akong lumapit sa inyo para ipahubad kay Mutya ang kwintas. Nagulat ka naman sa bigla kong paglapit sa inyo, pero hindi ako papayag na bigyan mo ng sobrang mahal na gamit ang kapatid ko.

Hindi ‘yon hinubad ni Mutya, sa halip ay hinawakan pa niya nang mabuti ‘yon.

Tinanong kita kung bakit mo siya binigyan ng ganoon, sabi mo ayos lang, birthday naman niya, at madami ka namang ganoon sa bahay, pero base pa lang sa itsura ng kwintas ay mukhang mas mahal pa ‘yon sa buong bahay namin. Hindi ko alam kung papaano ako kokontra dahil mukhang gustong-gusto ni Mutya ang kwintas. Wala akong nagawa kundi mapailing na lang, mukhang hindi rin papayag si Mutya na isauli ko ‘yon sa’yo. Kaya’t noong lumabas si Nanay sa loob ng kwarto ni Mutya para sabihing nakita na niya ang kwintas ng kapatid ko ay agad namang umiling ito dahil may suot na siya, at tsaka ito mabilis na nagpaalam at nagpasalamat sa’yo bago nagtatakbo palabas ng bahay namin.

Nagtalo tayo noon habang hinahatid kita pauwi sa bahay niyo dahil ayoko namang bigyan mo ng mga mamahaling gamit ang kapatid ko, baka maiwala lang ‘yon ng batang ‘yon. Sabi mo ayos lang talaga kasi minsan lang naman, hindi ko alam, wala namang mali sa ginawa mo, ako lang talaga ang may problema, ang taas kasi ng pride ko, nahihiya lang din siguro ako kasi alam kong hindi kita kayang bigyan ng kwintas na kagaya ng binigay mo sa kapatid ko.

Hindi na lang ako kumibo dahil wala naman akong maayos na dahilan, hindi ka rin naman na nagsalita na pagkatapos noon, tumahimik tuloy tayong bigla habang naglalakad, walang kahit isang nagsasalita sa ating dalawa, mabuti na lang malapit na tayo sa bahay mo. ‘Yun nga lang ay napansin kong unti-unti kang lumalapit sa akin nang makita kong may mga alphang nag-iinuman sa kalsada malapit sa bahay mo, malayo ka pa lang kasi ay nakatingin na sila sa’yo.

Hindi ko alam kung anong sumapi sa akin pero hinila kita sa kaliwa ko at tsaka ko hinawakan ang kamay mo. Noong malapit na tayo sa mga nag-iinuman ay tsaka ko lang naramdaman ang hiya, papaano ba naman kasi ay sobrang lambot ng kamay mo, samantalang ‘yung sa akin ay sobrang gaspang na. Bibitaw na sana ako sa’yo pero naramdaman kong hinawakan ng isang kamay mo ang braso ko, para bang nagtatago ka sa mga alphang nakatingin sa’yo.

Sobrang bilis ng tibok ng puso ko nung mga oras na ‘yon. Hindi dahil sa takot sa mga alpha na nakatambay kundi dahil parang halos nakayakap ka na sa akin, napaisip tuloy ako kung nakapagpabango ba ako bago ako umalis ng bahay, baka amoy pawis na naman ako.

Mapapangiti na sana ako pero bigla akong nakarinig nang sumipol sa’yo, halos magpantig ang tenga ko sa narinig ko, at paglingon ko ay agad tumama ang paningin ko sa lalaking gumawa noon, nagtawanan pa ang mga lalaking kasama niya. Naramdaman kong unti-unting nagdilim ang gilid ng paningin ko na para bang lumalabas na naman ang pagiging alpha ko, pero biglang nawala ‘yon nang maramdaman kong humigpit ang hawak mo sa kamay at braso ko.

Ang sabi mo “huwag” at tsaka mo ako hinila nang mabilis papalayo, bumalik lang ako sa huwisyo ko nang marinig ko ‘yung boses mo, kung hindi ay baka wala na ako sa sarili ko. Unti-unting bumibigat ang paghinga ko kahit nakalayo na tayo sa mga gagong ‘yon, halos hindi na gumagana nang maayos ang utak ko dahil halos pumutok na ang ugat ko sa pagpipigil na bumalik sa mga nag-iinumang alpha para pagsusuntukin silang lahat.

Kaya’t kahit nakarating na tayo sa loob ng bahay mo ay halos hindi pa rin ako mapakali, nakita kong nag-pa-panic ka na dahil kahit hindi ako nagsasalita. Umaakyat na ang dugo ko sa ulo, halos mamula na ang mukha ko sa galit. Nagtatakbo ka sa kusina mo noon para ikuha ako ng tubig, at tsaka mo ako pinaupo sa sofa mo.

Tinanong mo kung okay lang ba ako, pero hindi ba dapat ako ang magtanong no’n sa’yo?

Tinanong ko pabalik sa’yo ang tanong mo, at sinabi mo na ayos ka lang.

Para bang sanay ka na, para bang alam mong mangyayari na naman ‘yon, dahil kung hindi mo alam, bakit ka humawak sa braso ko kahit malayo pa tayo sa kanila? Ibig sabihin ay alam mo na, dahil paulit-ulit nang nangyayari ‘yon sa’yo.

Tang ina, paulit-ulit mong nararanasan ‘yon?

Gusto kong magwala pero napapikit na lang ako para ikalma ang sarili ko, ayokong magwala sa harapan mo, ayokong gamitin ang pagiging alpha ko, dahil ayokong matakot ka rin sa akin. Kaya kahit gusto ko nang sumabog ay kinalma ko ang sarili ko, tumabi ka lang sa akin habang hinihintay mong bumaba ang lahat ng galit ko, pero inabot na tayo ng kalahating oras na hindi nawawala ang galit ko. Pakiramdam ko tuloy ay sumasabog na ang scent ko sa buong bahay mo, kasi kahit pinainom mo na ako ng maraming tubig, kahit tinapat mo na sa akin ang electric fan, at kahit hinihimas mo na ang likod ko, hindi pa rin talaga mawala-wala.

Nang tumayo ka nang kinuha mo ang walang lamang tubig na baso sa kamay ko ay napasandal na lang ako sa sofa, pinikit ko ulit ang mata ko at tsaka ako paulit-ulit huminga nang malalim, narinig kong nilagay mo sa sink ang baso pero hindi ko na alam ang sunod na ginawa mo dahil nakapikit na lang ako habang nakatingala at nakahawak sa buhok ko.

Halos mapatalon ako sa kinauupuan ko nang maramdaman kong umupo ka bigla sa hita ko, mabilis akong napadilat at napatingin sa’yo kahit nakahawak pa rin ako sa buhok ko. Mas lalo yata akong hindi makahinga dahil sa sobrang lapit mo na sa akin, hindi ka nagsalita pero dahan-dahan mong inalis ang kamay ko sa pagkakahawak ko sa buhok ko para ilagay sa baywang mo. Sa tanang buhay ko, kahit kailan hindi ko naisip na balang araw mahahawakan ko ‘yung baywang mo. Tinanong mo ako kung ayos lang ba sa akin na i-scent mo ako, hindi agad ako nakapagsalita pero syempre ayos lang sa akin.

Ayos na ayos sa akin.

Kaya naman mabilis akong pumayag, medyo napasobra pa yata ang pagtango ko dahil para akong batang tumatango nang paulit-ulit, napangiti ka sa akin dahil baka mukha na naman akong tanga, pero ayos lang, ayos lang magmukha akong tanga basta lang maramdaman ko ‘yung tungki ng ilong mo sa leeg ko.

Sobrang bilis ng tibok ng puso ko nang hinawakan mo ang dibdib ko papanik sa balikat ko bago mo inilapit ang mukha mo sa leeg ko, hindi na ako nagdalawang isip pa ng ipaling ko ang ulo ko para mas mabigyan ka ng malaking espasyo sa leeg ko. Habang ginagawa mo ‘yon ay hindi ko alam kung saan ko ipupwesto ang kamay ko, kung dapat bang panatilihin ko lang ‘yon sa baywang mo o ayos lang kung ilipat ko ‘yon?

Para akong nakuryente nang bahagyang tumama ang labi mo sa leeg ko, pero bigla kang lumayo sa akin.

Hayop na ‘yan, nalungkot agad ako kasi akala ko ay aalis ka na.

Pero nagulat ako nang makita kong umayos ka lang ng upo para makaharap ka sa akin, kaya naman nang muli kang umupo sa hita ko ay nakapagitan na ang dalawang tuhod mo sa baywang ko. Inilapit mo ulit ang mukha mo sa leeg ko, napapikit ako pero hindi ko alam kung ibabalik ko ba ang kamay ko sa baywang mo, kaya humawak na lang ako sa sofa habang nayukom dahil natatakot akong hawakan ka.

Hanggang sa inilapit mo ang labi mo sa tenga ko, halos magtaasan na nga ang balahibo ko nang maramdaman ko ‘yung mainit na hininga mo sa balat ko, lalo na nung binulong mo sa akin na ayos lang sa’yo na hawakan kita kahit hindi naman ako nagtatanong.

Biglang nagliwanag ang paligid ko at para akong nakarinig nang bumababang anghel dahil sa sinabi mo, lahat yata ng santo ay napasalamatan ko kahit si Moon Goddess lang naman talaga ang pinaniniwalaan ko. Mukhang pareho tuloy tayong hindi kalmado nung hinawakan ko na ‘yung hita mo, kaya habang nakadikit ang tungki ng ilong mo sa leeg ko ay hinimas ko naman ang hita mo para pakalmahin ka rin.

Pero mas lalo lang bumilis ang paghinga mo, naramdaman ko na rin ngang kung saan-saan napupunta ang kamay mo, hindi ko alam kung papaano ka papakalmahin nung mga oras na ‘yon dahil mukhang na-o-overwhelm ka sa ginagawa natin. Hindi ko alam kung first time mo lang bang gawin ‘yon pero ramdam ko ang kaba mo dahil nararamdaman ko sa dibdib ko ‘yung bilis ng tibok ng puso mo na sumasabay din sa kalabog ng dibdib ko. Idagdag mo pa na ‘yung buong bahay mo ay amoy pinaghalong scent na nating dalawa.

Kaya’t hinawakan ko na ang buhok mo para himasin ‘yon nang marahan.

Noon ka lang unti-unting kumalma, parang unti-unting natunaw ‘yung katawan mo habang nakakandong ka sa akin, isinandal mo pa ‘yung ulo mo sa dibdib ko pero hindi ka nagsalita. Nag-alala ako na baka ramdam na ramdam mo pa ‘yung bilis ng tibok ng puso ko, nakakahiya.

Pero hindi mo naman siguro ako hinuhusgahan, mukhang kalmado ka naman na, pinaglalaruan mo pa nga ‘yung suot kong dog tag na kwintas na nabili ko lang sa bangketa, habang paminsan-minsan kang humihinga nang malalim sa tuwing nadidiinan ko ng bahagya ‘yung paghimas ko sa buhok mo.

Hindi tayo nag-uusap, hindi ko nga alam kung bakit, pero hindi naman tayo nagkakailangan sa isa’t isa, hindi lang talaga tayo nag-uusap kahit komportable naman tayo ng mga oras na ‘yon. Isinisiksik mo pa nga ang ulo mo sa dibdib ko na para bang ayaw mong umalis.

Habang nakatulala ako noon at yakap-yakap ka ay napapaisip na ako kung nananaginip lang ba ako, para bang pumapasok na sa isip ko noon na napaka-imposibleng hawak-hawak ko na ‘yung taong pinapangarap ko.

Sa sobrang pag-iisip ko ay hindi ko na namalayan na napatigil na pala ako sa paglalaro sa buhok mo, bumalik na lang ako sa huwisyo ko nang biglang inangat mo ang paningin mo sa akin para tingnan kung bakit ako tumigil. Kaya’t kahit wala pa rin ako sa sarili ko ay muli kong hinawakan ang buhok mo. Para akong natunaw nang ngumiti ka sa akin pagkatapos kong ibalik ang kamay ko.

Hindi na nga natanggal ‘yung ngiti ko na ‘yon hanggang sa makauwi ako sa bahay namin.

Pagpasok ko pa lang sa bahay ay bumungad na sa akin ang gulat na mukha ng buong pamilya ko, ilang segundo silang nakatitig lang sa akin kaya naman unti-unting nawala rin ang ngiti ko, ang tagal kong iniisip kung bakit sila ganoon, kung hindi pa biglang tumili si Mutya nang malakas ay hindi ko pa mapapagtanto na amoy na amoy nga pala ang scent mo sa buong katawan ko.

Excited na nagtatalon si Mutya habang pumapalakpak, bumalik na naman tuloy ang mayabang kong ngiti lalo na nung napangiti rin si Tatay habang napapailing dahil masayang nagtatakbo si Mutya patungo sa akin para tanungin ako kung nag-kiss daw ba tayo. Mabilis naman akong umiling kahit nakangiti ako, pero ayaw maniwala ni Mutya dahil nga nakangiti ako. Hindi naman talaga tayo naghalikan nung mga panahon na ‘yon pero hindi ko kailangan i-confirm o i-deny ‘yon kay Mutya, hinayaan ko lang siyang mag-isip, pero panay pa rin ang kulit niya sa akin.

Mabuti na lang talaga ay pinatahimik na siya ng nanay ko, sabi niya ay ‘wag na daw akong kulitin at magbihis na daw kaming magkapatid dahil pareho kaming galing sa labas, wala naman siyang sinabi tungkol sa atin pero hindi rin siya nagalit, kaya alam ko na kahit papaano ay tanggap na niya ‘yung nararamdaman ko sa’yo.

Kaya sobrang saya ko talaga nung araw na ‘yon, Viel.

Bukod sa nayakap kita, alam kong tanggap na rin ng buong pamilya ko ‘yung nararamdaman ko sa’yo.

Hindi ko nga lang alam kung anong nararamdaman mo sa akin.

Lalo na’t kinabukasan lang ng araw na ‘yon ay naabutan ko sa tapat ng bahay mo si Carlos, may dala-dala na namang bulaklak para sa’yo. Pinagtitinginan na naman ako ng mga kapitbahay mo dahil mukha na akong tangang nakatayo sa malayo habang pinapanuod siyang pumasok sa loob ng bahay mo.

Narinig ko pa ang ilang tawanan ng mga dumadaang alpha habang nakatingin sa akin pero hindi ko sila pinapansin, wala naman akong pakialam kung mukha na naman akong kawawa sa paningin nila, lalo na’t kanina pa sila tinginan nang tinginan sa hawak ko. Alam ko namang walang wala ‘yung hawak kong bulaklak sa binigay na bouquet ni Carlos dahil hiningi ko lang naman ‘to sa mga tanim nila Mary Joy na inaalagaan ko pero tangina, kailangan pa ba nilang ipamukha?

Napapikit na lang ako at napabuntong hininga, ano ba naman kasi ang iniisip ko noon?

Hindi naman porket pinakalma mo ako ay may gusto ka na rin sa akin. Hindi porket nayakap kita at nahawakan ko ‘yung kamay mo, ibig sabihin ay pareho na tayo ng nararamdaman.

Malamang babalik at babalik ka pa rin sa lalaking katulad ni Carlos, at wala naman akong magagawa sa bagay na ‘yon, kasi kagaya nga ng sabi ko noong una pa lang.

Ako man, mas gugustuhin kitang mapunta sa lalaking mayaman.

Kaya nung araw na ‘yun, umuwi na lang ulit ako. Nung nakita ako ni Mary Joy, sabi niya duwag daw ako.

Totoo naman.

Tinatanong niya ako kung bakit ako pinanghihinaan ng loob, kaya ko naman daw tapatan si Carlos, mas gwapo naman daw ako doon ng ‘di hamak at mas matangkad… tapos ano? Ano pa? ‘Yun lang? ‘Yun lang naman lamang ko doon, ‘di ba? Kahit saang anggulo tingnan, hindi ako ‘yung mas karapat-dapat sa’yo.

Nararamdaman ko na ngang napipikon na sa akin si Joyjoy kasi pinipilit niyang imbes na magdrama ako ay gawin ko daw ang lahat para maging ako ‘yung mas karapat-dapat sa’yo.

Kung ganoon lang sana kadali ‘yon pero hindi. Kahit abutin ako ng ilang taon, kahit pagurin ko ang sarili ko sa lahat ng trabahong mayroon ako, hindi ko mapapantayan si Carlos. Gaano ba kahirap intindihin na hindi ganoon kadaling yumaman lalo na kung pinanganak ka na talagang mahirap? Kaya lang naman nasasabi ni Mary Joy ‘yon dahil may kaya rin sila, may inaasahan siyang lupain at negosyo na mamanahin niya sa mga magulang niya.

Samantalang ako, ano? Wala akong maibibigay sa’yo, Viel.

Pagmamahal?

Tang ina, mapapakain ba kita do'n?

Kaya kahit anong batok sa akin ni Joyjoy para daw matauhan ako ay wala ng epekto ‘yon, ni hindi ko nga alam kung anong nararamdaman mo sa akin eh. Wala naman din talaga akong ipaglalaban simula’t sapul pa lang.

Tinanong ako ni Joyjoy, paano daw kung gusto mo rin ako.

Isa lang ang naiisip ko.

Kung siguro ako ‘yung gusto mo, kung sasabihin mo sa akin na gusto mo ako, ibibigay ko agad ‘yung sarili ko sa’yo. Hindi dahil gusto ko lang maibalik ‘yung nararamdaman ko sa akin, kundi dahil lahat gagawin ko para sa’yo, lahat ng kaya kong ibigay sa’yo ibibigay ko, kung gusto mo ng isang bagay, at kaya ko namang ibigay sa’yo ‘yon, ibibigay ko.

Kaya kung ako ang gusto mo, kahit kumaripas pa ako ng takbo pabalik sa’yo, gagawin ko, kahit magmukha na naman akong tanga sa buong pack natin, ibibigay ko pa rin ‘yung sarili ko sa’yo, dahil ‘yon lang naman talaga ang kaya kong ibigay sa’yo, ‘yung sarili ko lang.

Kaya kahit hindi mo ako mahal, kahit gusto mo lang talaga ako, gusto mo akong magluto ng agahan mo, magdilig ng bulaklak mo, at mag-ayos ng mga gamit mo, gagawin ko. Hindi mo kailangan ng dahilan, kahit trip mo lang na utusan ako, gagawin ko pa rin para sa’yo.

Basta sabihin mo lang, Viel.

Basta magsasabi ka lang sana sa akin, kahit ano namang dahilan, kahit nga walang dahilan tatanggapin ko, basta sana, sana nagsasabi ka.

Kasi kahit alam kong hindi ako karapat-dapat para sa’yo, pero kung ako ‘yung gusto mo, ikaw ang masusunod.

Kaso mukhang hindi naman ako, bali-balita kasi na pumunta ka daw sa bahay nila, pinakilala ka na daw sa mga magulang ni Carlos kahit kilala ka na rin naman ng mga ‘yon dahil kahit sino naman yata sa pack natin ay kilalang kilala ka, sa ganda mong ‘yan, tumatatak talaga ‘yung mukha mo sa isip ng tao

Simula nung mabalitaan ko ‘yon, hindi na lang ulit ako nagparamdam sa’yo, nakakatakot lang kasi alam ko na ang pakiramdam na mahawakan ka, baka hanap-hanapin ko na at baka hindi ko na naman mapigilan na ipagpilitan ang sarili ko sa’yo. Kaya bago pa ako mabaliw na naman ay lumayo na ulit ako.

Nakikita pa rin naman kita, minsan ay nakakasalubong ka namin sa palengke ni Joyjoy sa tuwing namimili kami ng mga gulay, ngumingiti naman ako sa’yo pero hindi na ako lumalapit, hinihila ko na lang si Joyjoy nang mabilis dahil baka kung ano pang masabi noon at ipahiya pa ako sa’yo.

Ilang beses nangyari ‘yon, kung saan-saan kita nakakasalubong, kahit sa pagbili ng softdrinks sa sari-sari store ay nakakasabay kita, ngumingiti naman ako sa’yo, ngumingiti ka rin pabalik, pero bago ka pa makapagsalita ay umaalis na ako.

Akala ko nga ay makaka-move on talaga ako sa’yo nung mga panahon na ‘yon dahil naging abala na naman ako, tinutulungan kong mag-ayos sila Aling Myrna ng mga bagong gamit at bulaklak na ipinadala sa kanila galing Maynila noon. May naging supplier kasi sila ng mga gamit sa paggawa ng bouquet at binigyan din sila nito ng libreng bulaklak na nakabalot sa dyaryo. Noon nga lang ulit ako nakakita ng dyaryo dahil matagal nang pinatanggal sa amin ‘yon, hindi yata alam ng supplier nila Aling Myrna, at siguro ay nagtitipid na rin sila kaya don na lang ibinalot.

Nag-aayos kami ni Joyjoy noon at i-aabot ko na sana sa kanya ang isang dosenang rosas na nakabalot sa lumang dyaryo pero bago pa niya makuha ‘yon ay napatitig ako sa mukha ng nasa larawan ng dyaryo. Napakunot ang noo ko nang makita ko ang mukha mo, parang nalaglag ang puso ko, at agad kong inalis ang bulaklak doon kaya’t nagulat si Joyjoy sa ginaawa ko. Binuksan ko ang dyaryo para basahin ang nakasulat pero dahil nabasa ‘yon ng tubig na galing sa mga rosas ay hindi na malinaw ang nakasulat doon.

Na-curious din si Joyjoy kung anong tinitingnan ko kaya’t tumabi siya sa akin para tingnan din iyon, napahawak siya sa bibig niya nang makita niya rin ang mukha mo sa dyaryo. Kung hindi lang talaga ako tatanga-tanga ay sana hindi ko kinalimutan ‘yon, sana hindi ko kinalimutan na nakita na kita dati sa dyaryo.

Hindi ko na nga alam kung papaano ko nagawang makalimutan ‘yon.

Masyado kasi yata akong naging abala din nung mga sumunod na araw noon, masyado rin akong abala sa pag-iwas sa’yo.

Hanggang sa isang beses ay wala akong nagawa kundi kausapin ka na, kasi bumalik ka na naman para bumili ng ihaw-ihaw na binebenta ko, hindi ko alam kung bakit nakasibangot ang mukha mo habang bumibili ka, gusto ko mang itanong, hindi ko magawa, gulong-gulo din kasi ako noon dahil panay ang hawak ni Joyjoy sa braso ko, bumubulong bulong pa sa tenga ko, nagsasabi lang naman na suklian ko ‘yung matanda, parang baliw talaga siya nung araw na ‘yon kasi bigla-bigla pang pinupunasan ang noo ko kahit wala naman akong pawis.

Hindi ko na tuloy namalayan na umalis ka, hindi mo man lang kinuha ‘yung binili mo kahit bayad na.

Sabi pa ni Joyjoy habang tumatawa na umalis ka daw kasi nagseselos ka, lagi na lang niyang pinipilit na nagseselos ka daw, sinasadya pa yata niyang gawin ‘yung mga kabaliwan niya para lang patunayan sa akin na nagseselos ka, pero napapabuntong hininga na lang ako tuwing sinasabi niya ‘yon, kasi napaka-impossible naman. Baka nga nainip o nainitan ka lang kaya ka umalis na.

Kaya naman nagpaalam muna ako saglit kay Mary Joy nang maluto ko na ‘yung ihaw-ihaw na binili mo para ihatid sa bahay mo, kumatok ako sa pinto niyo at pinagbuksan mo agad ako, kinuha mo ‘yung ihaw-ihaw at tsaka mo ako pinapasok sa loob ng bahay mo, tumanggi ako dahil iniwan ko lang ‘yung mga binebenta ko kay Joyjoy, kaso ang sabi mo nasira ‘yung shower mo.

Wala na akong nagawa kundi ang pumasok sa loob upang tingnan kung anong problema, pero pagkakita ko pa lang ay alam ko nang para bang sinasadya lang sirain ‘yon, hindi na lang ako nagsalita at inayos ko na lang. Hindi ka umalis sa loob ng banyo, pinanuod mo ako habang gumagawa ako kaya’t medyo naiilang ako, hindi kasi ako sanay na may nanunuod sa akin sa tuwing nagtatrabaho ako.

Nang malapit na akong matapos ay naramdaman ko bigla ang kamay mo na yumakap sa baywang ko, idinukduk mo ang mukha mo sa likod ko habang yakap mo ako. Hindi ako nakagalaw sa kinatatayuan ko, nalilito na naman ako kung ano ba talaga ‘yung nararamdaman mo.

Trip mo na lang yata talagang pag-trip-an ako kasi alam mong isang yakap mo lang sa akin, babalik ako sa’yo.

Kakainin ko na naman lahat ng sinabi ko.

Walang nagsasalita sa ating dalawa, hinayaan ko lang na yakapin mo ako, pero ilang segundo na tayong nanatili lang sa pwesto natin, kaya’t napapikit na ako nang mariin bago ko dahan-dahang inalis ang pagkakayakap mo sa akin, nakita ko ang pag-aalala sa mukha mo nung humarap na ako sa’yo, para bang nalungkot ka na inalis ko ang pagkakayakap mo sa akin.

Pero napuno ng gulat ang mukha mo nang ako naman ang yumakap sa’yo, sobrang higpit, para bang ayoko nang bumitaw, dahil ayoko naman na talaga, kung makasarili lang talaga ako, hindi ko na hahayaang mawala ka ulit sa akin. Bahagya mo akong tinulak para makawala ka sa yakap ko, tsaka mo inangat ‘yung tingin mo sa akin.

Tandang tanda ko pa Viel, kung papaanong unti-unting naging malumanay ‘yung mga mata mo habang nakatingin ka sa akin, parang sasabog ‘yung puso ko nung mga oras na ‘yun, lalo na nung inilapit mo ‘yung mukha mo sa akin, akala ko ay hahalikan mo na ako pero tumigil ka para tingnan ulit ako sa mga mata ko, para bang nanghihingi ka ng permiso na halikan ako.

Nawala na naman lahat ng pangako ko sa sarili ko nung mga oras na ‘yun.

Dahil ako na ang tumuloy nang paglapit sa mukha mo para idikit ang labi ko sa labi mo.

Hindi ko na matandaan halos lahat ng nangyari noong mga oras na ‘yon, wala na kasing pumapasok na iba sa isip ko bukod sa pangalan mo at kung gaano kalambot ‘yung labi mo, wala na rin akong naririnig bukod sa tibok ng puso ko at mahihinang halinghing mo. Para na nga akong lasing noon, basta ang natatandaan ko na lang ay isinandal kita sa malamig na tiles sa pader ng banyo mo habang hinahalikan kita nang malalim.

Hindi ko na rin nga alam kung saan napupunta ang mga kamay mo noon, basta ang alam ko lang ay nararamdaman ko sila sa buong katawan ko. Gusto ko na lang maiyak habang paulit-ulit mong tinatawag ‘yung pangalan ko noong bumaba ang halik ko sa leeg mo.

May nakapagsabi na ba sa’yo na pati ang boses mo, ang ganda?

Nakatatak na yata sa isip ko ‘yung boses mo habang umuungol ka sa tenga ko.

Kung pwede lang, gusto ko sanang marinig pa rin ‘yan bago ako matulog at sa tuwing gigising ako sa umaga.

Hindi ko na alam kung saan tayo dinala ng ginagawa natin noon, nakita ko na lang ang sarili ko na buhat-buhat na kita habang dinidiin kita sa pader, nakayakap ka naman sa akin habang mahigpit kang nakahawak sa buhok ko, para bang ginagabayan mo ‘yung ulo ko sa paghalik ko sa leeg mo bago mo hinila nang malakas ang buhok ko para ibalik ang labi ko sa labi mo.

Hindi na talaga ako nakakapag-isip ng ayos nung mga oras na ‘yon, kasi kung nasa katinuan pa ako, hindi ko hahayaan na malamigan ang likod mo sa tiles ng banyo mo. Pareho na tayong wala sa sarili sa mga oras na ‘yon, kung hindi pa natin narinig na may kumakatok sa pinto ng bahay mo ay hindi tayo babalik sa katinuan.

Sabay tayong napatigil nang unti-unting lumakas ang pagkatok sa pinto, magkatitigan pa rin tayo habang pareho nating hinahabol ang mga hinanga natin, parehong walang may gustong bumitaw sa atin hanggang sa may tumawag ng pangalan mo.

Napapikit ka nang mariin bago ka kumalas ng yakap sa akin, inayos mo ang buhok mo at naiwan akong nakatayo sa loob ng banyo mo nang lumabas ka para pagbuksan ang taong kumakatok. Nakita ko ang gulat sa mga mata mo nang makita mo si Carlos sa pinto, nahihiya kang tumingin sa akin nang lumapit sa’yo si Carlos para yakapin ka at bumeso sa pisngi mo.

Hindi ko na namalayan na nakayukom na ang kamao ko noon, parang sasabog na naman ang puso ko pero hindi na sa saya, parang sasabog sa inis, naiinis ako dahil ilang minuto lang bago siya dumating ay ako ang may hawak sa baywang mo.

Pero wala naman akong magawa.

Bahagya mong tinulak si Carlos para makalayo ka sa kanya, pero tinanggap mo ‘yung bulaklak na hawak niya bago mo siya pinapasok sa loob ng bahay mo, habang nandoon ako sa loob ng banyo mo. Hindi ko alam kung papaano mo siya nagawang papasukin habang nandoon din ako nung mga oras na ‘yon.

Nagkatinginan kami ni Carlos, pero umarte siya na para bang hindi niya ako nakita, kahit kanina pa dumadapo ang tingin niya sa pulang marka sa leeg mo, hindi na lang din ako nagsalita at bumalik na lang ako sa pag-aayos ng shower sa banyo mo. Hindi ko alam pero naramdaman ko ang mga mata mo sa likod ko buong oras, para bang buong pag-aayos ko ay nakatitig ka lang sa akin kahit si Carlos ang katabi mo.

Kinakausap ka ni Carlos, naririnig ko namang sumasagot ka sa kanya, mukhang close na close na kayo, dahil tinatanong ka niya kung kailan ka babalik sa bahay nila.

Ramdam kong naiilang din sa akin si Carlos, dahil alam kong nahahalata naman niya, pero wala na akong pakialam. Tanga na lang siya kung hindi niya naamoy ‘yung pinaghalong scent nating dalawa na kumakalat sa buong bahay mo, at magbubulag-bulagan siyang wala siyang ideya sa ginawa nating dalawa.

Pagkatapos kong gawin ang shower mo ay hindi ko na naman alam ang gagawin ko, ilang segundo akong napatigil bago ako tuluyang lumabas ng banyo, nakita kong nakahawak siya sa kamay mo pero inalis mo ‘yun nang makita mo ako. Gusto kong tumawa nang sarkastiko pero pinigilan ko ang sarili ko, hindi na nga maipinta ang mukha ko sa mga oras na ‘yon.

Binabalot na ako ng selos ko, pero wala akong magawa.

Parang ginagago mo na lang kasi ako, Viel.

Aalis na lang sana ako tutal tapos ko naman nang gawin ‘yung shower sa banyo mo, pero biglang hinabol mo pa ako, akala ko hinabol mo ako para pag-stay-in ako sa bahay mo pero hindi, hinabol mo ako para bayaran ako.

Hindi ako makapaniwala habang nakatingin ako sa’yo nang binubunot mo ‘yung pera sa wallet mo, hindi mo naman ako binabayaran pero bakit ngayong araw bigla mo na lang ako babayaran? Hindi ako gumalaw sa pwesto ko pero hinawakan mo ang kamay ko para lang ilagay ang pera doon, nakita kong halos magmakaawa na ‘yung mata mo na tanggapin ko ‘yun, pero hindi ako kumibo, kaya’t ikaw na mismo ang nagsarado ng kamay ko pagkalagay mo ng pera.

Nakatitig lang ako sa mukha mo dahil hindi ko alam kung anong ibig mong sabihin sa pagbibigay mo ng pera sa akin. Naghahanap ako ng sagot sa mukha mo pero hindi ka nagsasalita.

Sobrang nakakagago naman, Viel.

Wala na ngang natira sa pride ko nung pinapasok mo siya sa loob ng bahay mo habang nandoon ako, tapos bibigyan mo pa ako ng pera pagkatapos nating maghalikan? Para mo namang dinuraan ‘yung buong pagkatao ko pagkatapos mong apakan.

Tinanong kita nang mahina kung bakit, bakit mo ko binibigyan ng pera, pero ang sagot mo lang sa akin ay ‘please’? Please ano, Viel? Please tanggapin ko para mabawasan ‘yung konsensya mo sa ginawa mo sa akin?

Aaminin ko, nagalit ako sa’yo nung mga oras na ‘yon.

Pero kahit ganoon, alam ko rin sa sarili ko na lahat gagawin ko pa rin para sa’yo.

At dahil gusto mong tanggapin ko ‘yung pera na ‘yon, wala akong nagawa kundi tanggapin ko ‘yun. Inangat ko ang pera na binigay mo para ipakita ko sa’yo ‘yon, nakita kong mas lalo lang napuno ng lungkot ‘yung mga mata mo, hindi ko alam kung bakit nalulungkot ka, Viel.

Pero ngumiti ako ng sarkastiko sa’yo bago ako marahang tumango kahit wala ka namang tinatanong, hindi ko na hinintay ang sasabihin mo, kitang kita ko sa gilid ng mata ko na pinapanood lang ni Carlos ang buong pangyayari, kaya’t mas lalo akong na-pu-frustrate. Umalis ako sa bahay mo at iniwan kitang nakatayo sa pwesto mo. Kahit hindi kita nakikita ay alam kong hindi ka umalis sa pwesto mo hanggang sa makalabas ako ng bahay mo.

Pag-uwi ko ay nakita ko agad ang sibangot na mukha ni Mary Joy dahil iniwan ko siya para magtinda ng ihaw-ihaw na binebenta ko kahit hindi naman siya bayad, pero nang makita niya ang mukha ko ay unti-unting lumambot ang mukha niya, hindi na lang siya nagtanong pero alam kong may ideya na siya sa nangyari.

Hindi ko na lang ipinangako sa sarili ko na kakalimutan na talaga kita, tutal ay hindi ko naman na nagagawa sa tuwing lumalapit ka na.

Pero kagaya ng dati ay dumistansya ulit ako sa’yo, nagtatanong na nga si Mutya sa akin kung bakit hindi na naman ako pumupunta sa bahay mo. Hindi ko siya masagot, ayoko namang siraan ka sa kapatid ko, dahil kapag nag-iba na ang tingin sa’yo ng pamilya ko ay mahihirapan na naman akong baguhin ‘yon, kahit naman nasaktan ako sa’yo, ayoko pa rin sumama ang tingin nila sa’yo.

Kaya umiwas na lang ulit ako.

Kaso Viel, sigurado na ako.

Sigurado na akong nananadya ka talaga.

Dahil ilang araw lang matapos akong umiwas sa’yo, kumakatok ka na naman sa bahay namin. Alas kwatro ng madaling araw noon. Hindi masyadong mahimbing ang tulog ko sa hindi malamang dahilan, mukhang ganoon din sila nanay dahil nagising sila agad sa pagkatok mo ng pinto. Si Nanay ang nagbukas ng pinto sa’yo at si Mutya ang kumatok sa kwarto ko para sabihing may naghahanap sa akin, hindi ko alam kung bakit nagmamadali si Mutya at para bang kinakabahan siya, pero paglabas ko pa lang ng pintuan ng kwarto ko ay alam ko na agad kung bakit.

Naamoy ko agad ang matinding scent mo, nakahawak ka sa pintuan ng bahay namin dahil halos hindi ka na makatayo dahil sa panghihina mo.

Mabuti na lang wala si Tatay sa bahay noong araw na ‘yon dahil umalis siya para manghuli sa dagat, kasi mas mahihirapan ka lalo kung maraming alphang nakapaligid sa’yo habang nag-hi-heat ka.

Nagmamadali akong naglakad patungo sa’yo.

Sinalat kong mabuti ang noo mo at naramdaman ko agad ang init sa balat mo, mapungay din ang mga mata mo habang nakatingin ka sa akin. Tinanong ko kung bakit ka pumunta sa bahay namin, ang sabi mo kailangan mo ako.

Napapikit ako nang mariin ng mga oras na ‘yon dahil alam kong wala na naman akong kawala sa’yo.

Hawak mo na naman ako sa mga kamay mo.

Nakita ko mula sa gilid ng mga mata ko ang hindi makapaniwalang ekspresyon ng mukha ng nanay ko, mukhang hindi siya sang-ayon sa sinabi mo, pero nang makita niya sa bintana ng bahay namin na lumalabas ang mga kapitbahay namin upang alamin kung saan nagmumula ang scent na paniguradong kumakalat na sa buong lugar namin ay agad tayong hinila ni Nanay patungo sa loob ng bahay. Isinarado nilang dalawa ni Mutya ang pinto at mga bintana.

Yumakap ka naman nang mahigpit sa akin nang makapasok na tayo sa loob ng bahay, lahat yata ng pagpipigil sa katawan ko ay nagamit ko na nung mga oras na ‘yon dahil sobrang lapit mo sa akin, amoy na amoy ko ang scent mo, at apektadong apektado na ang buong katawan ko pero kahit na halos mawala na ako sa katinuan ay kinakalma ko pa ring pilit ang sarili ko. Nakailang tapik pa ako sa mukha mo para masigurado ko kung nasa huwisyo ka pa ba dahil kung anu ano na ang mga sinasabi mo.

Pero paulit-ulit mong sinasabi na ayos ka pa, at alam mo pa ang ginagawa mo dahil nasa pre-heat ka pa lang.

Nakita ko ang pagpapanic ni Nanay at ni Mutya, alam kasi naming pare-pareho na hindi na madadaan sa suppressant ang heat mo. Tinanong kita kung bakit hindi ka nag-take ng suppressant mo, sabi mo nawawala, hindi mo makita, simula kagabi mo pa hinahanap, pero hindi ka makaalis ng bahay mo dahil natatakot ka nang lumabas dahil gabi na at sobrang tapang na ng scent mo, kaya hindi ka na makabili sa tindahan.

Kaya ngayong alas kwatro ka lang nakalabas nang bahay dahil sigurado kang tulog na ang mga tao, pero kahit na ganoon ay sobrang delikado pa rin ng ginawa mo noon dahil umaamoy na ang scent mo sa buong bahay namin, lalo na siguro noong naglalakad ka mag-isa sa labas.

Iniisip ko kung papaano nawala ‘yung suppressant mo, kaming dalawa lang naman ni Carlos ang pinapapasok mo sa bahay mo, pero nang tingnan kita sa mata ay alam ko, alam kong alam nating pareho kung sino ang may gawa noon dahil una pa lang ay hindi ka naman sa akin pupunta kung alam mong ako ang gumawa noon.

Putang ina ng gago na ‘yon, may plano pala sa’yo.

Parang nagdidilim na ang mata ko noong mga oras na ‘yon dahil sa galit, pero hindi ko naman magawang unahin ang galit ko dahil mas kailangan kitang unahin. Hindi ko alam kung papaanong gagawin ko sa’yo, nag-hi-heat ka sa harapan ko pero wala namang tayo.

Inutusan ni Nanay si Mutya na hawakan ka at dalhin ka sa kubo namin sa likod bahay, habang inuutusan naman ako ni Nanay na bumalik ako sa kwarto ko dahil ayaw niya tayong hayaan na gumawa ng desisyon na maaari nating pagsisihang dalawa pagkatapos.

Pero nung hinihila ka na ni Mutya ay umiiling ka, halos magmakaawa ka na sa kanya na huwag kang ilayo sa akin, hindi ako makagalaw sa pwesto ko dahil kahit kailan ay hindi ko na-imagine na ikaw, Haviel?

Ikaw? Magmakaawa ka para sa akin?

Si Nanay naman ay hinihila na rin ako para pumasok sa loob ng kwarto ko noon pero ayaw nang mawala ang tingin ko sa’yo, lalo na nung nagsimula ka nang umiyak at lumuhod sa harap ni Mutya, umiiyak na rin nga ‘yung kapatid ko habang pinipilit ka niyang tumayo.

Nakikiusap na rin sa akin si Nanay na pumasok na ako sa loob ng kwarto ko, ramdam ko ang matinding panic nilang dalawa ni Mutya dahil sa mga nangyayari, gusto kong sundin si Nanay kasi tama naman siya, tama naman ‘yung nanay ko na baka pagsisihan natin ‘yung mga desisyon natin pero noong tinawag mo na ‘yung pangalan ko at nung humarap ka sa akin habang umiiyak.

Ikaw na ang gusto kong sundin.

Nagdilim na ang paningin ko nung mga oras na ‘yon, hindi ko na alam ang mga sumunod na nangyari dahil nagdesisyon na ‘yung alpha ko na ikaw lang, ikaw lang ang masusunod. Narinig ko na lang na napasigaw ang nanay ko at si Mutya nang mabilis akong naglakad papalapit sa’yo, naramdaman ko pang hinawakan ng nanay ko ang braso ko para pigilan ako pero napabitaw agad siya dahil sa sobrang bilis ng paglapit ko sa’yo. Hindi ko na alam kung papaano tayo napuntang dalawa sa kubo namin sa likod bahay, katabi ng mga alagang manok at itik ni Tatay.

Natatandaan mo pa ba ‘yung lugar na ‘yon? Maliit lang ‘yon at makitid, isang lamesa at isang mahabang papag na upuan lang ang nasa loob ng kubo na ‘yon. Hindi ko na nga nagawang isarado ang pinto, kaya’t si Nanay at Mutya na ang nagsarado noon, muntik ko pa silang masinghalan kung hindi ko sila nakilala agad dahil masyado na akong nagiging protective dahil alam kong nasa bingit ka na ng pag-iinit mo.

Mabuti na lang at umalis din agad sila, nang ibinalik ko ang tingin ko sa’yo ay alam kong sa mga oras na ‘yon, kagaya ko, wala ka na rin sa sarili mo. Ikaw ang naunang lumapit sa akin para halikan ako sa labi ko. Sa pagkakatanda ko ay inihiga kita sa lamesa noon at doon natin tinuloy ang paghahalikan.

Tapos hindi ko na alam, hindi ko na alam ang mga sumunod na nangyari.

Para na akong nananaginip sa mga sumunod na eksena.

Ang natatandaan ko, nakahiga ka sa lamesang kawayan nang wala ka ng kahit anong suot, paulit-ulit mong tinatawag ang pangalan ko kahit nakayakap naman ako sa’yo, at nagmakakaawa ka sa akin nang paulit-ulit kahit pinagbibigyan naman kita.

Kung bibigyan lang ako ng pagkakataon na ulitin ‘yung araw na unang beses nating ginawa ‘yon, hindi ko hahayaan na doon lang natin ginawa ‘yon sa maliit na kubo, hindi ko rin hahayaan na nakahiga ka lang sa matigas na lamesa, o nakakapit ka lang sa dalawang posteng kawayan habang nakatuwad at nakatalikod ka sa akin, tapos hinahawakan ko lang ang baywang mo para hindi ka matumba habang patuloy kitang binabayo.

Pero noong mga oras na ‘yon, Viel.

Sobrang saya ko. Wala pa akong halong pagsisisi noon, dahil masyado akong masaya, masyado tayong masaya.

Tatlong araw tayong nakakulong sa loob lang ng kubo na ‘yon, paminsan-minsan ay dinadalhan tayo ng pagkain ni Nanay o ni Mutya para masigurado lang na maayos pa tayong dalawa. Ngayon ko nga lang naisip na baka nahihirapan ka nung mga oras na ‘yun, paniguradong hindi komportableng mahiga sa lamesa, o sa papag na upuan, dahil nung mga unang araw ay sa braso ko lang ikaw nakaunan.

Sa totoo lang, natakot ako nung napagtanto kong malapit nang matapos ‘yung heat mo. Natatakot ako na baka pagnatauhan ka na ulit, hindi mo naman pala talaga gusto akong makasama, pero nung magising ka ng ika-apat na araw habang nakayakap ka sa akin at nakahiga tayo sa maliit na upuang papag ay agad mo akong hinalikan sa labi nang makita mong nauna akong magising.

Hinawakan mo ‘yung pisngi ko bago mo ako tinanong kung anong problema, at bakit ako mukhang nag-aalala.

Noon ko lang napagtanto na pagkatapos ng halos dalawang taon, nakuha ko na talaga ‘yung matagal kong pinapangarap.

Nagulat ka nung niyakap ulit kita at isiniksik ko ang sarili ko sa’yo, pero narinig ko ang mahinang tawa mo nang paulit-ulit kitang hinalikan sa leeg bago ko inilipat ang labi ko sa labi mo, at sa tungki ng ilong mo, at sa noo mo, bago ko binalik ang tingin ko sa mga mata mo.

Ngumiti ka sa akin bago mo inangat ang kamay mo para hawiin ang ilang piraso ng buhok ko na humaharang sa mga mata ko, wala akong ibang ginawa kundi pagmasdan ka lang habang ginagawa mo ‘yon.

Alam ko sa mga oras na ‘yon…

Mahal na kita, Haviel.

At ayoko nang mawala ka sa akin ulit.

Wala na akong pakialam kung magmukha akong tanga, wala akong pakialam kung husgahan ako ng lahat ng tao, wala akong pakialam kung madaming lalaking mas karapat-dapat sa’yo.

Kasi tama si Mary Joy.

Kaya gagawin ko lahat, kahit abutin ako ng ilang taon, kahit maubos ako sa pagtatrabaho, kahit alam kong impossible, gagawin ko ang lahat para lang mas maging karapat-dapat ako para sa’yo.

Noong araw din na ‘yon, bumalik na tayo sa bahay namin, alam kong nahihiya ka sa pamilya ko at natatakot ka sa magiging reaksyon nila, kaya naman mahigpit ang kapit mo sa kamay ko habang binubuksan ko ang pinto sa likod ng bahay namin.

Pero nang makita nila tayo ay para bang pare-parehong nabunutan ng tinik ang mga mukha nila nang makita nilang wala kang marka sa leeg mo, akala siguro nila ay magkakaroon na sila ng manugang. Para ngang handa na rin silang mamanhikan.

Hindi ko nga rin alam kung papaano ko napigilan ang sarili kong kagatin ka, pero sa pagkakatanda ko, ikaw din mismo ang kusang umiiwas sa tuwing dumidiin na ang paghalik ko sa leeg mo ng mga panahon na ‘yon.

Akala ko rin ay kakagalitan nila tayo, pero sinabihan lang tayo ni Nanay na maligo na tayo kasi ang baho na natin. Kaya naman pinahiram muna kita ng damit ko at ng tuwalya ko bago ako sumunod sa’yo sa banyo, pero napatigil ako nang makita kong nakatingin kayong lahat sa akin. Nagtataka ako kung bakit kayo nakatingin sa aking lahat, pero nang sabay-sabay kayong tumawa ng buong pamilya ko ay tsaka ko lang napagtanto na kaya niyo lang ako pinagtatawanan ay dahil masyado akong clingy.

Anong masama kung sumabay ako sa pagligo mo? Apat na araw nga tayong magkasama sa loob ng kubo, wala ka rin namang suot noon.

Magrereklamo pa sana ako pero hinila na lang ako ng nanay ko papalayo sa banyo para makaligo ka na mag-isa, natatawa ka habang sinasarado mo ang pinto, pati ang nanay kong humihila sa akin ay tumatawa rin kahit wala namang nakakatawa.

Buong pagligo mo tuloy ay nakasibangot lang ako, pero nang lumabas ka sa banyo at nakita kong suot mo ang damit ko, na hindi ko akalaing sobrang laki pala sa’yo, ay unti-unti na namang gumuhit ang ngiti sa labi ko. Parang may kung ano man akong naramdaman sa tiyan ko dahil sa imahe mong ‘yon. Hindi ko alam, pero parang may kakaiba, parang ayoko nang mawala ‘yung imahe mo nung araw na ‘yon sa isipan ko.

Sobrang ganda mo, Viel.

Kaya hindi ko alam kung bakit nahihiya kang lumabas ng banyo at naglakad patungo sa loob ng kwarto ko. Nagtungo ka sa papag ko kung saan ako nakaupo nung mga oras na ‘yon. Nakabukas kasi ang pinto ng kwarto ko kaya’t tanaw na tanaw kita kanina pagkalabas mo pa lang ng banyo.

Kinuha ko ang isa ko pang tuwalya at ang damit ko na kanina pa nakahanda, bago ako lumabas ng kwarto ay mabilis kitang hinalikan sa labi, ngumiti ka naman agad sa akin at hinalikan mo rin ako nang mabilis bago mo tinanggal na ang tuwalya sa ulo mo. Ayoko pa sanang umalis pero tinulak mo na ako palabas ng kwarto ko habang tumatawa ka, kaya’t wala na akong nagawa. Nang makita ni Mutya ang ngiti sa labi ko ay inaasar pa ako nito bago ako tuluyang makapasok sa banyo.

Paglabas ko ng banyo ay nakita kong nakaupo ka na sa hapagkainan, nakita kong gusto mong tumulong sa paghanda ng pagkain pero pinapaupo ka na lang ni nanay, alam kong nahihiya ka noon dahil ayaw kang patulungin ng pamilya ko, kaya naman pagkatapos kong maisampay ang tuwalya ay agad akong tumabi sa’yo para hawakan ang kamay mo.

Ramdam ko ang kaba mo habang kumakain tayo, mabuti na lang ay sa unang pagkakataon, inalok ka ng pagkain ng nanay ko, kahit nahihiya ka ay hindi ka tuloy nakatanggi. Akala ko ay hindi na nila babanggitin ang tungkol sa nangyari sa atin pero bigla nila tayong binilinan na pag-isipan muna nating dalawa bago tayo mag-mate, pero ilang minuto lang pagkatapos noon ay nagtatanong na agad sila ng apo.

Nakalimutan ko na matagal na nga pala akong gustong pag-asawahin na ng nanay at tatay ko.

Hindi ka lang talaga nila gusto dati, pero nung araw na ‘yon, pakiramdam ko ay tanggap na tanggap ka na talaga nila, dahil kung hindi, hindi naman lalapit sa’yo ang nanay ko at tatanungin kung nakapag basa ka na ba tungkol sa pagbubuntis, tapos etong Mutya na ‘to sobrang excited pang magkaroon ng pamangkin.

Agad ko naman silang pinatigil dahil sa mga pinagsasasabi nila dahil nakakahiya, tsaka baka hindi ka na komportable dahil sa mga tanong nila, ni hindi pa nga natin napag-uusapan kung ano ba tayo, pero pag-aanak na agad ang nasa isip nila nung mga oras na ‘yon.

Pero alam mo, Viel?

Isa ‘yung araw na ‘yun sa pinakamasayang araw ng buhay ko.

Hindi ko maipaliwanag, pero sobrang saya ko nung mga oras na ‘yon kasama ka at ang pamilya ko. Kaya hindi mawala ang ngiti sa labi ko noong pinapanuod ko kayo ni Mutya habang tinuturuan ka niya kung papaano magparikit ng apoy. Hindi ko na nga namalayan na lumapit pala sa akin si Nanay, sabi niya, ang ganda mo daw, tsaka siya ngumiti sa akin at umalis.

Sobrang saya ko noon, kasi alam kong gusto ka na rin ng Nanay ko. Siguro ay natatakot lang talaga siya noon na hindi mo kayang ibalik ‘yung nararamdaman ko, kaya ngayon nakikita niya na mukhang pareho naman tayo ng nararamdaman ay natanggap ka na niya. Kahit si Tatay ay ngumiti sa akin at tumango bago niya inaya si Nanay sa labas ng bahay para maghanda ng paninda.

Kinagabihan noon ay pumayag ang nanay at tatay ko na matulog ako sa bahay mo, pwede rin naman sana sa bahay na lang namin kaso maririnig kasi ni Mutya sa kabilang kwarto kapag hinahalikan kita, maingay din ‘yung papag ko noon, konting galaw lang natin ay lalangitngit na. Hindi mo naman ako tinanong kung gusto kong sumama sa’yo pauwi, nagdesisyon lang talaga ako kasi buong araw, sa tuwing makakakuha ka ng pagkakataon ay yumayakap ka sa akin, para bang ayaw mo na akong mawalay sa’yo, minsan nga ay kukuha lang ako ng tubig nakasunod ka pa rin sa akin, kahit sila tatay ay natatawa na lang din sa’yo.

Ang cute mo kasi Viel.

Naalala ko, nakayakap ka sa braso ko habang naglalakad tayo noon sa kalsada pauwi sa bahay mo, pinagtitinginan tayo ng mga tao dahil nakasandal pa ang ulo mo sa akin. Kitang kita ko ang iskandalosong tingin ng mga beta at omega, pero ramdam ko ang inggit galing sa mga alpha.

Ang yabang pa ng ngiti ko noon, para akong nanalo sa lotto.

Pero mas nanalo ako nung kinagabihan ng araw na ‘yun. Paano ba naman kasi, hindi pa tayo nakakahiga nang maayos ay nakayakap ka na sa akin, panay ang halik mo rin sa labi ko. Wala namang nangyari sa atin nung gabi na ‘yon, ‘di ko rin alam kung paano ko napigilan ang sarili ko, siguro magaling lang talaga ako magpigil kahit nanggigil na ako sa’yo nung mga oras na ‘yon, medyo hirap ka pa rin kasi maglakad noon pagkatapos ng tatlong araw nating ginagawa ‘yon.

Sobrang saya ko ng mga oras na ‘yon, kinukwestyon ko na ang sarili ko kung totoo pa ba ‘yung mga nangyayari, kasi ang himbing ng tulog mo sa bisig ko. Sa tuwing umuusog ako papalayo sa’yo para bigyan ka ng mas malaking space ay lumalapit ka ulit sa akin, para akong sasabog sa saya kasi ayaw mo akong mawala sa tabi mo.

Pero kinaumagahan noon ay sumama agad ang timpla ko nang bumungad sa akin ang sulat ni Carlos sa may pintuan mo. Ako ang unang nagising sa atin kaya nakita ko ‘yon, hindi ko naman binasa ‘yon, pero inabot ko sa’yo noong niyakap mo ako nang maabutan mo akong nagluluto sa kusina ng agahan. Noong una ay nagtataka ka pa bakit ko inalis ang pagkakayakap mo sa baywang ko pero nung tiningnan mo kung kanino galing ang sulat ay napabuntong hininga ka na lang.

Binasa mo ang nakasulat doon sa tabi ko, ang nakalagay sa sulat ay nagpapaalam si Carlos sa’yo na aalis muna ito at pupunta ulit ng Baguio dahil may kailangan siyang asikasuhin doon ng ilang buwan. Sabi pa nito ay pumunta siya sa bahay mo ng ilang araw para magpaalam pero wala ka daw. Ang kapal talaga ng mukha ng gagong ‘yan, balak kang pagsamantalahan bago siya umalis. Ang daling makita ng intensyon niya, ‘di ako tanga, gusto ka niyang pagsamantalahan para masiguradong mapasakanya ka na bago siya umalis ng Baguio, kasi alam niyang marami siyang kaagaw sa’yo. Wala akong pake kung anong intensyon niya pero mapapatay ko talaga siya sa ideya pa lang na balak ka niyang pagsamantalahan.

Ang kapal pa ng mukha para magpaalam na parang walang nangyari.

Pagkatapos mong basahin ‘yon ay niyakap mo ulit ako, pero hindi ako gumagalaw sa pwesto ko dahil nagsisimula na namang uminit ang ulo ko. Nararamdaman kong pinapakalma mo ulit ako habang hinahalikan mo ako sa likod ng ulo ko patungo sa likod ng tenga ko, tsaka mo binulong sa akin na ako lang ang gusto mo.

Hindi naman ako nagagalit dahil nagseselos ako, nagagalit ako sa gagong ‘yon. Kinakalma ko lang ang sarili ko kasi natatakot akong matakot ka sa akin. Ayokong maging aggressive sa harapan mo, ayokong makita mo akong ganoon.

Nang mapansin mong hindi pa rin kita pinapansin noon ay pinatay mo ang kalan kaya’t napatigil ako sa pagluluto ko, hinila mo ako paharap sa’yo at tsaka mo sinabi ulit sa akin na ako ang gusto mo at hindi si Carlos.

Hindi ako nakakibo nang makita ko kung gaano ka ka-seryoso habang sinasabi mo ‘yon. Hinawakan mo pa ang mukha ko, at tsaka mo giniit sa akin na wala ka talagang gusto kay Carlos, kailangan mo lang talagang maging mabait sa kanya. Hindi mo sinabi ang dahilan dahil binago mo agad ang sinasabi mo, sabi mo pa, simula’t sapul ako na talaga ang gusto mo, hindi mo lang agad napansin ‘yung nararamdaman mo.

Para na naman akong nanaginip ng mga oras na ‘yon. Paano ba naman kasi, paulit-ulit mong sinasabi na gusto mo ako habang gumagapang ang kamay mo sa akin.

Lumamig na tuloy ang pagkain natin noon kasi mas nauna pa kitang kainin.

Naaalala ko pa, Viel.

Noong mga panahon na ‘yon, naging usap-usapan na naman tayo sa buong pack. Ang daming balitang kumakalat tungkol sa atin, hindi na kasi ako halos natutulog sa amin, sa bahay mo na ako nakatira, ikaw din naman ang may ayaw magpa-uwi sa akin minsan. Kaya umuuwi na lang ako sa bahay namin para magbenta ng ihaw-ihaw pero madalas ay kasama pa rin kita. Nandoon ka lang sa tabi ko, nagsusukli ka ng mga bayad, kaya nga mas lalong dumami ang benta ko kasi pati ang mga batang omega ay gustong-gusto ka makita dahil humahanga sila sa ganda mo.

Hindi rin naman ako nagseselos sa mga alphang lalaki na bumibili lang sa akin para makita ka. Sila pa nga ang nagseselos sa akin kasi maya’t maya ay pinupunasan mo ang pawis ko lalo na kapag nandoon si Joyjoy. Natatawa na nga lang sa’yo ‘yung kaibigan ko na ‘yon, paano ba naman kasi inabot ng isang linggo bago mo siya kausapin nang maayos. Kung ‘di ba naman niya pinakilala sa’yo ‘yung girlfriend niyang omega rin, hindi mo pa rin siya papansinin.

Mabuti na lang nung naging magkaibigan na rin kayo, mukhang nalilibang ka na rin sa pagtambay-tambay sa bahay namin dahil dumadami na ang kakwentuhan mo, minsan nga ay naririnig ko pa kayong pinag-uusapan niyo ‘yung mga taong pinag-uusapan tayo. Loko din kasi ‘yang si Joyjoy, tinuturuan ka pang manlait. Pag-uwi tuloy natin sa bahay noon, panay ang panlalait mo sa lalaking alpha na nagsabing kaya lang naman daw kita nakuha ay dahil para akong asong ulol na kulang na lang ay lumuhod sa harapan mo at halikan ang mga paa mo dahil sobrang patay na patay ko daw sa’yo.

Natawa na lang ako nung bigla mo na lang sinabi sa akin na siya kamo ‘yung mukhang aso.

Hindi ko nga alam bakit nagagalit ka, kasi totoo naman na patay na patay ako sa’yo. Hindi nga nila alam, gabi-gabi naman talaga akong lumuluhod sa’yo para halikan ka sa buong katawan mo, hindi lang sa paa mo.

Siguro ay nagsawa ka na lang din na makarinig ng mga ganoong usapan tungkol sa atin, sabi ko naman sa’yo noon, ‘wag mo na lang silang pansinin dahil wala naman silang epekto sa buhay nating dalawa, hindi ko alam kung bakit nako-konsensya ka. Sabi mo kasi hindi mo lang matanggap na lahat ng masamang sinasabi sa puro tungkol sa akin lang.

Pero ayos lang naman ‘yon, kasi kung ikaw ang pinagsasabihan nila ng hindi maganda ay baka kung ano pang magawa ko. Hindi naman ako usually ganito, sabi nga ng pamilya ko sobrang kalmado ko lang daw palagi, pero hindi ko alam kung bakit nagkakaganito ako pagdating sa’yo

Kaya huwag lang talaga akong makakarinig ng masama tungkol sa’yo, okay lang kahit anong sabihin nila sa akin, tsaka kahit naman anong sabihin nila, hindi naman nila alam kung anong mayroon sa ating dalawa.

Ako rin nga eh, hindi ko rin alam.

Basta alam ko lang, gusto mo rin ako, hindi ko lang sigurado kung mahal mo rin ako, tsaka hindi naman nila alam na ikaw rin, lumuluhod ka rin naman sa akin tuwing gabi para lang mapasaya ako. Minsan nga habang ginagawa mo ‘yun kung anu ano nang pumapasok sa isip ko, gusto ko na lang hilahin nang marahan ang buhok mo at tanungin kung ano bang mayroon tayo.

Hindi ko nga alam kung bakit sa mga ganoong oras ko naiisipan itanong ‘yon, buti na lang napipigilan ko ang sarili ko kasi baka mas lalo ka lang hindi sumagot nang maayos sa akin, para kasing gustong gusto mo ako sa mga ganoong pagkakataon.

Kaya kinimkim ko na lang lahat ng tanong ko, natatakot din kasi akong malaman ang sagot mo.

Lalo na noong napansin kong palagi mong inilalayo ‘yung leeg mo sa akin sa tuwing dumidiin ng bahagya ang paghalik ko sa’yo na para bang natatakot kang makagat kita.

Naisip ko lang talaga nung mga oras na ‘yun na baka pang ganito lang ako, hindi ko alam kung nag-o-overthink lang ba ako, pero pakiramdam ko ay hindi mo naman talaga ako kino-consider na pangmatagalan. Alam ko namang baka hindi ka lang talaga handa nung mga panahon na ‘yun, baka iniisip mo lang na masyado pang maaga para do'n pero hindi ko mapigilan ang sarili ko ng mga oras na ‘yun na mag-isip nang mag-isip.

Pakiramdam ko talaga nung mga oras na ‘yun ay wala kang balak na maging mate ako, o kahit boyfriend man lang. Siguro ay may nararamdaman ka nga sa akin, baka nga gusto mo talaga ako ng mga panahon na ‘yon, pero pakiramdam ko ay hindi ako ‘yung gusto mong mapang-asawa.

Ayos lang naman sa akin, naiintindihan naman kita, kaya nga kahit iyon na rin ‘yung nakatatak sa isip ko nung mga oras na ‘yun ay in-enjoy ko pa rin ang bawat minutong kasama kita. Hindi ako tumigil na iparamdam sa’yo na mahal kita, kahit bawat oras na kasama kita ay parang may bombang nag-ooras sa ating dalawa.

Pero ayokong mawala ka sa akin, Viel.

Kaya araw-araw, sinusunod ko lahat ng gusto mo, binibigay ko sa’yo lahat ng kaya kong ibigay para lang huwag mo nang maisip na itapon na lang ako kapag nawala na ‘yung kung ano mang nararamdaman mo sa akin.

Kasi hindi ko alam kung kakayanin ko pa ‘pag nawala sa akin.

Tangina ang conry pala pakinggan.

Sa tuwing nababasa ko ‘yang mga ganyang linya sa mga libro ni Mutya ay nako-corny-han talaga ako, pero hindi ko akalain na gagamitin ko pala ‘yang mga ganyang salita para ipaliwanag ang mga nararamdaman ko sa’yo, pero hindi ko talaga kaya, Viel.

Tuwing gabi ipinagdarasal ko na sana magkaroon ka ng dahilan para hindi ako iwan.

At nagkaroon nga.

Nagkaroon ka ng dahilan para hindi ako iwan dahil nabuntis kita, Viel.

Tandang-tanda ko pa noong sinabi ng doctor na wala ka daw sakit kahit halos isang linggo ka nang sinasakitan ng ulo at nagsusuka, mayroon ka lang daw bata sa tiyan.

Hindi ko alam ang gagawin ko habang nakikinig ako sa sinasabi sa’yo ng doctor. Nakatayo lang ako sa gilid habang nakatulala.

Hindi naman ganoong dahilan ang gusto kong mangyari.

Alam ko namang pareho tayong hindi handa nung mga panahon na ‘yon, isang buwan pa lang tayong magkasama sa bahay, nag-iingat naman tayo, lahat ng paraan para hindi ka mabuntis ay ginagawa natin, pero mukhang nadali kita noong mismong unang beses nating ginawa ‘yon, doon sa maliit na kubo sa likod ng bahay namin habang nag-hi-heat ka dahil ‘yon ang sumakto sa araw ng computation ng doctor.

Pareho tuloy tayong hindi nakagalaw habang patuloy na nagsasalita ang doctor. Walang kumikibo sa ating dalawa, kahit ang doctor ay napatigil sa pagsasalita at nagbalik-balik ang tingin sa atin dahil hindi niya alam kung babatiin ba niya tayo ng congratulations o mag-so-sorry na lang siya dahil nangyari sa atin ‘yon.

Hanggang sa makauwi tayo sa bahay ay walang nagsasalita sa ating dalawa, gusto kong tanungin kung okay ka lang ba, gusto kong tanungin kung anong nararamdaman mo pero masyadong gulong-gulo ang utak ko ng mga oras na ‘yon.

Gusto ko namang maging masaya, kasi gusto kong magka-anak, gusto ko namang magka-pamilya kasama ka, gusto ko naman ‘yon lahat, pero natatakot ako. Natatakot ako sa magiging desisyon mo, kasi kahit gusto ko ay ikaw pa rin ang hahayaan kong masunod, lalo na’t katawan mo ‘yan, ikaw ang magdadala sa bata, hindi naman ako.

Pero natatakot ako na baka kahit ano mang maging desisyon mo ay iwan mo pa rin ako. Baka isipin mo ay sinasadya ko, hindi ko sinasadya, hindi ko alam, gulong-gulo na ako ng mga panahon na ‘yon.

Kakausapin sana kita ng gabing ‘yon, papasok pa lang sana ako sa kwarto pero naririnig ko na ‘yung hikbi mo. Umiiyak ka, hindi ko alam kung papasok pa ba ako sa loob ng kwarto nung mga oras na ‘yon, kung papasok man ako, anong sasabihin ko sa’yo?

Pero kahit wala akong ideya kung anong sasabihin ko ay pumasok pa rin ako, hindi mo na nga ako napansin na pumasok noon eh. Paano naman kasi ay nakatalikod ka sa pintuan, nakakapit ka lang sa kabinet habang umiiyak ka. Lumapit ako sa’yo noon at niyakap kita mula sa likuran mo para sana patigilin ka sa pag-iyak.

Kaso ay mas lalo ka lang umiiyak.

Humigpit ang pagkakayakap ko sa’yo, pero ilang segundo lang ay humarap ka sa akin, hinawakan mo ang pisngi ko habang tinitingnan mo ang mukha ko. Nagulat na lang ako nang inilapit mo ang labi mo sa akin para halikan ako, hindi ako nakagalaw sa kinatatayuan ko, para akong na-estatwa nang bigla mo nalang akong hinalikan nang malalim, para bang desperadong desperado kang halikan ako dahil pinipilit mong ipasok ang dila mo sa bibig ko.

Bahagya at maingat kitang tinulak papalayo para tingnan ang mukha mo, hindi ko alam kung bakit mo ako hinahalikan noong mga oras na ‘yon habang umiiyak ka. Noong lumayo ako ay nakita ko ang takot sa mukha mo, mas lalong lumakas ang paghikbi mo, naguguluhan ako kaya’t hindi ko alam kung anong gagawin ko.

Nabigla ako nang mabilis mong hinubad ang damit mo habang nakatingin ka sa akin gamit ang mga mata mong punong puno ng luha. Lumapit ka ulit sa akin para halikan ako sa labi ko, mahigpit ang pagkakahawak mo sa leeg ko hinahalikan mo ako pero hindi ko gusto ng ganoong klaseng halik, Viel.

Kaya marahan ulit akong lumayo sa’yo.

Tinanong kita kung bakit mo ginagawa ‘yon, hindi ka sumagot, sa halip ay hinila mo ako sa kama habang unti-unti mong tinatanggal ang pang-ibaba mo, pagkatapos ay hinawakan mo ang kamay ko at idinala mo doon sa ibaba mo. Napatingin ako sa ginagawa mo bago ako napapikit nang mariin. Inilayo ko ang sarili ko at ang kamay ko kaya’t napabitaw ka sa akin.

Dahan-dahan mong hinabol at hinawakan ulit ang kamay ko habang nakaluhod ka sa ibabaw ng kama at nakikiusap ka sa akin, hindi ko alam kung anong pinapakiusapan mo, pero noon lang kita nakita na para bang takot na takot ka. Kaya naman kahit naguguluhan ako ay marahan kitang niyakap habang nakatayo ako sa harapan mo, pero mas lalo ka na namang umiyak.

Nakiusap ka ulit sa akin habang yakap-yakap kita, pero sa kauna-unahang pagkakataon ay tumanggi ako sa gusto mo.

Lumipas ang ilang araw pagkatapos noon ay naging mailap ka sa akin, magkatabi naman tayong natutulog sa kama pero parang ang layo-layo mo sa akin. Tuwing kinakamusta kita tungkol sa nararamdaman mo ay hindi ka sumasagot sa akin, pakiramdam ko ay hindi mo pa napo-proseso sa utak mo na may nabubuong bata sa tiyan mo. Kaya naman kahit gusto kong kausapin nang kausapin ka para masigurado kong okay ka lang ay lumayo na muna rin ako sa’yo para mabigyan ka ng space para makapag-isip isip.

Hanggang sa isang araw, kumatok ulit si Carlos sa pinto ng bahay mo, mukhang kakauwi lang niya ulit galing Baguio. Ako ang nagbukas ng pinto para sa kanya kaya’t nawala agad ang ngiti sa labi niya nang makita niya ako, mabuti na lang at mahimbing ang tulog mo nung mga oras na ‘yon. Gusto ko man sapakin na si Carlos agad noon pero pinigilan ko ang sarili ko dahil wala naman akong patunay sa lahat ng hinala ko sa ginawa niya sa’yo.

Tinanong ka niya kung nasaan ka, ngumiti lang ako sa kanya at sinabi kong nagpapahinga ka sa kwarto natin. Napalitan ang sibangot niyang mukha nang sarkastikong ngiti nang tinanong niya ako kung totoo daw ba ang bali-balitang buntis ka. Hindi ko sinagot ang tanong niya, sa halip ay ngumiti lang din ako ng sarkastiko sa kanya bago ko siya malakas na pinagsaraduhan ng pinto.

Narinig ko pang sinipa niya ang pintuan ng bahay mo pero hindi na ako pumatol pa noong mga oras na ‘yon. Balak ko sanang sabihin sa’yo na pumunta si Carlos habang tulog ka pero iniiwasan mo pa rin ako.

Kaya naman nagulat ka noong kinabukasan ay may dumating na box sa harap ng bahay mo ngunit sa akin nakapangalan. Maski ako ay nagulat dahil wala naman akong inaasahang padala noong mga araw na ‘yon. Inabot mo sa akin ang box, hindi ka nagsasalita pero alam kong gusto mong tingnan kung kanino galing ‘yon, hindi ko naman masabi sa’yo dahil hindi ko rin naman alam kung kanino.

Maingat ko ‘yong binuksan pagkatapos kong ipatong sa lamesa, pero unti-unti akong na-estatwa sa kinatatayuan ko nang makita ko ang nakalagay doon. Ramdam kong unti-unting bumilis ang tibok ng puso ko nang makita ko ang mga larawan sa loob.

Kahit nanginginig ang kamay ko ay kinuha ko ang isang picture kung saan nandoon ka, nakangiti, at walang suot na kahit anong saplot.

Nakita ko sa gilid ng mata ko na unti-unti kang lumapit sa akin para tingnan kung ano ‘yon nang makita mo ang ekspresyon ng mukha ko, pero napahinto ka lang din sa tabi ko.

Walang nagsasalita sa ating dalawa, pero nang inangat ko ang tingin ko sa’yo ay nakita kong tumulo ang isang patak ng luha mo pero mabilis mo ring pinunasan ‘yon.

Akala ko ay aagawin mo ang lahat ng picture na nakalagay sa box para hindi ko makita ‘yon pero mukhang hinahayaan mo lang ako na tingnan lahat ng ‘yon, kaya naman mabilis kong kinuha ang ibang litrato para makita ang lahat ng nandoon.

Mukhang bata ka pa sa lahat ng kuha dahil naka-suot ka pa ng uniform mo, parang uniporme mo pa nung college. May kasama kang iba-ibang lalaki, at sa lahat ng picture ay nakangiti ka, sobrang inosente ng ngiti mo sa lahat ng picture mo kahit lahat ng kuha mo doon ay wala kang suot na damit.

Nang binalik ko ang tingin ko sa’yo ay nakita kong patuloy pa rin ang pagbagsak ng luha mo pero hindi ka nagsasalita, tinanong ko lang kung alam mo ba kung kanino galing ‘yung mga picture na ‘yon. Umiling ka sa akin, sabi mo hindi mo alam.

Pero ako alam ko.

Alam ko kahit wala akong patunay.

Kaya naman mabilis kong pinilas lahat ng picture na nasa loob ng box na ‘yon. Napahawak ka sa bibig mo sa sobrang gulat dahil sa ginawa ko, dahil hindi ako tumigil hangga’t hindi ko napipino ang lahat ng nandoon bago ako mabilis na lumabas ng bahay, sinundan mo ako palabas, at panay ang tawag mo sa pangalan ko pero hindi ako lumilingon. Nang mapadaan tayo sa harap ng bahay namin ay narinig kong sumigaw ka para tawagin ang mga magulang ko na agad naman lumabas din ng bahay.

Nakasalubong din natin si Joyjoy na babatiin sana tayo pero biglang nawala ang ngiti sa labi niya nang makita niyang dinaanan ko lang siya, mas lalong napuno ng pag-aalala ang mukha niya nang makitang nakasunod ka sa akin at ang buong pamilya ko.

Pero wala na ako sa sarili ko noon, para bang iba na ang nag-ko-control sa katawan ko nang malakas akong kumatok sa pintuan ng bahay ng pack leader natin kung saan nakatira si Carlos. Hindi ako tumigil sa pagkalabog sa pintuan nila hangga’t hindi nila ako pinagbubuksan. Kaya naman nang bumukas ang pinto at bumungad sa akin si Carlos ay hindi na ako nagdalawang isip nang hawakan ko siya sa kwelyo.

Hindi ko alam kung papano pa niya nagawang tumawa nang sarkastiko ng mga oras na ‘yon. Tinanong pa niya ako kung nagustuhan ko daw ba ‘yung regalo niya sa akin, sabi pa niya ay matagal na niyang alam ‘yon dahil tuwing lumuluwas siya sa Maynila at Baguio ay nakikita niya palagi ang mukha mo, dahil laman ka daw ng dyaryo, tv, at internet simula nung kumalat lahat ng video mo.

Sabi pa niya sa akin, kaya ka lang naman daw niya nililigawan ay dahil nabalitaan niyang masarap ka daw at magaling ka sa kama, kaya’t hindi pa niya natatapos ang sinasabi niya ay sinapak ko na siya sa mukha niya. Hinila ko siya mula sa kwelyo niya at tsaka ko siya itinulak sa kalsada bago ko siya muling sinapak nang malakas.

Narinig ko ang malakas din na sigaw ni Mutya at ng nanay ko nang makita nila ang nangyari, kahit wala na ako sa sarili ko ay kitang kita ko sa gilid ng mata ko na naglalabasan ang mga kapitbahay nila upang manuod.

Hindi ko na alam kung bakit ko ginawa ‘yon, pero pumaibabaw ako kay Carlos habang sakal-sakal ko siya sa kwelyo at paulit-ulit ko siyang sinuntok sa mukha hanggang sa dumugo na ang buong mukha niya.

Pero hindi ako nakontento sa dugo lang, gusto kong mabasag ko ang buong mukha niya hanggang sa hindi na siya makapagsalita ulit ng mga masasamang salita tungkol sa’yo. Nararamdaman ko nang may mga humihila sa akin para awatin ako, pero hindi ako tumitigil kahit nagkalat na ang dugo niya. Naririnig ko na ang pagmamakaawa at pag-iyak nina nanay at Mutya para patigilin ako pero wala na ako sa sarili ko noon, parang may kumukontrol na sa katawan ko noong mga oras na ‘yon.

Akala ko ay tuluyan na akong mawawala sa sarili ko noon pero hinawakan mo ako, kahit namumula ang mga mata ko ay unti-unting kumalma ang paghinga ko, hinila mo ako palayo kay Carlos, aalis na sana tayo pero biglang nagsalita pa ang putang inang ‘yon.

Basag-basag na nga ang mukha niya nagawa pa niyang magsalita ng hindi maganda, tinawag ka niyang pokpok, pokpok daw ang nagdadala ng anak ko, narinig ko ang gulat sa lahat ng tao nang malaman nilang buntis ka, at sa ganoong paraan pa nila nalaman, kaya’t hindi na ako nagdalawang isip na suntukin pa ulit siya.

Napasigaw ulit ang lahat ng taong nanunuod dahil sa ginawa ko, natatakot ang lahat na baka mapatay ko si Carlos dahil halos hindi na ito makagalaw at nagkalat na mga dugo nito sa kalsada, sigurado rin akong maraming ngipin na rin niya ang tumilansik sa kung saan man, pero wala ni isang sumusubok pumigil sa akin, hanggang sa napunta sa iba ang pagsigaw ni Mutya at Joyjoy nang makita ka nilang napaupo habang nakahawak ka sa tiyan mo. Napatigil akong bigla nang marining kong tawagin niyo ang pangalan ko. Agad kong binitawan ang gagong ‘yon at nagtatakbo patungo sa’yo, takot na baka may mangyaring masama sa’yo at sa anak natin.

Biglang nagkagulo at lumakas ang bulungan ng mga tao, paparating na daw ang pack leader galing sa opisina nila para puntahan ako, kaya’t mabilis tayong hinila ni Nanay, binilin niya kay Mutya na kuhanin na ang mga gamit ko sa bahay, habang si Joyjoy naman ay tatawagin na ang kanyang tatay para ilabas ang pick-up truck nila.

Sobrang bilis ng pangyayari noon, hindi ko alam kung bakit sinusunod ko na lang ang mga sinasabi ng nanay ko, dumiretso tayo pauwi sa bahay mo, kinuha ko lahat ng mga gamit mo, hindi ko alam kung bakit kinukuha ko ‘yon, nakatayo ka lang habang nakahawak sa tiyan mo, pinapanuod mo akong matuliro.

Tinanong mo ako kung saan tayo pupunta, wala akong naisagot sa’yo dahil hindi ko rin alam. Nakita ko ang pagdadalawang isip sa mga mata mo, kaya’t napatigil ako.

Tinanong kita kung gusto mo bang maiwan sa lugar na ‘yon. Hindi ka sumagot ng ilang segundo kaya naman naramdaman kong unti-unting bumagsak ang balikat ko. Hindi ko kaya na iwan kayo ng anak natin sa lugar na ‘yon ng kayong dalawa lang, pero alam kong hindi rin magiging maganda ang kalalabasan kung maiiwan ako kasama niyo sa baryo natin.

Walang nagsasalita sa ating dalawa ng ilang segundo hanggang sa naglakad ka patungo sa kabinet mo upang kunin ang mga damit mo.

Sa mga oras na ‘yon ay bigla akong nakahinga nang maluwag bago ko lumapit sa’yo para tulungan kita na maglagay ng mga damit mo sa bag, hindi ko alam kung napilitan ka lang ba ng mga oras na ‘yon, pero alin ko na lang ay makaalis muna tayo bago natin pag-usapan ang lahat.

Ilang minuto lang ay kumakatok na rin si Mutya sa bahay mo, dala-dala niya ang mga gamit ko, hinihingal siya habang pumapasok sa loob, wala pang isang minuto ay bumubusina na ang sasakyan ng tatay ni Joyjoy sa tapat ng bahay mo. Lumabas si Joyjoy sa loob ng sasakyan para tulungan tayong magbuhat ng mga gamit natin, umiiyak si Mutya habang pinapanuod tayo.

Niyakap ka ni Joyjoy habang paulit-ulit na sinasabi sa’yo na ilagay natin siya sa pangalan ng ninang ng magiging anak natin kahit anong mangyari, si Mutya naman ay wala pa rin tigil sa pag-iyak pero natatakot siyang lumapit sa’yo kaya’t ikaw na ang lumapit sa kanya para ibulong na kunin niya ang lahat ng naiwang kwintas mo sa loob ng bahay. Umiiling sa’yo si Mutya habang patuloy lang sa pag-iyak, halos hindi na siya makapagsalita sa sobrang lakas ng paghikbi niya, yumakap siya sa’yo habang sinasabi na gusto niyang makita ang pamangkin niya pero wala kang nagawa kundi tapikin na lang siya sa likod.

Naramdaman kong lumapit si Joyjoy sa akin para yakapin din ako kahit punong puno ng dugo ang damit at kamay ko. Wala siyang pakialam kahit nalagyan na rin ng dugo ang paborito niyang damit, pagkatapos niya akong yakapin ay binatukan niya ako nang malakas, wala akong reaksyon ng mga oras na ‘yon dahil wala na ako sa sarili ko, napahawak na lang ako sa batok ko at napatingin sa kanya. Ngumiti siya sa akin at tumawa pero ilang segundo lang ay napaiwas siya ng tingin nang bumagsak ang luha niya, mabilis niyang pinunasan ‘yon at tumalikod na sa akin. Hindi na siya nagsalita ulit, hindi na siya nagpaalam sa akin, hindi na rin ako nakapagpaalam sa kanya dahil hindi ko alam ang sasabihin ko. Ang alam ko lang ay masaya ako na naging kaibigan ko siya.

Dumating din sina Nanay at Tatay sa harap ng bahay mo, mabilis silang tumakbo at halos maubusan na sila ng hininga. May ilang mga nanunuod na sa atin noon pero lahat sila ay takot na pigilan tayo na umalis. Hindi pa tuluyang nakakalapit si Nanay sa akin ay bumabagsak na ang mga luha niya, hinawakan niya ang kamay kong punong puno ng dugo bago niya ‘yon hinalikan, at niyakap niya ako nang mabilis pagkatapos. Paulit-ulit na sinasabi na mag-iingat ako at mahal na mahal niya ako, sabi niya mahal ka rin daw niya at ang magiging apo niya, pero pagkatapos niyang sabihin lahat ng ‘yon ay nakiusap siya na huwag na daw tayong babalik.

Walang bumabagsak na luha sa akin kahit lahat ng taong nakapaligid sa atin nung mga oras na ‘yun ay umiiyak na, kahit si Tatay na hindi nagsasalita sa gilid ay namumula na rin ang mga mata, tinapik niya lang ang likod ko bago nila tayo tinulak nang mabilis sa loob ng pick up truck nang marinig nila ang mga papalapit na sasakyan.

Halos manikip ang dibdib ko nang mas lalong lumakas ang hagulgol nina Mutya at Joyjoy nang makita nila tayong sumakay, kitang kita ko sa gilid ng mata ko na napayakap si Joyjoy sa kapatid ko nang halos bumagsak ‘to sa kalsada sa sobrang lakas nang paghagulgol. Napapikit ako nang mariin para i-iwas ang tingin ko nang makita ko rin na napahampas si Tatay sa dibdib niya para pigilan ang pag-iyak niya habang si Nanay naman ay nakatalikod sa atin, natatakot na humarap at makita tayong umalis.

Naramdaman ko na lang na niyakap mo ako noon at isiniksik mo ako sa leeg mo para hindi ko na makita ang pag-iyak ng pamilya ko. Hindi ako umiiyak noon, walang lumalabas na luha sa mga mata ko, pero sobrang sikip ng dibdib ko, parang may pumiga sa puso ko lalo na nang marinig kong napahagulgol na rin si Tatay… si Tatay na kahit kailan ay hindi ko narinig na umiyak, noong araw lang na ‘yon. Iyon na ang una’t huling beses kong narinig siyang umiyak, noong pinaandar na ni Tito Marlon ang sasakyan papalayo.

Mas lalong humigpit ang yakap mo sa akin habang paulit-ulit mong hinahalikan ang noo ko.

Pinipilit kong huminga nang maayos dahil habang papalayo tayo nang papalayo sa lugar kung saan ako lumaki ay mas lalong lang sumisikip nang sumisikip ang paghinga ko.

Basang-basa ako nang pawis at punong puno ako ng dugo habang yakap-yakap mo ako, wala kang pakialam kahit punong puno ka na rin ng dugo sa buong katawan mo, patuloy mo lang akong hinahalikan hanggang sa hindi ko na namalayan na nakatulog na ako sa yakap mo.

Nagising ako na nasa Maynila na tayo, pinatuloy tayo ni Tito Marlon sa isang maliit na apartment, sabi niya ay magbihis muna tayo doon at itapon ‘yung damit nating puno ng dugo. Aniya ay doon muna tayo tumira hangga’t hindi tayo nakakahanap ng malilipatan, hindi kasi kaniya ‘yon, sa kakilala lang niya pero kinausap niya ang may ari upang patirahin muna tayo sa loob ng isang linggo.

Paulit-ulit akong yumuko sa kanya upang magpasalamat pero tinapik niya lang ang likod ko habang nagpapasalamat din siya sa akin sa lahat ng naitulong ko sa anak niya at sa asawa niya. Nakayuko lang ako nang inabutan niya rin tayo ng pera, hindi ako makatanggi dahil alam kong kailangan natin noon. Nang mapansin niyang nahihiya ako ay sinabi na lang niyang sweldo ko ‘yon sa lahat ng extrang trabaho na ginawa ko para sa pamilya nila. Paulit-ulit na lang akong nagpasalamat sa kanya nang tinanggap ko ang pera, ngumiti siya sa akin at umalis na.

Sabi niya ay iwan ko na lang daw ang susi ng apartment sa ilalim ng paso sa labas, pero huwag na daw nating sabihin kung saan tayo lilipat, dahil mas mabuti na daw na hindi niya alam dahil mas mahihirapan lang daw siyang itago sa pamilya ko kung saan tayo lumipat sa oras na magtanong ito, dahil naki-usap din daw kanina si Tatay sa kaniya na huwag na daw sabihin sa kanila kung saan tayo dadalhin dahil mas mahihirapan lang daw sila kapag alam nila kung nasaan tayo.

Natatakot na baka ilang araw lang ay hanapin agad nila tayo.

Nag-aalala ako sa pamilya ko na iniwan natin sa lugar na ‘yon, pero pinangako ni Tito Marlon sa akin na gagawin niya lahat upang hindi mapahamak ang pamilya ko. May tiwala ako kay Tito Marlon, alam kong ipagtatanggol niya at iingatan talaga niya ang pamilya ko, at alam ko rin na kaya niya ‘yon dahil may pera din siya katulad nila Carlos.

Nang maka-alis na si Tito ay humarap ako sa’yo.

Nakatingin ka lang sa akin habang nakahawak ka sa tiyan mo, ngumiti ka sa akin para i-assure na ayos ka lang, napahinga na lang ulit ako nang malalim bago ako lumapit sa’yo upang mayakap ka nang mahigpit.

Tatlong araw lang tayong nanirahan sa apartment na ‘yon bago ako nakahanap ng ibang malilipatan. Mas maliit ‘yung apartment na nakita ko, pero sobrang tago ng lugar na ‘yon. Kakaunti lang ang tao na nandoon, mayroon din silang maliit na pack doon sa lugar na nilipatan natin pero halos hindi nagpapansinan ang mga tao, mabuti na lang at tinanggap nila tayo.

Mas maganda nga ‘yon, hindi natin kailangan pa ulit mag-alala sa opinyon ng iba.

Ilang linggo akong naghahanap ng trabaho pero mukhang mahirap makahanap ng trabaho sa lugar na ‘yon, hindi rin naman ako nakapag-aral ng college kaya’t hindi ako nakahanap ng magandang trabaho sa malalaking lugar. Halos maubos na ang perang binigay ni Tito Marlon at perang inilagay ni Mutya sa bag ko. Mayroon pa namang pera sa’yo pero hindi na natin pwedeng gastusin ‘yon dahil para na sa anak natin ‘yon.

Inabot mo sa akin ang ilang mga alahas mo na nailagay mo pa sa bag mo bago tayo umalis, sabi mo ay ibenta ko ‘yon, pero hindi rin naman ganoon kalaki ‘yung nakuha ko nung naibenta ko lahat ng ‘yon. Parang aabot lang ‘yon para sa pagkain natin ng dalawang linggo.

Tuwing naalala ko ‘yung mga panahon na ‘yon ay naiisip ko na para akong nasa isang malaking bangungot. Gulong-gulo ako palagi at sobrang frustrated ko sa lahat ng bagay, hindi ko alam kung papaano ko kayo bubuhayin ng anak natin. Sa tuwing umuuwi ako galing sa paghahanap ng trabaho at naabutan kita sa bahay na sobrang frustrated din dahil hindi mo mailuto nang maayos ‘yung isda ay mas lalo lang bumibigat ang pakiramdam ko.

Gabi-gabi kong iniisip na nadamay pa kita sa katangahan ko.

Ang ganda-ganda ng buhay mo dati, ang komportable mo sa malaking bahay mo sa dati nating baryo, hindi mo kailangan matutong magluto do'n kaya’t hindi ka natatalansikan ng mantika sa dati mong buhay, kasi kayang-kaya mo namang bumili ng mga mamahaling pagkain doon, tapos sa isang iglap kinuha ko lahat ng ‘yon sa’yo at dinala kita sa lugar na kung saan wala naman tayong kasiguraduhan.

Hindi ko alam kung bakit walang bumabagsak na luha sa mga mata ko kahit ang bigat-bigat na sa pakiramdam, sa tuwing humihiga ako sa kama kasama mo ay mas lalo lang akong nakokonsensya dahil pinipilit nating magkasya na dalawa sa maliit na kama na ‘yon. Samantalang sa dati mong bahay ay sobrang laki ng kama mo, naka-aircon pa ang buong kwarto mo, hindi mo kailangan mainitan.

Napapapikit ako nang mariin sa tuwing pumapasok sa isip ko na lahat ng ‘yon ay pinagpalit mo para lang sa akin.

Sa tuwing makakatulog ka ay nanatili akong gising, iniisip ko palagi na iyon ang matagal ko nang kinakatakunan. ‘Yung hindi ko mahigitan ‘yung mga bagay na mayroon ka na.

Tang ina, hindi ko na nga maibigay, kinuha ko pa.

Ni hindi ko na nga magawang yakapin ka sa gabi dahil pakiramdam ko ay wala naman akong karapatang gawin ‘yon, hindi na rin kita magawang halikan kasi mas lalo lang akong nakokonsensya, minsan kahit tingnan ka hindi ko na magawa dahil nahihiya ako sa’yo.

Hanggang sa isang araw, umuwi ulit ako sa bahay, may uwi akong pagkain dahil sa wakas ay nakahanap na ako ng trabaho. Taga pag-serve sa isang club, medyo malaki ‘yung sweldo, ‘yun nga lang ay medyo delikado daw ang trabaho dahil tago ang club na ‘yon at puro politician at mayayamang tao ang pumupunta doon. Sabi naman sa akin ng may-ari, basta lang daw ay huwag makakalabas ang mga maririnig ko sa loob ng club na ‘yon ay tanggap na daw ako. Wala rin daw silang sagutin kapag napahamak ako sa loob.

Sobrang desperado ko na nung mga oras na ‘yon, medyo nasilaw din siguro ako sa laki ng sweldo kaya’t tinanggap ko na, tsaka na lang siguro ako lilipat ng trabaho kapag nakaipon na ako at nakapanganak ka na, pero noong mga oras na ‘yon. Iyon na lang talaga ang nakikita kong paraan para maka-survive tayo sa bago nating buhay.

Kaso pag-uwi ko nga ay naabutan kitang nakaupo sa harap ng kalan, hawak-hawak mo ang kaliwang kamay mo habang umiiyak ka, sobrang lakas ng pag-iyak mo, kaya’t halos bumagsak ang puso ko nang makita kitang nasa sahig. Sa sobrang takot at pagmamadali ko ay nabitawan ko na ang hawak kong pagkain upang magtungo sa’yo.

Napatingin ako sa kamay mo at nakita kong nadampian ka ng mantika, hindi naman sobrang laki noon pero alam kong sobrang sakit. Hindi ko alam ang gagawin ko, parang mas lalo lang nadudurog ‘yung puso ko dahil sa lakas ng pag-iyak mo, tinulungan kitang tumayo at pinaupo kita sa upuan. Pumunta akong banyo upang kumuha ng toothpaste pero napatigil ako nang makita kong nakatulala ka lang, may luha pa ring bumabagsak sa mga mata mo, at halatang wala ka sa sarili mo.

Doon ko lang napansin na bahagyang namayat ka, magulo ang buhok mo, at puro sugat ang kamay mo. Gwapo at maganda ka pa rin, Viel. Kahit na wala namang nagbago sa ganda mo ay iniisip ko pa rin ng mga oras na ‘yon na kasalanan ko kung bakit napabayaan mo ‘yung sarili mo, at kung bakit nagkasugat-sugat ‘yung mga kamay mo.

Napakagat ako sa labi ko bago ako naglakad patungo sa’yo habang pinipigilan ko ang paninikip ng dibdib ko. Lumuhod ako sa harapan mo para hawakan ang kamay mo na puro paso ng mantika at hiwa ng kutsilyo.

Kahit sobrang bigat ng pakiramdam ko noon ay dahan-dahan kong nilagyan ng toothpaste ang paso mo ng mantika. Bahagya kang nagulat sa sakit noon kaya napatigil ako, pag-angat ko ng tingin sa’yo at nakita kong nakatulala ka pa rin. Nanginginig ang kamay ko nang tinuloy ko ang paglalagay ng toothpaste sa paso mo, kagat-kagat ko ang labi ko para pigilan ang nararamdaman ko.

Sobrang nagsisisi ako na noong araw na ‘yon ko lang napansin ‘yung kalagayan mo dahil sa sobrang pag-iisip ko ng ibang bagay, puro ako pag-iisip sa kung saan ako makakahanap ng trabaho. Mas inuuna ko pa ngang sisihin ang sarili ko at makonsensya sa lahat ng ginawa ko sa’yo kaysa sa isipin ka. Hindi ko na namalayan na ibang bagay na pala ang inuuna ko at hindi na ikaw.

Oo, ikaw ang dahilan ng lahat ng bagay na ginagawa at iniisip ko noon, pero mismong ikaw ang nakalimutan ko.

Nang matapos kong lagyan ng toothpaste ang paso mo noon ay nanatili akong nakaluhod sa harapan mo habang maingat na hinahawakan ang kamay mo. Kinuha ko ‘yon ay inilagay ko ang kamay mo sa pisngi ko. Napalingon ka sa akin kaya naman hinalikan ko ‘yon habang nakikiusap sa’yo na huwag ka na ulit magluto, ako nang bahala magluto sa ating dalawa, ako nang bahala sa lahat, pinangako ko sa’yo na kahit anong mangyari hindi na ulit kita pababayaan.

Hindi ka nagsalita, mas lalo lang bumagsak ang luha mo habang nakatingin ka sa akin. Sinubukan kong punasan ang luha mo pero umiwas ka ng tingin sa akin, inalis mo ang kamay mo sa pagkakahawak ko sa’yo bago ka naglakad nang mabilis patungo sa banyo. Isinarado mo ang pinto kaya kahit sinundan kita ay hindi ako nakapasok.

Kinatok kita sa banyo, hindi ka sumasagot, pero rinig na rinig ko kung papaano mo pigilan ang paghikbi mo. Kahit hindi kita nakikita ay alam kong hawak-hawak mo ang bibig mo para hindi ko marinig ang pag-iyak mo. Napapikit na lang ako nang mariin habang nakasandal ang noo ko sa pinto ng banyo, nakikiusap na pagbuksan mo ako ng pinto, pero hindi ka lumalabas.

Inabot tayo ng halos isang oras noon bago ka tuluyang lumabas ng banyo, namumugto ang mga mata mo pero umarte ka lang na parang walang nangyari. Dumiretso ka lang sa kusina at tinuloy mo ang pagluluto mo, hindi ko alam kung anong gagawin ko ng mga oras na ‘yon, para na akong nababaliw.

Hindi ka nagsasalita habang inihahanda mo ‘yung pagkain natin, halatang pinipigilan mo pa rin ‘yung pag-iyak mo. Hindi ko alam kung papaano ka kakausapin, kaya naman kinuha ko na lang sa sahig ang pagkain na naibagsak ko kanina, mabuti na lang at hindi sumabog ‘yon, tinulungan kita sa paghahain ng pagkain. Nang maupo ka sa harapan ko ay buong akala ko ay hindi mo na ako kakausapin.

Kaya’t nagulat ako nung kinamusta mo ako katulad ng lagi mong ginagawa sa tuwing umuuwi ako. Kaya naman nagkwento ako sa’yo katulad ng palagi kong ginagawa, kinuwento ko sa’yo na natanggap na ako sa trabaho, kinuwento ko rin sa’yo kung anong trabaho ang nakuha ko, kitang kita ko kung papaano ka huminto sa pagsubo ng pagkain noon nang marinig mo kung saan ako nagtatrabaho.

Ilang segundo kang hindi nagsasalita kaya naman kinabahan na ako, pero ibinaba mo ang kutsara mo at tinanong mo ako kung may mga omega ba sa club na pinagtatrabahuhan ko, hindi ako nakasagot agad dahil hindi ko alam kung anong ibig mong sabihin, hanggang sa inulit mo ang tanong mo, tinanong mo ako kung may mga prostitute ba sa lugar na ‘yon.

Tumango ako dahil mayroon naman talaga at ayoko namang magsinungaling sa’yo, nakita kong huminga ka nang malalim bago ka muling sumubo ng pagkain, hindi ka na nagsalita ulit kaya natakot na ako. Sinabi ko agad sa’yo na kung ayaw mong matrabaho ako sa ganoong lugar ay mag-re-resign agad ako. Maghahanap na lang ulit ako ng ibang trabaho, pero nagulat akong nang ngumiti ka sa akin at umiling.

Sabi mo ay ayos lang, hindi ako nakakibo agad dahil hindi ko alam kung ayos lang ba talaga sa’yo o sinasabi mo lang na ayos lang pero ayaw mo naman talaga.

Noong gabing ‘yon ay sinubukan kitang yakapin, pero lumayo ka sa akin.

Kaya naman nagulat ako nang mauna kang magising sa akin kinabukasan noon, paglabas ko ng kwarto ay nakita kong may pandesal sa lamesa, hindi ko alam na lumabas ka ng bahay para bumili. Ang alam ko kasi ay ayaw mong lumabas ng bahay, palagi ka lang nagtatago, ni ayaw mong magpakita sa mga kapitbahay natin kaya naman nagulat ako nang nakabili ka ng pandesal.

Nang makita mo akong nagising ay agad kang nagtatakbo papalapit sa akin para yakapin ako, nagulat na lang din ako nang hinalikan mo ang labi ko, medyo nahihiya pa ako kasi kakagising ko lang pero ikaw ay nakaligo na agad. Pagkatapos mo akong halikan ay inaya mo na akong kumain. Naupo ako sa upuan at inabutan mo ako ng bagong timplang kape, hindi ko alam kung anong nangyayari pero lumapit ako sa’yo para halikan ka sa pisngi bago ako magpasalamat, ngumiti ka lang sa akin at naupo ka sa hita ko.

Nagulat ako dahil noon mo lang ginawa ‘yon, kahit medyo naguguluhan ako ay sinamantala ko na ang pagkakataon para yakapin ka, nagulat na lang ulit ako nang nilagyan mo ng butter ang pandesal at inabot mo sa akin ‘yon, hindi agad ako nakapag-react kaya naman sinubo mo sa akin ‘yon.

Buong umaga ay nakahawak lang ako sa baywang mo habang kumakain tayo ng agahan, hindi ka umiinom ng kape dahil bawal sa’yo kaya naman inaabot mo na lang sa akin ‘yon, parang ayoko na ngang pumasok ng mga oras na ‘yon, gusto ko na lang manatiling nakayakap sa’yo, kaso hindi naman pwede ‘yon, kailangan nating magbayad ng upa sa apartment at kailangan din nating kumain. Magpapa-check up ka pa sa isang linggo kaya kailangan ko na talagang magtrabaho, pagkatapos kong maligo noong araw na ‘yon ay lumapit ka pa sa akin para tulungan akong magbihis, natatawa ako sa’yo kasi para namang opisina ang pinagtatrabahuhan ko habang tinutulungan mo akong magsarado ng butones ng polo ko.

Hindi ko tuloy mapigilan na humalik sa’yo, nakita ko ang gulat mo nang hinalikan kita ulit, hindi ko na matandaan kung kailan ko huling ginawa sa’yo ‘yon, namiss ko bigla na halikan ka. Akala ko ay magagalit ka sa akin pero pagkatapos kitang halikan ay ikaw naman ang lumapit sa akin para halikan ako, muntik na akong ma-late ng araw na ‘yon dahil ilang minuto tayong hindi tumigil, mabuti na lang at nag-alarm ako kaya’t nang tumunog ‘yon ay nagpaalam na ako sa’yo.

Hinatid mo ako hanggang sa pintuan, sobrang cute mo nung araw na ‘yon, kaya umisang halik pa ulit ako bago tuluyang magpaalam.

Maayos naman ang naging trabaho ko nung gabing ‘yon, mababait naman ang mga kasama ko sa trabaho pati ang amo ko, may ilan nga lang mga customer na medyo bastos, parang ang baba ng tingin nila sa mga nagtatrabaho, pero may ilan din namang mga babait at galante, ang dami ko ngang nakuhang tip kahit ginagawa ko lang naman ang trabaho ko.

Sumatutal ay hindi naman ganoon kahirap, mag-se-serve lang ako sa mga mayayamang nag-iinuman, minsan ay may nakikita akong ibang bagay na hindi ko dapat makita kapag pumapasok ako sa loob ng VIP room para mag-serve. May iilan nga lang din akong naririnig sa mga katrabaho ko na nag-uusap usap kapag may nakikita silang politician o artistang pumapasok sa loob ng club namin, hindi naman ako nakaka-relate sa mga kwentuhan nila dahil wala naman tayong TV noon, kaya ‘di ko kilala ang mga pinag-uusapan nila.

Madami akong nakuhang tip nung araw na ‘yon, sabi ng ilang mga katrabaho ko ay ganoon daw talaga, normal lang ‘yon, mayayaman daw kasi talaga ang mga customer doon kaya’t halos nagtatapon lang sila ng pera sa club gabi-gabi. Kaya sobrang excited ko noong umuwi akong sobrang dami kong uwing pagkain para sa’yo. Nang kumatok ako sa pinto ng apartment natin ay hindi mo agad binuksan, kaya’t kinuha ko ang isa pang susi sa bulsa ko, pagbukas ko ng pinto ay hindi kita nakita sa kusina kung saan kita laging naabutan, kaya naman napakunot ang noo ko bago dahan-dahang ibinaba ang mga uwing pagkain ko sa lamesa.

Aaminin ko, kinakabahan na ako ng mga oras na ‘yon. Nakapatay kasi ang ilaw sa salas kaya’t nagmamadali akong naglakad patungo sa kwarto, pagbukas ko ng pinto ay halos malaglag ang puso ko.

Nakita kitang nakaupo sa isang upuan habang nakaharap ka sa salamin. Napatigil ka sa paglalagay ng lip gloss sa labi mo nang bigla akong pumasok sa loob ng kwarto habang hinihingal. Nagtataka ka nang makita mong halos mamutla ang mukha ko habang nakatingin sa’yo. Tinanong mo ako kung bakit ako mukhang nakakita ng multo, hindi ko lang masabi sa’yo na buong akala ko ay iniwan mo na ako.

Halos manlambot ang tuhod ko pagkatapos kitang makita. Napahawak na lang ako sa pintuan habang ibinababa ko ang bag ko sa sahig. Isinarado mo ang lip gloss mo bago ka naglakad patungo sa akin, halos mahilo ako sa sobrang bango mo, samantalang ako amoy alak pa yata ako dahil puro alak ang nakapaligid sa akin noong araw na ‘yon.

Agad akong lumapit din sa’yo para salubungin ka, ipinalupot mo agad ang kamay mo sa leeg ko kaya’t napahawak ako sa baywang mo, ngumiti ka sa akin at hinalikan mo ako sa labi ko, tsaka mo kinamusta ulit ‘yung araw ko.

Sobrang bilis pa rin ng tibok ng puso ko habang nagkukwento ako sa’yo ng mga nangyari sa akin noong araw na ‘yon, pilit kong inaalis sa isip ko na naghinala akong iiwan mo ako, mabuti na lang ay na-distract agad ako dahil sobrang ganda mo nung araw na ‘yon. Palagi ka namang maganda, pero hindi ko alam kung bakit nag-ayos ka nung araw na ‘yon, naka-make up ka pa at mukhang bagong ligo ka ulit, bukod sa natural scent mo ay naglagay ka pa ng pabango kaya’t hindi ko na napigilan ang halikan ka habang nagkukwento ako, halos panggigilan ko na nga ‘yung labi mo habang hinahalikan kita.

Titigil na sana ako para ayain ka nang kumain pero naramdaman kong binubuksan mo na ang butones ng polo ko na isinarado mo ng umaga nung araw din na ‘yon. Hindi ka tumigil sa paghalik sa akin kahit huminto na ako, patuloy ka sa pagtanggal ng damit ko kaya naman hindi na ako nakapagsalita. Tumigil ka lang sa paghalik sa akin nang umurong ka para mahubad mo rin ‘yung damit mo.

Napakurap na lang ako nang makita kong mukhang plinano mo na. Nahihiya na lang akong napakamot sa ulo ko habang pinapanuod kang maghubad sa harapan ko, hinalikan mo ulit ako sa labi habang hinihila mo ako patungo sa kama. Nakangiti ka sa akin habang malambing mong tinatanong sa akin kung ayos lang ba?

Sino ba naman ako para tumanggi sa’yo?

Late na tuloy tayong nakakain ng hapunan, pati pagtulog natin ay medyo na-late na rin dahil pagkatapos kong maligo ay inaya mo agad ulit ako sa kwarto.

Sobrang bait mo nung gabi na ‘yon, alam ko naman na mabait ka talaga, pero iba kasi talaga noong gabi na ‘yon para bang kahit anong sabihin ko sa’yo ay susundin mo. Hindi ka nga nagdalawang isip noong tinanong kita kung kaya mo pa ba ng isa pa, ngumiti ka lang sa akin at tumango bago mo binuka ulit ‘yung mga hita mo.

Akala ko noong araw lang na ‘yon mangyayari ‘yon kasi first day ng trabaho ko, pero nagulat na lang ako ng mga sumunod na araw ay palagi kitang naabutan sa bahay na naka-ayos, palagi kang bagong ligo at naka-make up. Sinasalubong mo ako palagi ng halik at yakap. Hindi ka na nagluluto ng pagkain kasi nag-uuwi naman ako palagi o hindi naman kaya ay nagluluto na lang ako kahit galing ako sa trabaho. Gumagaling na rin ‘yung mga sugat mo sa kamay.

Noong mga araw na ‘yun, palagi akong excited umuwi, paano ba naman kasi nakangiti kang sumasalubong sa akin palagi, hinihila mo agad ako sa loob ng kwarto, hindi ko na kailangan pang sabihin sa’yo dahil ikaw na mismo naghuhubad ng damit mo. Tinatanggap mo lang lahat ng binibigay ko. Nagrereklamo ka lang kapag binabagalan ko.

Hindi lang sa gabi nangyayari ‘yon, kahit bago ako umalis ng bahay, minsan ay sinusundan mo pa ako sa loob ng banyo sa tuwing maliligo ako bago pumasok, tapos minsan naman ay nakaluhod ka pa rin sa harapan ko kahit nakabihis na ako ng pamasok ko. Hawak-hawak ko pa rin ang buhok mo at tinatanggap mo lang talaga lahat. Wala kang pakialam kahit madumihan agad kita kahit kakaligo mo lang, wala ka rin pakialam kahit masira ko ‘yung make up mo na halos isang oras mong inilalagay, wala ka rin pakialam kahit may ginagawa ka, basta kapag hinalikan kita pinagbibigyan mo agad ako, hindi ko na kailangan pang magtanong, hinahanda mo na agad ang sarili mo.

Masaya siya noong una, pero habang tumatagal kasi lumalaki na rin ang tiyan mo, Viel. Hindi ka na pwedeng masyadong gumalaw, hindi ka na pwedeng lumuhod-luhod at hindi rin naman ako papayag na hayaan ‘yon. Nawala nga ang mga sugat mo sa kamay pero nagkapasa ka naman sa tuhod mo.

Kahit maingat naman ako palagi sa’yo pero natatakot pa rin ako na may mangyaring masama sa inyo ng anak natin. Sabi pa naman ng doctor nung nagpa-check up tayo ay huwag kang hayaan na masyadong magpagod.

Kaya naman may isang gabi akong tumanggi sa’yo kahit tinatanggal mo na ang butones ng pantalon ko. Nakita ko ang gulat sa mata mo nang makita mong tumanggi ako, pero hinalikan naman agad kita sa labi at inaya kitang kumain ng hapunan. Hindi ka kumibo agad noong hinawakan ko ang kamay mo para dalhin ka sa kusina, nakatingin ka lang sa akin, pero hindi ko mabasa ‘yung ekspresyon ng mukha mo.

Hindi ka nagsasalita habang kumakain tayo kaya naman ako na ang nagsimulang mangamusta. Kinamusta kita sa araw mo, sumagot ka naman, sabi mo ay nagbasa ka ng libro na binili ko para sa’yo, tinanong kita kung gusto mo bang bumili ako ng TV para malibang ka sa bahay pero mabilis kang umiling sa akin, kahit cellphone ay ayaw mo kaya naman wala na akong nagawa kundi mga libro na lang ang bilhin.

Maayos naman ang pag-uusap natin nung gabi, hindi ka naman mukhang nagalit pero medyo matamlay ka lang noong gabi na ‘yon. Niyakap mo pa rin naman ako pabalik noong natutulog tayo, kaya nagulat ako noong kinabukasan noon at umuwi ako sa bahay na mas makapal ang suot mong make-up, mas maganda rin ang suot mong damit kumpara nung mga nakakaraan na pambahay lang ang sinusuot mo. Sinalubong mo ulit ako ng nakangiti, pero nang hinalikan mo ako ay hindi lang simpleng peck ang binigay mo sa akin, hinalikan mo agad ako nang malalim at ipinasok mo agad ang dila mo sa bibig ko.

Pero sabi ko naman kasi sa’yo, medyo malakas din ang pagpipigil ko sa katawan kaya naman nang humiwalay ka ng yakap sa akin ay hinawakan agad kita sa baywang, bago kita mabilis na hinalikan sa labi at tsaka ako naglakad nang mabilis patungo sa kusina para ilapag ulit ang mga pagkain na binili ko para sa atin, nagkukwento ako sa’yo agad ng nangyari sa araw na ‘yon kahit hindi ka pa nagtatanong pero napatigil ako nang makita kong wala ka nang suot.

Bahagya akong napanganga habang pinagmamasdan kita simula ulo hanggang paa, malambing kang ngumiti sa akin habang pinapalupot mo ang kamay mo sa leeg ko, napakagat na lang ako sa labi ko habang pinipilit ko pang pigilan ang sarili ko pero nang dinilaan mo ang labi ko ay alam ko nang hawak mo na naman ako sa mga kamay mo.

Dinala kita sa kwarto kasi ayoko na ngang pahirapan ka, hindi na ako papayag na nakatayo ka lang o nakaluhod. Dahan-dahan kitang inihiga sa kama noon, pinapanuod mo lang ako at para bang nagtataka ka na sobrang ingat ko sa’yo.

Nang hinalikan kita sa labi ay binalik mo rin naman agad ang halik ko, naka-ilang ulit yata ako ng tanong sa’yo kung masakit ba habang pinapasok ko sa’yo. Sinisigurado kong hindi ka masasaktan kaya naman nagulat ako nang bigla kang umiyak.

Nag-panic agad ako dahil baka nasaktan kita, hindi ko alam kung huhugutin ko ba kasi papaano kung mas masaktan ka? Para akong naging bato sa pwesto ko, hindi ako nakagalaw habang tinatanong kita kung sobrang sakit ba, pero hindi ka sumasagot, tinakpan mo lang ang mukha mo at umiiyak ka lang nang malakas.

Marahan kong inaalis ang pagkakatakip ng kamay mo para makita ko ang mukha mo, inalis mo naman ‘yon pero hindi ka makatingin sa akin. Hindi na natin naituloy nung gabing ‘yon dahil pagkatapos nating kumain ay pinatulog na agad kita.

Balak sana kitang kausapin na tungkol sa mga nangyayari sa atin noong mga panahon na ‘yon. Hindi ko alam pero parang may mali kasi, Viel. Hindi ko lang napansin agad dahil sobrang saya ko nung mga naunang araw, hindi ko tuloy alam kung talaga bang masaya ka rin nung mga araw na ‘yon, lahat kasi ng pangarap ko noon sa ating dalawa ay parang unti-unti kong nagagawa kaya hindi ko na napapansin kung kamusta ka na ba?

Palaging ikaw ang nagtatanong sa akin pero nakakalimutan ko minsan na tanungin ka.

Pero ang hirap din naman kasi, Viel.

Parang palagi na lang akong nanghuhula sa’yo, sa tuwing tinatanong naman kita hindi mo naman ako sinasagot.

Minsan pakiramdam ko, hindi ko kilala ‘yung taong kasama ko sa bahay.

Aaminin ko, dumating ako sa punto na iniisip ko na kung anong klaseng buhay ba ang mayroon ka bago ka lumipat sa dati nating baryo? Bumabalik kasi sa akin lahat ng sinabi ni Carlos noon, hindi ko alam kung bakit pero napapaisip na ako kung bakit ka niya nakilala sa TV.

Dumating na rin ako sa puntong gusto kong malaman ‘yung nakaraan mo, sinubukan kong magtanong sa mga ka-trabaho ko kung may kilala ba silang Haviel Alonzo, pero wala silang kilala.

Sabi nila ay i-search ko daw ang pangalan mo sa internet, tumanggi ako sa kanila dahil ayoko namang dumating sa punto na uungkatin ko pa ang nakaraan mo, kahit tumanggi ako sa kanila ay sila na mismo ang gumawa noon para sa akin, nag-search sila sa cellphone nila pero wala namang Haviel Alonzo na lumabas. Mayroon man ay ibang tao ang lumalabas.

Hindi ko tuloy alam kung totoo ba lahat ng sinabi ni Carlos noon, para akong mababaliw tuwing iniisip ko kung ano bang mayroon sa’yo.

Noong pumunta tayo ulit sa ospital para sa check up mo ay naka-cap ka ulit at nakasalamin, halos hindi na rin makita ang mukha mo dahil sa suot mong facemask. Tinanong kita kung hindi ka ba naiinitan sa suot mo, sabi mo ay nag-iingat ka lang kaya ka nag-facemask dahil buntis ka at sa ospital tayo pupunta.

Hindi ko pinapansin ‘yon noon pero kahit bibili ka lang ng pandesal ay nagtatago ka, Viel.

Hindi ka lumalabas ng bahay na kita ang mukha mo.

Sabi ko pa noon, mas okay ‘yon kasi matatago kita, walang susubok na manligaw ulit sa’yo kapag nakita ka nila, lalo na at hindi naman kita markado, kaya medyo takot pa rin ako na maagaw ka sa akin, mukhang wala ka pa rin kasing balak na makipag-mate sa akin dahil iniiwasan mo rin ang usapan na ‘yon.

Gusto ko sanang magtanong pa tungkol sa pagtatago mo sa mga publikong lugar pero napansin kong umiiwas ka sa tuwing nababanggit ko. Pakiramdam ko tuloy ay nagkaka-ilangan tayong dalawa sa isang beses na check up mo, kahit yata ang doktor ay nahahalatang hindi tayo okay noon dahil sobrang tahimik nating dalawa kahit ang dami niyang sinasabi sa atin.

Noong naglalakad na tayo patungo sa sakayan ng tricycle pauwi ay hindi ka pa rin nagsasalita, hanggang sa napadaan tayo sa isang kainan na may kulay pulang bubuyog na nakangiti sa harapan, hindi ka pa rin nagsasalita pero nakita kong napalingon ka.

Inaya kitang kumain doon pero tumanggi ka, sabi mo ay umuwi na lang tayo at sa bahay na lang kumain. Tinanong kita kung gusto mong bumili na lang ng pagkain doon pero umiling ka lang ulit kahit alam kong gustong gusto mo noon, panay kasi ang padyak ng paa mo. Kabisado na kita, alam ko kapag gusto mo ang isang pagkain, panay ang galaw ng paa mo kahit hindi mo sinasadya.

Kaya naman kahit ilang beses kang tumanggi ay pumasok ako sa loob, hindi ka sumunod sa akin, hindi ko alam kung bakit ayaw mong pumasok sa loob, siguro ay dahil masyadong maraming tao. Tumalikod ka lang sa gilid ng pintuan at para bang nagtatago, bumili ako ng mga pagkain sa loob, tutal ay day off ko naman at madami akong naging tip kagabi sa customer sa club kaya bumili na ako ng marami.

Sabi mo ay hindi mo gusto, pero nasa tricycle pa lang tayo ay kumain ka na agad ng burger. Hindi mo na nga inintindi kahit nakatanggal na ang facemask mo. Panay ang kislot pa ng paa mo habang kumakain kaya naman hindi ko maiwasang hindi mapangiti habang pinagmamasdan ka. Wala pa tayo sa gitna ng byahe ay nakaisa ka na agad na burger, nang kumuha ka ulit ng isa pa ay pinaamoy mo pa sa akin ‘yon, akala ko nga ay sinusubuan mo ako pero noong kakagat na sana ako ay bigla mong binawi, tsaka mo sinabi na kumuha ako ng sa akin.

Natawa na lang ako sa’yo.

Noon ko napagtanto na baka nga hindi ko kilala ‘yung dating ikaw, hindi ko kilala ‘yung Haviel noon, pero kilala ko ‘yung Haviel na kasama ko sa bahay.

Kilala ko ‘yung Haviel ko.

Kilala kita, Viel.

Kaya kinalimutan ko na lahat ng pumapasok sa isip ko noon at pinagtuunan ko na lang ng pansin ang Haviel na kasama ko.

‘Yung Haviel na laging kumikislot ang paa kapag gusto niya ‘yung kinakain niya, ‘yung Haviel na umiiyak palagi sa mga librong binabasa niya, ‘yung Haviel na gustong-gusto kapag kinakagat ko ‘yung labi niya bago ako umalis ng bahay, ‘yung Haviel na palaging masayang naghihintay, ‘yung Haviel na palaging nakangiti sa tuwing sinasalubong ako sa pag-uwi ko galing trabaho, ‘yung Haviel na hindi nakakatulog kapag hindi nakasiksik ‘yung mukha niya sa dibdib ko.

‘Yung Haviel na kasama ko nung mga oras na ‘yon.

Sinubukan kong mas kilalanin ka pa, sa tuwing umaga ay sinisigurado kong kinakamusta ka palagi, tinatanong ko kung anong plano mo sa araw na ‘yun. Sa gabi naman ay sinisigurado kong alam ko pa rin lahat ng ginawa mo buong araw, hindi ko alam kung paano mo natitiis magkulong lang sa loob ng apartment natin na ikaw lang mag-isa, natatakot ako na baka na-bo-bored ka na dahil paulit-ulit lang ang ginagawa mo araw-araw.

Kaya tuwing day off ay inaaya kita palagi na lumabas ng bahay, madalas ay tumatanggi ka sa akin, kaya lang tayo nakakaalis ng bahay kapag may check up ka, hindi ka rin sumasama sa akin tuwing bumibili ako ng groceries. Kaya naman nang minsang mapapayag kita na kumain sa labas ay sobrang saya ko, nagulat nga lang ako na hindi mo ako inaya sa normal na kainan dahil sa perya mo ako inaya. Mga street foods lang naman ang kinain natin doon pero napansin kong medyo hawig ‘yung perya sa moon festival natin sa baryo, ang kaibahan lang ay mas maraming umiikot na sasakyan sa perya kay sa moon festival sa baryo. Ayoko rin naman na ayain kang sumakay doon dahil iniisip ko kayo ng anak natin.

Doon na lang tuloy kita pinasakay sa umiikot na kabayo, hindi na ako umupo sa kabayo, tumayo na lang ako sa gilid mo dahil inaalalayan kita, natatakot ako na baka bumagsak ka. Kahit naka-cap, shades, at facemask ka ay alam kong nakangiti ka sa loob kaya naman hindi ko rin maiwasang mapangiti.

Noong inaya mo akong maglaro ay agad kitang dinala sa color game, buti na lang ay may ganoon sa baryo kaya alam ko kung paano ang sistema noon. Nakailang taya ako ng pera at palagi akong tumatama kaya naman dumadami lang nang dumadami ang napapalanunan ko, nakuha ko na ang isang set ng baso at mga pinggan, pati ang tabo, kawali, at wall clock ay nakuha ko na rin. Naiinis na nga ‘yung nagpapalaro dahil bawat bagsak ng tatlong box ay palaging tumatama ang tinayaan kong kulay.

Tawa ka lang nang tawa sa tabi ko habang mayabang akong nakangiti at pasimpleng inaangasan ang mga kalaro natin sa tuwing tumatama tayo. Masama na tuloy ang loob ng nagpapalaro noon kasi kahit pati ang grand prize na maliit na sewing machine ay nakuha na rin natin.

Kahit nakasakay na ulit tayo sa loob ng tricycle pauwi ay tawa ka pa rin nang tawa tuwing naalala mo ‘yung itsura nung nagpapalaro noong bumagsak ang tatlong kulay asul na tinayaan ko. Sabi ko pa sa’yo ay paglaki ng anak natin, dadalhin ko rin sa perya tsaka ko tuturuan kung papaano mag-color game.

Kunwari ka pang nagalit noong pinipilit kita na pumayag, pero sa huli ay napapayag din kita, ang sabi mo ay ayos lang basta dapat maging katulad ko ‘yung anak natin, dapat lagi niya rin mai-uuwi ‘yung grand prize.

Napatigil ako noon habang nakatingin sa’yo, patuloy ka pa rin sa pagtawa habang tinitingnan mo ang kawali na napanalunan natin pero wala na ako sa sarili ko noon, dahil pinipigilan ko ang sarili kong ngumiti mag-isa.

Paano ba naman kasi, noon mo lang sinabing anak natin ‘yung batang dinadala mo.

Kung alam mo lang kung gaano ako kasaya nung mga panahon na ‘yon, sa tuwing nakikita kong unti-unting lumalaki ‘yung tiyan mo, pati na sa tuwing nakikita kong nagtatahi ka ng mga damit ng bata gamit ang sewing machine na napanalunan natin. Unti-unti ay napapansin kong ina-acknowledge mo na ‘yung presence ng bata, hindi katulad dati noong mga unang lipat pa lang natin na halos umiiwas ka sa tuwing napag-uusapan natin ‘yung pagbubuntis mo.

Dati nga ay natatakot ako na baka napipilitan ka lang pala na sumama sa akin dahil nabuntis kita, pero ngayon ay sobrang excited mo tuwing pinapakita mo sa akin ‘yung mga maliliit na damit na ginawa mo, gumawa ka rin ng maliit na laruan na isinabit mo sa taas ng kuna na ginawa ko para sa anak natin. Sobrang saya ko rin kasi may bago ka ng napaglilibangan sa loob ng bahay, mukhang nag-e-enjoy ka naman sa ginawa mo.

Sa tuwing inuuwian kita ng mga bagong gamit sa pananahi o mga pagkain galing sa Jollibee para sa paglilihi mo ay agad mo akong niyayakap at hinahalikan. Nagugulat na lang ako kasi kada may ginagawa ako o binibigay para sa’yo ay nakahubad ka na agad, natatawa lang din ako sa’yo sa tuwing hinihila mo ako sa kama kahit medyo nahihiya ka na sa akin. Hindi ko nga alam bakit ka nahihiya at bakit tinatakpan mo ang mukha mo, sabi mo ay dahil tumataba ka na pero tang ina, Viel.

Ikaw pa rin ang pinakamaganda sa lahat.

Hindi ko lang sinasabi ‘yon dahil boyfriend kita noon.

Pero ikaw talaga ang pinakamagandang omega— o tao. Ikaw ang pinakamagandang tao na nakita ko sa tanang buhay ko, at paniguradong hindi lang ako ang nagsasabi at magsasabi noon kapag nakita ka nila.

Kaya naman sa tuwing nakakatapos tayo, pagkatapos kitang linisan at palitan ng damit ay niyayakap agad kita nang mahigpit habang paulit-ulit kong sinasabi sa’yo kung gaano ka kaganda, minsan ay nililibang na lang din kita sa mga kwento ko para makatulog ka na agad at hindi ka na mag-isip ulit ng mga kung anu-anong bagay.

Pinagkukwentuhanan natin madalas ‘yung mga plano nating pangalan sa anak natin lalo na nung nalaman nating lalaki siya, kahit madalas ay pinagtatalunan lang naman natin kung anong magiging pangalan niya. Pinagpipilitan mo kasi ‘yung pangalan na Christian, eh ayoko nga noon kasi kapangalan nung kaklase kong nanunusok ng lapis nung elementary, kaya mas gusto ko ng Paolo pero ayaw mo naman noon dahil kapangalan ng namatay na character sa binasa mong libro.

Minsan nga ay natanong kita kung gusto mo pa ba na bigyan natin ng kapatid si Paopao kapag naipanganak na siya, sabi mo ay ayaw mo na ulit na magbuntis, okay na sa’yo ‘yung isa at mag-alaga na lang kamo tayo ng aso’t pusa. Pumayag naman agad ako dahil mahirap din magpaaral ng maraming bata, kaya tinanong na lang kita kung ilang aso at pusa ang gusto mo. Sabi mo ay tig-isa lang din, sumang-ayon naman agad ako dahil mahal na din ang pagkain ng aso’t pusa. Sabi mo pa gusto mo rin ng kulay puting aso at kulay itim na pusa, sobrang specific ng gusto mo, pinangalanan mo na rin sila kahit wala pa naman sila, plano pa lang, pero kinuha mo agad ‘yung pangalan nila sa mga kape na tinitimpla mo sa akin, kaya natatawa ako habang pinapakinggan kita.

Minsan naman ay nagbibiruan lang tayo kagaya ng sana ay huwag makamukha ni Jollibee ang anak natin dahil sobra na ‘yung paglilihi mo sa kanya. Minsan nga ay nagseselos na ako kasi minsan ay mas gusto mo pang makita ang mukha ni Jollibee kaysa sa mukha ko. Tinatawanan mo lang ako sa tuwing para akong batang nagseselos kapag tinatapon ko ‘yung mga packaging na may mukha ni Jollibee, tsaka ayoko din talaga makamukha ni Jollibee ‘yung anak natin. Sino namang may gusto noon?

Ang daming pwede mong paglihihan, nandito naman ako? Pwede namang ako na lang? Bakit ‘yung bubuyog pa na ‘yon?

Kahit mukha akong tanga kapag nagseselos ako ay ayos lang dahil nakikita ko namang tumatawa ka.

Unti-unti nang nawawala sa isip ko ‘yung ideya na baka napilitan ka lang kaya ka sumama sa akin, pero baka nga mapilit talaga ako? Mahal kasi ang tawag ko sa’yo noon, at palagi kitang pinipilit na tawagin mo rin akong mahal pero tinatawanan mo lang ako, hanggang sa isang gabi, noong antok na antok ka na at inutusan mo akong patayin ang ilaw ay aksidente mo akong natawag na mahal.

Kinabukasan noon ay hindi ka nakatakas sa pang-aasar ko, buong araw kong pinapaalala sa’yo na tinawag mo akong mahal kahit palagi mong dine-deny na sinabi mo ‘yon, hanggang sa nasanay ka na lang din na tawagin akong mahal.

Palaging ganoon ang mga usapan natin, mga nangyari sa atin sa araw-araw o mga plano natin sa mga susunod na araw, lalo na sa tuwing nakayakap ka sa akin habang nakahiga tayong dalawa sa kama, nakaunan ka sa braso ko at pinaglalaruan ko naman ang daliri mo habang pinag-uusapan natin ‘yung mga may kwenta at walang kwentang bagay hanggang sa mapunta tayo sa mga plano natin kapag naipanganak mo na si Paopao.

Minsan nadadala na ako ng usapan natin, kaya minsan gusto ko nang magtanong kung kailan mo gustong magpakasal, pero natatakot ako na baka iwasan mo na naman ‘yung tanong katulad nung dati, dahil sa tuwing tinatanong ko kung ano ba tayo noon, ay ngumingiti ka lang sa akin at hinahalikan ako sa labi.

Nag-a-assume lang talaga ako na boyfriend kita.

Kaya hindi ko akalain nang minsang mabanggit ko sa’yo na usap-usapan ng mga katrabaho ko noon ‘yung isa pa naming ka-trabaho na nagpakasal sa garden ng amo namin, ikaw na mismo ang nagtanong sa akin kung gusto ko ba na doon din tayo magpakasal.

Bigla akong napahinto noon, parang lumutang ang kaluluwa ko habang hindi makapaniwalang nakatingin sa’yo. Ikaw naman ay sobrang casual lang ng pagtatanong mo, para bang hindi mo pinatigil bigla ang pag-ikot ng mundo ko.

Nang mapansin mong hindi ako sumagot ay inangat mo ang tingin mo sa akin habang nakayakap ka at nakaunan ang ulo mo sa dibdib ko.

Ang unang pumasok sa isip ko nang humarap ka sa akin ay ang halikan ka kaya hindi na ako nagdalawang isip nang inilapit ko ang labi ko sa labi mo. Hinalikan kita nang malalim bago ko paulit-ulit na sinabi sa’yo na kahit saan, kahit saang lugar basta ikaw ang papakasalan ko.

Kung alam mo lang Haviel kung gaano mo ko napasaya nung araw na ‘yun.

Kaya simula noon ay mas napapadalas ang pag-o-overtime ko sa trabaho para makaipon agad ako ng pera, kahit mga sideline sa loob ng club na hindi naman labag sa batas ay pinapatulan ko na para lang makapag-ipon man lang muna ako kahit ng pambili ng singsing. Ang gusto ko kasi sana ay magandang singsing ang mabili ko para sa’yo, kasi deserve mo noon.

Kaso masyado na naman yata akong na-focus sa pagtatrabaho ko kaya hindi ko na naman napapansin ang pagbabago sa’yo.

Nung mga unang beses akong nag-o-overtime sa trabaho ay napansin kong unti-unting nawawala ang ngiti mo sa tuwing niyayakap mo ako. Hindi ko alam kung bakit, kaya tinanong ko ‘yung ka-trabaho kong omega, prostitute siya doon sa club, single mother siya ng tatlo niyang anak at marami rin siyang sideline sa loob ng club kagaya ng pagbebenta ng mga alahas.

Napapadalas ang pag-uusap namin dahil siya ang naghahanap ng singsing na ibebenta niya sa akin.

Ang sabi niya ay baka daw sa pagbubuntis mo ‘yan. Medyo moody daw talaga kapag nagbubuntis kayong mga omega, naniwala naman ako kasi tatlo na ang anak niya, lahat ‘yon ay pinalaki niya ng siya lang mag-isa. Alam na alam na siguro niya ang mga karanasan sa pagbubuntis at pag-aalaga ng bata.

Hindi ko naman agad napansin na masyadong tumatagal ang pagyakap mo sa leeg ko, hindi ko napapansin na kapag tapos mong yumakap sa akin ay halos hindi ka na makatingin sa mga mata ko, hindi ko rin napansin na para bang dumadalas na naman ang pagpapaganda mo sa tuwing umuuwi ako, hindi ko na rin napansin na parang maya’t maya ay humahalik ka na naman sa akin.

Hindi ko alam, Viel.

Dapat maging masaya ako kasi sobrang lambing mo sa akin, sobrang bait mo, sobrang masunurin mo, sobrang— hindi ko alam, Viel. Bakit? Bakit parang may mali sa tuwing halos itapon mo na ‘yung sarili mo sa akin?

Ni hindi mo ako magawang tingnan sa mata sa tuwing kinakain kita kahit ikaw mismo ang nag-aya.

Kaya umiwas ako, umiiwas na lang ako sa tuwing inaaya mo ako, kahit nakikita kong nalulungkot ka sa tuwing tumatanggi ako, kasi gawin man natin o hindi, parang malungkot ka pa rin, kapag tinanong naman kita kung anong problema, hindi ka naman nagsasalita.

Hindi mo naman sinasabi sa akin.

Gulong–gulo na ako sa’yo, Viel.

Gusto ko lang namang malaman kung anong tumatakbo sa isip mo.

Bakit ayaw mong ipaalam sa akin?

Isang hapon nga, nakita kita sa tapat ng club na pinagtatrabahuhan ko, hindi ko alam kung guni-guni ko lang ba ‘yun, nakita kitang nakatayo sa harap ng club, suot mo ‘yung cap mong kulay itim, naka-shades ka pa rin at facemask. Hindi ako sigurado kung ikaw ba ‘yung nakita ko, kasi bigla kang nawala nung dumaan ang isang malaking truck. Tinanong ko si Ate Rica, ‘yung omega na may tatlong anak na ka-trabaho ko, kausap ko kasi siya sa labas ng club tungkol sa singsing na nabili niya bago kita makita, tinanong ko kung nakita ka niya, pero nung tinuro ko kung saan kita nakita ay wala naman daw siyang napansing tao do'n.

Pag-uwi ko ay tatanungin sana kita kung pumunta ka ba sa club na pinagtatrabahuhan ko pero naabutan kitang mahimbing na natutulog sa kama.

Siguro nga ay na malikmata lang ako nung araw na ‘yon kakaisip kung ano bang nangyayari sa atin.

Kinabukasan noon ay kakausapin sana ulit kita pero sobrang lambing mo na naman sa akin, kumakain tayo ng agahan ay nakakandong ka pa sa akin at nakayakap ka, hindi na nga ako makakain nang maayos kasi maya’t maya ay humahalik ka sa akin.

Ang cute mo noon, Viel.

Pero may mali talaga.

Hindi ko magawang maging masaya ng totoo dahil sa lambing mo, kahit ‘yung mga ngiti mo, parang hindi totoo.

Nasigurado ko lang ‘yon noong umuwi ako galing sa company party namin, anniversary noon ng club, kaya nag-pa-party ‘yung boss namin. Nanalo ako ng mug, bimpo, picture frame, thermos, plantsa, at stand fan sa mga palaro, pati ang polaroid camera na hawak ng boss namin ay binigay na rin sa akin nang manalo kami ni Ate Rica sa Pinoy Henyo dahil wala nang maibigay ang boss namin na prize dahil naubos ko na halos lahat.

Kaya naman pag-uwi ay hinatid na ako ni Ate Rica gamit ang sasakyan niya dahil sobrang dami kong dala, sa tagal na kasing nagtatrabaho ni Ate Rica sa club ay marami na rin siyang naging pera, bali-balita na ‘yung mga alahas na binebenta niya ay mga ninakaw niya lang sa mga customer niya sa club kapag lasing na lasing na, may ilan din siyang mga naging ex na mayayaman na nagreregalo sa kanya, ang iba daw doon ay mga may asawa na, na tinatakot ni Ate Rica para bigyan siya ng malaking pera o mga mamahaling gamit, kagaya na lang ng sasakyan na ginamit niya pang-hatid sa akin.

Alam kong mali ang ginagawa niya pero hindi ko siya magawang husgahan, tinanong ko na siya tungkol doon dati, ang sabi niya lang ay hindi ko siya maiintindihan dahil hindi ko alam kung anong pakiramdam na maging omega at maging nanay. Gagawin daw niya lahat para lang mabigyan ng magandang buhay ‘yung mga anak niya. Kaya naikwento ko na rin sa kanya na magkakaanak na ako, at gagawin ko lahat para mabigyan din kayo ng magandang buhay pero wala akong balak magnakaw.

Ngumiti lang si Ate Rica sa akin noon at sinabi niyang ikaw, ikaw daw ang makakaintindi sa kanya at hindi ako, dahil kayong mga omega, kaya niyo daw isakripisyo ang lahat-lahat para sa anak niyo.

Medyo naging competitive pa nga ako noon kay Ate Rica kasi sabi ko pati naman kaming mga alpha, kaya rin naming isakripisyo ang lahat, medyo nagtalo kami pero pabiro lang naman kaya’t tawa siya nang tawa.

Hindi ko maintindihan ang sinabi niya noon, pero hanggang ngayon hindi ko pa rin maintindihan kahit pilit kong iniintindi.

Nagpasalamat ako sa kanya pagkatapos kong kunin lahat ng gamit sa likod ng sasakyan niya, tumango lang siya sa akin at nagpaalam na rin bago siya umalis. Hirap na hirap akong binuhat ang lahat ng ‘yon papanik sa pangatlong floor sa pinaka-dulo pa ng building kung saan naka-pwesto ang apartment natin.

Nakangiti akong pumasok sa loob ng bahay natin pero halos atakihin ako sa puso ko nang makita kita sa gilid ng pinto, muntik ko nang mabitawan ang mga hawak ko dahil bakit ka naman nasa gilid ng pinto? Dahan-dahan kong ibinaba ang mga gamit sa gilid para mayakap kita at mahalikan, bahagya kang umiwas sa akin pero niyakap mo rin naman ako at nagpahalik ka sa akin, nakangiti ka naman pero parang may kakaiba sa mga mata mo.

Kinuwento ko agad sa’yo lahat ng mga nangyari sa party habang hinuhubad ko ang jacket ko, tinulungan mo naman ako dahil kinuha mo ang jacket ko para ilagay ‘yon sa lalagyanan ng maruming damit. Yayakapin sana ulit kita nung nasa kusina na tayo pero mahina mong binulong sa akin na maligo muna ako. Kaya naman napa-amoy ako sa sarili ko dahil baka nga ang baho ko na, mukhang kumapit pa sa akin ang pabango sa loob ng sasakyan ni Ate Rica, baka hindi mo gusto ‘yung ganoong amoy dahil buntis ka.

Sumunod na lang ako sa sinabi mo, naligo muna ako nang mabilis lang dahil gustong gusto na kitang mayakap ulit pero paglabas ko ng banyo ay napatigil ako nang makita kong binubuksan mo ang bag ko, habang ‘yung mga napanalunang gamit ko ay nakabukas na rin. Nakita kong nagulat ka nang makita mo akong lumabas ng banyo, hawak-hawak mo ang polaroid camera na nakalagay sa loob ng backpack ko. Nakita kong napalunok ka pero tinanong mo kung bakit ako may ganoong camera.

Kinuwento ko naman agad sa’yo na ibinigay ‘yon sa akin ng amo ko dahil wala na siyang maibigay na premyo sa akin. Nakita kong nanginginig ang kamay mo nang inabot mo sa akin ‘yung camera at naglakad ka na ulit pabalik sa kusina. Naguguluhan akong napatingin sa mga gamit ko na nakasaboy na lang bago ako napatingin ulit sa’yo, nakuha mo na rin pala ‘yung ulam na inuwi ko galing sa party kaya’t inihahanda mo na ‘yon.

Nang lumapit ako sa’yo para halikan ka sa leeg ay naramdaman kong napatigil ka sa paglalagay ng pinggan, mahina akong bumulong sa’yo kung anong gumugulo sa isip mo? Hindi ka sumagot sa akin kaya naman lalayo na sana ako pero naramdaman kong naglabas ka ng maraming pheromones, kaya’t napatigil din ako bago kita bahagyang kinagat sa tenga mo habang tinatanong ka kung bakit mo ginawa ‘yon. Hindi ka nagsalita, pero napa-ungol ka lang habang bumababa ang halik ko sa leeg mo.

Wala kang pakialam kahit nababasa ko na ang balat mo dahil sa tubig na pumapatak galing sa basa kong buhok, sa halip ay dinidiin mo pa ang katawan mo sa akin habang nakapikit ka, pero pinigilan ko ulit ang sarili ko dahil hindi pwede, hindi na ako papayag na gawin ulit natin ‘yon nang hindi ka okay. Kaya’t tumigil ako kahit alam kong sinasadya mo ang paglabas ng pheromones mo.

Tinanong kita kung anong bumabagabag sa’yo.

Hindi ka sumagot, ngumiti ka lang sa akin at hinalikan mo ako sa labi bago mo ako inayang kumain na.

Tinanong na lang kita kung bakit mo binuksan ang mga premyong inuwi ko, sabi mo lang ay dahil na-ku-curious ka sa itsura ng mga napanalunan ko. Hindi na lang ako ulit nagtanong kahit nakita kong pati ang damit na hinubad ko ay nakakalat din na para bang tiningnan mo talaga lahat ng dala ko nung araw na ‘yon habang naliligo ako.

Habang kumakain tayo ng gabing ‘yon ay napapatingin ako sa’yo, ngumingiti ka naman sa akin tuwing tumitingin ako sa’yo, sumasagot ka rin sa mga tanong ko, pero parang hindi ka talaga masaya, parang may bumabagabag sa’yo pero hindi mo magawang sabihin sa akin. Kaya’t nung nahiga tayo sa kama noon ay niyakap kita habang binubulong ko sa’yo na huwag kang matakot magsabi sa akin, hindi ka kumibo ng matagal, pero kalaunan ay humarap ka rin sa akin bago mo ako hinalikan ulit sa labi, ngumiti ka at sinabi mo sa akin na mahal mo ako.

Parang may nagbara sa lalamunan ko nung mga oras na ‘yun, nakatulala lang ako sa’yo at hindi makapaniwala sa narinig ko.

Dahil sa kauna-unahang pagkakataon…

Sinabi mo sa akin na mahal mo ako.

Hindi pa ako nakakapagsalita muli ay lumapit ka sa akin para yakapin ako habang nakahiga tayo, mahigpit ang yakap mo sa akin na para bang ayaw mo akong pakawalan, nakasiksik ang mukha mo sa leeg ko. Nag-iwan ka ulit ng scent mo sa leeg ko, kagaya ng ginagawa mo araw-araw bago ako umalis ng bahay.

Napangiti ako mag-isa habang yakap-yakap ka pero unti-unting nawala ‘yon nang maramdaman kong unti-unti ring nababasa ang leeg ko. Umiiyak ka habang nakayakap ka sa akin, nakikiusap ka na huwag kitang iwan.

Gulong-gulo ako habang tinatanong ko sa’yo kung bakit mo naisip na iiwan kita? Hindi mo sinagot ang tanong ko, umiyak ka lang nang umiyak kaya naman mas lalo akong nag-alala sa’yo. Hindi ko alam kung anong ginawa ko para maramdaman mo ‘yung bagay na ‘yon?

Kaya naman kinabukasan, pagpasok ko sa trabaho ay wala ako sa sarili ko habang iniisip ko kung ano bang ginawa ko. Hindi ko na nga namalayan na nasa tabi ko na pala si Ate Rica at tinatanong ako kung nakapag-serve daw ba ako sa VIP Room sa 2nd floor. Nagulat ako nang makita ko siya sa gilid ko kaya’t tinanong niya ako kung anong problema, kinuwento ko agad sa kanya ‘yung nangyari kagabi, ‘yung umiyak ka habang yakap-yakap mo ako. Sabi ni Ate Rica ay normal lang ‘yon sa mga buntis katulad mo, medyo emotional daw talaga kayo kapag buntis, tapos naalala ko pa na sinabi rin ng doctor sa akin dati ‘yon. Sabi pa ni Ate Rica na baka rin daw nalulungkot ka mag-isa sa bahay o baka naman daw na-mi-miss mo lang ako kahit araw-araw naman tayong nagkikita, kaya naman noong day off ko ay desidido ulit ako na ibuhos ang buong araw ko sa’yo.

Masaya ka naman ulit, wala naman akong nakikitang kakaiba sa’yo nung day off ko. Naalala ko pa noong nagluluto ako ng agahan natin ay inaantok ka pang yumakap sa braso ko habang tinitingnan mo kung anong niluluto ko, nang inangat mo sa akin ang paningin mo kahit nahihirapan ka pa ring dumilat ay ngumuso ako sa’yo, agad mo namang naintindihan ang ibig kong sabihin kaya’t bahagya kang tumingkayad para halikan ako sa labi. Ngumiti ako sa’yo pagkatapos mo akong halikan, ngumiti ka rin naman bago ka muling naglakad pabalik sa kwarto, siguro ay inaantok ka pa kaya’t nahiga ka pa ulit sa kama.

Nang matapos kong lutuin ang agahan natin ay kinuha ko ang polaroid camera na napanalunan ko upang subukan iyong gamitin, kinuhanan ko ng litrato ang agahan na niluto ko at tiningnan ko kung lalabas ba talaga doon ang picture, pero nagulat ako nang wala namang nakalagay, kulay itim lang ‘yon, sira pa yata ang binigay sa akin pero nang bibitawan ko na sana ay unti-unti kong naaninaw ang agahan na niluto ko sa picture, hinintay ko ‘yon at pinagpag kaya’t nagulat ako nang unti-unti iyong luminaw. Medyo naintindihan ko na kung paano gamitin, susubukan ko pa sana ulit pero paglingon ko sa orasan ay nakita kong malapit nang mag-alas diez, kaya’t naglakad na ako papunta sa kwarto, dahan-dahan kong binuksan ang pinto para silipin ka, nakita kitang mahimbing na natutulog sa kama kaya’t maingat akong pumasok sa loob ng kwarto.

Naglakad ako papalapit sa’yo bago kita marahang hinalikan sa noo pero hindi ka pa rin nagising, kaya’t mahina akong bumulong sa tenga mo ng ‘mahal, gising na’ pero hindi ka pa rin nagising, naupo ako sa tabi mo bago ko hinawi ang buhok mong tumatama sa mga mata mong nakapikit.

Hindi ko maiwasang hindi mapangiti habang pinagmamasdan ang mukha mo, sobrang himbing ng tulog mo, para bang kampante na kampante ka. Ilang araw ko na kasing hindi nakita ang kapanatagan sa mukha mo nung mga oras na ‘yon.

Muli akong bumulong sa tenga mo upang gisingin ka pero hindi ka pa rin nagising, balak ko na sanang umalis muna para patulugin ka pa ng ilang minuto pero nakita kong hawak ko pa rin ang camera, kaya’t sinubukan kong kuhanan ka ng litrato habang natutulog ka para ipakita sa’yo pagkagising mo, pero nagulat ako nang biglang nag-flash ‘yon.

Bigla kang napadilat at napalayo sa akin sa sobrang gulat, maski ako ay napatayo sa sobrang gulat ko pero napakunot ang noo ko nang makita kong hinihingal ka habang nakatingin sa camerang hawak ko. Bumagsak ang litrato na lumabas sa polaroid camera sa kama, sabay tayong napatingin doon at agad mong kinuha ‘yon habang nakatitig ka sa lalabas na picture doon.

Paulit-ulit akong nag-so-sorry sa’yo dahil nagising kita, pero hindi ka kumikibo, nanginginig ang kamay mo habang nakatingin sa picture kaya’t tinanong kita kung anong problema, hindi ka pa rin sumagot hanggang sa makita mo ang mukha mo sa picture. Na-konsensya naman agad ako bigla dahil naalala kong nagalit ka nga pala sa dating alpha na kumuha ng litrato sa’yo noong nasa baryo pa tayo, kaya’t mabilis akong nag-sorry ulit sa’yo at nangakong hindi ko na uulitin ‘yun.

Akala ko kasi ang okay lang dahil boyfriend naman kita at wala naman akong ibang intensyon, gusto ko lang talaga na kuhanan ka ng litrato kasi ang ganda-ganda mo habang natutulog ka, hindi ko naman agad naisip na baka hindi mo magustuhan ‘yung ginawa ko. Kaya’t paulit-ulit akong nag-sorry sa’yo, nakatingin ka lang sa akin habang halos lumuhod na ako, hanggang sa pigilan mo ako sa pag-so-sorry ko at sinabi mo sa akin na ayos lang, nagulat ka lang kamo sa pag-flash ng camera.

Noong una ay hindi ako naniniwala sa sinabi mo pero bigla kang tumawa, mahinang tawa lang ‘yon at malambing habang hinihila mo ako pabalik sa kama, kaya’t naupo ako sa tabi mo habang paulit-ulit pa ring nag-so-sorry sa’yo, niyakap mo lang ako at hinalikan sa pisngi bago mo sinabi ulit sa akin na ayos lang talaga. Binigay mo pa nga ulit sa akin ang picture mo habang natutulog ka, tsaka ka muling nahiga sa kama at sinabi mo sa akin na picture-ran ulit kita.

Nang makita kong nakangiti ka naman ay agad akong sumunod sa sinabi mo, pinicturan kita ng maraming beses hanggang sa maubos ko ang lahat ng film. Nang maubos ko na lahat ay inaya agad kitang kumain, bumangon ka naman agad sa pagkakahiga sa kama at naglakad patungo sa banyo upang mag-toothbrush, naupo naman ako ulit sa kama habang pinagmamasdan lahat ng picture mo, nakangiti ako dahil ang ganda-ganda mo sa lahat ng kuha ko, masaya rin ako dahil ‘yon ang kauna-unahang picture mo na mayroon ako.

Pero habang pinagmamasdan ko ang ngiti mo doon ay unti-unting nawala ang ngiti sa labi ko.

Bigla kong naalala ang ngiti mo sa picture na binigay sa akin ni Carlos dati, unti-unting bumilis ang tibok ng puso ko habang pinagmamasdan ko lahat ng kuha mo sa larawan, unti-unti ring bumilis ang paglipat-lipat ko sa mga picture mo dahil halos lahat ng kuha mo ay puro ganoon ang ngiti mo.

Sobrang inosente ng ngiti mo sa lahat ng picture pero nababagabag ako dahil palaging ganoon ang ngiti mo sa akin kapag nararamdaman kong may mali. Napabitaw ako sa mga picture nang bigla kang nagsalita sa tabi ko, tinanong mo ako kung kakain na ba tayo pero nang makita mong nagulat ako ay tinanong mo ako kung bakit ako nagulat, sabi ko ay hindi lang kita napansin kaya’t inaya agad kita sa hapagkainan para hindi ka na ulit magtanong.

Buong araw ay okay naman tayo, umarte ako ng normal kahit nababagabag ako sa naiisip ko. Lumipas ang ilang araw na puro ‘yon lang ang tumatakbo sa isip ko kaya naman sinubukan kong tanungin kay Ate Rica kung kilala ba niya ‘yung lalaki sa picture na dala-dala ko. Napakunot ang noo niya habang pinagmamasdan ang picture mong nakangiti, hanggang sa bigla niya akong binatukan.

Sabi niya bakit daw may picture mo ako, eh magkaka-asawa na daw akong tao?

Nang sinabi ko sa kanya na mapapang-asawa ko ‘yung pinakita ko sa kanya ay inirapan niya lang ako at sinabing nabubuwang na raw ako, kinagalitan pa niya ako dahil seryoso raw siyang naghahanap ng magandang singsing para sa atin tapos niloloko ko lang daw pala siya. Isang linggo akong hindi pinansin ni Ate Rica pagkatapos noon.

Naging palaisipan pa rin sa akin kung bakit ganoon ang naging reaksyon ni Ate Rica, hanggang sa napagtanto kong kilala ka niya. Ibig sabihin lang noon ay may alam siya, balak ko sanang magtanong ulit kay Ate Rica pero napatigil ako.

Hindi ba ang unfair naman noon sa’yo kung sa ibang tao ako magtatanong?

Kaya naman ilang araw kong pinag-isipang mabuti, nakipagbati ako kay Ate Rica kahit naiinis pa rin siya sa akin, sabi ko ay tuloy pa rin ang paghahanap ng singsing para sa boyfriend ko, sinabi ko na lang na iba ang boyfriend ko at hindi ‘yung lalaking nasa picture, umirap lang siya sa akin pero alam kong okay na kami dahil may pinakita ulit siyang bagong singsing sa akin. Hindi ko pa rin nagustuhan ‘yon dahil nalaman kong galing na naman ‘yon sa nakaw, kaya’t buong break time ay nag-uusap pa rin kami tungkol sa singsing, nagkwento na rin siya ng mga dapat kong gawin kapag nanganak ka na habang paminsan-minsan ay kinukwento niya rin sa akin ang mga anak niya, hindi na ulit namin nabanggit sa isa’t isa ang picture mo.

Pag-uwi sa bahay ay napansin kong unti-unting nawala na naman ang ngiti mo nang niyakap mo ako. Hinalikan kita sa labi pero hindi ka humalik pabalik sa akin, inutusan mo lang ako na maligo na, nakangiti ka na naman sa akin pero may kakaiba na naman sa mata mo, kahit nagtataka ay hinubad ko na lang ang damit ko at ibinalibag iyon sa lalagyanan ng maruming damit bago ako dumiretso sa loob ng banyo, baka pagkatapos kong maligo ay magawa mo na ulit akong halikan.

Pero paglabas ko ng banyo ay natigilan ako nang makita kong nakaupo ka sa tabi ng lalagyanan ng maruming damit, hawak-hawak mo ang suot kong pang-itaas kanina habang umiiyak ka, naguguluhan akong lumapit sa’yo para sana tanungin ka kung anong problema pero bago pa ako tuluyang makalapit sa’yo ay sinalubong mo ako ng halik. Napahinto ako at napahawak sa baywang mo upang alalayan kang hindi mabuwal dahil sa pagkakatingkayad mo para lang maabot ang labi ko.

Mabilis at malalim mo na naman akong hinalikan habang naglalabas ka naman ng pheromones mo, halos kainin mo na ang buong mukha ko sa paghalik mo, kaya naman napapikit na lang ako nang mariin dahil eto na naman tayo, Viel.

Nagkakaganyan ka na naman.

Kaya’t bahagya akong lumayo sa’yo, tumigil ka naman pero dahan-dahan kang natunaw sa mga yakap ko, hawak-hawak na lang kita kaya’t hindi ka tuluyang bumabagsak.

Tinanong ulit kita kung anong problema, pero hindi ka ulit nagsalita.

Umiyak ka lang nang umiyak hanggang sa unti-unti kang bumagsak sa sahig, pero inaalalayan kita at pilit na itinatayo pero mukhang hindi mo na talaga kaya, kaya’t napaluhod ka na, nag-aalala ako sa’yo at kay Paopao ng mga oras na ‘yon dahil bakit nakaluhod ka na naman sa harapan ko?

Nakiusap ako sa’yo, sabi ko sa malambing na boses na itatayo na ulit kita pero umiling ka sa akin habang nakahawak ka sa kamay ko.

Sabi mo, huwag kitang iwan.

Sabi mo rin na hindi mo kaya na mawala ako sa’yo.

Sabi mo pa, gagawin mo lahat, lahat ng kaya mo, ibibigay mo lahat sa akin, huwag lang kitang iwan.

At sabi mo, sabi mo sa akin noong gabi na ‘yon na kapag naipanganak mo na si Paopao, magpapaganda ka ulit, ibibigay mo ulit sa akin lahat ng pangangailangan ko bilang alpha, kahit saan, kahit saan ko gusto, kahit kailan, at kahit anong pwesto, ibibigay mo sa akin.

Sabi mo pa na kaya mo pa rin naman, kaya mo kahit buntis ka, sinasabi mo ‘yon nang paulit-ulit habang ibinababa mo ang pang-ibaba ko kaya naman napapikit ako nang mariin dahil hindi ko na kaya.

Hindi ko na kayang makita kang nagkakaganoon, Viel.

Nakaluhod ka harapan ko habang nakikiusap na huwag kitang iwan.

Hindi ko alam kung anong ginawa ko bakit mo nararamdaman na kaya kitang iwan, kasi hindi, hindi ko kaya.

Mahal na mahal kita, Viel.

Hindi ko kayang iwan ka.

Lumuhod din ako sa harapan mo habang nakikiusap sa’yo na tumayo na tayo, pero hindi ka tumatayo, patuloy ka pa rin sa pag-iyak kaya naman niyakap ulit kita habang pinapakalma ka.

Tinanong kita kung bakit mo nararamdaman na ‘yon lang ang gusto ko sa’yo? Kasi hindi, Viel.

Pero oo, sige, aaminin ko, gusto ko, gusto ko kapag ginagawa natin ‘yun, gusto ko kapag inuungol mo ‘yung pangalan ko, o kapag nakaluhod ka sa harapan ko at nakatingin ka sa mga mata ko habang sinusubo mo ako, o kapag hinahalikan mo ‘yung labi ko kapag pinapasok ko yung titi ko sa’yo para hindi mo maramdaman ‘yung sakit, at oo, Viel. Gustong gusto ko kapag nilalabas mo ‘yung dila mo para saluhin ‘yung dura ko.

Pero Viel naman, hindi mo ba naisip na gusto ko rin kapag niyayakap mo ako pagkatapos nating gawin ‘yon? Na gusto ko na ikaw ‘yung unang taong nakikita ko ‘pag gising ko? Na gustong-gusto ko kapag hinahawakan mo ‘yung kamay ko kapag natatakot ka sa kulog kasi pakiramdam mo safe ka kapag kasama mo ako? Na gusto ko kapag nagsasabi ka sa akin ng gusto mong kainin? Na kapag inuutusan mo akong hilutin ‘yung likod mo dahil ang bigat-bigat na ni Paopao sa tiyan mo? Na gusto kong nakikita ‘yung ngiti mo sa tuwing nag-uuwi ako ng pagkain galing sa kulay pulang bubuyog na ‘yon? Na gusto ko rin na marining ‘yung tawa mo sa tuwing nanalo tayo sa perya? Na gusto kong pinaplano ‘yung future kasama ka? Dahil ikaw ‘yung gusto ko?

Ikaw ‘yung gusto kong makasama habang buhay, ikaw ‘yung gusto kong makita sa araw-araw, ikaw ‘yung gusto kong kasabay kumain ng nasunog mong tilapia, dahil ikaw ‘yung gusto ko, Viel.

Ikaw mismo.

Hindi ‘yung katawan mo, o ‘yung mukha mo.

Kundi ikaw mismo.

Hindi ko alam kung paano ko isasaksak sa utak mo na mahal kita, para hindi mo na ulit isipin na kaya kitang iwan, para hindi ka na ulit umiyak at makiusap sa akin na huwag kitang iwan.

Kasi Viel, nasasaktan rin akong nakikita kang nagkakaganoon.

Para akong mababaliw sa tuwing nakikita ko na may bumabagsak na luha sa mata mo.

Tinanong kita kung bakit?

Akala ko ay hindi ka na naman sasagot pero bigla mong sinabi sa akin na dahil ipagpapalit na kita, na ipagpapalit kita sa mas maganda at mas matured kaysa sa’yo. Kaya naman unti-unting napakunot ang noo ko dahil hindi ko alam kung paano pumasok sa utak mo ‘yung ideya na ‘yon.

Sabi mo pa ay araw-araw may naaamoy kang scent ng omega sa akin, sabi mo ay hindi nawawala sa akin ‘yon, sa tuwing umuuwi ako ay naamoy mo siya, sabi mo pa ay kaya wala na akong gana sa’yo kasi nakahanap na ako ng bago, kaya napakunot lalo ang noo ko dahil sa mga sinasabi mo. Paano ko maghahanap ng bago kung puro ikaw palagi ang nasa isip ko?

Kaya’t tinanong kita kung anong ibig mong sabihin pero sinabi mo lang sa akin na huwag na akong magsinungaling dahil alam mo naman, dahil nakita mo naman kami, sabi mo pa ay ayos lang sa’yo, ayos lang sa’yo na mayroon akong iba basta sa’yo ako uuwi?!

Anong ayos lang sa’yo?!

Ayos lang sa’yo na may iba ako? Ayos lang sa’yo na lokohin kita? Ayos lang sa’yo?!

Paano naging ayos lang ‘yon?!

Para akong masisiraan ng bait sa lahat ng naririnig kong lumalabas sa bibig mo nung araw na ‘yon. Ni hindi ko nga kilala kung sino ‘yung tinutukoy mong babae ko?

Hanggang sa unti-unti akong napatulala sa mukha mo at doon ko lang napagtanto na si Ate Rica ang tinutukoy mo. Napapikit ako nang mariin dahil sumasakit na talaga ang ulo ko noon, niyakap ulit kita nang mahigpit bago ko hinalikan ang noo mo, tinanong kita kung kailan mo kami nakita ni Ate Rica.

Hindi ka sumagot pero totoo nga, si Ate Rica nga ang pinaghihinalaan mo.

Pinaliwanag ko sa’yo na hindi ko siya babae.

In-explain ko rin sa’yo na oo, prostitute siya, maganda siya, at sanay na siya sa buhay dahil lumaki rin siya hirap katulad ko, pero hindi ko siya babae, hindi ko siya kabit, kaibigan ko lang siya.

Pero sabi ko naman sa’yo, katulad pa rin ng dati, kung anong gusto mong mangyari, ‘yon ang masusunod. Kaya kahit hindi mo sinasabi ay umiwas ako kay Ate Rica. Hindi ko na siya kinausap ulit kahit nasa loob kami ng trabaho, pinatigil ko na rin siya sa paghahanap ng singsing, ako na lang mismo ang maghahanap noon para lang maiwasan ko si Ate Rica, para lang hindi mo na ulit siya maamoy sa akin, at para hindi ka na ulit umiyak.

Akala ko ay magiging okay na tayo noon pero napansin kong parang ganoon pa rin, parang hindi ka pa rin kampante sa tuwing umuuwi ako galing trabaho, para bang natatakot ka pa rin sa tuwing umuuwi ako. Kaya hindi na ako nagdalawang isip na umalis sa trabaho, hindi ako pumasok ng dalawang linggo at nanatili lang ako sa tabi mo.

Kapag tinatanong mo ako kung anong problema at bakit hindi ako pumapasok, sinabi ko sa’yo na dahil masama lang ang pakiramdam ko, tumango ka lang kahit nagtataka ka na bakit dalawang linggo na akong hindi pumapasok.

Hanggang sa biglang may kumatok sa pinto natin, ako ang nagbukas noon dahil natatakot ka pa rin magbukas ng pinto ng apartment natin, ngunit pagbukas ko ay bumungad sa akin si Ate Rica na nakasibangot.

Agad nanlaki ang mata ko at bumalik ako sa huwisyo nang makita ko siya. Nakita ko sa gilid ng mata ko ang paglingon mo sa akin kaya naman mas lalo akong nataranta, tatanungin ko sana si Ate Rica kung paano niya nalaman ang bahay natin pero naalala kong hinatid na nga pala niya ako dati. Bago pa ako makapagtanong sa kanya kung anong ginagawa niya sa bahay natin ay bigla na siyang nagsalita.

Sabi niya ay hinahanap na ako ni Boss, pinapapasok na ulit ako sa club.

Kaya’t sinabi ko sa kanya na magreresign na ako, pero bigla akong kinontra ni Ate Rica na alam naman daw nila, kaya nga pinapunta siya ng amo namin para sabihin na hindi sila pumapayag na mag-resign ako dahil mas magaling pa raw akong magluto kaysa sa chef nila, kaya nga simula nang mag-part time na rin ako sa kusina ng club bukod sa pag-se-serve ay ayaw na nila akong pakawalan. Nakiusap pa sila na kahit triplehin nila ang sweldo ko, huwag lang daw akong umalis dahil binabalik-balikan na ng mga customer ang luto ko, halos magmukha na nga daw private restaurant ang mga VIP room dahil minsan ay luto ko na lang ang dinadayo nila.

Tinanong ako ni Ate Rica kung anong dahilan kung bakit gusto kong mag-resign, natahimik ako dahil hindi ko masabi na dahil nagseselos ‘yung mapapang-asawa ko kaya ayoko nang bumalik sa club. Ayokong araw-araw na nag-aalala siya.

Ayaw tumigil ni Ate Rica sa pangungulit sa akin, inutusan daw kasi siya ni Boss kaya’t hindi pwedeng hindi ako sumama pabalik sa kanya sa club, pero humihindi ako, ayaw lang talaga tumigil ni Ate Rica.

Hanggang sa nagulat na lang kaming pareho ni Ate Rica nang bigla kang sumulpot sa gilid ko at mariin mong inulit ang sinabi ko kay Ate Rica na ayaw ko na ngang pumasok sa club.

Nakita kong unti-unting bumilog ang mga mata ni Ate Rica habang nakatingin sa’yo. Ikaw naman ay nakatingin ka lang sa kanya nang masama, halos hindi na makagalaw si Ate Rica sa kinatatayuan niya bago nagbalik-balik ang tingin niya sa akin at sa’yo, pagkatapos ay bumaba ang tingin niya sa tiyan mo bago niya binalik ulit ang tingin sa akin.

Napahawak siya sa bibig niya habang hindi makapaniwalang napatingin ulit sa’yo. Kung susumahin ang itsura niya noon ay para siyang nakakita ng multo, mukhang natatakot siya pero hindi siya makapaniwalang napatingin ulit sa akin na para bang naghahanap siya ng kasagutan sa mga tanong niyang kahit mismo ako ay hindi ko alam.

Wala sa sariling nasabi ni Ate Rica na ‘hindi ka pala nagbibiro na mapapang-asawa mo siya’ bago siya umalis nang tuluyan sa harap ng bahay natin.

Pagkaalis ni Ate Rica ay umalis ka na rin sa tabi ko, dumiretso ka sa loob ng kwarto kaya’t sinundan agad kita, kasi sigurado na ako, sigurado akong kilala ka nga ng mga tao, dahil bakit si Ate Rica na palaging walang oras sa pag-si-cellphone ay kilala ka rin. Akmang pagsasaraduhan mo ako ng pinto pero nai-harang ko agad ang paa ko upang hindi mo iyon maisarado.

Nasaktan ako pero hindi ko ininda ‘yon sa halip ay pumasok pa rin ako sa loob habang ikaw naman ay dumiretso ka sa kama, nagtalukbong ka ng kumot at tsaka ka muling umiyak. Tinanong kita kung anong problema? Hindi ka kumibo kaya naman lumapit ako sa’yo, at nahiga ako sa tabi mo habang hinihimas ang braso mo, tinanong ulit kita kung bakit ka umiiyak, hindi ka ulit kumibo.

Ilang minuto kong hinintay na kumalma ka pero ganoon pa rin kaya’t niyakap kita saglit at hinalikan ko ang ulo mo kahit nakatakip ka ng kumot bago ako naglakad paalis pero bago ako tuluyang makalabas ng kwarto ay bigla kang nagsalita nung oras na ‘yon.

Ang sabi mo, kilala kita.

Hindi tanong ‘yon kundi statement.

Napatigil ako sa pagbukas ng pinto, muli kong sinarado ‘yon at humarap sa’yo.

Tinanong kita kung anong ibig mong sabihin, kaya’t tinanggal mo ang pagkakatakip ng kumot sa ulo mo, umupo ka sa kama at humarap ka sa akin bago mo inulit ang salitang ‘kilala mo ako’.

Ang sagot ko sa’yo ay syempre naman, kilala kita.

Ikaw ‘yung mapapang-asawa ko.

Si Viel.

Haviel Alonzo.

Na magiging Haviel Alonzo-Magdayao… sana.

Umiling ka sa akin habang patuloy ang pagbagsak ng mga luha mo, tinanong mo ako kung bakit ka kilala ng babae kanina. Kaya sinabi ko sa’yo ang totoo. Sinabi ko na pinakita ko sa kanya ang litrato mo, na pinakita ko kay Ate Rica ‘yung picture ng mapapang-asawa ko, pero hindi siya naniwala.

Natahimik kang bigla nang marinig mo ang sagot ko, kaya’t binalik ko sa’yo ang tanong mo.

Bakit kilala ka ni Ate Rica?

Napaiwas ka ng tingin sa akin, pinunasan mo ang luha mo pero patuloy pa rin sa pagbagsak ang mga ito na para bang ayaw tumigil. Kahit nahihirapan ka, sinabi mo rin sa akin ang dahilan.

Kinuwento mo sa akin lahat simula sa umpisa kahit nahihirapan kang magsalita, kinuwento mo sa akin na may mga kaibigan ka nung elementary hanggang sa mag-college kayo, sabi mo lima kayong magkakaibigan noon. Wala kang ibang kaibigan kundi sila lang dahil walang ibang gustong makipag-kaibigan sa’yo. Lahat sila takot na lumapit sa’yo sa hindi malamang dahilan. Kaya’t ‘yung apat na kaibigan mo lang ang mayroon ka.

Sabi mo mabait naman sila, sabi mo tinuturing ka nilang parang prinsesa kasi ayaw nilang napapagod ka, para bang bine-baby ka nila palagi, para ka kamong may apat na kuya, lahat sila ay binibigay ang lahat sa’yo. Hindi ka nila hinahayaang mainitan, o magutom. Hatid-sundo ka nila palagi pag-uwi sa school at lagi ka nilang pinoprotektahan sa ibang alpha na lumalapit sa’yo.

At ikaw naman kamo ang may kasalanan ng lahat.

Ikaw kamo ang dahilan kung bakit walang nagawa ‘yung pinaka-best friend mo sa kanila nung nag-heat ka ng unang beses dahil magkasama kayo noon sa kwarto niya. Kaya’t may nangyari sa inyo, kahit hindi naman niya kamo ginusto, na napilitan lang siya dahil nag-hi-heat ka na sa harap niya, lagi niya kamong sinasabi sa’yo ‘yon kaya’t wala kang nagawa kundi ang bumawi sa mali mo.

Akala mo ay magiging sikreto lang ‘yon pero kinuwento niya sa iba niyong kaibigan, mas lalo kang nakonsensya nung malaman mo na nagagalit na rin sila sa ginawa mo, lagi ka nilang pinagsasabihan ng mga kung anu anong bagay.

Ang masakit pa doon, Viel.

Naniniwala ka sa lahat ng sinasabi nila.

Hindi mo na napansin na ginagawa lang nila ‘yon para manipulahin ka, para makuha nila ‘yung gusto nila sa’yo.

Mas lalong humigpit ang pagkakayukom ng kamao ko nang ikwento mo pa sa akin ‘yung lahat ng nangyari sa inyo, ‘yung ginawa nila sa’yo tuwing pagtapos ng klase niyo, ‘yung ginawa nila sa’yo nung may retreat kayo sa Baguio, ‘yung mga kaputanginahan nila sa’yo na hanggang ngayon sarili mo ang sinisisi mo dahil itinatak nila sa utak mo na kasalanan mo.

Sabi mo pa na nagagalit sila sa’yo kapag hindi ka pumapasok ng naka-ayos, nagagalit sila sa’yo kapag hindi maganda ang suot mo, lagi nilang sinasabi sa’yo na iiwan ka nila at magiging mag-isa ka na lang dahil walang may gustong makipag-kaibigan sa pokpok na katulad mo.

Halos mapapikit ako sa lahat ng mga sinasabi nila sa’yo.

Kaya kahit ginigiit ko sa’yo na pinagsamantalahan ka nila, umiiling ka sa akin kasi sabi mo desisyon mo naman ‘yun na pumayag at ikaw naman ang may kasalanan.

Sabi mo sobrang bait nila sa’yo, hindi ka naman nila pinipilit, kaibigan pa rin ang turing nila sa’yo, na gusto mo naman ‘yung ginagawa mo, na na-e-enjoy mo naman dahil matagal mo na silang kaibigan, pakiramdam mo ay safe ka naman kamo sa kanila, talaga lang kamong aksidenteng kumalat yung mga picture at video mo sa kanila, kaya’t nalaman ng buong school niyo, pati sa halos lahat ng pack.

Pero tangina, bakit hindi ako naniniwalang aksidente lang ‘yon?!

Kinuwento mo sa akin kung papaano ka pinatapon ng pamilya mo sa dati nating pack nung malaman nila lahat ng ginagawa mo, dahil kamo kinakahiya ka na nila. Sabi mo ay mahal ka pa rin naman kamo ng pamilya mo kaya’t sustentado ka pa rin nila, pinoprotektahan ka lang talaga nila, at inilalayo ka sa lahat ng tao, sinubukan pa nga kamong ipatanggal lahat ng mga kumakalat na pictures at video, talaga lang kamong hindi na naagapan.

Sabi mo ay ayos lang naman kamo sa’yo ‘yung ginawa ng pamilya mo, kasi noong nasa dati kang pack niyo ay halos hindi ka rin naman makalabas ng bahay dahil para bang halos lahat ng alpha ay may balak na masama sa’yo simula nung kumalat ‘yung video mo. Kaya’t palagi kang natatakot lumabas ng bahay niyo.

Tinanong kita kung anong nangyari sa apat na kaibigan mo, sabi mo ay baka nakapagtapos na sila ng kolehiyo, nakapagpatuloy pa rin sila sa pag-aaral nila.

Putangina, parang walang nangyari sa kanila tapos ikaw ‘tong nagdudusa?!

Huminga ako nang malalim habang pilit kong kinakalma ang sarili ko, pero pakiramdam ko ay sasabog na ako kaya’t lumabas muna ako nang kwarto para hindi mo ako makita. Alam kong sobrang toxic pero hindi ko alam kung paano ko mailalabas ‘yung galit ko sa katawan nang hindi ka matatakot sa akin.

Malakas kong sinuntok ang pader nang mawala na ako sa paningin mo, patuloy kong ginawa ‘yon hanggang sa mamanhid na ang mga kamay ko, pagkatapos ay napadukdok na lang ako sa pader habang pilit na kinakalma ang paghinga ko.

Hindi ko alam kung anong gagawin ko, Viel.

Hindi ko alam kung paano ko matutulungan ka na alisin ‘yung sakit na nararamdaman mo, gusto kong saluhin lahat ng nararamdaman mo pero hindi ko alam kung paano. Para akong mababaliw habang iniisip ko pa lang lahat ng nangyari sa’yo, gusto kong magwala, gusto kong sisihin lahat ng pwede kong sisihin, pero ayokong gawin ‘tong tungkol sa akin, ayokong mas unahin ko pa ‘yung galit na nararamdaman ko kaysa sa sakit na nararamdaman mo.

Kaya pilit kong kinakalma ang sarili ko, pilit kong inaayos ang paghinga ko, kahit gusto nang magwala ng alpha ko ay pilit kong kinokontra ‘yon para lang bumalik ako sa huwisyo ko. Nang muli ko nang mapahupa ang galit ko ay muli akong pumasok sa kwarto, pero nakita kitang naglalagay ng mga damit mo sa bag.

Agad akong lumapit sa’yo para tanungin kung anong ginagawa mo, pero hindi ka sumagot, inilagay mo lang ang mga damit mo at isinarado mo ‘yon pero bago ka pa tuluyang maka-alis ay inagaw ko sa’yo ang bag at muli kitang tinanong kung bakit ka nagiimpake ng mga damit.

Sabi mo aalis ka na, ikaw na kamo mismo ang aalis para hindi na ako mahirapan na paalisin ka. Agad akong umiling, naguguluhan sa ibig mong sabihin.

Sabi mo ay dahil hindi ko deserve na mapang-asawa ka, sabi mo mas madaming ibang omega diyan na mas deserving kaysa sa’yo, sabi mo hindi dapat ako magtiis sa’yo dahil lang nabuntis kita?

Putang ina, all this time iniisip mo na hindi ka deserving na maging akin?

Kaya ba lagi mong iniiwas ‘yung leeg mo sa tuwing hinahalikan kita sa leeg kasi pakiramdam mo ay hindi ka deserving na mapang asawa ko? Kaya ba lagi kang nagpapaganda palagi dahil pakiramdam mo ay ‘yon lang ang kaya mong ibigay sa akin?

Napasabunot ako sa buhok ko habang pinapasok ko sa utak ko lahat ng narinig ko, para na naman akong binabangungot.

Paano naging ganyan kababa ang tingin mo sa sarili mo, Viel?

Napaluhod na lang ako sa harapan mo kasi nanghihina na talaga ang tuhod ko, parang unti-unting hinihigop na ng lahat ng tumatakbo sa isip ko ang buong lakas ko, nakita kong nagulat ka sa biglang pagbagsak ko kaya naman kahit nahihirapan ka nang yumuko ay lumapit ka pa rin sa akin para tanungin kung ayos lang ako.

Walang bumabagsak na luha sa mga mata ko pero ang sakit-sakit na ng nararamdaman ko, parang anumang oras ay mawawalan na ako ng malay dahil lahat ng galit ko kanina ay unti-unting naging kirot sa puso ko.

Yumakap ako sa’yo nang mahigpit at nakiusap sa’yo na huwag mo nang uulitin ‘yon, huwag mo nang uuliting umalis sa buhay ko. Hindi ka nagsalita pero niyakap mo rin ako nang mahigpit hanggang sa tuluyan akong kumalma.

Pinagpatuloy natin ‘yung buhay natin na parang walang nangyari, kinalimutan natin lahat ng pinag-usapan natin nung araw na ‘yon, tinulungan kita sa pagtatahi mo ng mga damit ng baby natin, pero isang araw habang nagtatahi tayo ay sinabi mo sa akin na bakit hindi ako bumalik sa trabaho ko. Agad naman akong umiling sa’yo dahil ayoko namang matakot ka ulit, ayokong umalis ng bahay na alam kong nag-aalala ka.

Sabi mo ay ayos lang naman sa’yo, naiintindihan mo naman na kamo na wala kaming relasyon ni Ate Rica, talaga lang kamong sobrang emotional mo nung mga araw na ‘yon pero mabilis akong umiling sa’yo, dahil desidido na akong hindi na ako babalik doon kung alam kong ganoon ang nararamdaman mo dati.

Lalayuan ko lahat ng taong pinagseselosan mo, lalayuan ko lahat, ‘wag mo lang maramdaman na hindi ka sapat sa akin, kasi sabi ko nga sa’yo, gagawin ko lahat ‘wag ka lang masaktan, kahit ano gagawin ko, kahit hindi mo hilingin sa akin, Viel.

Ayokong maulit ‘yon, hindi ko na isusugal na maulit pa ulit.

Nakita ang pag-aalala sa mukha mo pero agad kong sinigurado sa’yo na ayos lang talaga sa akin, may ipon naman akong pera, ‘yung para sana sa kasal natin ay gagamitin ko muna pang business. Magtitinda na lang ako ng mga lutong ulam muna sa harap ng apartment natin hangga’t hindi pa ako nakakahanap ulit ng trabaho. Wala ka namang nagawa na dahil nakita mong desidido na talaga ako, pero pakiramdam ko ay nakokonsensya ka pa rin kaya’t araw-araw kong pinapaalala at sinisigurado sa’yo na ayos lang talaga.

Okay lang naman nung una ‘yung pagbebenta ng mga lutong ulam, madami namang bumibili, sakto lang para sa ating dalawa ‘yung kinikita ko, mas okay din kasi lagi kitang nababantayan lalo na’t malaki na ang tiyan mo, nahihirapan ka nang maglalakad at magkikilos, kaso sa ating dalawa lang sapat ‘yon.

Paano kapag nanganak ka na? Paano kapag lumabas na si Paopao?

Iyan ‘yung mga tanong ko sa isip ko noon.

Na hindi ko alam kung paano ko masasagot, wala pa rin akong mahanap na ibang trabaho kasi kapag tumigil ako sa pagtitinda, kakapusin naman tayo sa pera. Ayokong magastos ‘yung mga ipon natin para kay Paopao kaya nagtiis muna ako.

Naging okay naman tayo, walang nagbabanggit kahit isa sa ating dalawa tungkol sa mga napag-usapan natin nung nakaraan. Medyo nabawasan ‘yung lambing mo sa akin kaya ako naman ‘yung madalas yumakap at humalik sa’yo. Sa gabi ay madalas nakatabi lang ako sa’yo habang nagbabasa ka ng libro, nakadikit ang mukha ko sa tiyan mo habang hinahantay kong gumalaw si Paopao. Natatawa ka na lang sa reaksyon ko sa tuwing napapaupo akong bigla kapag gumagalaw siya. Minsan naman ay para akong tanga na kinakausap ‘yung anak natin kahit alam kong hindi naman niya ako naririnig, pinagmamasdan mo lang ako habang tinuturuan ko agad kung paano magsalita ‘yung anak natin kahit nasa tiyan pa lang siya.

Masaya…

Masaya tayo noon, Viel.

Kaso ang plastic ko kapag sinabi kong parang wala na akong hihilingin pa nung mga oras na ‘yon.

Kasi hindi totoo ‘yun.

Gusto kong ibigay sa inyo ni Paopao ang lahat. Gusto kong yumaman kasi gusto kong ibalik sa’yo ‘yung dati mong buhay bago mo ako pinili.

Baliw nga yata ako noon, kasi iniisip ko na kayang-kaya kong gawin ‘yon.

Hindi ko naisip na nasa reyalidad tayo, mauubos at mauubos ang pera natin kahit anong gawin ko, may ipon naman tayo para sa panganganak mo pero tang ina, bakit kasi bumagyo nung araw mismo na manganganak ka na?

Tandang-tanda ko pa ‘yung araw na ‘yun, sobrang lakas ng ulan sa labas, binaha na rin ang mga nasa unang palapag ng apartment na tinitirahan natin kaya’t nagsilikas na sila. Nawalan ng kuryente noon at tanging ilaw na lang mula sa kandilang tig lilimang piso ang nagsisilbing ilaw natin sa buong bahay. Takot ka sa kulog kaya naman kahit habang kumakain tayo ng hapunan natin ay naka-akbay ako sa’yo para hindi ka matakot.

Noong una ay hindi ko masyadong pinapansin ang panghihina mo dahil alam ko ay takot ka nga sa kulog, kaya’t hindi ko agad napansin ang kakaibang ekspresyon ng mukha mo, madilim din nung mga oras na ‘yon kaya’t kahit nakikita kita ay hindi ko pa rin napansin.

Hindi mo naman kasi sinasabi sa akin.

Kahit manganganak ka na, hindi ka pa rin nagsasabi.

Nalaman ko na lang nung pumutok na ‘yung panubigan mo. Agad akong napatigil sa pagsubo sa’yo ng ulam nang makita ko ang nangyari, tsaka ka palang nagsabi sa akin na parang manganganak ka na kamo kung kailan manganganak ka na talaga. Napatayo ako sa kinauupuan ko at hindi ko alam ang gagawin ko kasi hindi ka pa naman dapat manganganak, dapat mga isang linggo pa.

Bakit ba kasi nagmamadali si Paopao?!

Agad akong sumilip sa pinto para tingnan kung may mga dumadaan bang sasakyan, pero hanggang tuhod na ang baha sa kalsada. Nanginginig ang mga kamay ko at sobrang tuliro ko, hindi ko alam ang gagawin ko dahil papaano kita dadalhin sa ospital kung ganoon na ang kalagayan mo?

Ilang beses mong sinabi sa akin na kumalma ako pero papaano ako kakalma kung wala akong maisip na paraan para dalhin ka sa ospital? Nagpaalam ako sa’yo saglit para pumunta sa kapitbahay nating matandang omega, nagtanong ako kung pwedeng makahiram ng cellphone dahil kahit cellphone ay wala tayong dalawa nung mga panahon na ‘yon. Pumayag ang matanda pero napatigil ako dahil hindi ko alam ang number ng ospital.

Kaya’t wala akong ibang choice kundi ang tumawag sa numero ng club dahil ‘yon lang ang kabisado ko. Hindi ko rin alam kung anong tumatakbo sa isip ko nung mga oras na ‘yon at kung bakit sila ang tinawagan ko pero desperado na talaga ako ng mga oras na ‘yon, kahit kanino na lang ako humingi ng tulong.

Sinagot ‘yon ng secretary ng boss ko, nang marinig niya ang boses ko ay akmang ibababa na niya agad ang tawag pero mabilis akong sumigaw at nakiusap na tulungan ako dahil manganganak ka na, pinatayan niya ako ng tawag pagkatapos kong makiusap. Napasabunot na lang ako sa buhok ko pero napalingon akong bigla sa pader nang marinig ko ang malakas na sigaw mo. Agad akong nagtatakbo pabalik sa loob ng bahay, hindi na nga ako nakapagpasalamat sa kapitbahay natin dahil sa sobrang taranta ko.

Naabutan kitang nakaupo na sa sahig habang nakahawak ang isang kamay mo sa lamesa, pinipigilan mo pa ring uminda kahit alam kong sobrang sakit na. Tinanong kita kung kaya mo pa ba, pero hindi ka na nakasagot. Napatingin ulit ako sa labas noon at sobrang lakas pa rin ng ulan.

Hindi ko na nga alam kung anong tumatakbo sa isip ko noon at kung bakit binuhat kita palabas ng bahay noon, tinakpan lang kita ng tuwalya para hindi kayo mabasa ng anak natin. Alam kong gusto mo akong pigilan sa katangahan kong ginawa noon pero hindi ka na lang din makapagsalita dahil sobrang sakit na ng tiyan mo, sumisigaw ako ng tulong pero wala na halos tao sa buong area natin dahil nagsilikas na sila.

Sabi ko nga sa’yo, masyadong akong tangang mag-isip noon, akala ko ay kaya kitang buhatin hanggang ospital noon, o kahit man lang hanggang sa makahanap ako ng sasakyan na pwedeng magdala sa atin sa ospital. Kahit nanginginig na ako sa lamig ng ulan na bumubuhos sa akin at sa baha na halos pumipigil sa paa ko na makatakbo ay hindi ko ininda ‘yon dahil alin ko na lang ay madala ka sa ospital.

Nakikiusap ka sa akin na ibalik kita sa apartment natin pero hindi ko na alam kung anong tumatakbo sa isip ko noon, parang bang nablangko na lang ng tuluyan dahil nakikita kitang nahihirapan na. Namamanhid na rin ang kamay ko dahil sa pagbuhat ko sa’yo at nung mga oras na halos wala na akong makita dahil sa lakas ng ulan at humaharang na ang buhok sa mga mata ko pero bigla akong may natanaw na liwanag.

Akala ko nga ay makikita ko na si Moon Goddess noon dahil patay na ako pero hindi, biglang bumusina nang malakas ang isang pickup truck sa harapan ko. Lumabas si Ate Rica na mukhang kakagaling lang sa club dahil naka-make up at naka-suot pa rin ito ng kumikinang na lingerie. Agad niya akong minura nang malakas bago niya ako tinulungan na ilagay ka sa likod ng pickup truck na dala niya. Nagawa ko pang magtanong kung kaninong pickup ‘yon at hindi naman siya nagdalawang isip nang sabihin niyang ninakaw niya lang sa parking lot ng club, hindi ko na tinanong kung paano niya nabuksan pero nalaman ko rin pagkatapos ng ilang linggo na marunong pala siyang magbukas ng kotse nang walang susi.

Sumampa ako sa likod ng pick up para matulungan ka sa pag-upo nang maayos at para na rin mayakap ka, inabutan ako ni Ate Rica ng payong na kinuha pa niya ulit sa loob ng pick up bago siya nagtatakbo ulit patungo sa driver seat upang paandarin ang sasakyan.

Halos tumilansik sa lahat ng bahay ang tubig baha dahil sa tulin ng pagpapatakbo ni Ate Rica, mabuti na lang at mataas ang pickup truck na tinakas niya kaya’t kinakaya noong dumaan sa malalim na tubig. Nakayakap ako sa’yo habang pinapayungan ka, inalis ko na ang tuwalya na kaninang nasa mukha mo para makausap kita kaso parang tumigil lang ang paghinga ko nang makita kong namumutla ka na at halos hindi ka na makapagsalita.

Naramdaman kong nanginginig na naman ang mga kamay ko noon habang nakikiusap ako sa’yo na kayanin mo hanggang sa makarating tayo sa ospital. Hindi ko alam kung naririnig mo pa ba ako noon dahil mukhang wala ka na sa sarili mo. Sobrang bilis ng kabog ng dibdib ko habang pinagmamasdan kitang unti-unting nawawalan ng malay, marahan kong tinatapik ang pisngi mo para mapanatili kitang gising hanggang sa makarating tayo, panay ang sigaw ko kay Ate Rica na bilisan pa niya ang pagpapatakbo ng sasakyan kahit alam kong wala nang mas ibibilis pa ‘yon dahil sa baha. Gusto ko na lang na bumagsak ang mga luha ko noon pero walang bumabagsak sa mga mata ko, napupunta lang lahat sa pangingirot ng puso ko. Alam kong namumutla na rin ako noon dahil sa takot, hindi ko gustong umabot tayo sa ganoon.

Sa tuwing naalala ko ‘yun hanggang ngayon ay kumikirot pa rin ang puso ko.

Kung mayaman lang ako hindi mo sana naranasan ‘yung mga bagay na ‘yon.

Nang makarating tayo noon sa ospital ay agad lumabas si Ate Rica sa sasakyan upang tumawag ng emergency bago siya bumalik sa sasakyan para tulungan akong maibaba ka sa pick up. Hindi agad lumabas ang mga tao sa ospital kaya naman kaming dalawa na ni Ate Rica ang nagtatakbo patungo sa emergency room. Pinagtitinginan tayo ng mga tao nung mga oras na ‘yon, hindi ko alam kung bakit? Siguro ay dahil sigaw ako nang sigaw noon habang basang-basa sa ulan, o baka dahil naka-suot pa rin ng lingerie si Ate Rica sa kabila nang malamig na panahon, pero hindi ko na napansin na kinuha ni Ate Rica ang tuwalya upang itaklob ulit sa mukha mo habang tumatakbo kami patungo sa emergency room.

Nang nailagay ka na sa ospital nung nasa tapat na tayo ng emergency room ay doon ka lang ulit nagkamalay, kaya’t tinanggal ko ang tuwalya sa mukha mo noon para makita ko ang mukha mo bago ka tuluyang ipasok sa loob, naramdaman kong humawak ka pa sa kamay ko kaya’t nagawa ko pang halikan ‘yon bago ko sinabi sa’yo kung gaano kita kamahal nang paulit-ulit hanggang tuluyan ka nang inilayo sa akin.

Naiwan akong nakatayo sa labas nang wala sa sarili pero bumalik ako sa huwisyo nang biglang kinuha ni Ate Rica ang tuwalya sa kamay ko, napatingin ako sa kanya at nakita kong binalot niya ang sarili niya sa tuwalya dahil pinagtitinginan pa rin siya ng mga tao sa ospital. Naupo siya sa steel bench sa gilid ng hallway habang tumatawag sa cellphone niya, hindi ko na matandaan kung sinong tinatawagan niya pero mukhang babysitter ng mga anak niya, habang ako naman ay nagbabalik-balik lang ako sa hallway, lakad ako nang lakad habang iniisip kita. Hindi ko ako mapakali dahil hindi ako makapante.

Paulit-ulit na nag-pi-play sa utak ko ang itsura mo noong nasa sasakyan pa tayo.

Takot na takot ako nung mga oras na ‘yon.

Hinihimas ni Ate Rica ang likod ko nang tumigil ako sa paglalakad dahil nakadukdok na lang ang mukha ko sa pader habang pilit kong pinapakalma ang sarili ko. Pakiramdam ko ay mababaliw na talaga ako nung mga oras na ‘yun dahil kung anu-ano nang tumatakbo sa isip ko, nagkakabuhol-buhol na nga dahil sa sobrang pag-aalala ko.

Kasi papaano kung mawala ka sa akin?

Paano kung mawala kayo ni Paopao sa akin?!

Iyan na lang halos ang tumatakbo sa isip ko noon.

Paulit-ulit kong sinisisi ang sarili ko nung mga oras na ‘yun dahil kung hindi ako tatanga-tanga ay hindi naman mangyayari sa’yo ‘yon.

Naririnig kong kinakausap ako ni Ate Rica, paulit-ulit niya ring sinasabi sa akin na magiging ayos ka lang at magiging ligtas ‘yung baby kahit alam kong kahit siya mismo ay walang kasiguraduhan nung mga oras na ‘yun.

Inabot ako ng ilang oras na nakatayo habang nag-aabang na lumabas ang doctor sa emergency room, hindi ko na alam ang nangyayari sa paligid ko dahil puro pag-aalala na lang talaga ang nasa isip ko, hindi ko na nga alam na nagpaalam na pala sa akin si Ate Rica dahil uuwi muna daw siya saglit para magpalit ng damit at para patulugin ang mga anak niya. Hindi na ako nakasagot dahil nakatulala pa rin ako sa pinto ng emergency room.

Natauhan lang ako nang biglang lumabas ang doctor sa loob ng emergency room kasama ang dalawang nurse. Hindi agad nagsalita ang doctor nang lumapit ako at nagtanong kung kumusta kayo ng anak natin. Para akong binuhusan nang malamig na tubig habang pinapanuod ko ang doctor na inaalis ang kanyang facemask, napatingin ako sa dalawang nurse na kanina pa tingin nang tingin sa akin ng kakaiba, kaya’t mas lalo akong kinabahan. Halata na sa buong katawan ko ang pagpapanic dahil nanginginig na naman ang mga kamay ko.

Sabi ng doctor ay okay ka naman, okay din ‘yung bata, at pwede ko na kayong makita.

Nang marinig ko ‘yun ay tsaka pa lang ako nakahinga nang maluwag, nanlambot bigla ang tuhod ko at noon ko lang naramdaman lahat ng pagod at stress. Napahawak ako sa pader para panatilihin ang sarili kong nakatayo, hindi ko alam kung bakit ganoon sila makatingin sa akin. Akala ko tuloy ay may nangyaring masama sa inyo ni Paopao.

Nang mailipat na kayo ng kwarto ay tsaka ko pa lang kayo nakita ni Paopao.

Hawak-hawak mo si Paopao sa tabi mo at mayroon lang dalawang nurse na kasama natin sa loob, lumapit ako sa’yo at nakita kong parang nanghihina ka pa rin. Ngumiti ka sa akin bago ka muling tumingin kay Paopao.

Sabi mo mukha siyang siopao, tsaka ka tumawa nang mahina.

Natawa rin ako bigla dahil sa sinabi mo, kahit hindi ako makapaniwala na ‘yun ang unang sinabi mo sa anak natin.

Naupo ako sa tabi mo at hinawakan ko ang kamay ni Paopao.

Tinanong kita kung anong pangalan niya. Sabi mo Christian Paolo, natawa ako kasi ginamit mo pareho ‘yung gusto nating pangalan.

Christian Paolo Alonz0-Magdayao.

Ang haba.

Kung gaano kahaba ang pangalan niya, ganoon naman kaiksi ‘yung kamay niya.

Natatandaan ko pa kung papaano natunaw ang puso ko nang kumapit siya sa daliri ko. Hindi ako makapaniwala nang hawakan niya ako kaya naman agad akong tumingin sa’yo at mas lalo lang natunaw ang puso ko nang maabutan kong nakatingin ka rin sa akin, kagaya ng kung papaano ko tingnan si Paopao.

Kung mabibigyan ako ng pagkakataon na bumalik sa nakaraan, ‘yon ang eksaktong oras na gustong gusto kong balikan.

Bumalik si Ate Rica sa ospital, hindi na siya naka-suot ng pangtrabaho niya sa club, tinulungan niya akong mag-asikaso ng mga papeles dahil pareho tayong walang alam kung paano ‘yun gawin.

Naalala ko pa nung unang bisita ni Ate Rica sa’yo ay inirapan mo pa siya, nahihiya tuloy akong nag-sorry sa kanya paglabas ng kwarto mo dahil kahit ako ay hindi ko in-expect na iirapan mo si Ate Rica.

Mabuti na lang at tinawanan niya lang ako, sabi niya ay naiintindihan ka niya dahil natural na over protective at seloso ang mga omega lalo na kapag bagong panganak, pero syempre nakakahiya pa rin kasi tinulungan niya tayo tapos tinarayan mo pa, mabuti na lang talaga mahal kita kaya natawa na lang din ako.

Minadali namin ni Ate Rica ang pag-aasikaso ng mga papeles dahil hindi ka komportable sa ospital, kahit ako, hindi ko rin alam bakit hindi ako komportable sa ospital. Pansin kong ayaw mong tumitingin sa mga mata ng nurse at doctor, naiintindihan ko naman dahil sa trauma mo sa nangyari sa’yo noon. Pakiramdam mo pa rin ay kilala ka ng halos lahat ng tao. Kaya’t alin ko na lang ay mai-uwi ko kayong dalawa ni Paopao sa bahay.

Nang makauwi naman tayo ay paminsan-minsang dumadalaw si Ate Rica sa atin para minsan ay tulungan ka, minsan ay tinatarayan mo siya pero alam kong unti-unti ka na rin nag-o-open sa kanya, lalo na nang dinala na rin niya sa bahay ‘yung tatlong anak niya para makita nila si Paopao. Tuwang-tuwa ‘yung mga bata sa kanya kasi nanggigigil din sila sa pisngi ng anak natin kaso medyo masungit ka pagdating kay Paopao dahil ayaw mo siyang ipahawak sa mga bata.

Pinapabalik ulit ako ni Ate Rica sa club, kinausap niya rin kasi si Boss na bigyan pa ulit ako ng pangalawang pagkakataon, pero tumanggi ulit ako dahil mas gusto kong magkaroon ng oras sa inyong dalawa ni Paopao.

Nag-eenjoy kasi ako na kasama kayong dalawa.

Naalala mo noon? Pagkatapos kong paarawan si Paopao sa labas tuwing umaga, nakaabang ka na sa sala para salubungin mo kami, kukunin mo siya sa akin at yayakap naman ako sa likod mo.

Wala, ang saya lang.

Ang saya lang kapag ngumingiti ka at humahalik sa pisngi ko habang nakatingin ako kay Paopao.

Kahit hindi mo sinasabi sa akin, nararamdaman ko na mahal mo ako, Viel.

Mahal mo naman ako nung mga oras na ‘yon, ‘di ba?

Mahal mo naman kami ni Paopao.

Nararamdaman ko kasi na kahit nahihirapan ka sa pag-aalaga kay Paopao, pinipilit mo pa rin na alamin kung papaano siya maalagaan nang maayos. Pinag-aaralan mo sa mga libro mo ‘yung mga tinuturo nila sa pag-aalaga ng bata, sinusunod mo rin lahat ng mga notes na iniiwan ko sa may salamin natin sa tuwing aalis ako papuntang trabaho para hindi mo makalimutan ‘yung mga bilin ko sa’yo, alam ko rin na tinatandaan mo lahat ng mga sinasabi ni Ate Rica sa’yo tungkol sa pag-aalaga ng bata kahit nagkukunwari kang naiinis sa kanya. Nararamdaman ko rin ‘yung paghalik mo sa labi ko sa tuwing nakakatulog agad ako pagkatapos kong magbenta ng ulam buong araw. Nararamdaman ko rin ang pagpapalit mo ng damit ko sa tuwing halos hindi ko na maibangon ang sarili ko sa sobrang pagod, nararamdaman ko rin na niyayakap mo ako sa tuwing walang malay na akong nakahiga.

Nararamdaman ko naman Viel na mahal mo ako.

Pero sana sinabi mo.

Sana sinabi mo nung mga panahon na nalugi na tayo sa pagbebenta ng ulam dahil nagmahal na lahat ng gulay at karne kaya kailangan ko na ulit maghanap ng trabaho. Sana sinabi mo nung mga panahon na nagtitiis akong sa tatlong trabaho ko na may maliit na kita para lang maka-survive tayo sa araw-araw. Sana sinabi mo nung mga panahon na gusto ko na lang umiyak sa tuwing bumabagsak na ‘yung katawan ko pag-uwi ng bahay dahil sa sobrang pagod. Sana sinabi mo nung parehong mataas ang lagnat naming dalawa ni Paopao pero nagtatakbo pa rin ako mag-isa patungo sa Ospital nang bigla na lang siyang magsuka.

Sana sinabi mo na mahal mo ako para hindi sana pumasok sa isip ko na parang balewala lang kami ni Paopao sa’yo nung mga oras na hawak-hawak ko ‘yung anak natin sa Ospital habang nakatulala ako dahil mataas na rin ang lagnat ko at hindi ko na kaya na ako lang mag-isa dahil wala ka sa tabi ko. Sana sinabi mo nung umuwi ako sa bahay pagkagaling ko sa Ospital dahil kailangan kong pumasok ulit sa trabaho kahit wala akong tulog pero wala.

Tumayo ka lang sa harapan ko at tinanong mo ako kung okay ba na ba si Paopao.

Hindi ka umalis ng bahay, hindi mo ako sinamahan sa Ospital.

Gusto kong intindihin ka noon pero pasensya ka na, Viel.

Pagod lang talaga siguro ako nung mga oras na ‘yun dahil minsan pakiramdam ko ako na lang talaga ang lumalaban sa ating dalawa.

Sabi ko naman sa’yo, ako nang bahala sa lahat.

Ayos lang naman sa akin na magtrabaho ako ng tatlong trabaho araw-araw, ayos lang sa akin na kahit ako rin ang nagluluto ng agahan at hapunan kahit pupunta at kakauwi ko lang galing trabaho, ayos lang din sa akin kahit ako ang bumabangon sa gabi para patahanin si Paopao kahit wala pa akong maayos na tulog, ayos lang sa akin kahit ako pa rin ang naglalaba at namamalantsa ng mga damit, ayos lang sa akin, Viel.

Hindi ‘yon ‘yung nirereklamo ko.

Gusto ko lang naman na sabihin mo sa akin na mahal mo ako nung mga oras na ‘yon.

Gusto ko lang naman na maramdaman ko na mahal mo ako noon, at may kasama ako, hindi ‘yung pagod na pagod na nga ako galing trabaho pero parang wala akong kasama sa bahay.

Hindi ko alam kung saan nagsimulang magbago ang lahat, Viel.

Hindi ko alam kung kailan ka huling humalik sa labi ko, hindi ko matandaan kung kailan mo ako huling niyakap habang nakahiga tayo sa kama, hindi ko na alam kung kailan ka huling sumalubong sa pag-uwi ko galing trabaho, hindi ko matandaan kung kailan mo ako nagawang tingnan ng diretso sa mga mata ko.

Hindi ko alam kung ano bang ginawa kong mali at bakit nagbago ka na naman sa akin, Viel.

Nasa trabaho ako at sobrang taas ng lagnat ko tapos hindi pa ako mapakali dahil alam kong walang kasama si Paopao sa Ospital, kaya’t naaawa na ‘yung isa kong boss at pinauwi na ako ng maaga. Gusto ko na lang mahiga pero ayaw pumayag ng utak ko dahil pupuntahan ko pa si Paopao sa Ospital.

Tapos pag-uwi ko pa ng bahay naabutan kong may mamahaling kotse sa harap ng apartment natin, nagtataka ako pati ang mga kapitbahay natin dahil bibihira ang ganoong kagandang sasakyan na dumaan sa kalsada sa lugar natin. Pagpanik ko sa loob ng apartment natin ay naaabutan kong may kausap kang alpha, nag-uusap kayo na para bang nagtatalo kayo pero mahina lang ‘yon at kalmado, bigla kayong tumigil nang makita niyo akong pumasok sa loob ng bahay natin.

Bakas ang gulat sa mga mata mo nang makita mo ako na nakatayo sa harap ng pintuan at nakatingin sa kamay ng lalaking nakahawak sa mga kamay mo. Ilang segundong walang kumikibo sa ating tatlo hanggang sa pinalabas mo ang alpha, tumingin siya sa’yo na para bang may gusto pa siyang sabihin pero hindi na niya nagawa dahil napilitan na siyang umalis.

Umalis naman siya pero nagawa pa niya akong tingnan noon mula ulo hanggang paa, para bang hinusgahan na niya agad ang buong pagkatao ko.

Natawa ako nang sarkastiko nang makalabas na siya ng bahay natin, mahina lang ‘yon pero bakas sa tawa ko na hindi ako makapaniwala sa nangyari.

Sabi ni Nanay sa akin noong bata ako, natutuwa daw sa akin ‘yung mga kumare niya kasi sobrang kalmado ko daw na alpha. Sabi naman ni Tatay, ayos lang daw na hindi ako matapang katulad ng ibang alpha dahil mas gugustuhin niyang magkaroon ng responsable at mabait na anak. Sabi naman ni Joyjoy noon sa akin, hindi niya in-expect na magiging magkaibigan kami dahil ayaw niya talaga sa mga alpha, talaga lang daw hindi masyadong halata sa akin na alpha ako. Sabi rin ng mga kapitbahay namin noong bata ako, na sa unang tingin parang hindi daw ako alpha dahil hindi matapang ang scent ko, at sobrang warm at gentle pa ng aura ko.

Pero Viel, hindi porket hindi ako kasing tapang ng ibang alpha diyan ibig sabihin pwede mo na ako ng hindi ituring na alpha mo, at hindi ibig sabihin noon ay hindi na ako marunong magalit.

At lalong hindi ibig sabihin noon na hindi ako nasasaktan.

Kalmado kong ibinaba ang bag ko bago ko tinanong sa’yo kung sino ‘yung lalaking ‘yon. Nakita kong malamig ang tingin mo sa akin pero parang walang buhay na ‘yung mga mata mo. Hindi ka sumagot kaya inulit ko ulit ang tanong ko, kalmado pa rin ako pero bahagya kong diniinan ang pagkakatanong ko.

Kaya’t sinagot mo ako, sabi mo kaibigan mo.

Sa pagkakatanda ko, Viel. May apat ka lang na kaibigan. ‘Yun ang sabi mo noon ‘di ba? Kaya sino sa apat ang lalaking ‘yon?

Sabi mo hindi siya kasama sa apat na ‘yon, kababata mo kamo ‘to, family friend, sabay kayong lumaki noon pero umalis ito at nagpunta sa Australia kaya’t hindi na ulit kayo nagkakita, ngayon na lang ulit, kaya’t tumango ako.

Tinanong kita kung anong ginagawa niya sa bahay natin at kailan pa kayo nag-uusap tuwing wala ako sa bahay? Kailan pa siya pumupunta dito sa tuwing nasa Ospital ako at nagbabantay sa anak natin? Kailan pa, Viel? Kailan mo pa tinatago sa akin ‘yon?

Hindi ka sumagot sa akin kaya inulit ko ulit ‘yung tanong ko kahit nanginginig na ang boses at kamay ko.

Tinanong ko sa’yo nang mas mariin.

Kailan pa, Viel? Kailan pa?

Sabi mo nung isang buwan.

Nung isang buwan pa.

Putang ina.

Kaya ba isang buwan mo na rin akong hindi magawang tingnan sa mata?

Tang ina naman, Viel. Isang buwan na rin pabalik-balik ‘yung lagnat naming dalawa ni Paopao noon, isang buwan mo na rin akong hindi hinahalikan at hindi niyayakap. Isang buwan ko nang pinagdarasal na sana sabihin mo sa akin na mahal mo ako kasi kailangan na kailangan ko ‘yun nung mga oras na ‘yon.

Dahil ba sa kanya?

Dahil ba sa kanya kaya tinigil mo na?

Tinanong kita kung paano ka niya nahanap.

Sabi mo ay dahil sila pala ang may-ari ng Ospital kung saan ka nanganak. Narinig niyang nag-uusap ang dalawang nurse na nanganak ka daw kaya’t agad ka nitong pinahanap, hanggang sa nalaman nga na dito ka nakatira. Pinuntahan ka kamo niya, pero hindi mo sinabi sa akin kung anong dahilan ng pagpunta niya.

Tinanong kita kung tinatakot ka ba niya o sinasaktan, sabi mo ay hindi.

Hindi kamo niya magagawang gawin sa’yo ‘yon. Wala naman kamo siyang ginagawang masama, giniit mo pa sa akin na mabait siya, tumatango-tango lang ako habang nakikinig sa mga sinabi mo. Sabi mo pa ay nakikiusap lang ‘to sa’yo na umuwi ka na sa pamilya mo dahil hinahanap ka na daw nila simula nung umalis ka sa baryo natin.

Napapikit na lang ako nang mariin at huminga nang malalim para ikalma ang sarili ko.

Ayokong mag-isip ng kung anu ano, Viel.

Kaya tumango lang ako sa lahat ng sinasabi mo, kahit nasaktan ako na sinikreto mo sa akin ‘yon. Gusto kong magtanong, Viel. Gusto kong itanong sa’yo bakit mo ba kasi tinago sa akin ‘yon? Bakit mo tinago na pinupuntahan ka nung Jasper na ‘yun? Pero pagod na ako, hindi ko na yata kakayanin kapag nagtanong ako at hindi ko nagustuhan ‘yung sagot mo.

Sobrang bilis ng tibok ng puso ko nung mga oras na ‘yun at sobrang sakit ng ulo ko, para bang babagsak na ako anumang oras dahil bukod sa masakit at nanghihina na ang buong katawan ko, sumisikip na rin ‘yung puso ko dahil ayaw mawala sa isip ko na naabutan kita na may kasamang ibang lalaki sa bahay natin.

Ayokong maghinala, Viel.

Ayokong paghinalaan ka kasi ayokong masira tayo, ayokong pag-isipan ka kahit sobrang sakit na makita kang may hawak na ibang lalaki na hindi ako o ‘yung anak natin.

Kaya naman naglakad na lang ako patungo sa kwarto para magpalit ng damit, sinundan mo ako sa loob, at tinanong mo ako kung bakit ang aga kong umuwi nung araw na ‘yon. Hindi ako sumagot kaya’t tinanong mo naman ako kung saan ako pupunta. Sabi ko ay pupunta ako sa Ospital ni Paopao at tsaka ko siya ililipat sa ibang Ospital.

Nakita kong nagulat ka sa sinabi ko, kaya’t tinanong mo ako kung bakit kailangan ko pa siyang ilipat, hindi ako sumagot kaya’t sinundan mo ulit ako habang naglalakad ako pabalik sa sala. Nakita kong na-pu-frustrate ka na sa hindi ko pagpansin sa’yo kaya’t bigla ka na lang ulit nagsalita.

Sabi mo huwag ko nang ilipat si Paopao ng Ospital dahil mas lalo lang lalaki ‘yung gastos, wala na tayong pera kaya sabi mo huwag ko nang unahin ‘yung pride ko.

Pride?

Anong pinagsasabi mong pride, Viel?

Matagal na akong wala noon, matagal mo ng winasak ‘yon. Wala nang natitirang ganoon sa akin. Kasi kung mayroon pa, hindi ko hahayaan na gawin mo lahat ng ginagawa mo sa akin.

Kaya ko lang naman gustong ilipat si Paopao, kasi nagbabaka sakali ako na baka kapag inilipat ko siya ng Ospital ay baka sumama ka na sa akin. Baka hindi mo na pabayaan na kaming dalawa lang ng anak mo ‘yung nandoon. Baka hindi ka na matakot na makita ka ng mga tao sa ibang Ospital dahil alam mong hindi na pagmamay-ari ‘yon ng kakilala mo.

Gusto ko lang naman makasama ka ulit, Viel.

Gusto ko lang maramdaman na nasa tabi pa rin kita.

Kasi ang sakit-sakit na.

Pagod na pagod na ako.

Hindi ko na kaya, Viel.

Hindi ko na kaya na ako lang.

Kailangan na kailangan kita nung mga oras na ‘yun.

Napahinto ako nang marinig ko ‘yung sinabi mo, hindi ko alam kung anong gagawin ko dahil mas lalo lang kumikirot ‘yung puso ko. Napahawak ako sa dibdib ko at sa lamesa para hindi ako tuluyang bumagsak nang maramdaman kong nanghina na ang tuhod ko, bago pa ako makahinga ulit nang malalim ay bumagsak na lang ako sa sahig.

Nang magising ako ay mag-isa na lang ako sa loob ng Ospital, mabigat pa rin ang ulo ko pero inilibot ko agad ang paningin ko dahil nagbabaka sakali akong makita kita sa tabi ko, pero wala.

Wala ka sa tabi ko.

Nang tinawag ng nurse ang doctor ay pumasok ang doctor na kakilala ko na dahil sa dalas kong magbalik-balik sa Ospital. Sabi sa akin ng doctor ay over fatigue pa rin, binilinan niya ako na magpahinga dahil ilang beses na daw nangyari sa akin ‘yon, hindi daw mawawala ‘yon kung hindi ko daw ipapahinga ang katawan ko.

Pero paano naman ako magpapahinga kung kailangan kong magtrabaho para mailabas ko na ‘yung anak ko sa Ospital, lalo na ngayon? Na-confine ako, ibig sabihin madagdagan na naman ‘yung kailangan kong bayaran, kaya naman kahit hindi pa tapos magsalita ang doctor ay bumangon na agad ako. Nagulat siya sa ginawa ko kaya naman nakiusap siya sa akin na mahiga muna ulit ako pero pinaliwanag ko sa kanyang hindi pwede.

Kailangan ko pang magtrabaho tsaka walang nagbabantay kay Paopao.

Pero sabi ng doctor ay nakalabas na daw si Paopao ng Ospital, sabi rin niya ay huwag ko na daw intindihin ang babayaran dahil bayad na daw lahat. Napatigil ako at napatitig sa doctor, nakangiti siya sa akin na para bang nag-e-expect siya na magtanong ako kung sinong nagbayad o magpasalamat man lang sa kanya pero hindi ako nagsalita, sa halip ay tinanggal ko na lang ang pagkaka-dextrose sa akin at naglakad na ako paalis kahit nanghihina pa rin ako.

Pinigilan ako ng mga nurse pero hindi ako nagpapigil sa kanila, dumiretso ako sa kwarto ni Paopao pero pagpasok ko ay wala na do'n ang anak natin, ibang bata na ang naka-confine doon kaya naman mabilis akong nag-sorry at naglakad na ulit paalis, hindi ko pinapansin ang mga nurse na nakikiusap sa akin na bumalik ako sa kwarto ko dahil dumiretso lang ako ng paglalakad ko habang tinatanggal ang natirang medical tape sa kamay ko.

Napatigil lang ako noon nang makita ko ang lalaking pumunta sa’yo noon, ‘yung Jasper. Nagkasalubong kami sa hallway, napatingin siya sa akin na para bang nagtataka na naglalakad ako nang naka-hospital gown. Tinanong ko agad siya kung saan niya dinala ang anak ko, napatingin sa kanya ang mga nurse na nakasunod sa akin, bahagya pa silang yumuko bilang pagbati sa kanya, ibig sabihin ay totoo ngang siya nga ang may-ari ng Ospital.

Sabi niya ay magkasama na daw kayo ni Paopao, kaya naman kahit nanginginig ang kamay ko ay tinanong ko kung nasaan kayong dalawa, nagtatakang napatagilid ang ulo. Sabi niya ay nasa bahay daw natin kayong dalawa, hindi ko alam kung bakit hindi ako naniniwala sa sinabi niya kaya naman kahit mabilis ang kabog ng dibdib ko ay naglakad ako nang mabilis palabas pero sinundan niya ako kasama ang mga nurse para sabihin na hindi pa ako magaling, kailangan ko muna daw magpahinga pero kahit na ganoon ay pumara pa rin ako ng tricycle at sumakay sa loob noon kahit naka-hospital gown pa rin ako.

Akmang susundan pa rin ako ng mga nurse pero pinigilan na niya ang mga ito nang makasakay na ako sa tricycle.

Pagkarating ko building natin ay agad akong nagtatakbo papunta sa apartment natin kahit nahihirapan at nahihilo pa rin ako, mabilis akong kumatok sa pinto natin pero walang nagbubukas noon, napansin ko ring nakapatay ang ilaw kaya’t kahit nanginginig ay pilit kong binuksan ‘yon, wala akong dalang susi kaya’t pinagsisisipa ko nalang ang pinto natin.

Nasira ko ang doorknob ng pinto natin kaya’t agad akong pumasok sa loob, mabilis ang kabog ng dibdib ko nang inilibot ko ang paningin ko sa buong apartment at hindi kita nakita, kaya’t mabilis akong tumakbo patungo sa kwarto natin. Napaluhod na lang ako sa sahig nang makita kitang nakahiga sa kama at mukhang kakagising mo lang, yakap-yakap mo si Paopao at nagulat ka nang makita mo ako.

Agad kang tumayo nang makita mo ang suot ko, tinanong mo kung anong nangyari pero hindi ako nakasagot dahil mabilis lang kitang niyakap. Sobrang higpit ng yakap ko sa’yo, hindi ka kumibo, hinayaan mo lang akong yakapin ka. Noon ko lang naramdaman na kumalma ako.

Hindi ko na matandaan ang mga sumunod na nangyari noong araw na ‘yon, nagising na lang ako na iba na ang suot ko, medyo nawala na ang sakit ng ulo ko, pero nahirapan pa rin akong bumangon, paglabas ko ng kwarto ay nakita kong buhat-buhat mo si Paopao habang nagpapalaman ka ng tinapay na hindi ko alam kung saan nanggaling. Napakunot din ang noo ko nang makita kong halos lahat ng stocks natin ay may laman na. Lumapit ako sa’yo para yakapin ka ulit at halikan ka sa pisngi, hindi ka kumibo sa akin, sa halip ay inabot mo lang sa akin at tinapay na pinalamanan mo pati ang gamot na galing sa plastic na nakalapag sa lamesa.

Tinanong kita kung saan galing ‘yung gamot, sabi mo galing doon sa Jasper.

Napatitig lang ako sa gamot bago ko binalik ‘yon sa plastic, nakita kong napapikit ka rin bago mo kinuha ulit ang gamot at binalik sa kamay ko. Kaya’t binalik ko ulit ‘yon at sinabi ko sa’yong hindi ko kailangan noon. Mahina mong sinabi sa akin na huwag na akong makulit at inumin ko na lang ‘yung gamot ko pero umiling ako, dahil kaya ko naman na talaga. Okay na ako.

Sabi mo huwag na akong makulit, inumin ko na lang.

Hindi ko pinansin ang sinasabi mo, sa halip ay nagtanong na lang ako kung anong gusto mong iluto kong tanghalian dahil wala akong balak pumasok sa trabaho ng araw na ‘yon.

Siguro nga mali lahat ng sinabi nila Nanay, mali din si Joyjoy pati ang mga kapitbahay ko, dahil katulad lang din naman talaga ako ng ibang alpha. Ayokong nalalamangan ako ng iba.

Wala eh, nasa ugali na naming mga alpha.

Kaya sabi ko sa’yo hindi ko kailangan ng tulong nung kaibigan mo, kaya kong bumili ng sariling gamot ko, sinabi ko rin sa’yo na babayaran ko na lang ‘yung mga binayad noon sa Ospital pag okay na ulit ako, kailangan ko lang makabawi ng lakas ko para makapagtrabaho ulit ako pagkatapos ay babayaran ko agad siya.

Pinipilit ko na lang magkaroon ulit ng pride, dahil walang wala na talaga ako noon, Viel.

Tang ina, hindi ko na alam, Viel.

Paano ba tayo humantong sa ganoon?

Araw-araw parang palagi akong takot umuwi kasi para bang araw-araw kong inaasahan na wala ka na sa bahay, hindi dahil gusto kong umalis ka, kundi dahil pakiramdam ko ay gusto mo nang umalis. Hindi na rin tayo halos nag-uusap, magkatabi tayo palagi sa kama pero parang ang layo-layo mo kahit nagsisiksikan lang naman tayo sa maliit na kama na ‘yon.

Ilang beses ko nang nakitang pumunta ‘yung Jasper na ‘yon sa bahay natin, hindi na lang ako nagsasalita o kumikibo tuwing naabutan ko siya sa bahay, dumidiretso na lang ako sa loob ng kwarto at nagkukulong doon kahit alam kong nasa sala siya kasama mo, dahil sino ba naman ako para pigilan ka na huwag ka nang makipagkita sa kanya?

Hindi ko na naman kasi alam kung ano ba tayo.

Live-in partners? Parang roommate mo lang kasi ako eh.

Wala ka namang pakialam sa nararamdaman ko, sinabi ko na sa’yo ng isang beses na hindi ko gustong pumupunta ‘yung Jasper na ‘yan dito pero anong sabi mo? Sabi mo kaibigan mo lang naman siya at tinutulungan lang naman niya tayo. Tang ina, Viel. Hindi naman ako nanghihingi ng tulong sa kanya. Ginagawa ko na nga lahat para makabayad ako ng utang natin sa kanya, bakit tanggap ka pa rin nang tanggap ng mga binibigay niya?

Nakakapikon kasi.

Pinapamukha mo sa akin na hindi ko kayo kayang buhayin ni Paopao.

Na kailangan mo pa ng tulong ng lalaking ‘yan.

Pero wala akong magawa.

Wala akong magawa kaya nagtitiis na lang ako sa tuwing naabutan ko siyang bumibisita sa bahay natin. Wala akong magawa kundi magkulong sa kwarto at magtakip ng unan sa mukha ko dahil sa sobrang inis ko. Wala akong magawa kahit bumabalik-balik sa isip ko na ganoong ganoon rin tayo nung sa baryo pa tayo, palagi mo na lang hinahayaan na magpapasok ng ibang alpha sa bahay mo kahit nandoon ako.

Hindi ko inakala na kahit pala sa bahay natin ay magpapapasok ka pa rin pala ng ibang alpha.

Nakakainis, nakakapikon.

Kahit hindi mo sinasabi sa akin pero ganoon ang nararamdaman ko, para bang hindi ko kayo kayang i-ahon sa magandang buhay ng anak natin.

At wala akong magawa kasi parang totoo naman.

Totoong hindi ko kaya, Viel.

Totoong hindi ko kayang ibigay sa inyo ‘yun ni Paopao.

At pagod na pagod na ako, Viel.

Pagod na pagod na akong magtrabaho nang magtrabaho nang paulit-ulit kahit maliit lang ang kikitain ko, pagod na pagod na akong magtiis na hindi mo ako kinakausap dahil lang ayokong tanggapin ‘yung tulong kaibigan mo. Pagod na pagod na talaga ako, Viel. Pagod na pagod na ako tapos ‘yung lalaking ‘yun pa ang naabutan ko palagi sa bahay natin at hindi ‘yung halik at yakap mo.

Hindi ko na alam, Viel.

Hindi ko na alam kung papaano ako humantong sa puntong umuuwi ako palagi ng lasing, sabi ko noon sa sarili ko na konti lang, konti lang ang iinumin ko, para lang hindi ko maramdaman ‘yung sakit sa tuwing umuuwi ako at nakikita ko siya sa bahay natin, para hindi ko maramdaman na parang ako ‘yung bumibisita lang, kasi parang hindi ko na bahay ‘yon, parang hindi na sa akin, kasi parang mas madalas pa siya doon kaysa akin, lagi kasi akong wala ‘di ba? Lagi akong nasa trabaho, tapos hindi pa ako umuuwi agad kasi ayokong maabutan siya, pero hindi eh.

Kahit alas dos na ng umaga ako umuwi nandoon pa rin siya, aalis lang siya kapag nandoon na ako.

Tang ina, ayoko na nga siyang makita eh.

Alam mo ba kung gaano kasakit sa akin noong umuwi ako ng alas dos ng madaling araw tapos lasing na lasing ako tapos naabutan ko pa rin siya? Halos gumapang na lang ako sa loob ng bahay natin noon, tapos nung susuka na ako siya pa ‘yung bumuhat sa akin sa loob ng banyo.

Naiinis ako, hindi sa’yo, hindi sa kanya, kundi sa sarili ko.

Para kong tanga noon na sumusuka pa rin kahit halos wala na akong maisuka, nakaupo na lang ako sa sahig ng banyo, inaalalayan mo ako habang sumusuka ako habang siya naman ay nasa may pintuan at pinapanuod ako sa kalagayan na ‘yon. Nakita ko ang disappointment sa mukha niya, para bang naawa siya pero hindi sa akin kundi sa’yo, hindi ko na matandaan ang usapan niyo noon dahil umiikot na ang buong paningin ko, puro suka na rin ang buong katawan ko pero nagagawa niyo pang magtalo.

Nakadukdok lang ang mukha ko sa toilet habang pinapakinggan ang pagtatalo niyo kahit wala na akong naiintindihan, mahina lang ang mga boses niyo, hindi kayo nagsisigawan pero alam kong nagtatalo kayo, naririnig ko naman kayo pero hindi na pumapasok sa isip ko ang mga pinag-uusapan niyo dahil sa sobrang kalasingan ko, bukod sa kinuwestyon ka niya.

Kinuwestyon ka niya kung sigurado ka daw bang gusto mo ng gantong buhay kasama ako.

Hindi mo sinagot ang tanong niya, sa halip ay nakiusap ka lang sa kanya na umalis na siya.

Paulit-ulit kang nakiusap sa kanya na umalis na lang siya habang inaalalayan mo ako na walang tigil sa pagsuka.

Sa huli ay umalis din siya, ikaw naman ay umupo ka sa tabi ko para linisan ako. Wala akong magawa, nakatingin lang ako sa’yo habang binubuhusan mo ako ng tubig para paliguan ako, hindi na ako makagalaw sa pwesto ko dahil hilong-hilo na talaga ako, pero natatandaan ko pa ‘yung mukha mo noon, nakatingin ka sa akin na para bang nag-aalala ka.

Hindi ka nagrereklamo kahit ilang linggo na akong ganoon, paulit-ulit mo lang akong iniintindi.

Gusto kong umiyak noon, pero wala, lahat ng sakit na nararamdaman ko noon napunta lang ulit sa puso ko. Pinapanuod lang kita habang pinapaliguan mo ako dahil hindi ko na magawa sa sarili ko ‘yun.

Ganoon ako kawalang kwenta noon.

Tapos pinatunayan ko pa dahil sa mga pinaggagawa ko noong mga panahon na ‘yon.

Puro nararamdaman ko lang iniisip ko, hindi ko man lang tinanong kung anong nararamdaman mo, kung ayos ka lang ba? Kakapanganak mo lang noon tapos lagi pa kaming nagkakasakit ni Paopao pareho. Nakalimutan ko na namang kamustahin ka kasi inuuna ko ‘yung selos ko.

Siguro nga, ako ‘yung may problema, Viel.

Ako ‘yung may problema talaga kasi hindi ko man lang nagawang intindihin na hindi ka sanay sa buhay na ‘yon, alam kong nag-aadjust ka pa. Kung sa akin kaya ko ‘yon dahil normal lang naman sa akin ‘yon, sa’yo hindi. Kasi bago lang sa’yo lahat pero pinipilit mo pa rin na sumabay at intindihin para sa akin.

Pero ako ‘yung hindi umintindi.

Nang matapos mo akong paliguan ay tinanong mo ako kung kaya ko bang tumayo, hindi ako makasagot dahil hilong hilo pa rin ako, sinubukan mo akong itayo, wala kang pakialam kahit mabasa kita pero binalik mo ulit ako sa pagkakaupo ko sa basang sahig dahil hindi mo ako magawang buhatin.

Kaya tinanong mo ulit ako kung kaya ko bang tumayo.

Nakatingin lang ako sa’yo habang nakabagsak ako sa sahig, nakaluhod ka sa harapan ko at kahit hindi mo sabihin sa akin, kitang kita ko ang pagod sa mga mata mo.

Inulit mo ulit ‘yung tanong mo.

Kaya ko pa ba?

Dahan-dahan akong umaling sa’yo kahit nanginginig na ang mga labi ko.

Hindi ko na kaya, Viel.

Hindi ko na kaya kasi ang sakit-sakit na.

Nakita kong unti-unting bumagsak ‘yung luha mo habang nakatingin ka sa akin, pero mabilis mong pinunasan ang luha mo. Umiling ka sa akin kahit walang tigil sa pagbagsak ‘yung luha mo noon, sabi mo sa akin kaya ko pa. Kaya tinulungan mo akong tumayo kahit nababasa na rin kita pero wala na akong lakas na tumayo noon, Viel. Pero nakiusap ka pa rin sa akin na tumayo ako kaso wala na talaga ako sa sarili ko noon. Umiikot na ang buong paningin ko at tanging mukha mo na lang ang naaninaw ko.

Pero pinilit mo pa rin kaso nadulas ako noon at nadamay pa kita sa pagbagsak ko.

Napaupo ka na lang din sa sahig habang umiiyak nang malakas, noon lang kita narinig na umiyak na parang bata, halos hindi ka na makahinga sa lakas ng paghikbi mo, basang-basa ka na rin katulad ko.

Pero hindi ka tumigil, pagkatapos mong punasan ulit ang luha mo ay sinubukan mo ulit akong itayo kahit nahihirapan ka na kaso muli na naman tayong bumagsak na dalawa at napatakip ka na lang sa mukha mo habang umiiyak.

Narinig mo pang umiiyak na si Paopao mula sa kwarto, napatingin ka sa akin habang umiiyak ka at pinupunasan mo ang luha mo. Paulit-ulit kang humingi ng tawad sa akin habang inaayos mo ang pagkakaupo ko, bakas sa mukha mo ‘yung pag-pa-panic mo habang pilit mo akong pinupunasan ng tuwalya para matuyo ako pero mas lalo lang lumalakas ang iyak ni Paopao kaya’t muli kang humingi ng tawad sa akin nang iniwan mo akong mag-isa sa banyo para puntahan si Paopao.

Noong mga oras na ‘yon, kahit lasing na lasing ako.

Galit na galit ako sa sarili ko.

Kasi bakit hinayaan kong magkaganoon ako?

Bakit ko ginawa sa’yo ‘yon?

Gusto kong bumangon nung mga oras na ‘yon para patahanin kayo pareho ni Paopao pero hindi ko magawa. Napasandal na lang ako sa malamig na pader ng banyo natin habang pinagdarasal ko, kung may nakikinig man sa akin, na kung pwede lang ibalik ‘yung mga oras, hindi ako iinom, hindi ko gagawin sa sarili ko ‘yon, at lalong lalong hindi ko gagawin ‘yon sa inyo ng anak natin.

Durog na durog na ako nung mga oras na ‘yon, sobrang sikip ng dibdib ko, kasi habang hindi ko maigalaw ang buong katawan ko sa banyo ay narinig ko ang pag-iyak niyong dalawa mula sa kwarto.

At wala akong magawa.

Kinabukasan noon, natatandaan ko, sobrang lamig mo na sa akin.

Parang wala na talaga akong kasama sa bahay.

Kinakausap kita at humihingi ako ng tawad sa’yo pero hindi ka kumikibo sa akin, nakikita ko lang na may bumabagsak na luha sa mga mata mo pero hindi mo na ulit ako pinapansin, para bang natatakot kang kausapin ako.

Para bang pagod ka na rin.

Pagod ka na sa akin.

‘Di ba, sabi ko, hindi ko na uulitin na uminom?

Pero ginawa ko ulit nung araw na ‘yun kasi gusto ko na lang mamanhid muna, gusto kong takasan lahat ng sakit na nararamdaman ko sa tuwing nakikita kita, hindi ko naman dinamihan ang pag-inom ko sa puntong susuka ulit ako, uminom lang ako para hindi ko muna maramdaman ‘yung sakit noong mga oras na ‘yon pero hindi ko namalayan na napadami na naman.

Lasing na lasing akong nakahiga sa sahig noon dahil hindi ko na mai-gapang pa ang katawan ko papunta sa kwarto, siguro akala mo natutulog na ako nung mga oras na ‘yun pero gising ako noon, Viel.

Naririnig ko lahat kaya kahit nakapikit ako ay alam ko ang mga nangyayari.

Narinig kong tumutugtog sa radyo ‘yung kanta ni Kyla na Hanggang Ngayon kasabay ng tugtog ng hanging crib toy ni Paopao. Narinig ko rin ‘yung pagbukas mo ng drawer sa tapat ng salamin, narinig kong may sinulat ka. Narinig ko rin ang bawat yapak mo, narinig ko rin na binubuksan mo ang kabinet sa kwarto, narinig kong kinukuha mo ang mga damit mo, pati ang pagsarado ng zipper ng bag mo. Narinig ko lahat, Viel.

Rinig na rinig ko lahat.

Narinig ko kung paano ka umalis.

Narinig ko kung paano mo kami iniwan ni Paopao.

Alam mo, sa totoo lang, Viel. Nung mga unang araw na nawala ka, hindi pa nag-si-sink in sa utak ko na wala ka na. Pakiramdam ko babalik ka pa, alam ko na babalik ka.

Kasi tang ina. Hindi mo naman siguro magagawang iwan kami ni Paopao ng ganun-ganun lang?

Hindi mo naman siguro kami iiwan gamit ang isang sorry na isinulat mo lang sa notes na idinikit ko sa salamin natin katabi ng mga picture natin nila Paopao?

Hindi ka naman siguro mawawala sa akin ng ganun-ganun lang?

Hindi ko alam kung bakit umaasa pa ako na babalik ka pa noon, araw-araw nag-iiwan pa rin ako ng notes katulad ng ginagawa ko palagi noong okay pa ako. Nagbabaka sakali na kapag umuwi ka at nasa trabaho ako ay mababasa mo ‘yon. Nasa iyo naman ‘yung isa pang susi ‘di ba? Hindi mo naman iniwan, kaya siguro babalik ka pa.

Huwag kang mag-alala.

Si Ate Rica ang nagbabantay kay Paopao noon, siya ang nag-offer na tumulong sa akin tutal ay gabi na lang ang shift niya noon dahil nagbabantay na rin siya sa mga anak niya sa umaga dahil nagsisimula nang mag-aral ‘yung panganay niya nung mga panahon na ‘yon eh.

Okay naman na ulit ako noon, Viel.

Napagod lang ako siguro ako saglit, lahat naman tayo dumadaan sa ganoong pagkakataon, ‘yung parang akala ko hindi ko na kaya, kailangan ko lang pala ng pahinga.

Pero okay na ulit ako pagkatapos ng tatlong araw simula nung iniwan mo kami, Viel. Pinipilit ko pa ring bumangon at magtrabaho kasi syempre kailangan natin ‘yun. Kailangan kong makapagtrabaho para sa ating tatlo, ‘di ba?

Tsaka iniisip ko na kailangan okay na ako pagbalik mo, para hindi ka na ulit umalis, para hindi mo na ulit kami iwan ni Paopao.

Kasi natatakot ako, Viel eh.

Natatakot na ako nung mga oras na ‘yon pero hindi ko lang pinapahalata at pinapakita kahit sa sarili ko kasi mas natatakot ako na baka hindi ko na naman kayanin na baka nga totoo ‘yung hinala ko, baka nga hindi mo na kami babalikan ni Paopao.

Baka nga ayaw mo na.

Pero pilit kong inaalis sa isip ko ‘yun tuwing pinapatulog ko si Paopao sa gabi. Sa tuwing kinakantahan ko siya hanggang sa makatulog siya, kasi umaasa pa rin ako na babalik ka.

Pero umabot ng isang linggo, isang buwan, isang birthday ko na wala ka.

Unti-unti nang pumapasok sa isip ko na wala ka na nga.

Iniwan mo na nga kami.

Nakatulala ako noon sa loob ng kwarto natin, nakaupo ako sa kama habang hawak-hawak ko si Paopao na nakatulog na sa bisig ko, malapit nang matapos ang birthday ko pero hinihintay pa rin kita.

Hinihintay kitang pumasok sa pinto ng kwarto para salubungin ako ng halik, hinihintay ko na batiin mo ako sabay yakap sa akin nang mahigpit, hinihintay kong bumalik ka sa akin, Viel.

Pero wala.

Natapos na ang birthday ko at lahat, hindi ka dumating.

Sabi ko noon parang nakikita ko nang iiwan mo ako, paano naman kasi, ikaw na rin ang nagsabi na hinahanap ka ng pamilya mo, hindi ko alam kung sino sila, hindi ko alam kung gaano sila kayaman, hindi ko alam kung anong kaya nilang gawin, kaya hindi ko alam kung mananatili ka pa ba sa akin noon lalo na’t alam mong may pamilyang sasalo sa’yo, kaya parang naiisip ko na na baka iwan mo ako, pero nung nangyari na talaga, hindi ko naman matanggap.

Kinabukasan noon ay agad akong dumiretso sa ospital ng kaibigan mo, hawak-hawak ko si Paopao dahil may ganap si Ate Rica noon sa school ng panganay niya kaya’t wala akong mapag-iwanan sa anak natin. Pilit kong sinabi sa front desk na kailangan kong makausap ‘yung Jasper na ‘yan, kailangan kong malaman kung nasaan ka.

Wala siya sa ospital, kaya tinawagan lang siya noong nasa front desk na nurse, naupo ako sa hospital bench habang pinagmamasdan ko si Paopao na mahimbing na natutulog. Ang kalmado ng mukha ng anak natin noon, pero ang daming bumabagabag sa akin nung mga oras na ‘yon.

Nang dumating ‘yung Jasper na ‘yon sa ospital ay bumaba ang tingin niya kay Paopao, napakunot ang noo niya bago napabalik ang tingin niya sa akin. Tinanong niya ako kung bakit kasama ko si Paopao, kaya binalik ko ang tanong niya sa akin. Bakit niya tinatanong kung bakit ko kasama ang anak natin.

Hindi siya nakasagot pero mabilis niya akong inaya sa opisina niya. Sumunod ako sa kanya kahit kumukulo pa rin ang dugo ko sa Jasper na ‘yon. Pinaupo niya ako sa sofa, at pagkasaradong pagkasarado niya ng pinto ay tinanong niya agad ako kung bakit iniwan mo rin si Paopao.

Napatigil ako at napatitig lang sa mukha ng alpha mong kaibigan.

Anong ibig niyang sabihin doon?

Ibig sabihin ba noon, dapat ako lang talaga ang iiwan mo?

Dapat isasama mo si Paopao?

Hindi ko nasagot ang tanong niya dahil hindi ko rin alam, hindi ko rin alam bakit mo kami iniwan, kaya naman diniretso ko na ng tanong ‘yung Jasper kung nasaan ka. Sabi niya ay hindi niya alam pero hindi ako naniniwala. Sinong tutulong sa’yo na umalis ng bahay kung hindi siya?

Giniit pa niya na alam niyang may balak ka, pero hindi niya alam na agad-agad, inamin niya rin na nagulat siya na umalis ka nang hindi rin nagpapatulong sa kanya, at mas lalong hindi niya inaasahan na hindi mo sinama si Paopao, sabi pa niya ay wala siyang ideya pero natatandaan niya na may sinabi ka sa kanya na may regalo ka sa birthday ko, matagal mo na daw ginawa ‘yung regalo na ‘yon pero sinabi mo lang ‘yon sa kanya noong kinabukasan after kong magsuka noon sa banyo, nung pumunta daw ‘yung Jasper na ‘yon sa bahay pero hindi ko alam dahil lasing na lasing na naman ako, may sinabi ka daw sa kanya tungkol sa nilagay mong box sa likod ng aparador mo.

Iyon lang ang huli niyong usapan kaya’t wala siyang ideya.

Hindi ako naniwala sa kanya, pero alam kong wala rin naman akong mapapala kung magwawala ako o manggugulo. Nakatulala lang ako habang pinapakinggan ko ang mga sinasabi niya na ayaw naman tanggapin ng utak ko lahat.

Ilang segundo akong hindi nagsasalita bago ako lumuhod sa harapan niya.

Nakita kong nagulat siya sa ginawa ko lalo, hawak-hawak ko pa rin si Paopao habang nakaluhod ako na parang tanga noong mga oras na ‘yon.

Alpha rin ako pero putang ina, Viel. Handa kong isuko ‘yung natitirang pride na mayroon ako nung mga oras na ‘yon para lang malaman ko kung nasaan ka.

Kahit galit na galit ako sa Jasper na ‘yan, hindi ko na naisip ‘yon nung mga oras na ‘yon dahil gusto lang namang bumalik ka sa akin, sa amin ni Paopao.

Gusto ko lang naman na umuwi ka na, mahal.

Miss na miss na kita, Viel.

Kaya nakiusap at nagmakaawa na ako sa kanya na sabihin kung nasaan ka pero giniit niya lang sa akin lalo na hindi niya alam, na hindi niya talaga alam dahil wala kang sinabi. Kaya lang naman daw naging ganoon ang unang reaksyon niya ay dahil wala siyang naiisip na dahilan para puntahan ko siya.

Sa huli, kahit anong luhod at pagmamakaawa ko sa kanya ay wala akong napala.

Bukod sa sinabi niyang kahon, kaya’t nang mapadede ko na si Paopao sa bote ay pinatulog ko na ulit siya. Pagkatapos kong masiguradong mahimbing na ang tulog niya ay tsaka ako naglakad patungo sa aparador mo para hanapin ang box na tinutukoy nung Jasper na ‘yon.

Nang buksan ko ‘yon ay agad na tumambad sa akin ang isang sulat na nakapaibabaw sa maliit na sapatos, mukhang handmade ‘yung sapatos kaya naman alam ko na agad na ikaw ang gumawa noon. Medyo malaki na ‘yon, siguro ay pag isang taon na si Paopao ay baka magkasya na sa kanya ‘yon.

Binuksan ko ang sulat habang nakaupo ako sa kama. Hindi naman mahaba ‘yon, sobrang iksi lang, humihingi ka lang ng tawad dahil umalis ka, wala ka namang explanation, sabi mo lang ay sana tanggapin ko ‘yung tulong mo, hindi ko agad naintindihan ‘yung part na ‘yon, sabi mo pa ay mag-iingat kami palagi ni Paopao, ni wala ka man lang nabanggit na mahal mo ako o mamimiss mo ako, o kahit man lang ‘yung anak natin.

Walang bumabagsak na luha sa mga mata ko pero sumisikip na ang paghinga ko at nanginginig na ang mga kamay ko habang nakatulala ako sa sulat mo.

Wala akong naging reaksyon noon pero hindi na maayos ang pagtibok ng puso ko.

Ibabalik ko na sana ang kahon sa dati nitong pwesto nang mapatigil ako nang may nakita pa ako ulit na envelope sa ilalim ng sapatos, kaya’t inalis ko ang sapatos at tumambad sa akin ang envelope na kasing laki ng kahon, binuksan ko ‘yon at halos huminto ang pagtibok ng puso ko nang makita ko ang lamang pera noon.

Napalunok habang binubuksan ko ‘yom.

Sobrang dami, hindi ko alam kung saan mo kinuha ‘yon, pero sigurado akong iniwan mo ‘yun para kay Paopao.

Hindi ko na binilang kung magkano ‘yon, binalik ko na lang ulit sa envelope at pinasok ko ulit sa aparador ‘yung kahon, wala akong balak na galawin pa ‘yon dahil alam ko namang babalik ka pa.

Umaasa pa rin ako, kahit alam kong malabo na, na babalik ka pa.

Kasi, Viel naman.

Hindi mo naman siguro ako babayaran lang para alagaan ‘yung anak natin ‘di ba? Hindi mo naman siguro kami iiwanan lang ng pera ng anak mo na para bang binayaran mo lang kami.

Mahal mo ko, Viel eh.

Mahal mo kami ni Paopao.

Alam ko ‘yun, alam ko naman.

Pero nagsisimula ko nang kwestyonin ang sarili ko noon kung talaga bang minahal mo kami.

Araw-araw akong tulala noon, wala ako palagi sa sarili ko pero pinipilit kong ibalik ang sarili ko sa huwisyo dahil ayokong mapabayaan ko si Paopao. Hindi ko na tuloy napansin na sarili ko na pala ‘yung napapabayaan ko.

Hanggang sa isang araw, biglang kumatok ‘yung kapitbahay nating matandang omega, ‘yung hiniraman ko ng cellphone noon. May hawak-hawak siyang malaking pinggan, nakalagay doon ang isang slice ng cake, spaghetti, pancit, shanghai, fried chicken, at puto na halos magdikit-dikit na.

Inabot niya sa akin ‘yon, sabi niya ay birthday niya daw, wala daw siyang bisita dahil wala na daw ang asawa niya, tapos may pamilya na ang anak niya sa probinsya, kaya’t namimigay na lang siya ng handa niya sa mga kapitbahay niya.

Agad ko namang tinanggap iyon at nagpasalamat, akala ko ay aalis na siya pero tinanong niya ako kung kumusta na daw ba ang asawa ko.

Natigilan ako at napangiti ng sarkastiko dahil sa tanong niya.

Sabi pa niya ay nakita daw niya ‘yung asawa ko dati na lumalabas sa hallway ng apartment para paarawan si Paopao noon, nagulat nga raw siya dahil dati ay puro ako lang daw kasi ang nakikita niyang naglalabas kay Paopao.

Sabi pa niya ay sobrang ganda naman daw ng asawa ko, nagulat nga raw siya dahil akala niya ay mamamatay na siya dahil nakakakita na siya ng anghel, sabi pa niya ay kinakantahan mo pa raw si Paopao sa umaga, tapos sobrang ganda raw ng boses mo.

Hindi ko alam ‘yun, hindi ko alam na marunong ka palang kumanta, kasi hindi mo naman pinakita sa akin.

Nakikinig lang ako sa mga sinasabi niya dahil wala na akong nararamdaman, namamanhid na ako, pero kahit anong tago ko ay alam kong sa loob-loob ko ay nasasaktan ako lalo na sa mga kinukwento ng kapitbahay natin.

Tinanong pa niya ako kung nasa loob ka raw ba ng bahay, gusto ka lang daw niya ulit makita para magpakilala, dahil ang tagal na raw nating magkakapitbahay pero hindi niya tayo nakakausap.

Pero umiling ako sa kanya, kaya nagtaka siyang bigla lalo na nang makita niyang nanginginig ako habang nakayuko ako at nakatingin lang sa pagkain hawak-hawak ko.

Nag-aalala niya akong tinanong kung ayos lang daw ba ako, pero agad akong sumagot na hindi.

Hindi ako ayos, hindi ako okay, hindi ko na kaya nang wala ka, Viel.

Noon ko lang inamin sa sarili ko na hindi ako okay, hindi ako okay, Viel. Hindi ko na kaya, miss na miss na kita, miss na miss ko na ‘yung pamilya ko, miss na miss ko na kayong lahat, hindi ko na kayang mag-isa.

Palagi ko nalang iniisip kung okay ka lang ba? Masaya ka ba? Kung nasaan ka man, naaalala mo rin kaya kami ni Paopao? Iniisip mo rin ba kami kagaya kung papaano kita iniisip? Nag-aalala ka rin kaya kung kumain na ba kami? Si Mutya kaya? Okay lang kaya siya? Okay lang kaya sila Nanay at Tatay? Hindi na kaya tamad si Joyjoy? Tumutulong na kaya siya kila Tita Myrna at Tito Marlon? ‘Yung mga halaman at bulaklak kaya na iniwan ko? Okay pa rin kaya ‘yon? Malago na kaya sila? Naging adobo na kaya ‘yung mga manok ni Tatay? Malaki na kaya ‘yung mga itik? Ang dami kong tanong pero alam kong hindi ko kayang sagutin.

Ang tagal kong kinimkim sa sarili ko ‘yun, ang tagal kong kinimkim lahat ng nararamdaman ko pero isang tanong lang pala ng kapitbahay natin, lalabas lahat ng ‘yon.

Tinanong niya ulit ako kung okay lang ako dahil ang tagal kong hindi kumikibo, pero ‘yung pinaka unang tanong niya ang sinagot ko.

Sabi ko wala ka.

Nakita ko ang pagtataka sa mukha niya, tinanong niya kung anong wala? Wala ka sa bahay?

Kaya sabi ko wala ka na.

Wala ka na, Viel.

Noon ko lang din inamin sa sarili ko na iniwan mo na talaga ako.

Iniwan mo na talaga kami ni Paopao.

Sabi ko sa sarili ko noon ay baka nga unti-unti ko na rin natatanggap na hindi ka na babalik, pero hindi totoo ‘yun, Viel. Araw-araw hinihintay pa rin kita, araw-araw iniisip ko na papasok ka ulit sa bahay natin, na babalik ka pa sa akin.

Kaya noong may kumatok ulit sa pinto natin ay agad akong nagtatakbo patungo sa pinto, kahit halos magkandarapa na ako sa pagtakbo para lang buksan ang pinto, pero imbes na ikaw ang maabutan ko ay isang delivery guy, may inabot siya sa aking kahon, tinanong ko kung kanino galing pero wala raw nakalagay, kaya naman kinakabahan kong binuksan ‘yon, pagbukas ko ay katulad ng kahon na iniwan mo sa aparador, walang lamang sulat ‘yon o kahit ano, bukod sa sandamakmak na pera na nakalagay doon.

Isinarado ko ulit ‘yon at itinago katabi ng unang box na iniwan mo, akala ko ay hindi na mauulit ‘yon, pero isang linggo lang ay may dumating na namang ganoong box, iba na namang delivery guy, hindi pa rin alam kung saan galing, sinubukan naming alamin ni Ate Rica kung saan ‘yon nanggagaling pero walang makapagsabi.

Ang hirap palang malaman kung nasaan ‘yung mayayaman.

Naipon lang nang naipon ‘yung pera at mga box sa loob ng aparador, halos hindi ko na maisarado ‘yon dahil halos linggo-linggo ay may dumadating na panibago. Kung tutuusin ay pwede ko nang gamitin ‘yon sa pagpapagawa ng bahay para hindi na kami umuupa ni Paopao sa apartment pero hindi ko ginawa, dahil ayokong gastusin ‘yung pera na ‘yon, ayoko rin na baka umuwi ka dito at hindi mo na kami maabutan pa ni Paopao.

Lumipas ang mga araw, patuloy lang ako sa normal na buhay ko, nagtatrabaho ako at inaalagaan ko si Paopao, paulit-ulit na ganoon, nakakasawa kasi paulit-ulit, akala ko nasasanay na ako, akala ko hindi na kita naalala kasi masyado akong abala, pero hindi totoo ‘yon, sa tuwing matatapos na ‘yung panibagong araw, sa tuwing nakahiga na ako sa kama, sa tuwing ipipikit ko na ‘yung mga mata ko, naalalala kita.

Namamanhid lang siguro ako nung mga oras na ‘yon.

Para na akong robot sa tuwing bumabangon ako sa umaga at pinagpapatuloy ko ‘yung buhay ko kahit wala akong gana dahil wala ka.

Unti-unti na rin nawawala ‘yung kaba ko sa tuwing may kumakatok sa pinto natin dahil iba-ibang delivery guy lang naman ang kumakatok, kaya naman nagulat ako nang makita kong ‘yung kapitbahay na matanda ulit ang kumatok.

May hawak-hawak siyang dyaryo.

Tinanong niya sa akin kung ikaw daw ba ‘yung nasa picture, kaya naman agad kong kinuha ‘yon para tingnan ang sinasabi niyang larawan.

Para akong binuhasan ng malamig na tubig nang makita ko ang mukha mo sa dyaryo, nakasuot ka ng itim na coat, ibang-iba na ‘yung itsura mo. Mukhang ang healthy mo, mukhang ang saya-saya mo.

Pero nang binasa ko ang pangalan na nakasulat sa dyaryo ay napatigil ako.

Hindi ko kilala kung sino si Adriel Beaufort.

Ang ganda ng pangalan, ang bango, ang yaman, halatang hindi ko maaabot.

Sabi doon sa dyaryo, bumalik na raw ‘yung nag-iisang anak ng mga Beaufort na nawala simula nung kumalat ‘yung mga video niya, ang nakasulat na dahilan doon kung bakit ka nawala ay dahil nag-ibang bansa ka para magpagamot sa trauma mo dahil sa mga nangyari sa’yo sa nakaraan, pero ngayon ay okay ka na at balak mo ulit bumangon sa nakaraan mo, gagamitin mo ‘yung nangyari sa’yo bilang inspiration para ipagpatuloy ‘yung buhay mo, kaya’t magsisimula ka ng panibagong business, bagong makeup brand na may advocacy. Ayon din doon sa dyaryo na maganda ang naging reaksyon ng mga tao sa pagbabalik mo, unti-unti nang nawawala ang mga panghuhusga nila sa’yo noong unang beses na kumalat ang mga video mo, at dahil sa mga nilabas mong statement ay napunta na ang galit ng mga tao sa apat na kaibigan mo noon.

Pagkatapos kong basahin ang lahat ng nakasulat doon ay unti-unti akong napahinga nang malalim para ikalma ang sarili ko. Binalik ko ‘yon sa kapitbahay natin at sinabi kong hindi ko kilala kung sino ‘yung Adriel, dahil Haviel ang pangalan ng asawa ko. Kahit naguguluhan siya at halatang nababahala sa naging reaksyon ko ay tumango na lang siya at umalis.

Pero pagkasarado nang pagkasarado ko ng pinto ay naramdaman kong biglang nanlambot ang mga tuhod ko, napaluhod na lang ako sa harap nang pinto habang nakakapit sa doorknob para hindi ako tuluyang bumagsak, nakahawak ako sa puso ko dahil para bang nahihirapan na naman ako sa paghinga ko.

Alam mo ang sabi nila? Possible daw na mamatay ka sa broken heart kapag nawala ‘yung mate mo.

Kaso, Viel.

Hindi naman kita mate, hindi kita namarkahan, pero pakiramdam ko mamamatay na ako sa sobrang sakit ng nararamdaman ko.

Nakaupo lang ako sa sahig, wala na akong lakas na tumayo, wala akong naiintindihan, Viel. Wala akong naiintindihan kasi wala kang sinabi sa akin.

Alam mo ba kung bakit hindi ako nagtanong o nagsalita noong sinabi mo sa akin na hinahanap ka na ng pamilya mo noon? Kasi anong laban ko sa kanila, Viel? Kaya nilang ibalik sa’yo ‘yung magandang buhay na mayroon ka noon, ako hindi ko kaya. Kaya umaasa na lang talaga ako noon na hindi mo ako iiwan, na kami ni Paopao ang piliin mo kasi pamilya mo rin naman kami ‘di ba? Kaso hindi ko rin magawang ipilit sa’yo kasi hindi ko alam, Viel. Hindi ko alam, hindi ko alam kung anong gusto mo.

Kaya binigay ko na sa’yo ‘yung desisyon na ‘yon.

Nung nagdesisyon ka na, hindi ko naman matanggap ‘yung desisyon mo.

Kinabukasan ay pinilit ko ang sarili ko na bumangon, bumalik ako sa ospital nung Jasper na ‘yon pagkatapos kong ihatid si Paopao sa bahay nila Ate Rica. Mabuti na lang pagpunta ko doon ay nasa ospisina siya, kaya’t kahit hindi pa pumapayag ang mga nurse ay agad akong dumiretso sa ospisina mo, pinasundan nila ako sa guard pero hindi ako tumigil, nagdire-diretso lang ako sa loob hanggang sa nagulat siya sa biglang pagbukas ko ng pinto.

Naabutan ako ng mga guard kaya’t agad nila akong hinawakan pero pinigilan niya ang mga ito at sinabi niyang iwan nila kaming dalawa. Agad namang sumunod ang mga guard at umalis na, hindi na ako nagdalawang isip na itanong ulit sa kanya kung nasaan ka.

Dahil alam ko, alam kong nabasa na niya ‘yon sa dyaryo, o nakita niya sa internet, o napanuod sa TV. Alam ko, alam kong alam na niya kung nasaan ka, dahil ‘di ba sabi mo family friend mo ‘tong si Jasper. Kaya imposibleng hindi niya alam lalo na’t nasa pamilya mo na ikaw.

Sabi niya alam niya, nagkita na raw kayo, nung isang araw lang.

Parang may kumurot sa puso ko nang marinig ko ang sinabi niya.

Nauna ka pa niyang makita kaysa sa akin.

Sabi niya pa ay pinuntahan ka niya sa bahay ng magulang mo sa Cebu nung isang araw simula nung nakita niya ang balita sa internet. Sabi niya rin na inaasahan na niyang pupuntahan ko siya, pero pinaliwanag niya sa akin na wala siyang nakuhang kahit anong paliwanag sa’yo dahil kahit siya daw ay ayaw mong sagutin, hindi mo rin sinasabi kung bakit mo iniwan si Paopao. Hindi mo daw pinapansin lahat ng tanong niya.

Kaya’t agad akong lumapit sa Jasper na ‘yon, wala na akong pakealam kung magmukha akong kawawa sa paningin niya pero nakiusap ulit ako sa kanya, nagmakaawa ulit ako sa kanya na sabihin sa’yo na umuwi na siya, nakiusap ako na kung pwede, kung pwedeng pakisabi sa’yo na hihintayin kita, hihintayin kita sa linggo sa apartment natin, hindi ako papasok sa trabaho, mag-di-day off ako, gusto lang kitang makita ulit.

Kaya naman nung linggo noon, maaga akong gumising para makapamili ng pagkain sa palengke, sinama ko si Paopao mamili noon, pinagtitinginan siya ng mga nagbebenta dahil tuwang-tuwa sila sa pisngi ng anak natin na nagmana sa’yo. Naka-tawad tuloy ako sa mga gulay dahil natutuwa sila sa anak natin. Pagkauwi ko naman ay agad kong pinadede at pinatulog si Paopao para malinis ko ‘yung buong bahay, niluto ko rin ‘yung paborito nating Bicol Express, dinagdagan ko ‘yung anghang kasi alam kong mahilig ka rin sa maanghang katulad ko.

Hindi ko nga alam kung nakailang suklay at palit ako ng damit noon dahil hindi ako mapakali sa itsura ko. Naglagay ako ng polbo sa mukha ko pero namuo na naman ‘yon katulad noon. Katulad nung unang beses kong sinubukang pumorma sa’yo. Hindi ko na nga rin alam kung nakailang wisik ako ng pabango noon.

Pati si Paopao ay binihisan ko ng damit na maganda, naparami rin ako ng polbo sa kanya, nagulat nga ako nang marinig ko siyang tumawa habang nilalagyan ko ng polbo ‘yung pwet niya, hindi ko tuloy mapigilan na mapangiti.

Noong ko lang ulit nahuli ‘yung sarili ko na ngumiti simula nung iniwan mo kami.

Nang maayos ko na lahat, kahit hindi pa rin ako mapakali sa suot ko, ay naupo na ako sa harap ng lamesa, panay ang kuyakoy ng mga paa ko dahil kinakabahan ako, iniisip ko agad kung anong unang sasabihin ko sa’yo kapag nakita kong pumasok ka na sa pintuan.

Lalapit ka kaya sa akin para halikan ako? Yayakapin? Kakausapin? O mas uunahin mong kurutin ang pisngi ni Paopao? Gagalaw na naman kaya ‘yung paa mo habang kinakain mo ‘yung niluto ko? Aasarin mo kaya ako kapag nakita mo ‘yung bagong gupit ko? Napakagat tuloy ako sa labi ko para pigilan ang pag ngiti ko dahil sa pag-iisip ng mga posibleng mangyari pag-uwi mo.

Medyo nag-aalala nga lang ako noon sa kasi gumagabi na pero wala ka pa, malamig na rin ‘yung niluto kong ulam, pero ayos lang pwede ko namang i-init ‘yon, malayo pa kasi ‘yung pinanggalingan mo kaya baka natagalan ka.

Kaso umabot na ng alas diez, alas onse, alas dose, at umaga.

Hindi ko na namalayan na may araw na pala sa labas, na tumitilaok na pala ‘yung mga manok, na panis na pala ‘yung niluto kong Bicol Express, kasi nakaupo pa rin ako sa harap ng hapagkainan habang buhat-buhat ko si Paopao na natutulog dahil hinihintay pa rin kita.

Hinihintay pa rin kitang umuwi kahit alam ko naman na hindi ka na babalik.

Hindi ako natulog, nanatili lang ako sa pwesto ko dahil hindi ako makagalaw, alas nuwebe na ng umaga nang biglang may kumatok sa pinto ng bahay natin, hindi nakasarado ‘yung pinto dahil iniisip ko na baka nawala mo ‘yung susi kaya’t hinayaan ko lang ‘yung nakabukas.

Kaya’t nang bumukas iyon ay mabilis na napabaling doon ang paningin ko.

Bumungad sa akin si Jasper na nakatayo sa harapan ng pinto natin, nakita ko ang awa sa mga mata niya nang makita niya akong nakaupo sa harap ng hapangkainan, bihis na bihis kahit namumula na ang mga mata dahil wala pa ring tulog. Pumasok siya sa loob ng bahay kahit hindi siya nagpapaalam, lumapit siya sa akin at agad na bumaba ang tingin niya kay Paopao na mahimbing na natutulog, walang kamalay-malay na wala na talaga ‘yung isang tatay niya.

Iniisip ko pa lang kung papaano ko ipapaliwanag kay Paopao paglaki niya na iniwan mo kami ay para akong mababaliw, hindi ko alam kung papaano ko sasagutin ang mga tanong niya dahil kahit ako mismo ay hindi ko alam kung anong sagot sa lahat ng tanong ko.

Humingi ng tawad sa akin ‘yung Jasper, nasabi naman daw niya sa’yo kahit hindi ka na nagsalita simula nung sinabi niya sa’yo na hahantayin kita sa apartment, hindi raw niya sinabi agad kahapon dahil umaasa rin ‘yung Jasper na babalikan mo si Paopao. Iniisip niya na baka magbago pa raw ang desisyon mo para kay Paopao, kaya hindi niya rin inaasahan na hindi mo kami sisiputin. Kaya paulit-ulit siyang humingi ng tawad sa akin kahit wala namang siyang kasalanan.

Alam mo, Viel? Naiinis pa rin ako sa kanya, kasi ayokong makita ‘yung klase ng tingin na binibigay niya sa akin, na para bang kawawang kawawa ako sa paningin niya. Hindi ko kailangan ng awa niya kaya naman nakiusap na lang ako sa kanya na umalis na lang siya ng bahay.

Wala siyang nagawa kundi ang umalis, pero bago siya tuluyang umalis ay sinabi niya sa akin na nabalitaan niyang binayaran daw ng buong pamilya mo ‘yung mga nurse at doctor sa ospital nila na huwag ipagkalat na nanganak ka. Kini-control din daw ng pamilya mo lahat ng mga balita tungkol sa’yo, pinabura mo raw lahat ng patunay na nandito ka lang sa Maynila buong taon, pati ang mga record mo sa ospital ay wala na. Kaya tinanong ko sa kanya kung pinabura mo rin ba ang pangalan mo sa mga papeles ni Paopao, umiling ‘yung kaibigan mo at sinabi niya na baka kaya hindi mo na pinabura ang pangalan mo ay dahil hindi mo naman ‘yun tunay na pangalan.

Napapikit ako nang mariin dahil pilit kong kinakalma ang sarili ko.

Lalabas na sana siya pero pinigilan ko siya.

Tinanong ko kung pwede ba niya akong samahan sa Cebu.

Hindi ko alam kung bakit ko tinanong ‘yon lalong lalo na sa kanya, pero hindi ko inaasahan na papayag siya.

Kinubakasan agad noon ay lumipad kami patungong Cebu, iniwan ko si Paopao kay Ate Rica, hindi ko rin alam na papayag siya na mag-off sa trabaho ng tatlong araw para alagaan si Paopao, sabi ko ay babawi ako sa kanya pero inirapan niya lang ako at sinabing matagal na rin naman niyang gustong mag-day off, noon lang daw talaga siya nagkaroon ng dahilan. Wala akong extrang pera kaya wala akong nagawa kundi gastusin ‘yung perang binigay mo noon, papalitan ko naman ‘yon, kaya’t ginamit ko muna sa pamasahe at pagbigay ng pera kay Ate Rica dahil sa pang-aabala ko sa kanya.

Buong flight naman kaming hindi nag-uusap ni Jasper noon, magkatabi kami pero wala kaming kibuan sa isa’t isa. Nang makarating kami sa Cebu ay huminto muna kami sa isang restaurant dahil kailangan pa niyang kontakin ang secretary mo na kailangan ka niyang kausapin. Habang naghahantay kami ay hindi ko maiwasang hindi umorder ng beer, nakita kong napailing siya sa akin pero pinilit ko dahil kailangan ko noon.

Kailangan ko ng lakas ng loob na harapin ka.

Wala na siyang nagawa kundi pabayaan akong uminom noon, ilang saglit lang ay sumagot ang secretary mo na nasa Maynila, para sabihin na pumapayag kang kausapin siya. Medyo tinamaan ako ng alak kaya naman buong byahe patungo sa bahay niyo sa Cebu ay kinikontra ng kalasingan ko ang bilis ng tibok ng puso ko, pati na rin ang panginginig ng mga kamay ko.

Kakarating pa lang namin sa tapat ng malaking gate ng bahay niyo ay nanliit na agad ako. Halos hindi ko na matanaw ang tuktok ng gate niyo dahil sa sobrang laki at taas noon. Hindi ko tuloy maiwasan na mas lalong kabahan dahil natatakot ako sa magiging reaksyon mo, natatakot din ako kasi alam ko namang hindi ako magugustuhan ng pamilya mo, pero wala nang ibang pumapasok sa isip ko noon kundi ang makita ka lang.

Kinausap ni Jasper ang guard niyo doon sa Cebu at ilang saglit lang ay pinapasok na kaming dalawa sa loob, mas lalo lang bumilis ang tibok ng puso ko nang makita ko kung gaano kalaki ang bahay niyo sa Cebu, sabi ni Jasper ay vacation house niyo lang daw ‘yon, ibig sabihin ay mas malaki pa doon ang iba niyong bahay.

Tang ina, kada hakbang ko papalapit sa pinto ng bahay niyo ay mas lalo lang akong nanliliit.

Pinagbuksan kami ni Jasper ng isang helper niyo at tinuro agad nito ang daan patungo sa sala ng bahay niyo.

Doon, nakita ulit kita.

Maganda ka pa rin, gwapo ka pa rin.

Nakaupo ka sa malaking sofa niyo na may kulay gintong lining, halatang mamahalin, sobrang lawak ng salas niyo at may ilang mga helper ang nakabantay sa’yo habang umiinom ka ng tsaa sa mamahaling tasa niyo. Bigla tuloy akong nahiya dahil sa apartment natin sa Maynila, minsan nakikita kitang umiinom ng tubig sa plastic cup na lalagyanan ng cup noodles na hindi natin tinapon o ‘di naman kaya ay sa glass na lalagyanan ng naubos nating kape.

Pero agad kong winakli sa isip ko ‘yon dahil noon na nga lang kita ulit nakita, mas iniisip ko na naman ‘yung ibang bagay bukod sa’yo.

Tandang-tanda ko pa ‘yung araw na ‘yon, Viel.

Tandang-tanda ko pa kung paano ka sumimsim sa tsaa na iniinom mo, tandang-tanda ko rin kung paano mo ibinaba ang tasa mo bago ka humarap sa direksyon namin ni Jasper, tandang-tanda ko pa kung paano nagtama ‘yung mga mata natin, at kung paano ka natigilan habang nakatingin sa mukha ko, wala kang reaksyon pero tumagal ang tingin mo sa akin, hindi ko mabasa ‘yung mga mata mo dahil nakatitig ka lang sa akin bago mo inilipat ang tingin mo kay Jasper.

Tinanong mo siya kung anong ginagawa niya sa Cebu, hindi mo ako pinansin, para bang wala ako doon.

Itinuro niya lang ako bago siya nagpaalam na iiwan na niya tayong dalawa pero mabilis mo siyang sinundan, hinawakan mo ‘yung braso niya para pigilan siya sa pag-alis, hindi ka nakapagsalita, napatitig ka lang sa kanya pero para bang nagmamakaawa ang mga mata mo na huwag siyang umalis.

Napasuklay ako sa buhok ko dahil hindi ko inaasahan ‘yun, hindi ko inaasahan na masakit palang makita kang nagmamakaawa sa iba na huwag silang umalis, samantalang ako, nandoon ako sa mga oras na ‘yon, dahil gusto ko rin magmakaawa sa’yo na bumalik ka na sa akin.

At dahil lasing ako noon, malakas na naman ang loob ko, kaya’t lumapit ako sa’yo, nakita ko ang panginginig ng labi mo habang tinitingnan mo ako na nakatayo malapit sa’yo, marahan kong inalis ang kamay mong nakahawak sa braso ni Jasper, at nang tuluyan ka nang humarap sa akin ay agad kitang niyakap.

Nakita ko ang gulat sa mata ng mga helper niyo sa bahay dahil sa ginawa ko, hindi ka kumibo, mukhang kahit ikaw ay nagulat sa ginawa ko. Hindi mo ako niyakap pabalik pero hinayaan mo akong yakapin ka, nung mga oras na ‘yon ay sobrang desperado ko na talaga kaya’t kahit mahawakan lang ay ayos na sa akin.

Hinawakan ko ang batok mo papanik sa buhok mo habang yakap-yakap kita, para akong nahilo na naman nang maamoy kita nang malapitan, ‘yung scent mo na halos baliwin ako nung mga oras na ‘yon, para bang may kung ano sa tiyan ko noon nang muli kitang maamoy. Ayaw ko na talagang bumitaw nung mga oras na ‘yon, kung pwede lang na hindi na ako bumitaw noon, hindi na talaga ako bibitaw.

Habang nakayakap ako sa’yo ay mahina kong binulong na miss na miss na kita.

Sabi ko sa’yo noon, uwi ka na, mahal.

Uwi ka na sa amin ni Paopao.

Hindi ka sumagot, hindi ka gumalaw, hindi mo ako niyakap pabalik.

Nakiusap ako sa’yo na bumalik ka na sa akin, kahit ilang beses nabasag ang boses ko habang nagmamakaawa ako sa’yo na balikan mo kami ay patuloy pa rin ako sa pagsasalita ko. Sa kada salitang binibitawan ko ay mas lalo lang humihigpit ang yakap ko sa’yo pero hindi ka pa rin kumikibo.

Bahagya mo lang akong itinulak noong dumating ‘yung mga magulang mo sa baba pagkatapos silang tawagin ng mga helper, pagkababang pagkababa nila ay marahan mo akong tinulak papalayo sa’yo. Mahina mong sinabi sa akin na umalis na ako, sinabi mo rin kay Jasper na umalis na lang kaming dalawa.

Hindi ako umalis sa pwesto ko, nanatili akong nakatayo sa harapan mo, nakatitig lang sa mukha mo, hindi pa rin makapaniwala na nakita ulit kita kahit ilang minuto na akong nasa loob ng bahay niyo. Wala akong pakealam kahit tinatanong ka ng magulang mo kung sino ako, wala rin akong pakialam kahit narinig kong pati si Jasper ay tinanong nila kung sino ba ako.

Nagkaroon lang ako ng pakialam nung tinanong ka nila ulit at sumagot kang hindi mo alam, hindi mo alam kung sino ako.

Parang may kung anong dumurog na naman sa puso ko.

Hindi mo kilala kung sino ako?

Hindi mo kilala ‘yung tatay ng anak mo?

Kahit si Jasper ay napailing dahil sa sagot mo.

Mabilis kang hinila ng nanay mo para yakapin ka, itinago ka niya sa likod ng tatay mo na para bang piniprotektahan ka nito sa akin. Nakita ko pang hinawakan ka nito sa pisngi para tanungin ka kung ayos ka lang ba, bahagya kang tumango sa kanya bago tuluyan nang natuon ang atensyon ko sa tatay mo na nagagalit kay Jasper.

Sabi pa nito ay kahit anak pa si Jasper ng kumpare niya ay wala siyang pakialam, nagagalit ito na nagdala pa si Jasper ng siraulo.

Na sigurado naman akong ako ang tinutukoy niya.

Mabilis inutusan ng tatay mo ang mga gwardya para kunin ako, kahit si Jasper ay may isang gwardya na humawak sa braso niya pero agad niya itong iwinakli at sinabing huwag siyang hawakan, wala namang nagawa ang isang gwardya dahil mukhang naintimidate ito kay Jasper dahil alam nilang mayaman din ito.

Pero nung ako na ay halos idukdok na nila sa sahig dahil alam nilang kayang kaya nila ako, kaso dahil nga lasing ako ay may lakas ako ng loob na pumiglas.

Ano bang dapat kong gawin para sumama ka sa akin pabalik sa Maynila, Viel? Kailangan ko pa bang lumuhod sa’yo? Madali lang naman ‘yon, kaya ko ‘yon, kaya naman hindi na ako nagdalawang isip na lumuhod sa harap niyo, nakita ko ang gulat sa mukha ng mga magulang mo dahil sa ginawa ko.

Nakiusap na rin ako sa kanila, tutal wala naman na talagang natitira sa akin.

Nakiusap ako na kung pwede kang bumalik sa amin ng anak mo.

Nakita ko ang gulat sa mga mata ng magulang mo, para bang nagulat sila nung narinig nila ang salitang ‘anak’ kaya’t agad itong tumingin sa’yo para tanungin kung anong sinasabi ko.

Hindi ka nakapagsalita agad pero ilang saglit lang sa unti-unti kang umiling pero hindi ka makatingin sa mga mata ko, sabi mo hindi mo alam ang sinasabi ko. Kaya’t pati si Jasper ay biglang nagsalita, tinatanong ka kung anong ibig mong sabihin na hindi mo alam? Mukhang pati siya sa nagulat dahil sa naging sagot mo.

Kung hindi alam ng mga magulang mo.

Ibig sabihin ba noon Viel, ikaw ang nag-utos? Ikaw ang nagpabura ng lahat ng files mo sa ospital nila Jasper? Ibig sabihin ikaw ang nagplano ng lahat ng ‘yon? Desisyon mo ‘yon at hindi ka napilitan lang?

Ganoon ba, Viel? Ganoon ba?

Unti-unti akong napatawa nang sarkastiko, para akong baliw. Alam kong ganoon na ang tingin sa akin ng mga magulang mo noon, dahil sino ba naman ‘tong gagong alpha na bigla na lang susugod sa bahay niyo sa Cebu para lang i-announce sa buong pamilya mo na may anak ka na? Lalo na kung wala naman silang ideya kung sino ako? Syempre iisipin nila na nababaliw na nga ako lalo na’t lasing pa ako at tawa lang ako nang tawa simula nung itanggi mo kami ng anak mo.

Kitang kita ko ang awa sa mga mata ni Jasper at panghuhusga naman mula sa mga helper niyo, pero wala kaong pakealam.

Lasing ako noon kaya’t sumobra ang lakas ng loob ko.

Hanggang ngayon pinagsisisihan ko pa rin lahat ng mga sinabi ko sa’yo nung araw na ‘yon.

Sabi ko, balang araw pagsisisihan mo lahat ng ginawa mo, pagsisisihan mo lahat ng sinabi mo, at pagsisisihan mo ‘yung pag-iwan mo sa amin ng anak mo. Hindi ka magiging masaya kahit kailan dahil araw-araw, maaalala mo kami, maalala kami ni Paopao sa lahat ng bagay na makikita mo.

Habang kami? Kami ng anak mo?

Magiging okay kami, magiging okay kami ng wala ka, hindi kami magsisisi dahil alam ko, alam kong ginawa ko lahat para mapabalik kita, magagawa namin ni Paopao lahat ng pinangarap natin dati kahit wala ka.

Mapapalaki ko si Paopao nang maayos kahit wala ka sa tabi ko, at hindi ako magsisisi, pero ikaw? Ikaw, Haviel? Buong buhay mong pagsisisihan ‘yon.

At sa bawat araw, bawat okasyon, at bawat pasko, pagsisisihan mo na iniwan mo kami.

Nakita kong may isang patak na luha na bumagsak sa mata mo pero mabilis mong pinunasan ‘yon nung tinanong ka ulit ng tatay mo kung anong pinagsasasabi ko. Muli kang umiling at sinabi mong hindi mo alam. Kaya’t mabilis na inutos ng tatay mo sa mga helper at gwardiya niyo na damputin ako pero mabilis na humarang si Jasper, anito ay huwag akong hawakan dahil kapag may isa sa mga gwardiya niyo ang humawak sa akin ay magsasampa siya ng kaso.

Kahit ang tatay mo ay nagulat dahil sa lakas ng pagkakasabi ni Jasper noon, ilang segundong walang kumikibo sa ating lahat noon, habang ako ay nakatitig pa rin sa’yo, pinagdarasal na sana ay isang malaking bangungot lang ‘yon, lalo na nang magtama ang mga mata natin ay bigla kang umiwas ng tingin sa akin para yumakap nang mahigpit sa nanay mo, napailing na lang si Jasper sa’yo bago niya ako hinila palabas ng bahay niyo.

Wala na ako sa sarili ko buong byahe pabalik sa Maynila.

Kahit noong mga sumunod na araw, linggo, buwan, ay wala pa rin ako sa sarili ko. Halos araw-araw ay pinupuntahan ako ni Ate Rica sa bahay para pagsabihan ako, minsan ay padabog niyang hinuhugasan ang mga pinggan sa bahay na hindi ko na nahuhugasan dahil palagi na lang akong tulala, pero agad ko siyang pinipigilan kaya’t nag-aaway lang kami. Minsan naman pati si Jasper ay pumupunta rin sa bahay para tingnan si Paopao. Pilit siyang nagbibigay sa akin ng tulong sa akin, sabi niya rin na libre ang lahat ng check up ni Paopao sa ospital nila, pero tinatanggihan ko ‘yon dahil hindi ko kailangan ng tulong ng kahit sino.

Hindi ko kailangan ang tulong ni Jasper, o tulong ni Ate Rica, o kahit ikaw, hindi ko kailangan ang tulong niyo.

Ganoon katigas ‘yung ulo ko noon, ayokong tumanggap ng tulong ng kahit na sino.

Hanggang sa isang araw umuwi ako galing sa pinagtatrabahuhan ko, pinapunta kasi ako doon ng boss ko kahit day off ko dahil may sasabihin daw siya sa akin, sisisantihin lang pala ako dahil nakalimutan kong isarado ang pinto ng coffee shop kaya’t nanakawan sila ng mga gamit. Sabi pa nito ay sasampahan niya ako ng kaso pero wala nang pumapasok sa isip ko noon, para bang lahat ng sinasabi niya ay lumalabas lang din sa kabilang tenga ko. Kitang kita kasi sa CCTV na wala ako sa sarili ko sa huling out ko.

Pagdating ko sa bahay ay nanlalata ako pero bigla akong bumalik sa ulirat nang makita kong basag ang bintana ng apartment, pagpasok ko sa loob ay para akong binuhusan ng malamig na tubig nang hindi ko nakita si Paopao sa kuna niya. Mabilis na kumalabog ang tibok ng puso ko, agad kong nilibot ang buong apartment para hanapin ang anak natin pero kahit saan ay wala siya, kahit sa mga imposibleng pwesto kagaya ng banyo at kabinet ay tiningnan ko na pero wala pa rin siya. Mabilis kong kinatok ang pinto ng kapitbahay nating matanda, tinanong ko kung may nakita ba siyang pumasok sa bahay natin, ang sabi niya ay wala daw siyang napansin, nag-aalala niyang tinanong kung anong nangyari, nang sinabi kong nawawala ka ay agad itong nag-panic, sabi niya ay tatawag daw siya sa pulis kaya’t tumango na lang ako bago ako nagtatakbo palabas, nagtatanong sa bawat tayong madaanan ko sa hallway kung nakita ba nila si Paopao.

Mabilis at halos hindi na maintindihan ang mga sinasabi ko dahil sa sobrang taranta ko habang dini-describe ko ang itsura ng anak natin sa lahat ng tao. Hanggang sa may isang nakapagsabi sa akin na may nakita raw silang mamahaling sasakyan kanina sa tapat ng apartment building natin, anito ay nakita nila ang lalaking pumasok sa kotse niya na may dala-dalang bata, halata raw na nagmamadali ito dahil pinaharurot pa nito ang sasakyan.

Napasabunot ako sa buhok ko dahil hindi ko na alam ang gagawin ko.

Isa lang ang tanong ko sa isip ko nung mga oras na ‘yon.

Hindi mo naman siguro kinuha si Paopao, ‘di ba?

Halos mapaluhod ako sa kalsada habang iniisip ko pa lang na baka tinangay mo si Paopao. Hirap na hirap na nga ako na wala ka, paano pa kung pati si Paopao ay mawawala na rin sa akin?

Kaya’t nagmamadali kong dinial si Ate Rica sa pinaglumaan niyang cellphone na ibinigay niya sa akin. Nanghihina ang mga tuhod ko at nanginginig ang mga kamay ko habang pinapakinggan ko ang pagtunog ng cellphone ko hanggang sa tuluyan na ‘yung sagutin ni Ate Rica.

Halos mabasag ang boses ko nang sinabi ko sa kanyang nawawala si Paopao, nung una ay hindi niya maintindihan kaya’t agad niyang pinaulit sa akin, kaya’t inulit ko ‘yun nang buo. Rinig na rinig ko kung papaano niya nabitawan ang hawak niyang baso mula sa kabilang linya. Ilang minuto lang ay nasa tapat na siya ng apartment, dala-dala ang sasakyan niya at ang tatlong anak niya.

Mabilis niyang pinaharurot ang sasakyan patungo sa ospital nila Jasper, dahil sobrang desperado ko na talaga nung mga oras na ‘yon. Kailangan ko na ng tulong nilang lahat para makita ko si Paopao. Hindi na ako nagtanong sa front desk dahil kilala na rin naman nila ako, at alam nilang wala na silang magagawa, naiwan sa first floor si Ate Rica buhat-buhat ang bunso niya at naka-akay naman ang dalawa. Dumiretso agad ako sa ospisina niya pero pagbukas ko ng pinto ay wala doon si Jasper, nandoon ang secretary niya at nang makita niya ako ay para bang inaasahan na niya dahil agad ako nitong dinala patungo sa isang private room sa first floor, pagbukas ko ng pinto ay nandoon si Jasper, pati si Ate Rica at ang mga anak niya na iniwan ko kanina, may kasama silang pulis na tinawagan ng matanda nating kapitbahay, at mga doctor at nurse sa ospital.

Paglingon ko sa hospital bed ay nandoon si Paopao.

Agad akong nagtatakbo patungo sa anak natin para hawakan siya, may nakalagay na oxygen sa ilong niya at sobrang taas ng lagnat niya.

Sabi ng doctor ay fever lang naman daw pero mahina ang baga ni Paopao kaya’t nahihirapan itong huminga. Hindi ako nakapagsalita agad dahil hindi ko naman napansin na may lagnat pala si Paopao bago ako umalis. Kausap ni Jasper ang mga pulis, pati si Ate Rica ay nakikinig sa usapan nila, pinaiwan muna ni Ate Rica ang mga anak niya sa mga pulis bago niya ako inayang lumabas muna.

Hindi ako pumayag dahil ayokong mawala sa tabi ni Paopao, natatakot na baka kapag nawala na naman siya sa paningin ko ay bigla na naman siyang maglaho. Natatakot na kong iwanan siya, natatakot na akong maramdaman ‘yung naramdaman ko kanina, kagaya nung naramdaman ko nung umalis ka.

Pero naramdaman ko na ang iritasyon sa boses ni Ate Rica kaya’t wala akong nagawa kundi ang sumama sa kanya, pagkalabas na pagkalabas pa lang namin sa ospital ay isang malakas na sampal agad ang natanggap ko sa kanya. Hindi ako nakapagsalita agad, lalo na ng sunod-sunod niya akong pinaghahampas sa dibdib ko habang paulit-ulit niya akong tinatanong kung bakit ko iniwan mag-isa si Paopao sa bahay. Hindi ko rin alam kung anong pumasok sa isip ko noon, malapit lang naman kasi ang pinagtatrabahuhan ko, kalahating minuto lang naman akong nawala, ‘yun lang ang dahilan ko, bukod sa nahihiya kasi akong tumawag kay Ate Rica noon para pabantayan si Paopao, ayoko na rin kasing humingi ng tulong sa kanya noon.

Bumisita pala si Jasper sa bahay noon pero naabutan niyang nakasarado ang pinto, aalis na sana siya pero narinig niyang umiiyak si Paopao kaya’t agad niyang binasag ang bintana para puntahan si Paopao na mataas na pala ang lagnat noon, tsaka niya ito sinugod nang mabilis sa ospital.

Wala akong magawa kundi ang tanggapin lang ang bawat hampas at suntok ni Ate Rica sa akin, dahil alam kong ako ang mali hanggang sa nagulat na lang ako nang bigla siyang humagulgol. Humagulgol siya nang malakas habang sinasabi niya sa akin na ayusin ko raw ang sarili ko, nahihirapan na raw siyang makitang nagkakaganoon ako, parang kapatid na raw niya akong ituring kaya’t nasasaktan na rin siyang makitang halos hindi ko na mapulot ‘yung bawat piraso ng sarili ko, kaya sana naman daw ay umayos na ako, kahit hindi na raw para sa sarili ko, kahit para na lang daw kay Paopao.

Sabi ko, hindi ko na kaya, nahihirapan na ako, pero sabi niya lahat naman mahirap, sa tingin ko raw ba ay hindi niya naranasan ‘yung mga nararanasan ko? Tatlong beses na niyang naranasan ‘yon pero kailangan niyang lumaban hindi para sa sarili niya kundi para sa mga anak niya, at kahit kailan, kahit walang wala na siya, hindi niya pinabayaan ‘yung mga anak niya. Lahat ng ‘yon ginawa niya mag-isa, at ayaw niyang hayaan na ganoon din ang mangyari sa akin, ayaw niyang maging mag-isa lang ako, kaya’t kung maaari, tanggapin ko ang tulong niya, tulong ni Jasper, at kahit ‘yung maliliit na tulong ng kapitbahay natin.

Sinasabi niya ‘yon habang umiiyak siya at hinahampas ako ng walang tigil, sinasapo ko lang lahat dahil hindi naman ako nasasaktan sa hampas niya dahil nanghihina na si Ate Rica sa pag-iyak niya, mas nasasaktan pa ako sa mga sinasabi niya dahil tama siya, totoo lahat ng sinasabi niya. Pabaya ako. Masyado akong gago noon para iwanan si Paopao sa loob ng bahay sa loob ng kalahating oras, akala ko ay sampung minuto lang ako mawawala noon dahil may papakita lang ang amo ko, pero inabot ako ng kalahating oras, nababaliw na nga yata ako nung mga oras na ‘yon.

Noon ko lang napagtanto na hindi ko pala kaya, hindi ko pala kayang maging matinong tatay. Hindi ako mabuting tatay, hindi ko kaya. Wala akong kwenta.

Nang marinig ni Ate Rica ‘yon ay sinampal niya ulit ako, pilit niya akong ginigising para bumalik daw ako sa katinuan ko. Wala naman daw nagsasabing hindi ko kaya dahil kaya ko raw, kaya ko dahil lahat naman daw ginagawa ko para kay Paopao simula pa noon.

Kaya sana naman daw ay umayos ako, dahil kailangan kong maibalik ‘yung dating ako, ‘yung dating ako nung kasama pa kita, para kay Paopao.

Sabi pa ulit ni Ate Rica ay sana naman daw matuto na akong tumanggap ng tulong mula sa iba. Kung ayaw ko raw na tulungan nila ako, pwes kahit man lang daw si Paopao ay hayaan ko na tulungan nila.

Hindi ako kumikibo dahil hindi ko alam kung kaya ko, hanggang sa muli siyang nagsalita. Sabi niya, sana naman daw kahit ‘yung tulong mo, tanggapin ko, dahil deserve daw ni Paopao ‘yon.

Ilang araw pagkatapos ng pag-uusap namin ni Ate Rica noon ay hindi na nawala sa isip ko lahat ng sinabi niya. Silang dalawa ni Jasper ang nag-asikaso ng lahat ng gulo na ginawa ko noon, binago pa nila ang kwento para kalimutan na lang ng mga pulis ang nangyari, habang ako naman ay nagbabantay lang kay Paopao sa ospital. Hindi ako umaalis sa tabi niya, nabalitaan ko rin kay Ate Rica na paminsan-minsang dumadaan sa apartment ko para ikuha ako ng bagong damit na patuloy pa rin daw ang pagpapadala mo ng pera sa akin.

Halos araw-araw na raw ngayon, kaya’t nagtataka naman ako kung bakit, hanggang sa lumabas ako ng kwarto ni Paopao para bumili ng kape sa hallway ng ospital nang bigla kong marinig ang pangalan na Adriel Beaufort sa TV. Napalingon ako sa TV sa hallway ng ospital, maraming mga nakaupo sa hospital bench habang ako naman ay nakatayo lang habang hawak-hawak ang mainit na kape.

Sabi sa TV ay bumalik ka na raw sa Maynila, dito ka na raw ulit maninirahan.

Taga-rito ka lang pala dati, kaya pala ayaw mong lumalabas ng bahay.

Hindi ko alam, pero dapat galit ako sa’yo noon, dapat hindi ako masaya na makita ka ulit kahit sa TV lang, dapat hindi bumilis ‘yung tibok ng puso ko nang makita kong ngumiti ka sa camera, pero wala eh, hanggang noon, mahal pa rin kita.

Iniisip ko noon, kailan kaya ulit kita matitingnan na hindi ako nasasaktan?

Paano ko ipapaliwanag kay Paopao kapag paglaki niya kung bakit ka nawala?

Kasi kahit ako, Viel.

Hindi ko alam.

Kaso noong mga oras na ‘yon, naisip ko, walang mangyayari sa amin ni Paopao kung buong buhay ko lang tatanungin ang sarili ko kung bakit ang bilis mo namang nawala sa amin.

Kaya noon mismo, nung makita kong okay ka naman, mukhang masaya ka naman, nakapagdesisyon na ako na ipagpapatuloy ko na ‘yung buhay ko nang wala ka.

Pero, sa huling pagkakataon, bibigyan ko ulit ng tsansa ‘yung sarili ko.

Hindi ikaw ‘yung binigyan ko ng tsansa noon, kundi ang sarili ko at si Paopao.

Sa huling pagkakataon, paglabas ni Paopao sa ospital, ay gumawa agad ako ng sulat, humingi ako ng tulong kay Jasper at Ate Rica kung paano ko mapapadala ‘yun sa’yo. Hindi sila nagdalawang isip na tulungan ako.

Hindi ko alam kung natanggap mo, o kung nakarating ba sa’yo, kung nabasa mo ba ‘yung sulat ko, pero kahit alam kong napakaliit ng pursyento na makita mo ‘yon ay naghintay pa rin ako.

Naghintay ako sa apartment natin, naghintay ulit ako kahit nakahanda na ‘yung mga gamit namin ni Paopao.

Kahit hindi sang ayon si Ate Rica at si Jasper sa desisyon ko.

Hinayaan nila ako, dahil sabi ko ay kailangan kong umalis sa apartment na ‘yun para maging okay ako, kasi kahit saang sulok ng bahay na ‘yon ay nakikita ko lang ang mukha mo.

Ayokong umalis sa totoo lang, ayokong iwan lahat ng memories mo kasi baka pagtagal ay tumatak sa akin na baka nga isa ka lang mahabang panaginip.

Natatakot ako na baka hindi ko na matandaan ‘yung scent mo, baka hindi ko na maalala ‘yung tawa mo, baka hindi ko na matandaan ‘yung pakiramdam ng labi mo.

Kung ako lang, ayoko talaga, ayokong gumising sa panaginip ko kung ikaw ‘yung makikita ko doon, hindi ako gigising kahit maging bangungot pa, basta kasama kita, kaso paano naman si Paopao? Mapapabayaan ko siya kapag hindi ako gumising.

Kaya kailangan ko ng umayos, pero binibigyan ko pa ng pagkakataon ang sarili ko, kasi umaasa pa rin ako, hanggang sa huling pagkakataon na babalik ka pa.

Na hindi mo kami hahayaan ni Paopao na umalis sa lugar na ‘yon.

Inabot na ng gabi nang may kumatok sa pinto ng apartment natin.

Bumilis na naman ang tibok ng puso ko sa pag-aakalang ikaw ang tao sa pinto, pero pagbukas ko ay isa na namang kahon ang bumungad sa akin.

Kinuha ko ‘yon at binuksan, pera lang ulit ang laman.

Kaya naman isinarado ko ‘yun bago ako humarap kay Paopao. Ipinasok ko ang pera sa loob ng bag kasama ang lahat ng pera na ipinadala mo sa amin.

Tandang tanda ko pa ‘yung sinabi ko kay Paopao nung mga oras na ‘yon.

Sabi ko, “Anak tara na, ‘di na dadating si Papa.”

Kaya umalis kami, umalis kami na iniwan ko lahat ng mga gamit mo, kasama ‘yung mga alaala, pati ‘yung pag-asang babalik ka pa.

Nag-iwan ako ng mga sulat din doon, sulat para kay Ate Rica, nagpapasalamat ako sa lahat ng tulong niya sa akin, ganoon din kay Jasper, kahit naiinis pa rin ako ng konti sa kanya ay nagpasalamat din ako sa kanya sa lahat ng tulong na ginawa niya para kay Paopao, pati sa’yo, may iniwan akong sulat doon para sa’yo.

Pasensya na kayo kung ‘di ko sinulat kung saan kami lilipat na lugar ni Paopao, pero maganda naman ‘yung lugar na nalipatan namin, mababait lahat ng tao sa bagong pack na sinalihan namin. Maganda ‘yung naging buhay namin doon.

Ginamit ko rin nga pala ‘yung lahat ng pera na binigay mo, kasi tama naman si Ate Rica, hindi naman para sa akin ‘yon, kaya hindi ko pwedeng tanggihan, para kay Paopao ‘yon no? Child support? ‘Yun ang sabi ni Ate Rica eh, kaya tinanggap ko na.

Bumili ako ng bagong bahay gamit ‘yon, maliit kang naman ‘yung bahay pero kasya na kami ni Paopao, ‘yung iba naman ay pinangpatayo ko ng business, may karinderya na ako doon sa bagong lugar na nilipatan namin, ang daming bumibili kaya’t nai-su-survive namin ni Paopao ‘yung pang-araw araw na buhay namin. ‘Yung iba naman ay itinabi ko para sa pag-aaral ni Paopao at pati sa ilang mga okasyon.

Noong unang lipat ko nga dito ay naiisip pa rin kita, ang hirap mo kasing alisin sa isip ko lalo na nang makita kong may Jollibee sa bayan na nilipatan ko. Kahit saan talaga sinusundan ako ng kulay pulang bubuyog na ‘yon, tapos sakto pa na may perya kasi malapit na pala agad ang fiesta sa lugar na ‘yon nung bagong lipat pa lang ako, parang nananadya talaga ‘yung tadhana, pero natawa na lang ako nang mahina dahil bumili pa rin ako ng pagkain sa Jollibee, at tsaka ako pumasok sa perya para tumaya sa color game.

Natatawa nga sa akin ‘yung nagpapalaro kasi baby pa si Paopao pero sabi ko, turo niya ‘yung gusto niyang kulay, nahawakan ni Paopao ‘yung kulay yellow, kaya tinayaan ko ‘yun. Alam mo bang nanalo agad siya? Kahit ang mga nanunuod ay natuwa nang makita nilang nakuha ni Paopao ‘yung grand prize? Sabi ko sa’yo eh, mana sa akin ‘to.

Alam mo rin ba na naisip ko na hanapin sila Nanay? Naisip kong bumalik sa dati nating baryo para kuhanin sila at lumipat kami dito sa bagong lugar na nilipatan ko, paniguradong magugustuhan din ni Nanay dito kasi madaming halaman at mga bulaklak, pwede rin magtayo si Tatay ng manukan niya, lalo na si Mutya? Nako, matutuwa ‘yon kasi madaming pogi at magandang alpha dito.

Makikita nilang lumaki ‘yung apo nila kapag kinuha ko sila, tapos gagawin kong titang ina si Mutya kapag nagtatrabaho ako sa karinderya para may magbabantay kay Paopao, susuhulan ko na lang siya ng mga make up at bagong damit, mahilig din naman sa bata ‘yon.

Kaso naisip ko, mas gugustuhin kong isipin nila na magkasama tayo, na hindi mo kami iniwan. Mas gugustuhin kong isipin nila na nasa malayong lugar tayo, at masaya tayong tatlo nila Paopao. Ayoko kasing mabago ‘yung tingin nila sa’yo, lalo na si Nanay? Magagalit ‘yon sa’yo, ayokong magalit sila sa’yo, Viel.

Ayoko rin na masaktan ‘yung pamilya ko kapag nalaman nilang iniwan mo kami, lalo na si Mutya, idol na idol ka pa naman noon. Masasaktan talaga ‘yon kapag nalaman niyang iniwan mo kami ni Paopao. Kaya mas pinili ko na lang na huwag na silang hanapin.

Tsaka alam mo rin ba, Viel?

Noong pinabinyagan ko si Paopao mag-isa sa isang simbahan dito sa bagong lugar na nilipatan namin, isinulat ko ‘yung pangalan ni Joyjoy at ni Ate Rica na ninang ni Paopao, kahit nga si Mutya ay ginawa kong saling pusa sa mga ninang, kahit medyo labag sa loob ko ay inilagay ko rin ‘yung kaibigan mong si Jasper sa ninong kasi wala akong mailagay bukod sa kanya.

Hindi ko alam kung papaano ko ipapaliwanag kay Paopao kung bakit hindi namin pwedeng puntahan ‘yung mga ninang at ninong niya tuwing pasko.

Pero tyaka ko na iisipin ‘yon, baby pa naman si Paopao.

Bumili rin nga pala ako ng TV tsaka cellphone, napagtanto ko kasi na kailangan ko pala talaga noon, para mapanuod ko sa balita kung uulan ba o hindi, baka kasi paglaki ni Paopao tapos pumapasok sa siya sa school, hindi ko alam kung uulan, baka makalimutan niyang magdala ng payong, baka magmana pa sa akin na laging nakakalimutan ‘yon.

Siguro ay hindi na lang kita titingnan kapag lumalabas ka sa TV, papatayin ko na lang siguro para hindi kita makita, o kaya pagtagal-tagal ay sasanayin ko na lang ang sarili ko na mapanuod ka sa TV hanggang sa wala na akong maramdamang sakit sa tuwing makikita kita.

Alam mo ba? Huling kita ko sa’yo bago ako umalis ng Maynila ay noong nakita kita sa billboard nung bumabyahe na kami ni Paopao patungo sa bagong lugar na lilipatan namin, pero nakita kita ulit sa TV, pagkalipat na pagkalipat namin. Live video ‘yon ng unang labas mo para magpa-interview sa presscon.

Aaminin ko, masakit pa rin, Viel.

Pero pinanuod ko pa rin.

Wala eh, tanga ko.

Mahal pa rin kita.

Sabi ko sa sarili ko last na talaga ‘yon, gusto ko lang makita na ayos ka lang, gusto ko lang masigurado na masaya ka, na masaya ka sa pinili mong buhay.

Mukhang masaya ka naman, mahal ka ng lahat ng tao, lahat ng kasiraan sa’yo noon ay bumaliktad simula noong nagsalita ka sa presscon. Ibang iba ‘yung kwento mo kung bakit ka nawala ng ilang taon, wala kami sa kwento mo, kaya minsan naiisip ko na baka nga guni-guni ko lang ‘yung mga nangyari sa atin noon, baka hindi ka naman talaga totoong dumaan sa buhay ko, kaso napatingin ako kay Paopao. Kung hindi ka totoo, eh bakit kamukhang kamukha mo ‘yung anak natin? Sobrang tambok din ng pisngi katulad mo. Natawa ako nang mahina dahil hindi mapapagkailang anak mo si Paopao.

Napabalik lang ang tingin ko sa TV noong in-announce mo rin na may bago kang business na make up. Naalala ko na ‘yun nga pala ‘yung billboard na nakita ko sa byahe paalis ng Maynila.

Alam mo, bagay ‘yung business mo na ‘yon sa’yo, tsaka alam ko naman na mahilig ka talaga do'n kaya alam kong mag-e-enjoy ka sa business mo, tsaka tiyak na papatok ‘yon, lalo na kung ikaw ang mag-mo-model?

Magiging masaya ka naman siguro sa business mo.

Alam mo, nung napanuod kita sa TV, kumirot ‘yung puso ko kasi naalala ko lahat ng sinabi ko sa’yo dun sa Cebu. Alam mo ba nagsisisi ako na iyon ‘yung huling mga sinabi ko sa’yo? Hindi ko naman sinasadya na masabi ‘yon, hindi ko naman talaga gustong mangyari ‘yon. Hindi ko nga alam bakit lumabas sa bibig ko ‘yung mga ‘yon.

Siguro galit lang talaga ako ng mga oras na ‘yon, at desperado na rin siguro ako? Gusto ko kasing bumalik ka sa akin nung mga oras na ‘yon, kaya’t kahit ano nalang ang lumabas sa mga bibig ko noon kahit walang katotohanan.

Kasi sa totoo lang, mas gugustuhin kong malaman na masaya ka, na kahit hindi kami ni Paopao ‘yung pinili mo, magiging masaya ka sa buhay na binalikan mo, kasi deserve mo ‘yon. Sa lahat ng pinagdaanan mo, deserve mong maging masaya, Viel.

Kahit hindi kami ang kasama mo, kahit hindi kami ang dahilan, sana piliin mo na maging masaya ka.

At kami ni Paopao?

Huwag mo kaming intindihin.

Pipiliin ko rin na maging masaya kami ni Paopao na kaming dalawa lang.

Pipilitin ko.

Hindi pa sa ngayon, pero sana sa susunod.

Kaya sana ikaw rin, Haviel…

o Adriel.

Notes:

Thank you for reading this story! Sana hindi kayo na-bored huheuhehuehue kasi 'di pa po tapos >,< // There will be an epilogue video on my Twitter and a special chapter from Haviel's point of view, pero oks lang po na hindi niyo na basahin 'yon lalo na sa mga ayaw ng ganoon huehuehue, maglalagay na lang po ulit ako ng tags. XOXO <3

— Heart.